Chapter 8- Destiny's Timeline
Destiny.
"Destiny, here." Inabutan ako ni Reeve ng bulaklak at tsokolate. Namilog ang mga mata ko at napatingin sa paligid namin. Nang wala akong mkitang co-teacher ko ay agad kong inabot ang mga iyon mula sa kaniya.
"What is this?" Nanlalaki ang matang tanong ko at mabilis na pumasok sa sasakyan niya. Natatawang sinundan niya naman ako bago pumasok at umupo sa driver's seat.
"That's just a start. Nanliligaw ako sa'yo 'di ba?"
Napaawang ang labi ko at nag-iwas ng tingin kasabay ng pag-iinit ng pisngi ko. Kung nakita lang siguro ako kanina ni Kris ay malamang magtitili na naman iyong isang iyon. Dinaig pa ako kung kiligin.
"Hindi ako sanay."
"Bakit? Dapat masanay ka na. Reeve Montes ang nanliligaw sa'yo."
Napailing na lamang ako. "Bakit ba napapadalas ang pagiging mahangin mo ngayon?"
"Ayaw mo ba?"
"Tsss... naiinis ako kasi bagay mo. Tara na nga."
Mahina pa siyang natawa ngunit pinaandar niya na ang sasakyan. Tsk. Napaamin pa tuloy ako na bagay nga niya iyong pagiging mahangin niya.
Nagpatugtog pa siya ng Bulong by December Avenue habang nasa biyahe kami. Napangiti tuloy ako ng lihim. Iyon ang kinanta niya noong araw na umamin siya sa akin at tinanong ang pangalan ko. Mag-iisang buwan na din pala ang lumipas. Hindi ko pa rin makakalimutan ang pagtakbo ko mula sa kaniya at ang pagsigaw ni Kris ng pangalan ko dahilan upang malaman niya na Destiny Verdadero ang pangalan ko. Ang simula ng lahat.
Mahinang sinabayan ni Reeve ang chorus ng kanta.
"Ako'y alipin ng pag-ibig mo,
Handang ibigin ang isang tulad mo
Hangga't ang puso mo'y sa akin lang
Hindi ka malilinlang
Ikaw ang ilaw sa dilim at ang liwanag ng mga bituin." Tumingin siya sa direksiyon ko at muli kong nakita ang napakaganda nitong ngiti na para sa akin.
Mahinang natawa ako dahil doon dahilan para matigilan siya.
"Y-you laugh."
Napabungisngis ako dahil doon pero agad din na sumeryoso at tinaasan siya ng kilay. "Eh ano naman?"
"Nothing. Na-amaze ako. I want to see you laugh again."
"Ayoko nga."
"Then I'll just make you happy everyday. Ang ganda mong pagmasdan na masaya ka."
Hindi ko na lamang siya pinansin hanggang sa makarating kami sa ospital. Pinagbuksan ako ni Reeve ng pintuan. Kinuha niya din mula sa kamay ko ang hawak kong bag pati na rin ang bulaklak at tsokolate na binigay niya kanina sa akin. Napailing na lamang ako sa napaka-sweet nitong kilos.
Kumunot ang noo ko nang makita ko ang isang pigura ng babae sa labas ng pintuan ng kuwarto ni Lola. Habang papalapit kami ni Reeve ay kumakabog nang malakas ang dibdib ko.
Wala sa sariling napahawak ako sa braso ni Reeve dahilan para huminto siya at ganon din ako.
"Kilala mo ba iyong babae na nasa labas ng kuwarto ni Lola?" Tanong niya sa akin.
Hindi ko siya binalingan. Mataman lamang akong nakatitig sa babae hanggang sa dahan-dahan itong lumingon sa direksiyon namin.
Gulat, pagtataka at inis ang una kong naramdaman. Mas lalong humawak ang pagkakahawak ko sa braso ni Reeve dahil sa panlalambot na naramdaman ko.
Samantalang siya ay nakaawang ang labi na nakatingin sa akin. Bakas sa mukha niya na hindi siya makapaniwala na nakikita niya na ako sa harapan niya.
"Destiny, anak." Naiiyak nitong tawag sa pangalan ko ngunit imbes na matuwa ako ay napuno ng at pagkadisgusto ang puso ko. Unti-unting lumandas ang luha sa mga mata ko.
Ilang taon na ba ang nakalilipas? Twenty-four na ako. Siyam na gulang lang ako nang iwan nila ako sa poder ni Lola Rosita. Bakit ngayon lang siya nagpakita sa akin? Bakit ngayon pa na kung kailan kinakamuhian ko na siya. Hindi ko na kailangan ng nanay. Hindi ko na kailangan ang taong nasa harapan ko ngayon.
"Diana." Malamig na tawag ko sa pangalan niya.
Namilog ang mata niya dahil sa reaksiyon ko. Napalunok ako at pinunasan ang luha sa mga mata ko.
"Anong ginagawa mo dito?" Matapang na tanong ko. Sinenyasan ko si Reeve na mauna ng pumasok at agad naman itong sumunod sa akin.
"Sa cafeteria tayo mag-usap." Walang emosyon na sabi ko sa kaniya nang hindi niya sagutin ang nauna kong tanong.
Pagkarating namin doon ay nag-order pa ako ng pagkain na para lang sa kaniya. Busog pa ako at wala din naman akong gana kung siya ang kaharap ko ngayon.
"Destiny."
"You keep on calling me using my name and I hate it."
Napaawang ang labi niya sa pagiging straight-forward ko. Iyong dibdib ko ay naninikip. Hindi na naman ako makahinga nang maayos. Nabigla ako sa pagdating niya dito. Hindi ko inaasahan dahil napaka-tagal na ng panahon na wala kaming ugnayan.
"Sorry."
"Again, anong ginagawa mo dito?"
Lumamlam ang mga mata nito. "Dinalaw ko lang si Nanay."
Pagak akong natawa sa sinabi niya. "Si Lola lang talaga ang pakay mo? Wala ka na ba talagang pake sa akin? Ganon mo ba talaga kagusto na iwan ako?! Ang lakas naman ng loob mo na magpakita dito."
Sobrang sama ng loob ko. Gusto kong sumabog sa galit sa kaniya. Gusto kong isumbat sa kaniya ang mga pinagdaanan ko nang mga panahon na kailangan ko ng magulang pero ni isa sa kanila ni Daddy ay walang pumunan ng pagiging magulang sa akin. Iniwan nila ako na parang isang bagay na hindi na nila kailangan pagkatapos na mag-fail ng marriage nilang dalawa. Bumuo sila ng kani-kaniyang pamilya at kinalimutan ako.
"Destiny..."
Sinubukan niyang abutin ang kamay ko ngunit iwinaksi ko iyon at sinamaan siya ng tingin. Napalingon na ang ilang kumakain sa amin dahil doon.
Napapahiyang nagbawi ng tingin sa akin ang babaeng kaharap ko ngayon. Ang tawagin siyang nanay ko ay isang nakakadisgustong pangyayari rin sa akin. Kung hindi nga niya ako minahal bilang anak, bakit ko din siya mamahalin bilang isang ina? Pinagkait niya sa akin ang pagkakataon na magkaroon ng isang ina na mag-aaruga sa isang musmos na batang katulad ko.
"Hindi ko maintindihan. Dati araw-araw kong hinihiling na balikan niyo ako ni Daddy sa bahay ni Lola. Iniisip ko na isang araw mamimiss niyo ako at babalikan niyo din ako. Lahat ng hiling na iyon ay napalitan ng pagkamuhi nang malaman ko na may kani-kaniya na kayong pamilya at nagising ako sa katotohanan na hindi niyo na ako babalikan dahil hindi niyo na ako kailangan."
"Hindi... naiisip din kita noon, Destiny."
"Naiisip mo ako? Naisip mo pala ako edi sana binalikan mo ako, Diana. Ikaw at si Samuel, kayong magulang ko."
Tumulo ang luha sa mga mata niya. Napahikbi na rin siya at alam ko ngayon na anuman sa sasabihin niyang paliwanag ay hindi ko maiintindihan at ang mas masakit baka hindi ko pa matanggap.
"Naiingit ako sa bagong pamilya niyo. Kung makapagsimula kayo ay parang walang batang naipit sa sitwasiyon niyo at tinapon niyo na parang isang bagay na wala ng kuwenta. Tinanggalan niyo pa ako ng papel sa buhay niyo."
"Patawarin mo ang pagkukulang ko sa'yo bilang isang ina, Destiny."
Umiling ako sa kaniya. "Patawad? Saan iyon? Deserve mo ba iyon?
Natigilan siya sa tanong ko at mas lalong napaiyak. Pinunasan ko ang luha sa mata ko at tumayo na.
"Ang paghingi ng tawad ay pagtanggap sa kasalanang ginawa mo sa isang tao ngunit ang kapatawaran ay nakakamit lang kung karapat-dapat na ba ito para sa'yo. Sa ngayon, wala akong makitang rason para patawarin kita. Masiyadong masalimuot ang nakaraan para kalamutan ko na lang ng basta-basta."