Arya’s POV “Oh, ano, ready na ba ang lahat?” Hindi mapakaling bumalik sa loob si Manong Luisito na sinabayan pa niya ng palakpak upang makuha ang atensiyon naming lahat. Galing siya sa labas at kanina pa inaabangan ang pagpasok ni Manang Cora upang maisagawa ang kanina pa naming binabalak. “Kanina pa kami ready, Manong. Si Manang Cora na lang ang kulang,” ani ko naman. “Iyon na nga ang nais kong sabihin. Natanaw ko na ang paparating na tricycle na lulan siya. Kaya magsihanda na kayo dahil malapit na itong makarating dito.” Pinasadya ni Keeion na utusan si Manang Cora upang mamili ng groceries sa bayan nang maihanda ang surpresa na binabalak namin. Mabuti nga at napapayag namin si Keeion na sumali sa pa-surprise na ito. Sabagay, pagdating naman kay Manang Cora ay hindi niya mahindian.

