Chapter 2
Stay
“Ikaw na naman?”
Hindi ko akalain na `yong pagtanong nang gano’n, nakakatawa na pala. Pinagmasdan ko lang siyang tumatawa habang ako, walang reaksyon.
“Oh, sorry.”
May nakakatawa na ba sa tanong ko? Nagtanong lang naman ako.
Huminga siya nang malalim at ngumiti. “Tell me, you find me annoying, right?”
“Oo.”
“So frank,” sinabi niya, natatawa na naman. “Where are you gonna go?”
“Kung sa’n wala ka.”
Tumawa na naman siya. “So much annoyed at me?”
“Depende sa ikikilos mo sa `kin ngayong araw.”
“Fine, fine.” Nakangisi na siya. “I promise I’m not gonna do anything that might annoy you.”
Tinignan ko lang siya.
“Hey! I’m serious! Believe me.”
“Bahala ka.”
Nagsimula na `kong maglakad. Ramdam ko `yung presensya niya sa tabi ko. `Di ko alam kung pa’no niya nagagawa `yon. `Yong ngumiti nang gano’ng katagal? Nakakapagod `yong kailangan mong maging masaya sa lahat… kung minsan, parang ang peke na ng ngiti na pinapakita ng mga tao.
“Know what? That church you usually go? It looks so creepy during at night!”
Napalingon na `ko sa kaniya. Kinunotan ko siya ng noo. “Tuwing gabi?”
Tumango siya. “Those saints you’re looking up to? I could almost call all the f*****g---”
“Ang sabi mo, nakakatakot sila kapag gabi.”
Tumango siya na parang bata.
“Wala kang bahay?”
Hindi siya nagsalita sandali. Pero nagawa pa rin niyang ngumiti. “We are now concern here, huh?”
“Hindi naman.” Nagkibit ako ng balikat.
Napailing siya `tapos ngumisi. “By the way, thanks for that adobo. Masarap.”
“Sa’n ka kumain?”
Nag-taas-baba siya ng kilay. “Interested?”
Tumawa na naman siya no’ng wala akong reaksyon. Magaling din siyang mag-iba ng usapan.
“You can be a good cook.”
“Malabong mangyari `yan.”
Nawala `yong ngiti niya. “Why?”
Hindi ko siya sinagot at nagpatuloy lang ako sa paglalakad. Ang sabi niya sa `kin, kailangan kong makabili ng paso na nabasag do’n sa halamanan niya kanina. Nabasag iyon nang hindi namin alam, pero sinisi pa rin niya ako. Ako raw kasi `yong may kasalanan dahil hindi ko binantayan nang maayos. Baka nga, kasalanan ko. Dapat, nabantayan ko `yun. Hindi sana `yon mababasag kung tinalasan ko `yung mga mata ko.
Ako nga `yung may mali…
“Hey.”
Napairap na `ko. Ang kulit naman ng lalaking `to.
May kumislap sa mga mata niya. “Dude! You rolled your eyes!”
“Marunong akong umirap.”
Tinawanan na niya `ko nang malakas. Parang sasabog pa nga `yong pisngi niya sa sobrang lakas ng tawa niya. Nagsasayang na `ko ng oras. Ba’t ko ba kasi kinakausap `tong lalakeng `to?
“No! I mean, you always wear that poker face.” Tinuro pa niya `yong mukha ko. “Thought you dunno `bout other reactions.”
Napataas ako ng kilay. “Nang-aasar ka ba?”
Tumawa naman siya ngayon nang mahina. “Sorry.”
Nagpatuloy na `ko ng paglalakad.
“But seriously speaking, what do you mean it’s impossible for you to become a cook? If you push that through hard work and patience, I’m sure you’re gonna be---”
Pumihit na `ko paharap sa kaniya. Huminga ako nang malalim. “Hindi lahat, may pera. Na may mga magulang sila na kaya silang pag-aralin. Hindi parati nadadaan lahat ng passion at sipag. Para lang `yon sa may pera. Sa may kaya at `yong may pribilehiyo. Pasensya ka na, pero wala ako no’n.”
Alam ko, pumutok na `ko sa hangganan ko. Hindi ko lang makayanan `yong sinabi niya. Sana nga, nadadaanan lagi lahat sa passion para matupad lahat ng pangarap na gusto natin, kaso hindi ka naman mabubuhay nang wala kang pera. Kapag wala ka no’n, hindi mo makukuha `yong gusto mo.
Sana nga, gano’n kadali lahat. Sana nga, maabot ko nang gano’n kadali `yong mga pangarap ko, kaso, wala akong makinarya. Wala akong… kahit ano.
“I’m sorry…”
Huminto na `ko sa paglalakad.
“I’m sorry if I said those words. I didn’t consider what you’re going through with life. I’m really sorry, Zara.”
Umiling lang ako. “Iwanan mo muna ako. Gusto ko lang mapag-isa.”
Nagulat siya, pero mabilis din siyang tumango. “Fine.”
Sumunod din siya. Wala na `yong presensya niya no’ng sumakay ako no’ng jeep. Tingin ko, malinis naman `yong intensyon niya, ang problema, hindi applicable sa lahat `yong gusto niyang mangyari. Mukha naman siyang galing sa may-kayang pamilya kahit hindi ko maintindihan kung bakit siya nasa simbahan no’ng isang gabi. Baka, balak niyang mag-pari. Ewan ko.
Bumaba na `ko sa jeep pagkatapos kong makita `yung nagtitinda ng paso para ro’n sa halaman niya.
Sana, tama `yong mabibili ko. Hindi ko rin kasi alam kung ano’ng hitsura. May pinakita siya sa `kin, `tapos no’ng hindi ko makuha, tinuktukan niya `yong ulo ko at tinawag pa niya `kong bobo.
Sana, tama na nga `to talaga.
“Manong.” Tumingin sa `kin `yong lalakeng may malaking pangangatawan. “May paso po kayo na ginagamit sa halaman?”
“Lahat naman ng paso ko rito, ginagamit sa halaman, iha,“ sabi niya no’ng kinunutan niya `ko ng noo.
Napatango ako. Hindi ko alam kung ano’ng bibilhin ko. Mukha silang pare-pareho sa paningin ko kaya `di ko rin alam `yong pipiliin ko.
“Miss, ano ba’ng bibilhin mo?”
“Paso po.”
“Oo, alam kong paso, kaya nga pumunta ka rito sa tindahan ko, `di ba?” naging sarkastiko na siya. “Ano’ng klaseng paso?”
Ano’ng pipiliin ko? Hindi ko alam.
“Magkano ba `yung dala mong pera?”
“Bente po.”
“Pinagloloko mo ba `ko?”
Napaatras na `ko dahil mukhang galit na siya, pero totoo naman `yung sinabi ko. Ito lang `yung binigay niya sa `king pera. Sinabi pa nga niya, pagkasyahin ko raw. Kaya `di ko rin alam kung pa’no `ko makakauwi mamaya dahil kasya lang `yon pambili ng paso.
“Miss.” Medyo naiinis na siya pero nagawa pa niyang matawa. “Walang mararating `yang bente mo.”
Mabilis ko siyang nilapitan no’ng tinalikuran na niya `ko. “Pakiusap po, manong, kailangan ko lang pong bumili kahit isa.”
Ang bilis niyang umiling. “`Di nga puwede. Ano’ng akala mo sa tindahan ko? Charitable institution?”
“Just buy it… your pride won’t go further, dude.”
Nakita ko kung pa’no natigilan si manong na magsalita. Ang laki ng pagkaawang ng labi niya. Ang tagal pa niyang tumulala. Para ba’ng may nakita siya na kung ano.
“Pucha, nagsama pa ng kasama!”
“Po?” hindi ko narinig `yung binulong niya. Nakatalikod siya sa `kin.
“Wala!” napaatras na `ko sa sigaw niya. Napabuga na siya ng hangin. “Bumili ka na nga! Bilisan mo!”
Ang bilis ko siyang sinunod. Naghanap na `ko ng sa tingin ko, maganda `yong hitsura. No’ng nakapili na `ko, mabilis niya `kong pinaalis sa tindahan niya.
“H’wag ka nang babalik dito!”
Humingi pa rin ako ng pasensya. Dapat, hindi na `ko nagtanong nang nagtanong para `di na siya nagalit nang gano’n. Mukhang maikli `yong pasensya niya.
Wala na rin akong pamasahe kasi mahal pala `yong jeep na nasakyan ko, kaya maglalakad na lang ako.
“Hey!”
Ano ba’ng meron dito sa lalakeng `to at alam niya kung saan ako pumupunta? Nagkakataon lang naman siguro lahat?
“Sorry, pero kailangan kong magmadali.”
Ramdam kong hinabol niya `ko sa likod ko. “I’m sorry, all right? Please, I’m not that get used of you getting mad at me.”
“Hindi naman ako galit… baka may mali rin ako. Ako pa nga `yung may kasalanan kasi sinigawan kita. Ako dapat `yung humingi ng tawad sa `yo. May tama naman siguro sa sinabi mo kaya mo `yun---”
“Wait.” Huminto ako sa paglalakad dahil ang seryoso no’ng boses niya. “Do you always do that?”
“Ang ano?”
“That… you always tend to disregard your thoughts and feelings… like for the sake of other people, you’d say sorry on them and let them air their sentiments against you because you think they’re right.”
“Ano ba’ng sinasabi mo?”
Naiinis na ako. Kailangan ko nang umalis dahil may hahabulin pa `kong oras.
Nagulat ako sa pagpungay no’ng mga mata niya. “Don’t mind me. I’ll keep, swear.” Tinaas pa niya `yung palad niya. “But swear, too, we have to deal with that behavior of yours.”
Bahala siya. Nagsimula na kaming maglakad. Medyo binibilisan ko na `yung lakad ko dahil baka mapagalitan niya ako.
“Ano `yong binili mo?”
“Paso.”
“Ah.” Tumango siya. “Malayo pa `yong house mo rito… you can take a ride.”
“Wala na `kong pera.”
“How much is your money?”
“Thirty. Nabawasan ko na.”
“Does it heavy?”
Umiling ako. Ang layo pa sa bahay. Kailangan ko nang bilisan pa lalo dahil maglalaba pa `ko. Kasalanan ko. Sana, hindi ko na lang kinausap ang lalakeng `to.
“Hindi naman.”
Hindi naman talaga…
“Liar.”
Hindi ko na siya sinilip. Narinig ko na sinabi niya `yun, kaso ayoko nang magpaapekto. Mas importante na makauwi ako nang maaga sa bahay dahil kapag hindi ko nagawa `yun, mapapagalitan ako.
“Your hair.”
Nilingon ko siya. Parang napansin kong gusto niyang hawakan `yong buhok ko no’ng nilipad ng hangin pero nagpigil siya. Nagbuntong-hininga siya at nagpamulsa.
Inayos ko `yung buhok ko.
“If only…” sabay iwas niya ng tingin.
Inabot din ako ng halos isang oras sa paglalakad bago ako nakarating ng bahay. Pagkakababa ko ng paso, ramdam ko agad `yung panginginig at pamamanhid no’ng palad ko.
“Ano ba `yan! Ang bagal mo talaga, Zara! Ang lapit-lapit lang ng tindahan, natagalan ka pa rin?! Ano ba namang paa `yang meron ka, punyeta ka!”
Dapat, binilisan ko `yung paglalakad kanina. Sabi ko na nga ba, magagalit siya sa `kin. Sana, mas nagmadali pa `ko.
Nakayuko lang ako habang pinapanood siyang tingnan `yong supot na laman no’ng binili kong paso. Hindi ko man nakita nang malinaw, base sa pagbabago kaagad no’ng reaksyon ng mukha niya, alam kong masisinghal na niya `ko.
“Ang tanga mo talaga! Hindi naman `yan `yong pinabili ko sa `yo! Sabi ko na nga ba, lumandi ka lang sa labas!”
“Pasensya na po---”
Bago pa ako makaangat ng tingin sa kaniya, para na akong nahilo no’ng tumama sa ulo ko `yong mismong paso na binili ko kanina. Sa lakas ng pagkakatama, parang umiikot na `yong paningin ko.
“f**k! Zara!”
Hindi ko alam kung nabibingi ako o nabubulag na `ko sa pagharang no’ng luha sa mga mata ko. Ang tindi ng panginginig ng katawan ko kaya hindi ako makakilos. Hindi ko na marinig `yung sinisigaw niya. Alam kong sinipa pa niya ako pero hindi ko na maramdaman dahil parang normal na reaksyon na lang ng katawan ko `yung pagtanggap ng mga p*******t niya.
Hindi ko alam kung paano ako nakaalis sa harapan niya. Pagkapasok ko pa lang sa loob ng basement, tumulo agad nang mabilis `yong luha ko.
Bakit pa ba ako umiiyak? Sanay na ako. Normal na `to kaya dapat, wala lang `to sa `kin.
“Tahan na.” Para na akong baliw dahil kinakausap ko `yung sarili ko habang pinapatahan ko `yung sarili ko `tsaka pinupusan ko `yong luha ko. “Pakiusap, tahan na.”
Kailangan kong tumahan dahil wala lang `yon. Nagdradrama lang `yong mga umiiyak. Hindi masakit `tong sugat na natamo ko… okay lang ako. Gagaling naman `to. Kailangan kong gumaling kasi magagalit sila sa `kin. Kasalanan ko naman kung bakit nangyari sa `kin `to. Ako `yung may mali. Ako…
“Stop thinking that you’re wrong. That you’re always the wrong here. Please, stop ignoring your feelings and giving them the chance to hurt you!”
Wala naman akong narinig. Imposibleng may naririnig ako dahil ako lang naman `yong nandito sa basement… baka guni-guni ko lang.
Habang pinagmamasdan ko `yung mukha ko sa basag na salamin, nakaramdam na naman ako ng pagod lalo na no’ng nakita ko `yong noo kong bumukol. Mabigat na pagod. Iyong klase ng pagod na may kasamang sakit na araw-araw mo na lang kukuwestiyunin, bakit ka pa ba nabubuhay; bakit ka pa ba nandirito. Ano pa ba’ng silbi mo.
Nakakamanhid na sakit. Pagod na pagod na ako, pero kailangan kong huminga; kailangan ko pang mabuhay. Dahil baka… baka sa efforts ko… matutunan pa rin nila akong mahalin.
Ginamot ko iyong sarili ko para mawala kahit papa’no iyong sakit. Ang dami ko nang sugat… ang bilis din naman nilang maghilom. Sana kagaya rin noon `yong sakit na nararamdaman ko sa loob ko.
Nakayuko akong bumalik sa loob ng bahay. Naabutan ko siya na mukhang aalis.
“Aalis nga pala ako.”
Hindi ko siya magawang tingnan dahil nakatungo pa rin ako.
“Bantayan mo `tong bahay nang magkasilbi ka naman. Palpak ka kasi sa binili mong tanga ka. Ako nang bibili, buwisit ka.”
“Opo,” mahina ang boses ko.
“Punyeta talaga. Lalabas pa `ko kasi ang tanga mong bumili! Punyeta ka talaga.”
No’ng narinig ko na nagsara iyong pinto, ang laki ng paghinga ko nang maluwag. Sa sandaling iyon. Tuwing wala sila sa bahay na ito, doon lang ako nakakaramdam ng kapayapaan sa buhay ko… biglang nawala lahat ng pangamba ko sa mundo… kahit panandalian, iyong sakit na dala-dala ko, parang naghilom.
Mas malaya akong nakapaglinis ng buong bahay nang araw na iyon. Doon ako nakaramdam ng kaginhawaan. Nilubos ko na kasi alam kong walang permanente sa mundo.
Huminto lang ako nang tumunog ang gate sa labas. Pagkasilip ko, nakita ko agad si papa na naghuhubad ng sapatos sa labas.
“Si Zelle?”
“Wala pa po.”
Maaga yata `yong uwi niya. Kailangan ko na siyang ipaghain ng makakain. Gutom na siguro siya.
“Ano’ng nangyari d’yan sa noo mo?”
Napahawak ako roon sa sugat ko… mahapdi kaagad no’ng hinawakan ko siya. Hindi ko na lang pinakita…
“Wala naman po ito. Nadulas lang po `ko.”
Saglit lang siya tumingin sa sugat ko `tapos tumango lang siya at pinabitbit sa `kin `yong dala niyang bag. Nagtaka ako sa biglang pag-iling ni papa.
“Mag-ingat ka naman, Zara. Mabuti pa sa `yo si Zelle, malakas. Hindi nagkakagalis nang kagaya sa `yo. Ang hina mo talaga.”
Tumungo na lang ako sa tigas no’ng boses niya. Ang mahalaga, nag-alala rin siya sa akin. Kahit papa’no, masaya na rin ako. Minsan lang siya magsalita sa akin nang ganiyan kaya okay na `ko sa ibibigay niya sa `kin.
“Tubig po?”
Tumango lang siya nang tipid at nilagpasan niya `ko pagkatapos. Mabilis din akong sumunod dahil kailangan na niyang kumain.
Na-appreciate ko `yung pag-aalala niya. Hindi na kailangan pang malaman ni papa kung ano `yung tunay na nangyari sa `kin basta ang mahalaga, hindi niya pa rin ako nakakalimutan.
No’ng natapos na `ko sa paghahanda, lumapit na `ko kay papa para sabihin na `tapos na `ko.
“Mamaya dadating na si Zelle,” sabi niya pagkatapos niyang ngumuya. “Bilhan mo siya ng ulam. Mahilig si Zelle sa lechong manok. Bahala ka na kung ano’ng brand, basta bumili ka.”
Alam ko `yung sinasabi ni papa kaya lumabas na ako kaagad. Malayo pa iyon dito sa bahay. Nando’n `yon sa bayan. Dapat, magmadali na `ko dahil ilang oras na lang mula ngayon, nandiyan na siya at si Zelle.
“Goin’ outside?”
Nilagpasan ko siya at dumiretso lang sa paglalakad. Ayokong magsayang ng oras ngayon. Mapapagalitan na naman ako kapag nakipag-usap pa `ko sa lalakeng ito.
Pero naiirita ako sa tawa niya. Sanay naman ako sa tawa ng ibang tao pero iba `yong sa kaniya… parang aliw na aliw siya sa `kin kahit wala naman kaaliw-aliw sa `kin.
“Ang bilis mo naman maglakad.”
Napahawak ako sa dibdib ko sa gulat no’ng nilingon ko siya. Lakad-patakbo na `yung ginawa ko para hindi niya `ko maabutan pero nahabol pa rin niya `ko? Ang layo na no’ng nilakad ko.
Ang lawak no’ng ngiti niya… sa una lang din dahil nabura kaagad `yon no’ng dumako ang mata niya sa noo ko. Alam kong mapapansin niya kaya mabilis kong tinakpan `yong bukol. Tumungo na ako at iniwan na siya roon.
Narinig ko `yong pagtikhim niya sa likod ko. “What happened to your forehead?”
Umiling ako.
Ayokong magsalita. Ayokong magbigkas sa kaniya nang kahit na ano dahil wala akong plano na ikuwento sa kaniya `yong napagdaanan ko… hindi naman kami magkakilala.
Nagbuntong-hininga siya. “Zara…” nilingon ko siya. Ang bilis niya talagang makahabol. “Are we friends now?”
“Hindi.”
Nagyuko lang ako at mabilis na naglakad no’ng narinig `yong tawa na naman niyang nakakainis. Bakit ba ako napapaligiran ng mga taong sobrang saya sa buhay?
“But… is it okay if we’re friends?”
Tumigil na `ko sa paglalakad. Kailangan ko nang harapin `tong tao na `to. Kailangan kong malaman `yong motibo niya.
“Ano ba’ng kailangan mo sa `kin?”
Naguguluhan na niya `kong tinignan.
“Hindi ko alam kung bakit mo `ko nilalapitan. Wala ka naman mapapala sa `kin. Boring akong tao… masungit. Layuan mo na `ko.”
Matagal din siyang nanahimik. Mukha namang wala siyang balak sagutin ako kaya maglalakad na ulit ako.
“That’s the reason I want to be your friend.”
Nilingon ko siya at kinunotan ng noo.
“I don’t want you to feel you’re alone… sometimes, you need someone who can take care of you.”
“Hindi ko naman kailangan no’n.”
Ang bigat no’ng paghinga niya. Nilapitan na niya ako. Nakatitig siya sa noo ko. “I don’t know if your pride is talking for you, but swear I won’t give you that up. But of course, if you allow me to.”
“May kailangan ka talaga sa `kin.”
Tumawa na siya. “Wala… my intention here is clean, promise.”
“Bahala ka.”
Nagpatuloy na `ko sa paglalakad. Nasayang na naman `yong oras ko. Mapapagalitan na naman nila ako.
Tahimik na siya. Sinasabayan niya ulit ako sa paglakad. Medyo nagtataka nga lang ako dahil panay `yong paglinga niya sa langit. Hinahayaan ko na lang.
Nakahinga ako nang maluwag no’ng nakita ko na `yong paboritong brand ng lechong manok si Zelle. Sa malayo pa lang, amoy ko na `yong sarsa ng lechong manok nila.
Bumili ako ng isang buo. Mainit pa siya sa supot no’ng nilagay iyon ng tindero. Nakakapagtaka. Sa akin lang nakatingin `yong lalake, eh, may kasama naman ako.
“You’re too serious even when walking.”
“Dahil gano’n naman talaga sa buhay. Dapat, seryoso.”
“On your perspective, maybe… but know what? Too much seriousness might give you a nervous breakdown.”
“Kaya ko pa naman.”
“It’s okay if you’re not okay.” Nilingon ko siya. “People always normalize that everything should be okay. `Lil they don’t know they’re invalidating the real feelings of others. That’s why most people are questioning their feelings and perception.”
Hindi na ako nagsalita. Masyado talagang madaldal ang lalakeng `to. Sagot din naman ako nang sagot. Kailangan talaga, pag-aralan kong hindi siya pansinin masyado. Kapag mas lalo ko siyang pinapansin, mas lalo siyang nagpapa-epal.
Nagtaka na `ko sa bigla niyang pagkawala no’ng nasa bahay na `ko. Nagkibit na lang ako at pumasok sa loob. Alam ko nang nandito na si Zelle dahil dinig ko na siya sa labas pa lang.
“In fairness, huh, you’re not that stupid today.”
Hindi ako umimik. Dama ko `yung titig nilang dalawa ni papa sa `kin.
“Subukan lang ni Zara na magkamali, papabalikin ko `yan kahit na pagkain pa `yan. Anak, kumain ka na. Alam kong kagagaling mo lang sa trabaho kanina.”
Napaangat ako ng tingin kay papa. Akala ko, ako `yung sinasabihan niya. Si Zelle pala. Nakita ko kung paano niya tingnan si Zelle… ang hapdi ng mga mata ko. Napuwing yata ako.
“Zara!”
Napatuwid ako ng tayo.
“Paghainan mo na si Zelle. Darating na rin si Imelda mamaya. Pagkatapos, puwede ka nang umalis.”
Kumalam na naman `yong sikmura ko. Mabuti na lang, nakapaghanda na `ko sa kanila ng makakain nila.
Hindi kagaya ng ibang gabi, mas tahimik ngayon ang gabi ko. Gutom, pero mas gusto ko na rin iyong ganito. Kailangan kong gumising nang maaga dahil maglalaba pa `ko.
Humiga na `ko sa kutson na sira. Ang tahimik… parang gusto ko `yung ganitong araw. Sana, palagi. Iyong kalmado lang lahat. Walang g**o. Walang sakit. Walang hinagpis.
Pasara na `yong mga mata ko nang bigla kong maramdaman `yong pamilyar na lamig… pamilyar na pamilyar siya sa `kin dahil kakaiba… hindi naman pasko o bagong taon. Tag-init pero nanginginig naman ako sa pagdapo ng hangin sa balat ko.
Wala nang lakas `yong katawan ko para isara `yong bintana, pero hindi pa ako nakakapikit nang tuluyan, parang nawala `yong antok ko no’ng may sumulpot sa bintana at lumapit sa puwesto ko.
“You’re pushing yourself again that hard… `Di ka pa kumakain.”
Nagsitayuan lahat ng balahibo sa katawan ko sa pagbulong niya.
Sino ka ba?
“Sleep tight, Zara… as promised, I’m gonna watch here you till you awake. I’d stay at your side, as always.”