"Mukhang nagsasanay ka ah?" Nilingon ko ang taong nagsalita.
"Ikaw pala, Mae," nakangiting bati ko sa kaibigan.
Lumapit sa akin si Mae, mula ng araw na nakilala ko 'to sa library ay itinuring ko na rin itong isa sa mga matalik kong kaibigan sa Losyl Academy. Madalas na magkasama kaming dalawa sa library dahil pareho kaming scholar.
"Ano ba 'yang sinasanay mo?" Dinampot nito ang mga papel na ipinatong ko sa ibabaw ng lamesa.
"Mga linya ko sa stage play na gaganapin sa Sabado. Kinakabahan nga ako at baka 'di ko magampanan ang role." Pinunasan ko ang tumatagaktak na pawis sa aking noo.
"Galing naman! Isa ka pala sa mga kasali sa stage play na ginagawa ni Mr. Sanchez," masayang saad ni Mae.
"Oo, kinakabahan na nga ako at baka pumalpak ako sa mga diyalogo ko," tugon ko naman sa dalaga.
"Kaya mo 'yan! Ikaw pa ba?!" Tinapik ako sa balikat ni Mae.
"Kinaya mo ngang harapin si Simon eh," dagdag pa nitong wika saka humagalpak ito ng tawa.
"Tse!" pairap kong anas sa kaniya.
"O bakit? Totoo naman ah?!" naiiling na natatawang sambit nito.
"Kainis ka!" Mahinang tinampal ko 'to sa kaniyang braso.
Ilag na ilag silang lahat kay Simon kung kaya naman manghang-mangha sila sa akin kung pa'no ko raw nagagawang matagalang makaharap kahit isang minuto lang daw ang binata.
Marami silang masamang sinasabi tungkol sa binata na 'di ko naman maitatangging totoo nga dahil kahit ako'y nakakatikim din ng lupit nito. Ngunit iniiwasan ko lang din suwayin ito sa tuwing magkasama kami para wala ng masyadong maraming pagtatalo.
Alam ko naman kasi na 'di rin ako mananalo sa lalaking 'yon dahil 'di rin naman ito padadaig.
"Tara, uwi na tayo," aya sa akin ni Mae.
"Sige!" tugon ko naman sa kaniya.
Niligpit ko ang mga gamit saka sabay na kaming lumabas ni Mae mula sa loob ng library. Habang naglalakad ay napansin ko ang pagkukumpulan ng mga estudyante sa may bandang quadrangle.
Dala nang pagkatsismosa sa katawan ko, humiwalay ako kay Mae para lapitan ang mga estudyanteng nagkukumpulan.
"Kawawa naman siya," rinig kong sabi ng babaeng nakaharang sa aking harapan kaya naman 'di ko makita ang bagay na sinisipat nila.
"Mga salbahe talaga sila!" gigil na gigil sa galit na sabi ng baklang katabi ng babaeng unang nagsalita.
"Palibasa, ginagamit nila ang pagiging anak ng may-ari ng eskwelahang ito," naghihimagsik na wika naman ng isa pa.
Biglang binundol ng kaba ang dibdib ko nang marinig ang sinabing iyon ng isang estudyante.
"Simon..." usal ko sa isipan nang maisip na ang binata ang tinutukoy ng mga estudyanteng nagbitaw ng mga masasakit na salita.
Dala ng kuryosidad na makita ang pinagkakaguluhan nila, hinawi ko ang mga estudyanteng nakaharang sa aking harapan.
Napasinghap ako nang makita si Erick na duguan ang mukhang nakahandusay sa may lupa.
"Erick!" nanginginig ang boses kong tawag sa kaklase.
Si Erick ang siyang kapareho ko sa stage play sa darating na Sabado. Agad akong lumuhod upang sipatin ang duguang mukha nito. Pinulsuhan ko ang binata at naramdaman kong humihinga pa naman ito. Tumingala ako sa mga usyiserong estudyante saka humingi ng tulong mula sa kanila.
"Tulungan ninyo akong dalhin siya sa clinic," pakiusap ko sa kanila.
Nang una ay nag-alinlangan sila saka tinitigan lamang nila ako. Ngunit 'di kalauna'y tinulungan na rin nila akong dalhin sa clinic si Erick.
Ginamot si Erick ng doktor at nurse sa clinic saka nilinis ang mga sugat nito sa mukha. Naiwanan kaming dalawa ng binata sa loob ng clinic nang matapos itong gamutin.
Ako na muna ang nagbantay sa binata hanggang sa hindi pa dumating ang kapatid nitong tinawagan ko sa kaniyang cellphone.
"N-nasaan ako?" utal na tanong ni Erick nang imulat nito ang kaniyang mga mata.
Medyo hirap pa itong magsalita at gumalaw gawa ng bugbog na natamo nito sa kaniyang mukha.
"Nasa clinic ka na," nakangiting turan ko kay Eric.
"I-ikaw ba ang nagdala sa'kin dito?" Tumango naman ako bilang tugon sa kaniya.
"S-salamat!" patuloy na bigkas nito kahit nahihirapan pang magsalita.
"Wala 'yon! Ang mahalaga magpagaling ka na at sa Sabado na ang stage play natin," nakangiting pahayag ko saka ginagap ko ang kamay nito.
"S-sa Sabado na pala 'yon, 'no? Sige, magpapagaling ako para sa'yo," nakangiting tugon naman sa'kin nito kahit medyo hirap itong magsalita.
"Ganiyan nga! Laban lang!" Iminuwestra ko pa ang muscle sa hangin na tila sa isang malakas na lalaki.
Narinig ko ang mahinang pagtawa nito kung kaya ibinaling kong muli sa kaniya ang mga mata lalo na sa bandang sugat niya na nagsisimula nang mangitim.
"Sinong gumawa sa'yo nito?" kapagkuwa'y tanong ko sa kaniya.
"A-ang grupo ni Simon..." mahinang wika nito saka iniwas ang kaniyang mga mata.
"Bakit?" patuloy ko namang tanong sa kaniya.
"H-hindi ko rin alam..." sagot naman nito.
Tinitigan kong maigi ang kaawa-awang mukha ni Erick at totoong naaawa ako sa kaniya. Pero imposible rin naman na walang ginawa ito kung kaya bigla na lamang pinagdiskitahan ng grupo ni Simon.
"Alam kong may malalim na dahilan ang lahat!" naiiling kong saad sa isipan.
Katok mula sa may pinto ang nagpabalik sa lumilipad kong diwa. Bumukas ang pintuan saka iniluwa niyon ang isang dalagita na mukhang kapatid na ni Erick dahil sa pagkakahawig ng kanilang mga mukha.
"Erika..." Inilahad ni Erick ang kamay nito sa dalagita na agad namang lumapit sa kaniyang tabi.
"Anong nangyari sa'yo, Kuya?" naluluhang tanong ng dalagita.
"W-wala 'to, Erika. Sinubukan lang ni Kuya kung malakas pa rin ang katawan ko," pabirong tugon naman ng binata sa kaniyang kapatid.
Mahinang hinampas ng dalagita ang Kuya niya sa braso. "Puro ka talaga kalokohan, Kuya. Pinag-aalala mo kami."
Napangiti naman ako sa sweetness ng dalawang magkapatid. 'Di ko tuloy maiwasang makaramdam ng inggit dahil solong anak lamang ako.
"P-pasensisya ka na Carla, kung naabala ko na ikaw ng husto," hinging paumanhin naman sa akin ni Erick.
"Wala 'yon!" Lumapit ako sa kaniya saka marahang tinapik ko ito sa braso niya.
"Salamat po sa pagtawag sa'kin," sabat naman ng dalagitang kapatid ni Erick na si Erika.
"Walang anuman, Erika!" nakangiting tugon ko sa dalaga.
"O siya, magpapaalam na muna ako sa inyong magkapatid at uuwi na rin ako sa bahay namin. Pagaling ka ha?!" Muling tinapik ko sa braso si Erick.
Napapitlag ako nang gagapin ni Erick ang isang kamay ko saka dinala niya iyon sa kaniyang labi upang kintilan ng maliliit na halik.
"Salamat!" pasasalamat sa'kin nito.
"Carla!!!" Dumadagundong ang tinig ni Simon sa buong paligid ng clinic dahil sa lakas nang pagkakatawag sa akin nito.
Napalundag naman ako sa gulat kung kaya't nahila ko agad ang kamay na hawak naman ni Erick.
Malalaki ang mga hakbang na lumapit sa amin si Simon saka diniinan ng isang kamay nito ang balikat ni Erick habang ang isang kamay naman niya ay mahigpit na kinapitan ang braso ko.
"I thought, napatay ka na ng mga tauhan ko kung kaya naman pinuntahan pa kita rito. Pero mali pala ang balita nila sa akin dahil mukhang ako pala ang papatay sa'yo." Naramdaman ko ang paghigpit ng kapit ni Simon sa braso ko at marahil ay ganoon din ito sa pagkakadiin niya sa balikat ni Erick dahil nakita ko ang pagngiwi sa mukha nito.
"Aarrgghh!" nakangiwing sigaw ni Erick.
"Kuya!" nahihintakutang wika ni Erika.
"Simon!" agaw pansin ko sa binata.
Hindi man lang natinag mula sa kaniyang ginagawa si Simon, bagkus ay mas lalo lamang dumiin ang kamay nito sa amin.
"Simon!" Nagpumiglas ako rito at pilit kong inagaw ang atensyon nito. "Nasasaktan mo na kami pareho ni Erick."
"Mas masasaktan ka kapag hindi ka pa sumama sa akin paalis dito," mariing hayag ni Simon.
"Bitiwan mo na siya at umalis na tayo, ngayon din!" tugon ko naman sa kaniya.
Ilang sandaling 'di ito tuminag sa pagkakahawak sa amin ni Erick kung kaya inilingkis ko payakap ang malaya kong braso sa kaniyang baywang upang mahila ko na ito paalis sa tabi ni Erick. At kahit hirap na hirap akong hilahin ito ay pinilit kong maialis si Simon sa loob ng clinic.
"M-mag-iingat ka sa kaniya, Carla!" sigaw sa akin ni Erick habang pilit kong inilalayo sa kaniya si Simon.
Muling babalikan sana ni Simon si Erick ngunit maagap kong iniyakap ang isa ko pang braso sa kaniyang baywang.
"Umalis na tayo, Simon! Pakiusap!" pagsusumamo ko sa binata.
Narinig ko ang marahas na paghugot nito ng malalim na buntong hininga saka marahas niyang inalis ang mga braso ko sa kaniyang baywang. Ako naman ang kinaladkad na hinila ni Simon patungo sa kung saan.