CHAPTER ONE- BREAK-UP
ZAYL
Ako si Zayl Rodriguez, simpleng dalaga, masunuring anak, masipag na estudyante, at sa hindi inaasahang pagkakataon ay nagkaroon ng nobyong guwapo at mayaman. Mahirap lang kami, isang kahig, isang tuka. Sa hirap ng buhay, parang masakit na umasang balang araw matutupad ko pa ang aking mga pangarap.
May sakit ang ama ko at hindi na kayang magtrabaho, samantalang kasambahay naman ng mayamang mag-asawa ang ina ko dito sa Pilipinas. Mas lamang sa gamot ng ama ko napupunta ang suweldo ni Inay, bayarin pa sa tubig, kuryente, bahay, at araw-araw na gastusin. Kaunti lang naman ang gastos ko sa school. Iskolar ako kaya nakakapag-aral ako sa isang pribadong paaralan dito sa Maynila. Dalawang linggo na buhat nung gr-um-aduate kami ng high school.
First boyfriend ko si Jack Santaniel. Schoolmate ko siya at nakakaangat sila sa buhay ng pamilya niya. Sikat siya sa school namin, campus hearthrob kasi. Hindi nga ako makapaniwalang siya ang boyfriend ko at ako ang girlfriend niya.
Nandito kami ngayon ni Jack sa loob ng kotse niya. Galing kami kay Itay, naka-confine na naman kasi sa ospital dahil inatake na naman sa puso. Sinamahan ko si Jack sa paglabas papunta sa parking area kasi pinauuwi ko na siya dahil kanina pa siya dito sa ospital. Naisip kong sumama na hanggang sa parking area dahil may mahalaga akong sasabihin sa kanya at sinabi ko sa kanya na sa loob na kami ng kotse mag-usap.
"Babe, ano'ng pag-uusapan natin?" tanong ni Jack habang nakangiti, pero umiwas ako ng tingin. Napansin niyang hindi ako makasagot, "Babe?" tawag niya sa akin.
Bakit ba 'di ko masabi sa kanya? Inisip ko na kanina 'yung mga sasabihin ko pero bakit hindi ako makapagsalita ngayon? Mahirap pala talagang makipaghiwalay sa taong mahal mo ng wala naman siyang ginagawang masama. Oo, makikipaghiwalay na nga ako at sigurado na ako sa gagawin ko.
Huminga muna ako ng malalim bago magsalita, "kailangan na nating.. kailangan na nating maghiwalay," sabi ko. Hindi talaga ako makatingin sa kanya, hindi ko magawa. Sigurado na nga ba talaga ako?
"What? Are you serious?" tanong niya. Kita ko sa gilid ng mata ko na napatingin siya sa akin.
"Y-yes," sagot ko.
Napatungo ako. Nahihiya, nasasaktan, nag-aalala. Nanginginig na ang mga kamay ko sa lamig na nanggagaling sa aircon o baka gawa na rin ng sari-saring emosyon na nararamdaman ko ngayon.
"Come on, may mga naririnig ka na naman ba?" tanong niya. "If you think na may iba akong babae-" sabi niya pero hindi ko na siya pinatapos.
Kadalasan kasi kapag nakikipag-break ako eh dahil nagseselos ako sa mga babaeng nali-link sa kanya. Sino ba naman ang hindi magseselos? Ang guwapo ng boyfriend ko, mayaman, loyal, mabait, samantalang ako, ganito lang. Hindi ko maiwasang makaramdam ng insecurities kasi alam kong maraming mas higit sa'kin.
"Hindi... wala," sagot ko, at tumingin na ako sa kanya. Walang babae, hindi ako nagdududa dahil may iba talaga akong rason kung bakit ako nakikipaghiwalay sa kanya ngayon.
"Then, why?" tanong niya.
"Wala kang kasalanan," sagot ko.
"Then tell me why are you breaking up with me?!" sabi niya, may kasamang inis, baka nararamdaman na niyang seryoso talaga ako sa pakikipaghiwalay sa kanya.
"Ako.. dahil sa akin," sabi ko sa mababang tono.
Hindi ko na mapigilang tumulo ang luha ko. Hindi ko na kaya. Hindi ko 'to gusto. Ang hirap-hirap. Ang sakit panindigan ng bagay na ayaw mo naman talagang gawin pero kailangan.
"Aalis na kami. Magpapagamot ang Itay. Sa America na kami titira. Tinulungan kami ng amo ng Inay. May kapatid 'yung amo niya na doktor sa America at mas matutulungan daw ang Itay doon. Pinagretiro na nila ang Inay at pinahiram ng malaking pera. Pinahiram din kami ng matitirhan doon sa America. May naghihintay na ring trabaho doon para sa Inay," paliwanag ko.
Hindi ko alam kung paano ko pa naipaliwanag ng maayos sa kanya o kung naintindihan ba niya kasi parang naninikip na ang dibdib ko sa mga nararamdaman ko ngayon at hindi ko alam kung gaano na siya naghihinanakit sa akin.
"Pero bakit doon pa kayo titira? Kapag gumaling ang Itay mo puwede namang bumalik na kayo dito," sabi niya sa mababang tono parang nakikiusap na huwag ko siyang iwan.
Salamat at naintindihan niya ang mga sinabi ko pero nanlambot ako sa tono ng pananalita niya, parang nagmamakaawa. Jusko, parang ayaw ko nang ituloy.
"Ang Inay ang may gusto. Mas maganda daw 'yung magiging trabaho niya doon," sabi ko.
Naipaliwanag na ng Inay sa akin ang lahat, at nauunawan ko sila kaya kailangan kong panindigan kung ano ang mas makakabuti para sa pamilya ko, ganun ko sila kamahal.
"Kung ayaw mong sumama, may magagawa ka," sabi niya.
Mahal ko siya pero mahal ko din ang pamilya ko. Ang hirap mamili pero kung mahal niya ako hindi niya dapat ako papipiliin dahil alam niya kung gaano kahalaga ang pamilya ko sa akin. In fact, alam niya ang kalagayan ng pamilya ko.
"Jack, sila lang ang pamilya ko. Ayaw ko silang bigyan ng sama ng loob," sabi ko.
"At ako? Tell me, sino at ano ako sa buhay mo?" tanong niya.
"Mahal kita, pero mas mahal ko ang pamilya ko," sabi ko.
Siguro kailangan talagang ipamukha ko na sa kanya na mas mahalaga ang pamilya ko kaysa sa kanya. Kailangan ko siyang saktan para magalit na siya sa'kin, para hindi na ako mahirapang iwan siya. Mahal ko rin ang pamilya ko. Sana maintindihan niya ako.
"Bakit kailangan pa nating maghiwalay?" tanong niya makalipas ang ilang segundong hindi siya agad nakasagot.
Naisip ko na mas mabuti kung putulin na namin 'yung namamagitan sa amin para mapagtuunan ko ng pansin ang mga magulang ko at para makakilala na rin siya ng mas higit sa'kin.
"Hindi ko alam kung kailan ako babalik dito o kung babalik pa nga ba. Ayokong paghintayin ka, ayokong mangako, ayokong umasa ka, ayoko ring umasa. Mga bata pa tayo, marami pa tayong makikilala," sabi ko.
Oo masakit, mahal ko siya eh. Pero kaya kong i-sakripisyo ang pagmamahal na 'yun ngayon para sa pamilya ko lalo at may sakit ang Itay.
"Ganun na lang ba 'yun?" tanong niya. "Sinasabi mong mahal mo ako, pero bakit nagagawa mo akong saktan?"
Pinipigilan kong umiyak pero 'yung luha ko kusang pumapatak. Nasasaktan din naman ako eh. Isang taon pa lang kami. Alam ko sa sarili ko kahit mga bata pa kami, sigurado kami sa nararamdaman naming pagmamahal sa isa't isa.
"Jack, intindihin mo naman ako," sabi ko, nakikiusap.
"Ako ba iniintindi mo? Sinubukan kong magbago para sa'yo, dahil sobra na kitang minamahal," sabi niya.
Oh sh*t, sumbatan na ba 'to?
"Sorry... sorry," sabi ko habang lumuluha.
Ayoko nang magpaliwanag pa dahil baka hindi ko na siya matiis at mabawi ko pa ang sinabi kong pakikipaghiwalay sa kanya.
Bubuksan ko na sana ang passenger's door nang bigla niyang hawakan ang kaliwa kong kamay. Alam kong kahit wala siyang sinasabi, gusto niya pa rin akong pigilan. Limang segundo saka ko binawi ang kamay ko at binuksan na ang pinto ng kotse. Nagtatakbo na ako papasok sa loob ng hospital pagkalabas ko ng kotse.