"Nasasaktan na ako, Simon!" Huminto kami sa paglalakad saka binitiwan nito ang namumula kong braso.
"May relasyon ba kayong dalawa?" matigas nitong tanong sa akin.
"Ha?" maang kong tugon sa kaniya.
"I've asked you, may relasyon ba kayong dalawa ng lalaki na 'yon?" mataas na ang tono ng boses nito.
"Si Erick?" muli kong tanong sa kaniya.
"D*mn! May ibang lalaki pa ba tayong pinag-uusapan bukod sa kaniya?" bulyaw sa akin nito.
"B-bakit mo ako sinisigawan?" 'Di ko na napigilang mapaluha.
Pakiramdam ko kasi ang laki ng kasalanan ko sa kaniya kung makapagtanong ito at dahil lamang sa tinulungan ko si Erick.
Narinig ko ang sunod-sunod na paghugot nito ng buntonghininga.
"B-bakit niyo ba kasi sinaktan 'yong tao? Ano na naman ba ang naging kasalanan niya sa inyo?" paasik kong tanong sa kaniya.
"Hindi ako ang nagpabugbog sa kaniya," mahinang sambit nito.
"P-pa'nong hindi?! E, galing mismo sa bibig mo ang mga salita at ikaw pa nga ang nagsabi kay Erick na tao mo ang bumugbog sa kaniya," giit ko sa binata.
Muling bumalik ang mabalasik na anyo nito. "Tao ko ang bumugbog sa kaniya pero wala akong alam kung bakit siya binugbog ng mga 'to. Malamang may atraso siya sa grupo kaya gano'n."
Tinitigan ko ito sa kaniyang mukha at nabanaag ko naman roon ang katotohanan sa kaniyang mga sinabi. Napabuntonghininga na lamang ako saka humakbang patungo sa may pinto ng headquarter's nito.
Kahit wala pa rin ang block and white na kasunduan namin, isinasali ko na lamang sa pagdu-duty ko bilang scholar ng paaralang ito ang paglilinis sa lugar ni Simon.
Itinabi ko ang mga gamit sa sofa nang makapasok na ako sa loob saka ipinusod ko ang buhok upang 'di ako masyadong pagpawisan. Kinuha ko ang walis at dustpan saka sinimulan kong maglinis sa loob ng silid na 'yon.
"Hindi ko gusto na ang lalaking iyon ang kapareho mo sa stage play." Ibinaling ko ang paningin kay Simon na nakahalukipkip na nakatayo sa may pintuan.
"Hindi ako ang makakapag-decide niyan. Isa pa, sa Sabado na ang stage play. Bukod doon eh magkaklase rin kami at iisa ang gurong nagbigay sa amin ng task," sagot ko naman sa binata saka ipinagpatuloy ko ang pagwawalis ng sahig.
"Kausapin mo si Mr. Sanchez na palitan siya," utos naman sa akin nito.
"Makulit ka rin, 'no? Bakit kaya hindi na lang ikaw ang magsabi niyan kay Mr. Sanchez, tutal pag-aari mo naman ang eskwelahang ito!" pabalang kong sagot sa kaniya.
Nakahalukipkip na tumingin lamang ito sa akin.
"Alam mo medyo nakukulitan na rin ako sa inaasta mo. Daig mo pa ang boyfriend ko kung umasta ka. Baka nakakalimutan mo Simon, 'di hamak na mag-aaral niyo lamang ako sa eskwelahang ito at walang lebel sa pagitan nating dalawa. Kaya wala akong karapatang gawin ang mga bagay na gusto mong gawin ko. Ginagawa ko lang ang pabor na paglilinis dito sa lugar mo para makaiwas na lamang sa gulo," mahabang litanya ko pa sa kaniya habang nakapamaywang.
"O, tapos?!" magkasalubong ang mga kilay nitong anas sa akin.
Marahas na bumuga ako ng hangin dahil sa nauubusan na rin ako ng pasensiya sa kaniya. Tinalikuran ko na ito saka muling ipinagpatuloy ko ang paglilinis.
Hinayaan ko siyang nakatayo sa may pintuan at kunwari ay wala ito sa paligid kung kaya nag-concentrate ako sa paglilinis.
Narinig kong may tinawagan ito sa kaniyang cellphone, ngunit 'di ko na iyon pinansin pa. Itinutok kong muli ang mga mata sa ginagawa upang mas mabilis akong matapos. Makalipas ang ilang minuto nakarinig ako ng mga papalapit na yabag.
Ibinaling ko ang tingin sa may pintuan at nakita kong may dalawang lalaki nang kausap doon si Simon.
"Malamang mga tauhan na naman nito ang mga 'yan," ani ko sa isipan.
Hindi ko na sana papansinin pa sila nang marinig ko ang biro ng isang lalaki.
"Ang ganda naman ng bisita mo, Boss. Pakilala mo naman kami," pabirong saad ng lalaki kay Simon.
"Umalis na kayo at sundin ninyo ang ipinag-uutos ko!" Tila haring nag-utos sa kaniyang mga tauhan si Simon.
"Leave!" bulyaw ni Simon sa dalawang lalaki.
"Copy, Boss! Tuloy na kami!" paalam naman ng isang lalaki.
Mabilis na umalis ang dalawang lalaki sa harapan ni Simon. Naiiling na ipinagpatuloy ko na lamang ang aking ginagawa. Hindi ko na pinansin pa ang pabagsak na pagsara ng binata sa may pinto.
"Tss! Agaw pansin ka talaga sa mga kalalakihan." Tinapunan ko siya ng matalim na tingin.
"Ako na naman ang nakita mo!" paasik kong tugon sa kaniya.
Mabilis na humakbang ito palapit sa kinaroroonan ko saka yumukod ito sa akin. "I will talk, Mr. Sanchez. Papalitan niya ang partner mo or else siya ang papalitan ko sa school na 'to."
Parang umakyat yata lahat ng dugo ko sa ulo at pakiramdam ko ay lumaki rin iyon sa narinig na sinabi ni Simon.
"Napakawalanghiya mo talaga!" Pinaghahampas ko ito sa kaniyang dibdib.
"Bakit? Dahil ba sa mas gusto mong maging partner ang baldadong lalaki na 'yon?" nakakalokong tanong sa akin nito.
"Wala naman kaming ginagawang masama sa'yo, Simon. Bakit kailangan mong gawin sa amin ito? Alam mo bang naaapektuhan na ang pagiging estudyante ko dahil nagkakaroon na ako ng kawalang tiwala sa sarili sa mga pinaggagagawa mo. Pakiramdam ko'y ipinapasa na lamang ako ng mga guro rito dahil sa takot nila sa'yo," mangiyak-ngiyak kong salaysay sa binata.
Totoong nawawalan na ako ng tiwala sa sarili kong kakayahan gawa ng perpekto ang gradong ibinibigay sa akin ng mga guro sa eskwelahang ito.
Imbes na matuwa ako sa bagay na 'yon ay nakakaramdam pa ako ng matinding kalungkutang hindi ko mabatid kung bakit, pero 'di ko maiwasang madama.
Masarap isipin na lahat ng 'yon ay natatamo ko sa paaralang ito at nasisiguro kong may magandang kinabukasan nang nakaabang sa akin, ngunit kabaligtaran talaga nang nararamdaman ko ang mga 'yon. Nagkakaroon na ako ng emotional stress dahil lamang sa isiping iyon.
Abnormal na nga yata talaga akong maituturing dahil mula nang makilala ko si Simon ay naging sunud-sunuran na rin ako sa kaniya. Parang hindi ko na rin alam kung ano ang tama at mali na dapat kong gawin sa paaralang ito.
"Mamili ka, Carla. Ipagpipilitan mo ang pagiging magkapareho ninyo ng lalaki na 'yon sa stage play o pareho ko silang aalisin sa paaralang ito," matigas na hamon sa akin ni Simon.
Nakaramdam ako nang paghihimagsik mula sa aking kalooban kung kaya nakipagsukatan ako sa kaniya ng tingin saka buong tapang kong sinagot ito.
"Lalaban kami sa'yo! Lalabanan kita!" mariin kong wika sa kaniya.
Tumaas ang sulok ng labi nito. "Good luck!"
Gamit ang likod ng mga palad ko, pinahid ko ang mga luhang naglandas sa aking pisngi saka matatag na tumayo.
"Hindi ako natatakot sa'yo!" matapang kong wika.
"Tingnan lang natin, Carla!" Tila isang demonyo ang tingin ko sa kaniya ng mga sandaling iyon.
Nagpupuyos ang dibdib ko sa galit nang kunin ko ang mga gamit na itinabi saka mabilis na umalis sa lugar na iyon.