CHAPTER 7

1567 Words
“Huwag ka nang tumakbo, Tahti, mahahanap at mahahabol pa rin naman kita! Huwag ka nang pumalag at bumigay ka na lang sa akin! Sa akin pa rin naman ang bagsak mo!” Gumapang ang malamig na kilabot sa kalamnan niya nang marinig ang magaspang na boses ni Tiyo Kabral. Pakiwari niya ay lalong lumamig ang ihip ng panggabing hangin nang mga sandaling iyon. “Tahti!” pahiyaw nitong sambit sa pangalan niya. “Gagawin kitang pang-anim na kerida ko, pero ikaw ang magiging pinaka-paborito ko, pangako iyan! Hindi ka na lugi, Tahti!” Pang-anim na kerida? Nababaliw na ba ito? Sa tingin ba nito ay gusto niyang maging isa sa mga babaeng nagsisiksikan sa buhay nito? Hah! “Kabral, ano iyang ginagawa mo?” pasitang tanong ng isang lalaki kay Kabral. Kinuwelyuhan kaagad ng halimaw ang nagtanong. “Huwag kang makialam dito kung ayaw mong umikli ang buhay mo!” Natakot kaagad ang lalaki at itinaas nito ang dalawang kamay. “Pasensiya na, Kabral!” Nakasentro na sa kanila ang atensiyon ng mga tao, subalit walang ni isang nangahas na tulungan siya. Takot ang mga ito sa tiyuhin ni Lucreza. Ugaling krimenal si Kabral at walang takot na gumawa ng karumal-dumal. Dikit-dikit ang mga bahay sa lugar kung saan sila nangungupahan, pero parang walang pakialam si Kabral kahit nanghahaba na ang leeg ng mga tsismosa at nakasunod ang tingin sa kanila. Noong buhay pa ang mga magulang niya, ay hindi sila roon nakatira. Pero nang pumanaw ang mama at papa niya, naremata ng bangko ang dati nilang bahay, kaya silang magkapatid ay napilitang lumipat sa mas murang bahay. Suwerte na sanang mabait ang landlady at kahit madalas silang pumapalya sa pag-aabot ng bayad para sa renta ay hindi ito nagagalit. Ang problema ay natipuhan siya ng hayop nitong tiyuhin. “Hindi ako puwedeng maabutan ng halimaw na iyon!” Sigurado siyang pulutan sa kama ang kahahantungan niya kapag nahulog siya sa mga kamay ni Kabral. Sa malagkit na paraan palang ng pagtitig nito sa kanya, alam na alam na niya kung ano ang naglalaro sa loob ng utak nito at kung ano ang pinaplano nitong gawin sa kanya. Pipiliin pa niyang tumalon sa tulay kaysa isuko ang katawan sa lalaking halang ang bituka! Pero siyempre, kung may magagawa pa naman siya ay bakit siya tatalon sa tulay? Mahal niya ang buhay niya at kailangan pa siya ng kapatid niya. Dali-daling lumiko si Tahti sa loob ng abandonadong talyer, at pumasok sa backseat ng lumang kotse. Doon siya nagtago. Nanginginig ang buong katawan niya. Dumoble ang pagtahip ng dibdib niya nang makaraan lang ang ilang minuto ay narinig na niya ang boses ni Kabral. Nasa malapit lang ito. “Siguruhin n’yong hindi makakatakas si Tahti! Dalhin n’yo siya sa akin!” hiyaw ni Kabral sa mga kasamahan nito. “Kapag hindi ko nakuha si Tahti ngayon, hahalughugin natin ang mga ospital malapit dito para hanapin ang kapatid niya!” “Bossing, buhay pa ba iyong bata?” tanong ng isa sa mga kasama ni Kabral. “Hindi mo napuruhan, g*go!” Muntik nang mapasinghap nang malakas si Tahti sa narinig niya, mabuti na lang at mabilis niyang naitakip ang kamay sa tapat ng kanyang bibig. “Parang maysa-pusa naman ang batang iyon! Tinodo ko na ang tapak sa pedal ng silinyador no’n, ah? Nakaligtas pa iyon?” Nag-unahan sa pagbagsak ang mainit na luha mula sa mga mata ni Tahti. Akala niya ay aksidente ang pagkakabundol sa kapatid niya, iyon pala ay sinadya iyon at ang utak ay ang demonyong si Kabral! Diyos ko, sino ang tutulong sa kanya? Wolfe Virelli—iyon lang ang nag-iisang pangalang nagtutumining sa utak niya. Hinugot niya ang cellphone mula sa bulsa ng suot niyang pantalon. Tumitig siya sa screen at in-scroll ang contacts sa aparato niya. Wala siyang numero ni Wolfe, pero naka-save ang number ni Jago. Kapag binulabog mo ako, magsisisi ka. Tumimo sa utak niya ang sinabing iyon ni Wolfe. Binalaan siya nito, at alam niyang hindi ito nagbibiro nang sabihin nitong lumayo siya rito. Pero nasa peligro ang buhay nilang magkapatid. Ang sitwasyon niya ngayon ay parang isang taong nakatayo sa harapan ng dalawang magkahiwalay na daan. Sa kaliwang daan, si Kabral ang naghihintay sa dulo. Sa kanan ay si Wolfe Virelli. Parehong mapanganib. Parehong nakakaintimida at nakakatakot. Pero alin sa dalawang panganib ang kaya niyang suungin? Humugot siya ng malalim na paghinga at pinindot ang number ni Jago. Nag-ring kaagad iyon. “Ms. Veraluna?” Tinig iyon ni Jago. Pabulong lang ang pagsasalita niya. “Jago! Jago, salamat naman at sinagot mo ang tawag ko! T-tulungan mo naman ako!” Garalgal ang tinig niya, basag. Pakiwari niya ay nagsisikip ang lalamunan niya. “Ang tulong ko ang kailangan mo?” tanong nito sa kanya. “Ang… ang tulong ni… n-ni…” “Ng boss ko?” Ito na ang kumumpleto sa litanyang hindi niya madugtungan. Napalunok siya. “O-oo sana. K-kailangan ko ang tulong niya.” Namayani ang ilang segundong katahimikan bago nagsalita ang kausap. “Ms. Veraluna, sigurado ka ba na gusto mong humingi ng tulong sa boss ko?” “Pasensiya ka na, alam kong nangako ako na hindi ko gagambalain si Sir Wolfe, pero… pero wala na akong malapitang iba.” “Uulitin ko, sigurado ka na ba?” Kumunot ang noo ni Tahti. Hindi niya maintindihan kung bakit parang may mas malaking panganib ang nag-aabang sa kanya sa poder ng kanyang ‘asawa’ sa papel. Mariin niyang naipikit ang mga mata. Bahala na. “S-sigurado na ako.” “Kung ganoon ay huwag kang aalis sa kinaroroonan mo ngayon. May susundo sa iyo riyan.” “H-ha?” Nabanggit ba niya kay Jago kung saan siya nagkukubli? Hindi na niya maalala. Umiikot ang utak niya. Nahihilo siya sa sobrang kaba at pangamba. “J-Jago—” Naputol na ang linya. Maang na napatingin na lang si Tahti sa screen ng cellphone niya. “P*tang ina ka, Tahti! Nasaan ka! Lumabas ka riyan! Pinapagod mo akong punyeta ka!” Napaigtad siya nang marinig ang malakas na pagsigaw ni Kabral, at ang paghampas nito ng kahoy sa hood ng katabing kotse. Nasa loob din ito ng talyer! Mahuhuli na ba siya nito? ‘San Judas Tadeo, iligtas ho ninyo ako!’ piping dalangin niya sa patron ng mga taong nangangailangan ng tulong sa sitwasyong tila walang solusyon. Biglang may humatak sa pinto ng sasakyan sa backseat at tumambad sa kanya ang nabubulok na ngipin sa unahan ng nakangising si Kabral. “Huli ka!” Kulang ang sabihing halos lumuwa ang mga mata ni Tahti. “M-maawa ka sa akin! H-huwag kang lalapit!” “Letse ka, pinagpawisan ako kakahanap sa iyo! Lulumpuhin kita mamaya sa kama!” Mariing napapikit si Tahti nang itaas ni Kabral ang kamay nito para hilahin siya palabas ng kotse, pero ingay ng bumagsak na kung ano sa lupa ang pumuno sa pandinig niya. Nang idilat niya ang mga mata ay nakita niyang nakabulagta sa lupa ang walang malay na si Kabral at may lalaking naka-unipormeng itim ang tuwid na nakatayo at nakatingin sa kanya. “S-sino ka?” tanong niya. “Ang utos sa akin ay sunduin ka rito,” pormal nitong tugon. “S-si Jago? Si Jago ang nagpapunta sa iyo rito?” “Si Sir Wolfe,” pagtatama nito. “Si… si Sir Wolfe…” mahina niyang sambit. “Sumama ka sa akin. Dadalhin kita kay Sir Wolfe ngayon.” _____ “TAHTI.” Napaigtad si Tahti nang marinig ang baritonong tinig ni Wolfe. Nakaupo ito sa sofa sa loob ng malapad na sala ng mansiyon na pinagdalhan sa kanya ng tauhan nito. Sa antigong lamesang nasa harapan nito ay nakalatag ang iba’t ibang bote ng mamahaling alak. Inabot ni Wolfe ang kristal na basong may lamang kulay kahel na likido. Pinagmasdan nito ang banayad na pagsayaw ng alak nang galawin nito ang baso at paikutin iyon. Ngayon ay nakatayo si Tahti sa harapan ni Wolfe, ilang hakbang ang layo mula rito. “You thought my warning was a joke, didn’t you?” seryosong tanong nito sa kanya. Nang dumako kay Tahti ang matiim na tingin ni Wolfe ay nanigas ang gulugod niya. Para siyang bunton ng dayami na hinagisan nito ng sinindihang posporo. Paano kasi’y tila may malapot na apoy ang nakapaloob sa mga mata nito habang nakatitig sa kanya, gusto siyang pagliyabin. “A-alam ko namang hindi iyon joke lang,” aniya, nanginig ang ibabang labi. Gumuhit ang mapang-uyam na ngiti sa mga labi ng big boss. “Kung gano’n, bakit binubulabog mo pa rin ako ngayon?” Malamig ang bukas ng mukha ni Wolfe. Matalim ang mga mata nito. Hindi nakaimik si Tahti. Parang binabaligtad ang sikmura niya. "I warned you. I told you to stay far away from me, yet here you are, standing right in front of me." Walang maapuhap sabihin ang dalaga. Sobrang nakakaintimida ang presensiya ni Wolfe Virelli. Kahit kaswal lang itong nakaupo ay tila nilalamon ng malakas nitong aura ang kabuuan ng sala. "Tahti, did you know that a warning is a chance to avoid regret?" tanong nito sa kanya. Imbes na sumagot ay nakagat niya lang ang ibabang labi. At hindi niya alam kung bakit napatuon ang matiim na tingin ni Wolfe sa labing kagat niya. Gumalaw ang panga ng lalaki. Dumilim ang kislap sa mga mata nito. "Ahh, bella lupetta, you are bound to get burned."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD