Ellie’s POV
Napamulat ako dahil pakiramdam ko, nasisilaw ako. Hindi nga ako nagkamali dahil nakita kong tumatama ang sinag ng araw sa nakabukas na bintana papunta sa akin. Hindi kasi nakaayos ang kurtina roon kaya malayang pumapasok ang sinag ng araw.
Lumingon ako sa bandang sala set upang tingnan sana ang dalawang nurse na nagbabantay sa akin at makisuyo na isarado ang kurtina para bumalik ako sa pagtulog. Pero hindi ko nakita sina nurse Hans at nurse Ria roon.
Subalit may isang lalaki akong nakita sa sofa. Nakahiga siya roon at mahimbing na natutulog. Nakabalot sa kaniya ang kumot at may unan din sa bandang ulo niya. Komportable naman siyang tingnan sa posisyon niya dahil mahaba naman ang sofa at kasya ang buong katawan niya roon.
Anong ginagawa niya rito?
Nakaharap ito sa direksyon ko kaya kitang-kita ko ang natutulog nitong mukha.
Napangiti ako dahil ang amo ng kaniyang mukha habang tulog. Animo’y hindi nagsusungit kapag gising ito. Kapag tulog lang naman yata siya mabait, eh. At para na naman itong leon kapag gising na, kulang na lang ay susunggaban ka nito at handang lapain nang buo.
Pero kahit pa mala-leon siya, hindi ko talaga maiwasang magwapuhan sa kaniya. Ang lakas ng dating nito lalo pa ang s*x appeal niya.
Nakalimutan ko na ang sadya ko kung bakit gusto kong hanapin ang dalawang nurse dahil na-enjoy ko ang magandang view ng mukha ng lalaki. Saka ko naman narealized na ilang minuto ko na rin siyang tinititigan nang marahang gumalaw ang kaniyang ulo.
Naalimpungatan na yata siya.
Agad akong pumikit para hindi niya akong mahuling gising na at kanina ko pa siya tinitingnan. Minulat ko nang konti ang mata ko para sapat ko pa ring masilip kung anong ginagawa niya.
Gising na nga siya. Nakaupo na siya ngayon sa sofa at kasalukuyang tinutupi ang ginamit niyang kumot. Marunong pala siyang magtupi ng ginamit. Sa yaman ba naman nila, akala ko ay inuutos niya na lang ‘yon sa mga taga-silbi rito sa mansyon. Mainam na rin iyon para naman maging responsable pa rin siya sa kabila ng karangyaan na nilalasap niya.
Napapikit ako nang maigi nang dumapo ang paningin nito sa akin. Hindi ko na tuloy siya masilip. Natatakot akong baka mahuli niya ako. Nanatili lamang akong nakapikit hanggang sa maramdaman na tumayo na ito at nagsimula nang humakbang. Doon ko lang minulat nang konti ang mata ko para tingnan siya ulit.
Palabas na ito ng kwarto habang hawak ang kaniyang cellphone. Huminto ito saglit nang itapat niya ang kaniyang cellphone sa tainga nito.
“P’wede na kayong umakyat dito.”
Napakunot ako ng noo kung sino ang kausap niya. Nang nailagay na niya ang cellphone niya sa bulsa ng pants niya, tuluyan na itong naglakad palabas ng kwarto.
Naiwan akong mag-isa.
Nagtataka kung anong ginagawa ni Senyorito sa kwarto ko? Bakit siya rito natulog? Bakit siya lang ang bumungad sa akin pagkagising ko?
Ilang araw ko rin siyang hindi nakita. Hindi ko alam kung saan siya nanggaling. Hindi ko naman matanong kay Arya dahil baka kung ano pa ang isipin nito. Baka tanungin ako nito kung bakit ko siya hinahanap at sabihin pa na interesado ako sa masungit na lalaking ‘yon.
Pero teka nga, bakit naman sumagi sa isip ko kung bakit wala siya ng ilang araw? Ano naman sa akin? Wala naman akong pakialam kahit pa isang taon siyang hindi magpakita sa akin.
Biro lang pala. Kailangan ko pang makibalita sa kaniya tungkol sa pag-iimbestiga niya tungkol sa background ko. Siya lang ang may kakayahang gumawa nu’n dahil sa sobrang yaman ng pamilya niya, paniguradong marami itong connection na makakatulong sa pag-alam ng totoong pagkatao ko.
Ilang minuto rin ang lumipas simula nang umalis sa kwarto ang lalaki, ang siya namang pagdating ng dalawang nurse. Inabangan ko pa kung kasama nila si Arya pero walang Arya akong nakita na nakasunod sa kanila.
“Ma’am, gising na pala kayo. Babalik lang po ako sa baba para maihanda ang agahan niyo,” ani ni nurse Ria.
I just nodded. Hindi ko alam na pati ang paghahanda ng pagkain ko ay sa dalawang nurse rin pala nakatoka. Akala ko ay ang pag-aalaga at pagthe-therapy lang ang duty nilang dalawa.
Naiwan si nurse Hans na siyang umalalay sa likod ko para makaupo ako nang maayos at sumandal sa headboard ng kama. Ganito lagi ang ganap tuwing paggising ko sa umaga. Minsan nga ay naiirita na ako dahil gustong-gusto ko nang bumangon na hindi nila ako tutulungan at makapaglakad na. Pero kahit gaano ko pa kagusto ito, kailangan ko pa ring maghintay kung kailan ako gagaling. Ayoko namang pilitin at baka lumala lang ang kalagayan ko. Mas mahihirapan lang ako lalo.
“P’wede ba akong magtanong?”
Lumingon ang nurse na lalaki na nasa gilid ko. Inaayos nito ang mga gamot ko roon, maging ang prutas na bagong bili lang yata at nakalagay ‘yon sa malaking bowl. May katabi itong vase kung saan naman nakalagay ang mga puting rosas. Araw-araw ay napapalitan ang mga bulaklak na naroon. Hindi na ako magtataka dahil nabanggit sa akin ni Arya na may plantasyon ng mga bulaklak dito sa Hacienda at isa sila sa taga-supply sa mga naglalakihang flower shop sa bansa.
Masaya ako sa tuwing nakakakita ng mga bulaklak kaya kapag gumaling na ako, nais kong puntahan ang plantasyon. Nais kong masilayan ang iba’t-ibang uri ng bulaklak na narito sa Hacienda.
“Oo naman po,” sagot nito.
Nag-aalangan ako kung itatanong ko ba sa kaniya pero at the end, ginawa ko pa rin. “Anong ginagawa ni Senyorito Keeion dito sa kwarto? Nakita ko siyang natutulog sa sofa kanina.”
Nais ko lang naman malaman kung ano ang ginagawa nito rito.
Hindi naman sa pinagdududahan ko siya na baka may gawin siyang masama sa akin habang natutulog ako, gusto ko lang makasigurado. Malay ko ba kung napikon ko siya sa kasasagot ko sa kaniya nang pabalang noon at gusto niyang makahignati sa akin ngayon.
Okay, masiyado na akong nag-o-overthink.
“Hindi rin namin alam, Ma’am. Papasok sana kami rito kanina nang madatnan namin si Senyorito na mahimbing ang tulog kaya napagdesisyunan naming ‘wag na munang tumuloy.”
Nakakapagtaka naman. Bakit dito siya natulog? Wala ba siyang sariling kwarto o baka naman namali ito ng silid na pinasukan?
Si Arya… tama! Baka alam ni Arya kung anong ginagawa ng lalaking ‘yon dito. Dito na rin natutulog si Arya tuwing gabi, eh, kaya alam niya kung ano ang dahilan.
Pero nasaan nga ba si Arya? Imbes na siya ang madatnang ko kanina, si Senyorito Keeion ang sumalubong sa umaga ko.
“Si Arya? Nasaan siya?” tanong ko.
“Pumuntang Manila po si Miss Arya kaninang madaling araw para sumama sa pag-deliver ng mga ani. Balita ko ay sa makalawa pa ito makakabalik.”
Nabanggit nga ni Arya sa akin na ganoon ang trabaho niya rito sa Hacienda. Isa siya sa nagma-manage sa pag-supply ng mga buyers nila sa Manila. Isa siya sa pinagkakatiwalaan ng pamilya Ruiz. Mukhang hindi naman magsisisi ang pamilya Ruiz na kinuha nila si Arya dahil kahit hindi ko pa ito masyadong kilala, ramdam kong mabait ito at matapat.
Nang makuha ko na ang mga sagot sa tanong ko, bumalik na ang nurse sa pagsasaayos ng mga gamot. Nanatili naman akong nakaupo habang hinihintay si nurse Ria na nagpaalam na bababa muna siya para kunin ang agahan ko.
Sabay kaming napalingon ni nurse Hans nang magbukas ang pinto. Iniluwa nu’n si nurse Ria na walang bitbit na tray na may lamang pagkain na madalas niyang gawin tuwing umaga.
“Ma’am Ellie, ipinag-uutos ni Senyorito na saluhan mo siya sa agahan sa dining area. Kaya hindi na ako nagdala ng agahan mo rito sa taas dahil ibababa ka namin.”
Ha? Sasaluhan ko ang lalaking ‘yon?
At ano namang nakain niya at gusto niya akong saluhan siya? Pero imposible namang may nakain na siya, hindi pa nga ito nakakapag-agahan, eh.
Bago bumaba, inasikaso muna nila nurse Ria at dalawang kasambahay ang panligo ko. Tuwing umaga ay inaalalayan nila akong maligo. P’wede naman na dahil ligtas naman ako sa banyo. Malawak ang espasyo roon at saka may tatlong tao namang nakaalalay sa akin. Nagagalaw ko na rin naman ang dalawang kamay ko, gumagaling na ang mga galos nito. Sadyang ang dalawang paa ko na lamang ang iniinda ko. Hindi pa rin kasi ako nakakalakad hanggang ngayon.
Inilipat na ako ni nurse Hans sa wheelchair saka niya ako ipinunta sa loob ng banyo. Nakasunod naman sila nurse Ria at ang dalawa pa niyang katulong sa pag-aasikaso sa akin. Kung hindi lang nagpunta sa Manila si Arya, malamang ay isa rin siya sa umaasikaso sa pagligo ko.
Lumabas na si nurse Hans nang masigurong nasa maayos na ang posisyon na ako. Hindi madulas ang banyo na ito dahil sa mat na pinasadyang pinalagay ni Arya para makasigurong hindi madudulas ang inuupuan ko sa pagligo.
“Ma’am Ellie, narito na po sa gilid ang towel niyo. Tawagin niyo na lamang kami kung tapos na kayo,” ani ng isang katulong na nasa 40’s na.
Tumango ako saka matipid na ngumiti. “Opo, sige po.”
Mababait ang lahat ng nag-aasikaso sa akin. Halos lahat naman ng tao rito ay mababait, ang Senyorito lang nila ang may pagka-attitude. Ang mga magulang niya kaya? Mabait din kaya sila o gaya rin ni Senyorito Keeion na may pagkasungit at medyo masama ang ugali.
Binuksan ko na ang shower at nagsimula nang magsabon. Hindi naman ganoon kalamig ang tubig kaya mabilis ang pagligo ko.
Mga kinse minuto rin ako roon sa banyo bago ko kinuha ang towel. May nakahanda na ring damit pangtaas ko roon kaya isinuot ko na ito. Tinawag ko na sina nurse Ria para tulungan ako sa pang-ibabang damit. Hindi na ako nahihiya sa kanila ngayon hindi gaya noong unang beses na naligo ako. Comfortable naman ako dahil kapwa ko babae sila at hindi na ito big deal lalo pa’t ganito ang kalagayan ko.
Walang tutulong sa akin kung mag-iinarte pa ako.
Agad na rin naman akong inilabas ni nurse Hans sa banyo nang makapagpalit na ako. Dineretso nila ako sa dresser kung nasaan ang round mirror na nakasabit sa pader. Pinaupo nila ako roon at nagsimula nang ayusan.
Ang dalawang katulong ang nag-ayos sa buhok ko. Blinower nila ito para mabilis matuyo. Samantalang si nurse Ria, nagsimula na ring lagyan ako ng light makeup.
Nakasuot ako ng white skirt and pink sleeveless tops na bumagay naman sa maputi kong kutis.
“Hindi pa ba tapos si Ellie?” tanong ng bagong dating sa kwarto.
Nilingon ko ito para malaman kung sino ito.
Si Manang Cora.
“Tapos na po, Manang. Sa totoo niyan ay pababa na po sana kami,” sumbat ni nurse Ria.
Tama siya. Tapos na nila akong ayusan at ililipat na rin sana ako ni nurse Hans nang dumating si Manang.
“Mabuti naman dahil kanina pa naghihintay si Senyorito Keeion. Alam niyo naman na ang batang ‘yon, maiksi lang ang pasensiya.”
Halata nga sa hitsura niya na mabilis lang ito mairita sa isang bagay. Wala naman sa hitsura niya na kaya niyang maghintay. Marahil ay hindi ito sanay at nakukuha agad-agad ang bagay na nais niya.
Binilisan na lang ni nurse Hans ang paglipat sa akin. Matapos akong makaupo nang maayos sa wheelchair, inilabas na nila ako sa kwarto.
Napakalawak talaga ng mansyon na ito kaya medyo natagalan kaming nakarating sa hagdan. Natatanaw ko a lang ito, natatakot na ako. Paano ako bababa riyan? Alangan namang igugulong itong wheelchair na gamit ko?
“Ma’am Ellie, bubuhatin ko po kayo pababa para makarating sa first floor. Isusunod na lamang po ang wheelchair niyo,” ani ni nurse Hans.
Akmang bubuhatin na ako nito nang umiling ako. “Teka, a-ayoko. Baka mahulog tayong dalawa riyan?”
Natatakot akong magpabuhat dahil ilang steps din ang hagdan na ito. Paano na lang kapag nadulas si nurse Hans? Pati ako ay madadamay. Baka mas lalong hindi ako makalakad!
Kahit anong pagkumbinse nila sa akin, hindi pa rin ako pumapayag.
Kakain na lang ako rito sa second fllor! Kung bakit naman kasi gusto pa akong makasalo ng lalaking iyon? Hindi ba p’wedeng kumain siyang mag-isa? Alam naman niya ang kalagayan ko, aba!
“Ako na riyan,” ani ng malamig na boses na nagmula sa likod.
Nang lingunin namin ito, laking gulat namin.
Si Senyorito Keeion nila.
Mukhang narinig niya ang pag-uusap namin. Alam niyang pilit nila akong kinukumbinse na magpabuhat kay nurse Hans.
Tumabi si nurse Hans sa gilid ng railings at pinalitan ni Senyorito Keeion ang p’westo kung nasaan ang nurse kanina. Nasa tabi ko na ang lalaki.
“Kung ayaw mong magpabuhat, paano ka makakababa? Gusto mo bang pagulong-gulungin ka namin diyan sa hagdan?”
Napakunot ako ng noo dahil sa sinabi niya. Tine-take advantage niya ang hindi ko paglalakad!
“Hoy! Kung bakit naman kasi inaaya mo akong sumalo sa ‘yo sa agahan, ha? Tapos gusto mo pang diyan sa baba, eh, alam mo namang hindi pa ako nakakalakad!” iritado kong saad.
Pero imbes na makipagtalo pa siya sa akin, walang permiso niya akong kinuha mula sa wheelchair. Walang kahirap-hirap niya akong binuhat.
Nanlaki ang mata ko sa ginawa niya pero napahawak pa rin ako sa leeg niya para hindi mahulog. Binuhat niya ako na parang gaya sa mga bagong kasal. Mas lalo akong nailang nang tingnan niya ako sa mata at ngisian. “Magpapabuhat ka rin pala.”
“Hoy! Ibaba mo ako!”