“Ok ganito na lang Gilda, mauna ka na sa akin umuwi. Sasabihin ko kina Marty at Janice na umuwi ka na dahil nag-away kayo ni Jeff. Tapos papalabasin natin na baka napagtripan si Jeff nang gabing iyon dahil lasing ito at mainit ang ulo. Natatakot si Cheska ayaw niyang makulong.
Habang nakaupo sa opisina niya na tinted ang salamin ay tanaw niya ang pag-alis ng grupo nila Cheska, nagpasundo ang mga ito sa chopper ng resort dahil ang yate ay ginagamit lang para maghatid sa kabilang ibayo. Ang chopper ay naghahatid hanggang sa Maynila.
“Cheska sigurado ka magpapaiwan ka?” ani Janice na nagkaroon din ng biglaang emergency kaya binalak na rin sumabay sa pag-alis ni Gilda kasabay na rin nila si Marty.
“Oo dito muna ako, pasensya na kayo gusto ko muna kasing mapag-isa.” palihim siyang tumingin kay Gilda at tumango naman ito sa kanya. Kitang-kita lahat ni Brix na nagpaiwan si Cheska sa resort, hindi niya ini-expect ang ginawa nito. Inaasahan niyang susunod ito sa Manila para takasan ang mga nangyari.
“Anong nasa isip niya?” tanong ni Brix sa sarili.
Malungkot na bumalik sa kanyang kwarto si Cheska, hindi siya sumama pabalik para makapag-isip pa siya ng dapat niyang gawin. Aamin ba siya o hindi? Hindi siya sigurado kung nakapatay ba siya o buhay ba si Jeff. Parehas pa rin siyang mananagot sa batas. Napaiyak siya sa isiping iyon.
“Bahala na, ihahanda ko na lang ang sarili ko dito kung sakali mang makukulong ako gusto ko samantalahin ang payapang mundong ito.” aniya sa sarili.
“Ok bro, i want you to investigate that person. Gusto kong malaman ang background ng taong yan, pati ang tungkol sa girlfriend niyang si Gilda Versoza, pakiusap ni Brix sa kapatid niyang si Dave Bermudez na isang private detective. Gusto niyang humanap pa ng butas para suportahan ang pagtatanggol niya kay Cheska kung sakaling makuwestiyon ito. Although alam naman niya na hindi ito makukulong dahil sa tibay ng ebidensya na self defense ang nangyari ayon sa nairecord niyang video ng mga pangyayari. Buti na lang at sinundan niya si Cheska ng gabing iyon, hanggang ngayon ay masakit pa rin ang parteng tinuhod nito sa kanya.
“Bakit ba feeling ko it’s not about the crime but it’s more on about that girl named Cheska?” tanong sa kanya ni Dave.
“She’s innocent bro. Alam mo naman na obligasyon kong pangalagaan ang mga guest dito.” paliwanag ni Brix.
“Ok sabi mo eh. Akala ko kasi sa wakas may isang babae na ang nakakuha ng atensiyon mo and I’m curious kung anong itsura ng babaeng yan.” panunukso pa nito.
“Wala pa sa isip ko ang magseryoso sa babae.” patapos na wika ni Brix sa kapatid.
Pero pagkababa ng telepono ay napaisip din si Brix kung bakit ganun na lang ang kagustuhan niyang ipagtanggol si Cheska. Sa totoo lang pwede naman niyang ipaubaya na lang sa mga pulis ang pag-iimbestiga at ibigay na lang ang hawak niyang ebidensya. Pero hindi maikakaila sa kaibuturan ng puso niya na nakaramdam siya ng kakaibang tuwa ng magpaiwan ito sa isla.
Kinabukasan, hindi lumabas ng kwarto si Cheska, nagpadeliver lang siya ng pagkain galing sa mga kainan sa resort. Masama ang pakiramdam niya, hindi siya nakatulog sa kakaisip sa mga nangyari. Naligo siya para matanggal ang bigat na nararamdaman.
Basa pa ang buhok niya ng may kumatok. Bigla siyang kinabahan. Mga pulis na kaya ang kumakatok? Dahan-dahan niyang binuksan ang pintuan at laking gulat niya ng mabungaran ang Mr. Security Personnel na na-meet niya kagabi sa dalampasigan. Naalala niya pa na tinuhod niya ito sa private part nito, napatingin tuloy siya sa gawing iyon. Akmang isasara na sana niya ang pinto nang itukod nito ang kamay sa barandilya ng pinto.
“Look Cheska, I’m not here to cause you anything, hindi ba dapat ikaw itong humingi ng sorry sa ginawa mo sa akin kagabi?” sabay pasok nito sa loob ng kwarto niya at inilapag ang dala nitong pagkain.
“Walang available na magdedeliver niyan sa iyo kasi madaming tao ngayon kaya pinakiusapan ako ng isa sa mga tao na dalhin yan sa iyo.” paliwanag ni Brix. Pero sa totoo lang narinig niya sa reception desk na nagpapadeliver ang dalaga kaya nagprisinta siya na siya na lang ang magdadala ng pagkain sa kwarto nito.
“Salamat and sorry kagabi, makakaalis ka na.” tinulak na niya si Brix palabas ng pinto.
“Teka nga, ganyan ka ba talaga sa lahat ng taong hindi mo kilala? Paano kung malaman nilang mas nakakatakot na maging kaibigan ka?” may laman ang binitawang salita ni Brix.
“A-anong ibig mong sabihin?” nakaramdam ng pagkailang si Cheska.
“Diba kaibigan mo yung natagpuang patay kagabi? Nakita kong kasama mo siya ng dumating kayo rito sa isla.” aniya. Balak niyang takutin si Cheska para malaman kung hanggang saan ang tapang nito.
“Oo kaibigan ko nga siya. Bakit mo naitanong? N-nabalitaan ko nga ang a-ang nangyari. Ti-tingin ko napagtripan siya ng kung sino. Lasing kasi siya kagabi.” palusot ni Cheska.
“Talaga ba?” sinipat-sipat ni Brix ang mukha ni Cheska. Hindi naman makatingin ng diretso ang dalaga. Tumatambol ang kaba sa dibdib niya. Namumutla na si Cheska. May alam ba ito sa nangyari? Sinundan kaya siya nito kagabi at nakita ang mga pangyayari? Tanong ni Cheska sa isip niya.
Naawa naman sa itsura niya si Brix kaya inabot nito ang kamay ng dalaga at nakipagkamay.
“See you soon Cheska. Call me Brix. Hindi ito ang huli nating pagtatagpo.” matiim ang mga tingin ni Brix sa dalaga na para bang sinusukat nito ang buong pagkatao niya. Tumalikod na siya at umalis. Ayaw niyang takutin ang dalaga pero pakiramdam niya mag-eenjoy siya sa presensya nito. Lihim na napangiti si Brix sa sarili.
Nanghihinang napaupo si Cheska sa sopa hindi na niya nagawang kainin ang dala ni Brix, ramdam niyang may nalalaman ito.
“Bakit hindi niya pa ako ipahuli sa mga pulis? Gagamitin niya ba yun pang black mail sa akin? O hinihintay niya na magsabi ako ng totoo?” wika niya kay Gilda sa kabilang linya ng telepono.
“Relax ka nga lang Cheska. May dahilan ka kaya mo nagawa yun at nandito ako witness ako sa lahat. Bukas pupuntahan ko si Jeff sa ospital, huwag kang mag-alala hindi ka nakapatay. Magiging ayos din ang lahat.” pampalubag loob nito.
Lumatag ang dilim saka lang lumabas ng kwarto si Cheska. Bumili siya ng isang bote ng hard na alak sa bar at naglakad-lakad sa dalampasigan. May nakita siyang malaking bato na pwedeng pagtambayan. Naabot ng alon ng dagat ang bato pero hindi sapat para mabasa kung sino man ang uupo doon. Muli na namang bumalik sa alaala niya ang nangyari. Siguradong nag-aalala na ang mommy niya dahil hindi niya kasabay sila Janice na umuwi. Tinungga niya ang laman ng alak nang mangalahati iyon ay naisipan niyang maglunoy sa dagat.
Kitang-kita naman ni Brix mula sa binocular niya habang nakasakay siya sa yate ang ginagawa ni Cheska, pinagmamasdan niya lang ito mula sa malayo. Kakatawag niya lang kay Dave at nalaman niyang hindi maganda ang kondisyon ni Jeff sa ospital. Comatose ito dala ng malalang sugat nito sa ulo. Nagsimula na ring magtanong ng mga pulis tungkol sa nangyari at ilang araw na lang ay may darating ng mga pulis sa lugar para mag-imbestiga.
Sa sandaling iyon alam niyang depress na depress na ang dalaga. Hindi niya rin maintindihan sa sarili niya kung bakit hinahayaan niyang magtago ito sa isla. Nakita niyang lumangoy ito sa malalim na parte ng dagat at alam niyang nakainom ito. Nakita niya na lang na kumakawag na ito sa tubig halatang pinulikat ito. Dali-dali siyang tumalon sa tubig upang sagipin ang dalaga.