Destiny.
Kinaumagahan ay nag-leave na lamang ako sa trabaho. Gusto ko na lamang na manatili dito sa ospital upang mabantayan ko ang pagbabago sa katawan ni La. Ayokong iwan siya dito.
"Destiny, magpahinga ka muna kaya?" Nag-aalalang tanong ni Reeve sa akin. Agad akong umiling at hindi siya binabalingan.
Nanatili akong nakatingin kay La at hawak ang kamay nito. Hindi ko mapigilang mamangha. Ang kulubot na kamay nito ang nagpapaalala kung gaano siya naghirap para lang mabuhay kaming dalawa. Ang mga kamay na ito ang nagbigay ng kanlungan at pagmamahal sa isang batang muntik ng naligaw ng landas. Ito ang mga kamay na kumupkop sa akin. Ang kamay ng taong mahal na mahal ako.
"Si La na lang ang natitira sa akin. Paano na kapag nawala siya? Hindi ko kaya." Puno ng sakit na sabi ko.
Narinig ko naman na napabuntong-hininga si Reeve sa tabi ko. Kumuha siya ng isa pang upuan para makatabi ako.
"Si Manang lagi ka niyang kwinekwento sa akin noon. Hindi man kita kilala pero namamangha ako sa mga kwento niya tungkol sa'yo. Napakabait mo daw na bata at hindi katulad ko na maraming kapilyuhan."
Sumilay ang isang maliit na ngiti sa labi ko dahil sa sinabi niya. Si La talaga. Kahit kailan ay hindi niya sinabi sa iba kung gaano talaga ako kapilya. Hindi naman ako kasingbait ng Destiny sa mga kwento niya. Wala din naman kasing perpektong tao ngunit kapag si La ang nagkwento parang iba. Parang napakabuti ko lagi.
"Mahal ko si La. Sobra."
"Mahal na mahal ka din niya, Destiny. Hindi nagkamali si Manang Sita sa pagpapalaki sa'yo."
"Sana nga."
"Pinagmamalaki ka niya lagi. Alam kong madami kang pinagdadaanan. Kahit itago mo sa mala-masungit mong aura ay hindi naman iyon matatago sa iyong mata. Napaka-expressive ng mga mata mo, Destiny. Iyan ang unang nakakuha ng atensiyon ko."
Napatango ako. "Hindi sinungaling ang mga mata ko. Kaya naman kapag hinuhuli ako ni La, laging diretso sa mata ko siya nakatingin."
"You're eyes screams for lots of emotions that you can't speak through your mouth."
Natahimik ako. Tama siya, hindi ko sinasabi lahat ng nararamdaman ko pero ang mga mata ko, kayang-kaya niyang ipakita ang lahat ng iyon. Unti-unti akong namangha lalo kay Reeve. Sinong hindi? Napaka-observant niya. Napansin niya ang mga katangian na pati si Kris ay hindi alam.
"Salamat, Reeve. Kung may pupuntahan ka, pwede ka munang umalis."
Umiling siya sa akin. "I will stay with you, Destiny."
Napahugot ako nang malalim na hininga. Makulit nga siya katulad ng sinabi ni Lola at mukhang kahit anong gawin ko ay hindi naman siya aalis dito nang basta-basta.
"Bakit ka nag-stay dito? Dahil pa rin ba kay Lola?"
Sa pagkakataong ito ay siya naman ang natahimik. Napailing na lamang ako.
"Ako nga ang dahilan."
Tumango siya. "Destiny, alam kong hindi ka naniniwala pero hayaan mong---"
"No. Hindi maari. Umalis ka na, Reeve. Aaminin ko, taga-hanga mo ako pero hanggang doon lang iyon. Huwag mo ng guluhin ang buhay ko. Tama na." Malamig na sabi ko. Nakita ko kung paano siya nasaktan sa mga sinabi ko pero ayoko ng patagalin pa ang kalokohan na ito.
Hindi ako makakapayag na masaktan na naman ako sa huli kaya ngayon pa lang ay iiwasan ko na ang mga bagay na maaring magdala sa akin sa hangganan na iyon.
"Destiny, huwag namang ganito. Kahit ano, kahit hindi na muna doon. Hayaan mo akong alagaan ka. Lalo na ngayon."
"You are taking advantage on my weakness stage. Alam mong kailangan ko ng karamay ngayon pero sorry kasi ayoko. Ayoko ng tulong mo. May kaibigan ako."
"Destiny..."
Napapikit ako sa inis. Ayoko na. Hindi ako makakapayag na may lalake muli na babasag sa akin. Hindi ko hahayaang tibagin niya ang pader na binuo ko sa paligid ng puso ko.
"Umalis ka na, Reeve. Huwag mo akong kakausapin. Isipin mo na lamang na hindi tayo magkakilala."
Mabigat sa loob ko ang mga sinabi ko. Kahit si Reeve ay natigilan sa mga salitang iyon ngunit iyon lang rin ang alam kong paraan para maitulak siya palayo sa akin. Ngayon pa lang ay nasaktan ko na siya. Siguro naman ay kusang aalis na siya sa buhay ko.
Hindi na siya nagsalita at umalis na lamang. Kasabay ng pagsara ng pintuan ay pagsikip ng dibdib ko.
Ito ang gusto ko pero bakit parang mabigat sa dibdib ko na paalisin si Reeve?
Napayukyok na lamang ako sa hinihigaan ni La at napabuntong-hininga.
La, gising ka na. Naguguluhan ako sa nararamdaman ko.
Hindi ko namalayan na nakatulog na pala ako. Nagising ako sa marahan na haplos sa ulo ko. Agad akong napabalikwas at napatingin kay La na may maliit na ngiti habang nakatingin sa akin.
Mabilis na nangilid ang luha sa mga mata ko habang nakatingin sa kaniya. Nanginginig kong hinawakan ang kamay niya at nilapit iyon sa pisngi ko bago hinalikan.
"L-La..." Garalgal na boses na tawag ko sa pangalan niya. Mabilos akong kumilos para yakapin siya nang marahan lang. Takot akong masaktan siya kahit na gustong-gusto ko siyang yakapin ng sobrang higpit.
"Destiny a-apo..."
Napaiyak ako nang tawagin niya ako sa pangalan ko. Sobrang natakot ako. Ayoko ng maulit iyong pakiramdam na iyon.
"La, natakot ako nang sobra." Naiiyak na kwento ko. Pagod na ngiti ang ibinigay niya.
"Natakot din ako, iha. Hindi ko din kaya na iwan ka. Ayoko na maging malungkot ang nag-iisang apo ko na lumaki sa puder ko."
Nanghihina ang tuhod ko sa sinabi ni Lola. Mariin kong kinagat ang labi ko upang pigilan ang impit na pag-iyak ko ngunit kusa akong napaiyak. Naiiling na lamang si Lola na pinatahan ako.
Nang mahimasmasan ako, agad akong uminom ng tubig. Chineck din ng nurse si Lola at natuwa sila na nagawa daw gumising ni Lola sa madaling panahon. Himala daw iyon. Ngunit malungkot pa rin ako sa balita na mahina pa rin si Lola.
"Kailangan mong magpalakas, La." Mahinang sabi ko sa kaniya.
"Destiny apo, dapat siguro ay nagsisimula ka ng maging malakas. Gusto kong makita na malakas ka. Ayoko ng makita na parang pasan-pasan mo ang mundo."
"La... ano ba? Kailangan ko pa rin kayo. Bakit parang namamaalam kayo sa akin? Kagigising niyo lang, birthday niyo pa ngayon."
Nawala ang pagkakunot ng noo niya at napabuntong-hininga.
"Seventy-six na ako, apo."
Ngumuso ako sa sinabi niya. Eh ano naman?
"La, naman."
"Ang ganitong edad ay malapit ng magpahinga." Nag-iwas siya ng tingin sa akin. Kasabay niyon ang pagsikip ng dibdib ko.
"Hindi... hindi pa pwede, La."
"Gustuhin man natin na manatilo sa mundong ito, wala talagang permanente. Papanaw at papanaw ang lahat ng tao. Ang kamatayan ay nakatadhana na mangyari simula pa lamang ng isilang ka bilang isang tao."
Natahimik ako sa sinabi niya.
"Gusto ko lang sabihin sa'yo na hindi na ako magtatagal pa, Apo."
Nanghihinang napaupo ako sa sinabi ni Lola. Bakit? Bakit sinasabi mo ang mga ito sa akin Lola? Alam mong kahinaan ko na maiwan. Ayoko ng ganito. Ikaw na lang ang sandalan ko, paano na ako?
"Destiny, mahal na mahal kita pero nahihirapan na ang Lola mo eh. Maaring tinatanong mo ang sarili mo ngayon kung paano ka ngunit naisip mo rin ba kung paano ako? Nahihirapan na ako, Apo."
Napayuko ako at tahimik na umiyak sa sinabi ni Lola. Nagiging makasarili na ba talaga ako?
"Apo, patawad ngunit kailangan mong matanggap na hindi na ako magtatagal pa sa tabi mo. Ilang panahon din kitang inalagaan at marami akong masayang alaala kasama ka. Sana lang ay isa sa natutunan mo sa akin ang maging masaya at kayanin lahat ng hamon ng buhay sa'yo."