Keeion’s POV
“Pero, Sir, paano po ang mga meetings niyo? At nasa schedule po na may dinner meeting po kayo ni Mr. Samson mamayang 7 PM,” natatarantang wika ni Haezyl, ang secretary ko.
Bakas sa galaw nito na hindi niya alam na nag-aalangan siya sa kung ano ang gagawin niya matapos kong sabihin na mawawala ako ng isang linggo. Sinundan pa niya ako rito sa office ko para lang ipaalala ang mga mahahalagang meetings na kailangan kong attend-an.
“Cancel it, just simple as that.”
Nakaupo ako sa high back executive office chair habang nakade-kwatro at kalmado lang na nakatingin kay Haezyl. Halatang stress na siya agad kahit hindi pa nagsisimula ang one week leave ko.
Paparating na naman ang hell week niya dahil sa kaniya lang naman maitatambak ang lahat ng papers. Aasikasuhin din nito ang ibang meetings na hindi ko ma-a-attend-an. Sa kaniya ko ibinilin lahat-lahat na dapat gawin habang wala ako sa kompanya.
Hindi na ako nito kinuwestiyon pa. Alam niya kasing makukulitan na ako kapag nagtanong pa siya ulit kahit pa paulit-ulit lang ang sinasagot ko at mabubulyawan ko na naman siya kapag nagkataon. Sanay naman na si Haezyl sa paninigaw ko sa kaniya sa tuwing hindi maayos ang trabaho niya at laging nandoon ang takot niya na pumalya na naman.
Minsan ay nakakatulong din ang pagiging strikto ko lalo na kapag usapang trabaho. It will just lead them to be more productive. Hindi masasayang ang malaking sahod na binibigay sa kanila ni Papa. Hindi kami nagkulang sa benefits na binibigay para sa mga empleyado namin kaya nararapat lang na ayusin nila ang trabaho nila.
“Kung wala ka nang ibang concern, you can leave now,” saad ko.
Inalis ko na ang pagkakade-kwatro, inayos ko ang upo ko at humarap na sa computer na nasa harapan ko. Kinuha ko ring ang ibang papers na nasa side table ko. Kailangan ko itong mapirmahan lahat bago ako bumalik sa Hacienda.
Yes, nag-one week leave ako at nais ko gugulin ang buong linggo ko sa Hacienda.
Hindi naman naging problema iyon kay Papa dahil ngayon lang naman ako nag-request ng leave. Naging masaya pa nga siya dahil matagal na niyang sinasabi na magpahinga muna ako sa trabaho kahit isang buwan lang pero hindi ko kaya ‘yon. Maraming gawain sa kompanya na dapat ako mismo ang gumawa at mag-monitor kaya sapat na ang isang linggo lang na pamamahinga.
Nakalahati ko na ang papers na dapat kong pirmahan nang mapagdesisyunan kong huminto muna. Tiningnan ko ang wristwatch ko para alamin kung anong oras na.
It’s already 4:27 PM.
Isang oras na lang at nandito na si Tedson at isang oras na lang ay bibyahe na ako papuntang Hacienda. Hindi ko p’wedeng hindi hintayin si Tedson dahil maliban kay Haezyl, kailangan ko ring bilinan ang personal assistant ko. Silang dalawa ang magiging mata at kamay ko rito sa kompanya habang wala ako. Sa kanila ko ibibilin ang lahat ng dapat gawin.
Bumalik ako sa pagpipirma hanggang sa wala na ni isang papel sa harap ko.
Natapos ko na ang lahat ngunit wala pa rin si Tedson. Nilaro ko na lamang ang ballpen ko habang naghihintay sa kaniya. Pinaikot-ikot ko ito at ‘di sinasadyang nadulas ang kamay ko kaya nabitawan ko ito at gumulong-gulong sa pinakadulong bahagi ng mesa. Pero bago pa ito malaglag nang tuluyan, agad na akong tumayo at dinakmal ito. Nagalaw tuloy ang picture frame na nasa gilid. Napangiti ako nang dumapo ang paningin ko sa bagay na ‘yon.
It was a beautiful view for me. Nakakawala ng pagod sa maghapong pagtratrabaho sa tuwing nakikita ko ang mukha niya sa frame na ‘yon. ‘Yong pakiramdam na na-refill agad ang lakas mo sa isang tingin lamang doon.
She will always be my strength. Sa kaniya ako humuhugot ng lakas. Sa kaniya lang.
“Grabe!”
Napatingala ako nang makita ang taong walang galang na pumasok sa office ko. Hindi man lang ito kumatok, nagpatuloy-tuloy lang itong pumasok at nagdiretso sa sofa na nasa gilid ng lamesa ko.
“Mabuti naman at nandito ka na.” Bumalik ako sa pagkakaupo sa office chair ko. Isinauli ko na rin sa pen holder ang ballpen na ginamit ko.
Napangiwi ito at humina ang boses. May sinabi siya pero hindi ko narinig dahil naka-zero volume yata siya. Sinadya niyang huwag kong marinig. “Sorry ka at naunahan ko ang binigay mong oras. Hindi ako matatanggal sa trabaho.”
Napangisi ako dahil sineryoso niya na naman ang sinabi kong kung hindi pa siya makakabalik bago mag-5:30, tatanggalin ko na siya bilang personal assistant ko. Uto-uto talaga ang isang ‘to.
Halos humilata na ito sa sofa dahil sa sobrang pagod. Hingal na hingal ito at hindi na siya nag-aksaya pa ng oras na tanggalin ang suot nitong sling bag na ginamit niyang lagayan sa papers na inutos kong dalhin niya kay Mr. Salvacion.
Tumayo ako at nagsimula nang mag-ayos. Kinuha ko ang bag ko sa katabing sofa na pinaghihigahan ngayon ni Tedson. Isasama ko sa pag-uwi ang ilang papers na kailangan kong basahin. Kahit pa naka-leave ako, hindi ko pa rin hahayaan ang kompanya. Magtratrabaho pa rin ako habang nasa Hacienda.
“I’m just joking. Hindi ka p’wedeng tanggalin ngayon dahil magle-leave ako. Hindi ganoon kabilis para mag-hire ng kapalit mo,” ani ko.
Kahit pa hindi ako nakatingin sa kaniya, alam kong nanlaki na ang mga nito at napanganga na. Siguro nga ay palihim na niya akong minumura sa kaniyang isipan.
“Tangina, Keeion! Hindi mo alam kung paano ako naghirap na sumingit sa gitna ng mga sasakyan dahil traffic at halos maubusan na ako ng hangin sa katatakbo para lang maabutan ko ang letseng 5:30 na ‘yan,” panggagalaiti niya sa akin.
Wala lang naman ‘yon sa akin. Expected ko nang ibabato niya na naman sa akin ang paghihirap na na-experienced niya para makonsensya ako. Ngunit hindi ‘yon umuobra sa akin. Dinededma ko lamang ito na lalong nagpapainis sa kaniya.
Nang mailagay ko na ang mga papers na kailangan kong i-review, isinara ko na ang bag at humarap na ako kay Tedson. “Kung nagrereklamo ka, sige, tatanggalin na lang kita pagkabalik ko.”
Mas lalo niya akong sinamaan ng tingin pero agad niya rin ‘yon binawi. “Sino ba nagrereklamo? Ako ba? Parang hindi naman!” natatawa niyang ani at pilit na kinukubli ang pagkainis sa akin.
“Oh!” Ibinato ko sa kaniya ang isang susi na agad naman niyang sinalo. Tinitigan niya ito at inaalam kung para saan ‘yon. Susi iyon ng condo ko. “Kung may papers kang kailangan, nasa cabinet ko lang iyon. Siguraduhin mo lang na bubuksan mo ang condo ko kapag may important documents kang kukunin. Huwag na huwag kang magdadala ng mga babae mo roon. Ayokong madaplisan kahit pa ang basahan ko roon ng pagkababaero mo.”
Ngising-ngisi ito dahil ibig sabihin lang nu’n, kilalang-kilala ko na siya. Siyempre, ano pa ba ang i-expect niya? Halos sabay na kaming lumaki ni Tedson. Tulad ni Arya, kinupkop din siya ni Papa noon. Anak si Tedson ng family driver namin ngunit sa kasamaang palad, binawian ng buhay si Manong Elton, ang Ama ni Tedson, at gaya ko, ulila na rin siya sa Ina kaya sa puder ng Papa ko naiwan si Tedson. Parang tunay na kapatid na ang turing namin sa isa’t-isa. Walang iba sa amin, lalo na ako na mismong Anak ng taong kumupkop sa kanila, hindi ko sila itinuring na ibang tao gaya ng utos sa akin ni Papa noong bata pa kami.
“Oo na! Hindi ko na dudungisan ang condo mo. Ididiretso ko na lang ang mga babae ko sa condo ko na tabi lang ng condo mo,” natatawa niyang ani.
Binato ko sa kaniya ang tissue roll na nasa lamesa. “Gago! Hindi na mabilang ang mga babaeng ipinasok mo sa condo mo.”
“Sorry na, pogi lang.”
Nakaayos na siya ng upo at nakasandal na rin ang magkabilaang kamay niya sa sandalan ng sofa. Hinihintay niya kung may ibibilin pa ako sa kaniya.
“Si Arya,” panimula ko na agad namang pagngiti ng mga mata niya.
“Bakit si Arya?”
“Pupunta siya rito sa Manila para mag-deliver ng mga ani. Gusto kong samahan mo siya sa pag-deliver dahil may mga bago tayong clients na nais gawin tayong supplier nila. Kailangan mabilis ang delivery ng mga ‘yon nang maabutan niyo sila Mr. Velasquez kasama ang mga potential clients na kasama niya. Samahan mo si Arya na kumausap sa kanila,” seryoso kong sabi.
Tumango-tango naman si Tedson sa akin. “Mukhang mapapasabak na naman ako sa kasungitan ng babaeng tigre na ‘yon. Pero baka p’wede namang huwag ko na samahan? Kayang-kaya naman ni Arya ‘yon, eh. Baka mag-away lang kami habang kausap ang mga clients.”
Tama naman si Tedson. Kung tutuusin, kayang mag-isa ni Arya ang kumausap sa mga clients ngunit hindi ko pa rin maiwasan na mag-alala para sa kababata namin na humarap sa apat na matandang lalaki na nakita ko sa background na mahilig sa mga sugar baby.
May pagkatigre si Arya at hindi mabilis magpadala sa mga ganoong bagay ngunit kilala ko ang mga taong kapareho ko ng mundong ginagalawan, ang mundo ng pagnenegosyo at iba pang maduming gawain.
“Alam mo naman siguro ang background ni Mr. Velasquez, hindi ba? Gusto mo bang isa ka rin sa malalagot kapag may nangyaring masama kay Arya?” pananakot ko.
Alam na niya ang nais kong tukuyin kaya naman hindi na ito nakipagtalo pa sa akin, sa takot lang niya kay Papa na itinuturing na rin nila Arya at Tedson na pangalawang Ama. Ayaw kasi ni Papa na may mapahamak na isa sa amin at mahigpit niya ring ibinilin si Arya sa amin na huwag pababayaan lalo pa kung napupunta siya rito sa Manila. Maraming kapahamakan ang lugar na ito.
“Sige na, lumayas ka na, Senyorito Keeion. Ako na ang bahala rito at ‘wag kang mag-alala dahil hindi ako gagawa ng katarantaduhan.”
“Siguraduhin mo lang. Kapag may nabalitaan na naman akong inuna mo ang pagbabaero kaysa sa trabaho, ipapa-banned kita rito at pati na rin sa Hacienda,” mariing wika ko.
Nginusuan niya ako. “Okay po, boss.”
Bago umalis ng office, siniguro ko munang kompleto ang gamit na dala ko lalo na ang mga mahahalagang documents. Dinala ko na rin ang flashdrive kung saan nakalagay ang files ng kompanya. Nang makasiguradong wala na akong nakalimutan, iniwan ko na si Tedson sa office ko.
Wala naman akong pangamba na iiwanan ko sa kaniya ang mga meetings at ang operation activities ng company dahil gaya kay Arya, malaki rin ang tiwala ko kay Tedson. Alam kong iisa lang ang nais namin, ang panatilihing nakatayo ang kompanya na pinakaiingatan ni Papa.
Sa lahat ng taong nakakasalamuha ko, sina Arya, Tedson at ang mga taong nasa Hacienda ang ramdam kong totoo ang pinapakita.
Sa mga taong narito sa kompanya, hindi lahat ay p’wedeng pagkatiwalaan. Alam ko na ang takbo ng buhay na pinasukan ko rito sa Manila at ayokong madali sa kahit anong bagay na maaari kong ikapahamak.
Pagkalabas ko ng office, walang empleyado na nais tumingin sa akin. Ang lahat ay tutok sa kaniya-kaniyang computer at papers na inaasikaso. Takot silang dumapo ng tingin sa akin dahil baka mahuli ko ang mga ito na nakatingin at isa lang ang ibig sabihin nu’n, may mayayari na naman sa akin.
Alam nilang lahat ang pinakaayaw ko. Huwag na huwag silang magpapahuli na hindi nakatutok sa trabaho dahil hindi ako magdadalawang-isip na patalsikin sila sa kumpanya.
Lumabas na ako sa 10th storey building. Agad akong sinalubong ng driver ko at dali-dali akong pumasok sa kotse. Inilagay ko ang dala kong bag sa tabi ng inuupuan ko sa passenger’s seat.
Nang masilip ako ni Manong Ramon na ready na, binuksan na nito ang engine.
“Manong, sa Hacienda tayo uuwi.”