Araw ng stage play namin kung kaya naman hindi kami magkandatuto sa aming mga ginagawa.
"Carla..." Nilingon ko ang taong tumawag sa'kin at napangiti ako nang makita si Erick.
Mula nang magkasama kami sa clinic ay 'di na iyon nasundan pa ulit nang pagkikita kahit pa nga ang mag-practice.
Pero parati akong ina-update ni Sir Sanchez tungkol sa binata at laging sinasabi nito na kabisaduhin ko lamang ang bawat linya namin para maganda pa rin ang bawat palitan ng aming mga salita.
"Handa ka na ba?" tanong sa'kin ni Erick nang makalapit na ito.
Muling bumaling ang mga mata ko sa binata at ang gwapo rin nito sa suot niyang damit na pang prinsipe.
"Ang gwapo natin ah." Nakangiting tinapik ko 'to sa kaniyang balikat.
"Ikaw rin. Maganda ka rin diyan sa iyong kasuotan. Para ka na talagang tunay na prinsesa," nakangiting puri sa'kin ni Erick.
"Sus! Nambola ka pa!" Namumula ang mga pisngi kong tinampal ito sa kaniyang braso.
"O, tama nang bolahan 'yan at mag-uumpisa na tayo! Ready na ba kayong dalawa?" patanong na sabat naman ni Sir Sanchez sa aming dalawa ni Erick.
"Opo!" magkapanabay naman naming tugon ng binata.
"Galingan niyo ha? Marami tayong bisitang manonood ngayon. Puro mga galing sa iba't ibang eskwelahan ang mga bisita natin kaya huwag ninyo akong ipapahiya ha?!" bilin pa sa'min ni Sir Sanchez saka inakbayan kami nito.
"Yes, Sir!" sabay ulit naming tugon ni Erick.
"Ang cute niyo! Bagay kayong dalawa!" buska sa amin ni Sir Sanchez.
"Sir naman!" nahihiyang bulalas ko sa aming guro.
"Uy, Sir. Huwag mong biruin ng ganiyan si Carla at baka mawala sa concentration niya 'yan," kakamot-kamot sa ulong anas ni Erick.
Napangiti naman sa aming dalawa si Sir Sanchez saka tinapik kami nito sa balikat bago ito tuluyang humakbang palayo patungo sa may likod ng makapal na kurtinang nakatabing sa aming lahat dito sa may likurang bahagi ng stage.
Tumunog ang mabining musika na simbolo nang pagsisimula ng aming stage play. Naunang lumabas sa entablado ang mga mananayaw saka sinundan ko iyon kasama ang iba pang cast ng kwento.
"Ako'y nalulumbay sapagkat hanggang ngayon ay 'di ko pa rin natatagpuan ang Prinsipeng bubuo ng kabiyak ng aking puso," tumatangis kong sambit sa kaklase kong si Edna na gumaganap bilang tagapagsilbi sa prinsesa.
"Huwag ka nang magtangis, Mahal kong Prinsesa, dahil tiyak kong darating din ang Prinsipeng nakatakdang bubuo sa iyong puso," tugon naman sa'kin ni Edna.
"Kaytagal ko nang naghihintay ngunit hindi ko pa rin siya natatagpuan, Aliya," malungkot kong turan sa dalaga.
Dumukwang ako sa kunwaring bintana at malungkot na tumunghay sa kunwaring kulay asul na kalangitan.
Tumunog ang malakas na tambuli senyales na may paparating na bagong character.
"Ako'y naglakbay mula sa malayong kaharian upang harapin ang anumang pagsubok na iaatas sa akin ng Mahal na Prinsesa," madamdaming hayag ni Erick na siyang gumaganap bilang Prinsipe.
"At sino ka namang hangal na nagtungo pa rito sa aking kaharian!" kunwaring galit na hiyaw ko sa binata.
"Gusto kong patunayan sa Mahal na Prinsesa na ako lamang ang Prinsipeng nararapat para sa kaniya," tugon naman sa'kin ni Erick.
"At sa paanong paraan mo naman mapapatunayan sa akin na ikaw nga ang Prinsipeng nararapat para sa'kin?" muling hiyaw ko sa binata dahil nasa taas ako ng bintana nakadukwang kuno.
"Hahamakin ko ang lahat, mapatunayan ko lamang na tunay at wagas ang pag-ibig na alay ko sa'yo," madamdaming turan ni Erick na tila totoong-totoo sa kaniyang sinasabi dahil mataman itong nakatitig sa aking mga mata.
Pakiramdam ko tuloy ay 'di na kami nagdadrama na lamang sa aming mga ginagawa. Nagpatuloy ako sa aking linya upang 'di ako tuluyang mawala.
"Hahamakin mo ang lahat?" tanong ko sa binata.
"Oo! Hahamakin ko ang lahat alang-alang sa pag-ibig ko sa'yo," sagot naman nito.
"Hangal!" kunwaring bulyaw ko kay Erick.
Malungkot na tumingin ito sa aking mukha. "Maituturing na bang isang kahangalan ang magmahal?"
Inilagay ko ang dalawang braso sa harap ng aking dibdib at nakahalukipkip na tumingin ako sa kaniyang mukha kung kaya nagsalubong ang aming mga paningin.
"Kung ako'y iyong masasalo mula sa pagpapatihulog ko at mapananatili mo akong buhay mula sa aking gagawin, walang anumang pag-iimbot kitang mamahalin," ani ko sa binata.
Tinitigan ko ng husto si Erick sa kaniyang mga mata at tila inaalam ko mula sa kaniya kung kaya nga ba niya akong saluhin. Medyo napangiwi ako nang makitang may kataasan din pala itong kunwaring tore na panggagalingan ko.
Ngumiti ng ubod ng tamis sa'kin si Erick na tila sinasabi nitong magtiwala lamang ako sa kaniya.
"Mahal na Prinsesa!" Nilingon ko si Edna at nag-antandang krus pa muna ako sa kaniyang harapan upang 'di makita ng mga audience ang takot sa aking mukha.
"Maryosep, Edna! Kaya ko ba 'to?" nakangiwing maktol ko sa kaklase.
"Don't worry, nakaalalay sila Sir Sanchez sa baba. Nasa harap lang siya ni Erick, kaya tiyak na mabubuhay ka, Girl," tugon naman sa akin ni Edna.
"Kinakabahan ako!" natitilihang sambit ko sa dalaga na 'di naman naririnig ng audience dahil sa lakas ng tugtog ng sound effect.
"Gawin mo na, Carla!" susog naman sa'kin ni Edna.
Muli akong nag-antandang krus saka muling humarap sa kunwaring bintana.
"Kapag ako'y iyong napanatiling buhay, sa'yo na ang puso ko!" saad ko kay Erick bilang hudyat sa gagawin kong pagtalon mula sa aking kinaroroonan.
"Ako ang unang kikitil sa aking buhay kung ika'y mawawala," tugon naman sa'kin ni Erick na tila sinasabing magtiwala lamang ako sa kaniya.
Pikit matang dumukwang ako upang magpatihulog mula sa kunwaring bintana ng tore na aking kinaroroonan. Nang tumunog ang nakakakilabot na sound effect ay pumikit ako kasabay nang pagpapatihulog ko mula sa kinaroroonan kong bintana kuno.
Malakas na kabog ng aking dibdib ang siyang naririnig ko sa buong paligid habang naghihintay nang pagbagsak ng katawan ko sa mga braso ni Erick, na siyang magsisilbing tagapagligtas ko naman ng mga sandaling iyon.
Naramdaman ko ang pagsalo ng matitigas na braso ni Erick sa aking katawan kaya't napangiti ako sa isiping hindi niya ako pinabayaan kahit pa nga delikado ang parteng iyon ng aming palabas.
Para pa nga akong idinuduyan sa alapaap dahil matapos akong masalo ng binata ay iniugoy naman nito ang kaniyang mga braso.
Nanatiling nakapikit ang mga mata ko at kusang ikinunyapit ang dalawang braso sa leeg ni Erick upang doon kumapit.
"I got you!" tinig ng baritonong boses na kilalang-kilala ko ang nagpamulat sa nakapikit kong mga mata.
"Simon..." mahinang usal ko at kakaibang kilabot ang naramdaman ko nang matunghayan ang madilim na bukas ng mukha nito.
"The play is over!" mariin ngunit may kalakasang pahayag nito na dinig na dinig sa buong auditorium.
"Anong sinasabi mo?" maang kong tanong sa kaniya.
"You heard, what I've said!" tugon naman nito sa sinabi ko.
Inilinga ko ang paningin sa paligid at nakanganga namang nakamata sa amin ang bawat taong naroon pati na rin sina Sir Sanchez at Gerald na magkatabing nakaupo sa may foam na inihanda nila bilang babagsakan ko sana kung sakaling 'di ako masalo ni Erick.
Nalipat din ang paningin ko kay Erick na magkasalubong din ang mga kilay at tila gusto na rin manapak anumang sandali.
"Ibaba mo ako!" mariing utos ko kay Simon.
"I said, the play is over!" mariing tugon nito.
Napasinghap ang mga taong naroon sa malapit na nakakarinig ng munti naming komosyon na dalawa ni Simon. Tila may dumaang anghel naman sa pagitan naming lahat na walang gustong unang magbitaw ng anumang salita.
Palakpakan at hiyawan mula sa mga manonood ang siyang umuntag sa lumilipad kong diwa. Mabilis akong bumaba mula sa mga bisig ni Simon, at walang anumang salitang tinalikuran ko ang binata.
"Carla!" dumadagundong na sigaw sa akin ni Simon.
Tuloy-tuloy na naglakad ako paalis sa entabladong iyon at 'di ko na pinansin pa ang pagtawag nito sa akin ultimo ang ginawang pagsalubong sa'kin ni Erick ay 'di ko na rin pinansin pa.
Malalaki ang mga hakbang na nagtungo ako sa may dressing room upang magpalit ng damit doon. Napaigtad ako mula sa pagkakaupo sa harap ng vanity mirror nang malakas na bumalya pabukas ang pinto.
"Hindi ka ba marunong kumatok muna? Pa'no kung nagbibihis pa pala ako?" inis kong turan kay Simon.
"Then, bubulagin ko ang mga mata ng sinumang taong titingin sa katawan mo," madilim ang anyong tugon nito.
"Pwede ba Simon, layuan mo na nga ako. Hindi ka na nga nanalo sa'min nang subukan mong harangin ang stage play," yamot kong anas sa binata.
"Tsk!" Tumaas ang sulok ng labi nito. "Hindi porke't natuloy ang ipinagmamalaki mong pagdadrama ninyo ay nakaligtas ka na sa galit ko."
Humakbang ito palapit sa'kin saka marahas na hinila ako nito sa braso.
"Nasasaktan ako!" reklamo ko sa binata.
"Simon!" malakas na sigaw ni Erick saka inundayan niya ng suntok sa mukha si Simon kung kaya nabitiwan ako ng huli.
"Ay!!!" Nagtititiling sigaw ko dahil sa tuluyan nang nagpambuno ang dalawang binata sa aking harapan.
Parehong walang gustong magpatalo sa kanila at parehong magaling pagdating sa pakikipagsuntukan. Ngunit nadaig ni Simon si Erick dahil malaking tao ang una at mukhang alaga ang katawan nito sa pagwo-work out.
"Hindi porke't ikaw ang may-ari ng eskwelahang ito ay ikaw na rin ang kailangang sundin ng lahat parati," hinihingal na sigaw ni Erick kay Simon saka muling sinuntok niya ang huli.
"D*mn! I'm gonna kill you!" Gumanti rin ng suntok sa mukha si Simon.
"Tama na 'yan!" malakas kong sigaw sa dalawang binata upang awatin ang mga 'to.
May ilang sandali pa silang nagpambuno at putok na ang nguso ni Erick. Nang muling susuntukin na sana ito ni Simon ay agad kong iniharang ang sariling katawan sa pagitan nilang dalawa.
"Umalis ka riyan!" bulyaw sa'kin ni Simon.
Umiling-iling ako bilang tugon sa binata.
"Pakiusap... Tama na, Simon!" nagsusumamong pakiusap ko sa binata.
Marahas na ibinalya nito sa sahig ang duguan sa mukha na si Erick. Agad ko namang dinaluhan ang binata sa sahig upang sipatin ito.
"Carla..." paubo-ubong bigkas ni Erick sa aking pangalan.
Mariing kinapitan ni Simon ang braso ko saka pakaladkad akong inilabas nito mula sa loob ng dressing room.