“Hi babe!” nawala ang emosyon sa mukha ko nang marinig ang masiglang boses ni Kelvin. Kasasara ko lang ng locker upang kunin ang P.E. uniform ko para sa next subject namin. Dali-dali ko itong tinalikuran at mabilis na naglakad papalapit sa C.R. para magpalit. Hindi pa man ako nakakapasok ay humarang na ito sa pinto ng banyo.
“Babe, mag-usap naman tayo . . .” pakiusap nito na nagawa pang paamuhin ang mukha at magpa-cute.
‘Ang cute . . . Parang butiki. Butiking naputulan ng buntot. Akala mo naman matatablan ako . . .’
“Kelvin, ano pa bang hindi malinaw sa’yo sa huling napag-usapan natin?” Nababagot kong sabi sa kanya matapos bumuntong-hininga.
“Babe, I know that you still love me.” Kinuha nito ang mga kamay ko at iginiya ako sa malapit na bench upang doon maupo at mag-usap.
‘Minsan talaga hindi ko alam kung saan nanggagaling ang kapal ng mukha nito. Nag-uumapaw eh.’
Nanatili lamang akong walang kibo at tinatamad na nagpatianod kay Kelvin. “Alam kong kahit hindi mo sabihin, nandiyan pa rin ako sa puso mo. Mahal mo ‘ko ‘di ba? You still love me, right?”
Mataman ko pa munang tinitigan ang bilugan nyang mukha. Ang brown niyang buhok na palaging magulo ngunit bumabagay naman sa kanya. Ang kilay niya na may guhit ang kaliwa. Ang mga mata niya na hindi ko matanggihan kapag nanghihingi ng halik. Ang matangos niyang ilong at ang pisngi niyang palagi kong pinanggigigilan. Ang panga niyang, sa sobrang depina ay pwede ka nang magtalis nang kutsilyo. At ang labi niyang . . . pinaramdam sa’kin, na ako lang ang nag-iisa para sa kanya. Pero pinaramdam niya rin pala ‘yon sa iba.
Napabuntong ako ng hininga at napaiwas ng tingin.
Alam kong kahit sabihin kong wala na, hindi maitatangging kahit kakaunti ay mayroon pa. Mayroon pa naman akong pagmamahal para sa kanya. Pero ang kaisipang maaaring maulit ang sakit na pinaramdam nito sa akin, ay pinapangaralan na agad ako ng utak ko na madala na sa mga nangyari. Limang araw na siyang naghahabol sa akin, at sa limang araw na ‘yon ay wala pa rin akong mahitang dahilan para balikan siya.
Kung paghahabol nga bang matatawag ‘yon o pangungulit.
Ilang gabi na ring ito ang pumuyat sa’kin kaiisip. Kung dapat ko nga bang balikan si Kelvin para hindi matuloy ang disappointment na mararamdaman ni daddy sa oras na malaman ang hiwalayan namin . . .
Pero sa tuwing maiisip ko iyon ay sumusunod naman ang mga tanong na, ‘paano kung maulit?’, ‘paano kung masaktan na naman ako?’ at ‘paano kung umabot sa puntong mahalin ko ulit siya pero wala nang matira para sa sarili ko?’
Napukaw lamang ang diwa ko nang makarinig ng tugtog sa gymnasium na malapit lang sa mga bench.
‘Yung praktis nga pala!’
Dali-dali akong tumayo at inagaw ang kamay ko mula sa pagkakahawak niya. Susunod pa sana ito pero hindi ko na lamang siya pinansin at dala ang gamit ay dali-daling pumasok na ako sa banyo. Nang maisara ay napasandal na lamang ako sa pinto. Nang maikalma ko ang sarili ay mabilisang pagbibihis na lamang ang ginawa ko.
Lumabas ako at hindi na ako nagulat nang makita sa labas si Kelvin, naghihintay sa ‘kin. Ngunit hindi kalayuan dito ay ang mga kaibigan kong pinagmamadali na ako.
“Hihintayin kita dito babe!” narinig ko pang pahabol ni Kelvin.
Hindi ko na lamang ito binalingan ng tingin at sumunod na sa mga kaibigan kong nakangiwing papalit-palit ng tingin sa amin ni Kelvin.
‘Bahala ka sa buhay mo! Ang kulit mong depungal ka!’
“Bilis na at baka mag-attendance na si Ma’am.” Sabi ni Glency na siyang nauna na sa aming tatlo sa paglalakad.
“Hindi mo naman babalikan yung lalaking ‘yon, ‘di ba?” Nagkibit-balikat lamang ako dahil tila ang utak ko ay tinatamad ng magproseso ng isasagot sa kanya.
“Wag mo nang babalikan ang lalaking ‘yon, ah? Madala ka na sa mga sakit na nakita at naramdaman mo. Kapag nabalitaan kong nagkabalikan kayo, naku, friendship over na talaga tayo, sinasabi ko sa’yo Cass.” Natawa at nailing na lamang ako sa panduduro at panlalaki ng mata ni Joanne. Nakarating na kami at sinimulan na rin namin ang praktis ng sayaw kasama ang ibang Education Majors.
Nang matapos ang praktis ay nakinig pa muna kami sa Prof. para sa mga props at costumes na kailangan naming asikasuhin para sa nalalapit na Foundation Day ng paaralan namin. Gaganapin iyon sa kalagitnaan ng March. Pinauna ko na sina Glency at Joanne sa locker room matapos naming magbihis. Kapagkuwan ay dumaan muna ako sa canteen ng school para bumili ng makakain dahil na rin sa nakalimutan kong mananghalian kanina.
Hindi pa man ako tuluyang nakakalapit sa locker ko ay napahinto na ako nang makarinig ng tawanan ng mga lalaki. Naisipan kong dumiretso na rito, ang kaso ay nahihiya akong ako lang ang nag-iisang babae doon pag nagkataon, kaya naman napagdesisyunan kong bumalik na lang muna sa canteen. Babalik na lang sana ako sa canteen nang marinig ang sagot ng pamilyar na tinig sa kausap nito at siyang bumuhay sa interes kong makinig. Nagtago ako sa gilid ng locker na malapit sa pinagpupuwestuhan ng magkakaibigan. Hindi ako agad makikita dito dahil natatakpan ang pinagtataguan ko ng trash can.
“How can you be so sure na magkakabalikan pa kayo ni Cass, bro?”
“Oo nga. Eh, mukhang iwas nang iwas sa’yo . . .”
Narinig kong umismid si Kelvin. Dahan-dahan pa akong sumilip mula sa pinagtataguan ko at bumalik rin ulit nang sumagot na ito.
“Wala ba kayong tiwala sa’kin, bro?” Bakas sa boses nito ang kahanginan. “Tumagal nga kami ng halos isang taon, eh. Malamang sa malamang, mahihirapan mag-move on sa ’kin ‘yon! Ako ba naman ang maging boyfriend, hindi ‘ba?” At muli kong narinig ang malakas na tawanan ng mga ito. Napalingon pa ako sa paligid at nakitang mangilan-ngilan na lang ang mga estudyante at karamihan ay papauwi na. Mag-aalas-sais na rin kasi at nagkataon lang na ngayong sabado nagpatawag ng practice ang Prof. namin.
“Bakit ba naman kasi nagpahuli ka, bro? Naghiwalay pa tuloy kayo ng syota mo.”
Tanong ng isa sa mga kaibigan nito na dahilan ng muling pagtawa nila.
“O kaya naman, nagpunta sana kayo sa hotel. Edi sana nagka-privacy man lang kayo.”
“Bro, nakita mo na ba si Portia, yung nasa kabilang school? Ang ganda at ang sexy niya bro! Tignan ko lang kung makatanggi ka kapag nakita mo ‘yon!” tumawa pa ito bago ulit nagsalita. “Kaya naman huling usap na namin ‘to. At gagawin ko ang lahat para siya naman ang maghabol sa’kin . . . na alam kong gagawin niya.” Maririnig sa boses nito ang taas ng kumpyansa sa sarili. Napataas ang kilay ko dahil dito.
‘Lakas ng loob natin tsong ah?’
Napabuntong-hininga na lamang ako. Tama nga siguro si Joanne. Tatanggapin ko na lang ang mga sasabihin ni Dad, kesa naman ipagpatuloy ko ‘to gayong alam ko naman na ako lang ang masasaktan at madedehado. I won’t settle for less . . . like this kind of relationship.
Dahan-dahan akong lumabas sa pinagtataguan ko, lalo na’t kanina pa ako nahihilo sa amoy ng basurang naaamoy ko. ‘Eew! Ba’t ba naman kasi nagtago pa ‘ko?’ Inayos ko pa muna ang sarili bago nagpatay-malisyang dumiretso sa locker ko at doon kinuha ang mga gamit na kailangang iuwi.
Nakita ko si Kelvin na papalapit sa’kin. May dala ulit itong boquet ng bulaklak at halos mapunit na ang labi sa pagkakangiti.
‘Para kang clown sa part na ‘yan.’ Napaismid na lamang ako sa naisip.
“For you.” Sabay abot sa’kin ng bulaklak. Napatitig ako doon.
Maya-maya pa ay binalingan ko ang mga kaibigan nito na nakatayo sa ‘di kalayuan. At katulad ni Kelvin, nakangiti rin ang mga ito. ‘Mga sulsulero! Anong klaseng mga kaibigan ba ‘to?!’
“Babe . . . ” napabaling ako kay Kelvin. Nakangiti pa rin ito at ang tinong tignan na akala mo’y walang kalokohan na pinagsasabi kanina. “Like what I said before, hindi kita susukuan, dahil alam kong mahal mo pa ‘ko.” Napataas ang kilay ko sa sinabi niya. “Aaminin ko, na nagkamali ako. And I’m so sorry for that.” Napabuntong hininga pa ito bago nagpatuloy. “Sorry kung natukso ako sa iba. Sorry kung masyado akong nakampante na hindi mo kami makikita.” napataas pa lalo ang kilay ko sa mga tinuturan niya. ‘Seriously? Bakit parang kasalanan ko ata na nakita ko kayo?’ “At sorry kung sa iba ko hinanap yung mga bagay na gusto kong maranasan. Sorry . . . lalaki lang ako eh . . . natutukso rin. Hindi naman tayo aabot do’n kung pinayagan mo kong hawakan ka ‘di ba? Normal na rin naman sa mga magkarelasyon—”
Mabilis pa sa alas-kwatro ang mga palad ko sa pagdapo sa pisngi niya. Naiinis ako sa mga rason niya. Nagagalit ako sa mga walang kwentang bagay na pinagsasasabi niya. At gusto ko siyang suntukin sa mukha dahil parang sa akin niya pa isinisisi ang lahat. Bakas sa mukha nito ang pagkabigla sa lakas ng sampal ko.
“You know what, kung gagamitin mo ‘yang linyang ‘yan sa ’kin, don’t even think about it. That ‘lalaki lang ako blah blah blah’, is not a lisence for you to use it whenever you want to cheat. Cheating is a choice, Kelvin. And that time, you chose to cheat over me.” Nakita ko pa sa gilid ng mata ko nang magsialisan ang mga kaibigan niya. Ramdam ko pa rin ang galit ko, but as much as possible ay kinokontrol ko para hindi ako sumabog. “At pwede ba, kung hihingi ka man ng sorry, please try to be sincere. Halata kasing scripted yung mga litanya mo eh. Yung minemorize mo lang for the sake of ‘explanation.’”
And most of all, ‘wag mong irarason sa’kin, na kaya mo ginawa ‘yon ay dahil lang sa hindi ako pumayag sa mga gusto mo. Dahil mas lalo mo lang pinamumukha sa’kin, na tama ang desisyon kong ipagkait ‘yon sa ’yo.”
“Babe—“
Dinuro ko pa ito gamit ang bigay sa’king bulaklak. “Don’t come near me and don’t you ever call me with that crap again. And sorry to burst your bubble ha, pero hindi na kita babalikan. Doon ka na sa ‘Portia’ mo.” Nanggigigil na pahabol ko. Natigil ito at nanlalaki ang mga matang nakatingin sa ’kin. Hindi niya siguro inaasahan na alam ko ang pangalan ng babae niya.
Nilagpasan ko ito at mabilis na itinapon ang bulaklak sa nadaanang basurahan na sigurado akong makikita niya. Nang makarating sa parking lot ay doon ko naabutan sina Joanne at Glency na bagot na ang mga mukha sa kahihintay. Nakabukas na rin ang ilaw sa may poste malapit sa parking kaya kitang-kita ang mga nakabusangot nitong mukha.
“Hey!” Pilit ang sarili na pagtawag ko sa kanila.
“Ang tagal mo naman. Akala ko nadaganan ka na ng locker!” nakangiwing sabi ni Glency.
Tipid lang akong ngumiti. “May kinausap lang ako. Tara, daan muna tayong coffee shop. Nagugutom na ako.” Feeling ko ay naubos lahat ng lakas ko sa komprontahang iyon.
“I can’t. Actually, male-late na ako sa family dinner namin, hinintay lang talaga kita. Since nandito ka naman na, I have to go na.” nakangiwing sabi ni Glency. Nagbeso-beso pa kami bago ito magpaalam at pinaharurot ang kotse paalis.
Nagkanya-kanya na kami ni Joanne ng sakay sa mga sasakyan namin at napagpasyahang dumaan muna sa Sunshine Coffee Shop na kadalasang tinatambayan din namin pagtapos ng klase.
Nag-order lang kami ng makakain at kaunting kwentuhan, pagkatapos ay nagsiuwian na din kami. Pagdating ko ng bahay ay dumiretso na ako ng kwarto. Mabilisan na lang ang ginawa kong pagligo dahil pagod na ang katawan ko at nang mahiga ay tuluyan na akong nilamon ng kaantukan.
Nagising na lamang ako dahil sa nakakapasong sinag ng sikat ng araw na tumatama sa balat ko. Inilibot ko ang tingin sa kabuuan ng kwarto at napagtantong mag-isa na lamang ako. Ilang minuto pa akong nakahiga, at ‘di kalaunan ay nagpasya na akong magsipilyo at maligo. Nagsuot lang ako ng simpleng denim short at crop top. Linggo ngayon at salamat naman dahil may pahinga rin ako ngayong araw na ‘to.
Muling sumagi sa isip ko ang mga nangyari kahapon. ‘Nakakapang-init ng ulo ang lalaking ‘yon!’ Napabuntong-hininga na lamang ako at saka pinagpatuloy ang ginagawang pag-aayos.
Lumabas na rin ako ng kwarto at dumiretso sa dining area. Nakarinig na ako ng tunog ng mga kutsara at plato kaya nasisiguro kong nagsisimula na silang mag-agahan. Ngunit ang mga sumunod na narinig ay ang nagpatigil sa ’kin sa paglalakad at muling nagpatubo ng kaba sa dibdib ko.
‘He can’t be here . . .’
Nilalamon man ng kaba ay nagawa ko pa ring tahakin ang ilang hakbang papunta sa hapag-kainan. Doon ay tumambad sa ’kin ang nakangiting mukha ni Kelvin habang masayang nakikipag-usap sa parents ko.
‘I knew it.’
He’s going to use his last resort para mapapayag akong bumalik sa kanya. He knew very well kung gaano siya kagusto ni dad para sa’kin, at alam niya kung gaano madi-disappoint si dad kapag nalamang hiwalay na kami. And that’s the least thing that I want to happen.
‘Hindi kita maintindihan Kelvin!’
Ano pa ba kasi ang kailangan nito sa’kin? Hindi pa ba siya masaya na hiwalay na kami at malaya na siyang makakapambabae?!
Ngayon pa lang ay nararamdaman ko na naman ang inis ko. Naikuyom ko na lang ang mga kamay at mariing ipinikit ang mata.
‘Ang galing mo talagang manira ng umaga, Kelvin!’
“Oh, nandito na pala si Mira!” Napamulat ako nang marinig ang boses ni dad. Tinignan ko pa muna siya bago ibaling kay Kelvin na napakainosente ng mukha.
‘Ang gago. Ang galing-galing talaga magpanggap! Pwede ka nang mag-artista!’
Kung nakikita ko lang ang mukha ko ngayon, paniguradong matatalim na ang mga mata ko.
Pinakalma ko muna ang sarili bago tipid na ngumiti. At kung mamalasin ka nga naman, katabi ko pa ‘tong gagong ‘to. Tumayo ito at inalalayan akong umupo sa silyang katabi nito.
“For you.” Inabot nito sa’kin ang dalang bulaklak. Matagal ko pa itong tinitigan bago kunin, dahil na rin sa mga matang nanunudyo na nakasentro sa amin.
Tahimik lamang akong kumukuha ng pagkain nang agawin iyon sa’kin ni Kelvin at magsimulang hainan ako. Kung kami pa siguro ay maa-appreciate ko ang mga ginagawa niya, hindi ngayon na puro kaplastikan na lang ang nakikita ko at pagpapanggap. ‘Nagpapa-impress.’
Hindi na lamang ako kumibo. Bumaling ako sa harap at doon ay nakita ko ang mga mapanuring mata ni Ate Kiana sa ’kin. Tinaasan ko na lamang ito ng kilay at pinagpatuloy ang pagkain.
“How’s life, hijo? It’s been a long time since you last visited here.” Napabaling ako kay dad nang magtanong ito.
“Everything’s okay po, Tito. Napagsasabay ko naman po ang pagma-manage ng chains of bars namin at ang pag-aaral. Thankfully, gagraduate na ako ngayon with Academic Awards at mas makakapag-focus na ako sa trabaho . . . for our future.” Napabaling ako kay Kelvin at nakitang abot ang ngiti nitong nakatingin sa’kin.
Pinagpatuloy ko na lamang ang pagkain habang naghahanap ng tyempo para masabi kay dad ang totoo.
“That’s good.” Impressed na sabi ni dad. ‘Yan ang mga gusto ni dad, iyong may mga plano para sa future nila. “Kaya ikaw Mira, pagbutihin mo rin ang pag-aaral mo.” Baling nito sa’kin. “Gayahin mo itong si Kelvin, para kapag ikinasal na kayo’t nagka-pamilya ay—“
“That’s not gonna happen dad.” Pagpuputol ko sa mga sinasabi nito. Hindi ko alam kung bakit bigla na lang iyon lumabas sa bibig ko, gayong wala pa akong nakikitang pagkakataon para sabihin ‘yon. Yumuko na lamang ako upang hindi makita ang reaksyon mga reaksyon nila.
“What?” natitigilan nitong tanong.
“Hiwalay na po kami dad.” Mahina ngunit malinaw na pag-amin ko na nagpatahimik sa buong hapag.
“Babe . . . Don’t say that.” Ani Kelvin.
Matalim ang mga matang tinitigan ko ito. “And don’t say that either, Kelvin. Tama na ‘yong ako lang, tama na ‘yong sa ‘kin ka lang nagsinungaling, ‘wag na pati ang parents ko.” May diing sabi ko. “Now . . . leave.”
“What is happening?” dinig ko pang tanong ni Mom, ngunit wala ni isa sa aming bumaling at sumagot sa kanya.
Umiigting ang panga nitong tinitigan ako. Ang mga matang kanina ay tila nakakita ng pag-asa, ngayon ay napalitan ng galit. ‘Wala na ‘kong pakialam.’ Kapagkuwan ay nagpaalam ito kay mom at dad. Sinundan ko pa ng tingin ang papalayong bulto nito. Hindi ko talaga alam kung saan kumukuha ng self-confidence ‘tong lalaking ‘to. Nag-uumapaw eh.
“CASSIOPEIA MIRA!” napaigtad ako sa lakas ng boses ni dad na umaalingawngaw sa buong dining area. Bakas sa boses nito ang galit at disappointment. Natatakot man ay matapang ko pa ring sinalubong ang tingin ni dad. Si mom naman ay nagsimula nang hagurin ang likod ni dad upang kumalma ito. “Ulitin mo nga ang sinabi mo? Hiwalay na kayo?!”
Kinakabahang tumango ako. “O-opo . . . dad.”
Napapikit pa muna ito at sinapo ang noo.
“Anak, bakit kayo naghiwalay? Mabait naman si Kelvin hija kaya bakit humantong kayo sa ganito?” tanong ni mom.
“Ano na lang ang sasabihin sa atin ng pamilya nila, ha?! May ideya ka ba kung gaano ako masisira kay kumpare kapag nalaman niya ito?!” pabulyaw na tanong ulit ni dad.
My vision starts to get blurry, pero pinigilan kong pumatak ang mga luhang unti-unting lumulunod sa mga mata ko. Nasasaktan ako sa katotohanang mas iniisip niya pa ang mararamdaman ni Tito kaysa sa mararamdaman ng sarili niyang anak.
“Anak, baka pwede pa namang ayusin ‘yang gulo niyo? ‘Wag kang magpadalus-dalos sa mga desisyon mo.”
Siguro nga’y nagpadalus-dalos ako sa mga desisyon ko. Siguro nga’y dapat pinag-isipan ko muna ang lahat ng ‘to.
Tumayo ito gayon din si mom. “Ayusin mo ‘to Mira.” May pinalidad na sabi ni dad sabay pabatong inilapag ang table napkin bago umalis. Ramdam ko ang lamig ng kanyang boses kasabay ng pag-iinit ng kanyang ulo nito.
“Why dad? Bakit ko po kailangang ayusin, kung pwede ko namang putulin?” Nakatayo na rin ako habang nakatingin sa natigil niyang paglalakad. Unti-unti itong humarap at ‘di makapaniwala sa narinig nito. “Dad, ako po ‘yong nasaktan. Ako po ‘yong niloko.” Pinipigilan kong umiyak pero tinatraydor ako ng mga mata ko. “Siguro naman po, may karapatan akong protektahan ang sarili ko, hindi ba?”
Hindi ko na tinapos ang pagkain at tumakbo na ‘ko pabalik kwarto. Doon na bumuhos lalo ang mga luhang gusto ko mang kimkimin, ay pilit na kumakawala sa mga mata ko.
“Magiging okay rin ang lahat Cass . . . Magiging okay ka rin.”