CHAPTER 1
Humahangos si Ava ng umuwi ito galing sa palengke. Kasalukuyan nitong pinagtataguan si Tonyo na galit na galit na naman sa dalaga. Sa tuwing makikita nito si Ava sa pinagtratrabahuhan nitong sari-sari store sa palengke ay palagi nitong hinaharas ang dalaga para bigyan pera
“Ava anak, ano bang nangyayari?” takot na takot na tanong ng nanay niya ng makita siya nitong humahangos pag-uwi ng bahay. Kahit naman hindi siya magkuwento dito ay alam naman ng kanyang mga magulang ang dahilan kung bakit ganoon ang hitsura niya ngayon.
Hindi nga nagtagal ay isang kalabog ang sunod nilang narinig mula sa kahoy na pinto ng kanilang bahay.
“Ava!” narinig niyang sigaw ni Tonyo sa labas ng bahay.
“Dito lang po kayo sa likod ko nay’.” Matapang niyang iniharang ang kanyang katawan para maitago ang takot na takot niyang ina sa kanyang likuran. Saglit niyang tinapunan muna ng tingin ang nakahiga niyang ama sa papag na kinahihigaan nito.
Mahina itong umungol tanda na sobra rin ang takot nito sa mga nangyayari ng mga oras na iyon. Nahigit niya ang kanyang paghinga ng tuluyan niyang makita si Tonyo na nakapasok na sa loob ng bahay nila.
“Ikaw na babae ka!” sigaw pa rin nito sa harap niya.
“Wala kang mapapala sa akin Tonyo, kung ako sayo lubayan muna ako pati ang pamilya ko!” balik niyang sigaw dito. Nakita niya ang mabilis na pagngisi nito sa harap niya pagkatapos niyang sabihin ang bagay na’yun.
“Ano kamo? Ulitin mo nga ang sinabi mong lukaret kang babae ka!” Marahas nitong hiniklat ang braso niya na kasalukuyang nakahawak sa mga payat at nanghihinang braso ng kanyang ina.
“Bitiwan mo ako, hayop ka!”
“Hayop pala ah, heto ang sayo!” isang malakas na sampal ang ibinigay nito sa kanya na nagdulot ng sakit sa halos ay buo niyang pisngi. Nasapo niya ang kanyang mukha pagkatapos.
“Bayaran nyo munang mag-anak ang utang nyo sa tatay ko bago ko kayo lubayan! At ito ang tatandaan nyo, mamanatili kayong mga alipin ko hanggang hindi nyo naibabalik ang perang inutang nyo sa amin, maliwanag ba!?” parang mata ng isang hayop ang mga mata ni Tonyo ng galit na galit siya nitong sinigawan.
Kailangan niyang magpakatatag para sa kanyang mga magulang. Ang mga ito ang dahilan kung bakit sila ngayon alipin ng mag-amang Tonyo at Mang Baste. Kinailangan nila ng malaking pera ng isugod nila sa hospital ang tatay niya na nagresulta ng pagkabaldado nito dahil sa stroke.
Mula sa kawayan na papag na higaan ng kanyang ama ay narinig niya ang hirap na hirap nitong pag-ungol dahil sa mga nakikita nitong kaguluhan sa loob ng bahay nila. Alam niyang gustong-gusto silang ipagtanggol nito na mag- ina kay Tonyo na wala ng ibang ginawa kung hindi gawing lalong miserable ang buhay nilang mag-anak.
Nang isugod nila sa hospital ang tatay niya ay ang tanging nalapitan nila para mahiraman ng pera sa lugar nila ay si Mang Baste. Kilala sa kanilang lugar ang mag-ama bilang mga taong kumikita ng malaking pera sa iligal na paraan. Wala na silang ibang maaaring lapitan ng mga oras na iyon kung hindi ang mga taong iyon. Kaya kahit labag sa loob nila ng kanyang ina ay ibinenta nila ang kapirasong lupa na kinatitirikan ng bahay nila ngayon. At huli na nilang nalaman na kulang pa pala ang halaga ng lupang ibinenta nila bilang kabayaran sa pagkakautang nila sa mag-ama.
At ngayon nga ay kahit saan siya makita ng mga ito ay pilit siyang sinisingil sa pagkakautang nila at ang pinapanakot ng mga ito sa kanila ay papalayasin sila sa lupa na kinatitirikan ng maliit nilang barong-barong.
“T-tonyo…maaawa ka sa anak ko.” Na-uutal na pakiusap ng nanay niya kay Tonyo ng mga sandaling iyon ay hindi pa rin humuhupa ang galit sa mukha nito.
“Ito ang tandan ninyong mag-ina at pati ng inutil mong Tatay, kapag hindi kayo nakapagbigay ng kahit interes man lang sa natitira nyong utang ay malilintikan talaga kayong mag-anak sa akin…naiintindihan mo ba!?” Hiniklat nito ang nakalugay niyang buhok saka ngumisi na parang demonyo.
“Oh…baka naman gusto mo ng bayaran sa ibang paraan ang pagkakautang ng mga magulang mo Ava?” Bigla siyang nangilabot sa uri ng tingin na ginagawa nito sa kanya sa mga sandaling iyon. Isipin pa lang na dadampi ang katawan nito sa kanyang balat ay parang gusto na niyang maglaho na lang sa mundo.
Ilang beses na siya nitong tinangkang halayin sa tuwing pupunta ito sa bahay nila at maniningil ng utang nila. Sa kabutihang palad ay palaging may mga taong tumutulong sa kanila para mapalayas si Tonyo sa kanilang pamamahay.
“Hoy Tonyo! Napakasama mo, lubayan mo nga ang mag-anak na yan at wala namang kalaban-laban ang mga yan sayo.” Narinig niyang awat ng isang lalake mula sa kahoy na bintana ng kanilang bahay.
Nakita lang niyang ngumisi muli si Tonyo at saka pinagdiskitahan ang mga taong nasa labas ng kanilang bahay.
“At sino ang gusto nyong bugbugin ko? Kayo ha!” sigaw nito sa mga ito.
“Parating na ang mga pulis, makikita mong demonyo kang tao ka, makukulong ka rin sa mga pinaggagawa mo sa pamilya ni Ava!”
Hindi nga nagtagal ay narinig nila ang ugong ng isang patrol na gamit ng pulis. Huhulihin na naman ng mga ito si Tonyo para dalhin sa prisinto pagkatapos ay ilalabas rin ilang oras pa lang ang nakakalipas.
Mga nababayaran din ang batas sa kanilang lugar at walang maaaring makatulong sa kanila sa oras ng kagipitan na katulad nito kung hindi ang kapwa nila mahihirap sa paligid.
At ganoon nga nangyari, dinala ng mga pulis si Tonyo at inilayo sa kanilang pamilya. Nagpasalamat siya sa kanilang kapitbahay dahil sa mga tulong ng mga ito. Niyakap niya ang kanyang ina na bahagya na ring humupa ang takot ng makitang tuluyang ng umalis si Tonyo. Pati ang kanyang tatay ay tumigil na rin sa pag-ungol na kanina pa walang ibang ginawa kung hindi ang ipakita ang kagustuhan nitong ipagtanggol sila sa demonyong lalakeng iyon sa pamamagitan ng mahinang mga ungol nito.
Tinulungan siyang makatayo ng kanyang nanay mula sa pagkakasadsad niya sa semento. Awang-awa ang mga taong nakapaligid sa kanilang bahay sa kanyang hitsura. Pumutok ang kanyang labi at namumula ang kanyang pisngi dahil sa lakas ng sampal na tinamo niya kay Tonyo.
“Anak…umalis na lang tayo sa lugar na ito.” Nagmamakaawang sabi ng kanyang ina. Iyak ito ng iyak sa harap niya. Sana ay ganon lang kasimple ang lahat at makakaalis na sila agad sa lugar na iyon. Saan silang lugar pupunta kapag umalis sila ng kanilang bahay?
Iniisip pa niya ang kanyang ama na hind na makalakad. Sa katayuan nila ngayon na isang kahig isang tuka ay makakaya kaya nilang makipagsapalaran sa ibang lugar, makaalis lang sa mala impiryernong buhay na mayroon sila ngayon? Ang mga katanungang iyon ang paulit-ulit na gumugulo sa isipan niya kung bakit hanggang ngayon ay nagtitiis pa rin silang mag-anak sa bahay na kinagisnan niya.