Biglang nanlaki ang ulo ko sa narinig na utos ni Simon.
Ang walanghiya, demonyo ngang tunay! Walang pakialam si g*go, kahit pa nga babae ako.
Biglang sumagi sa isipan ko ang mga sinabi ni Lyka kanina sa akin nang magkasama kami.
"Oh my, ito na ba 'yon?!" bulong ko sa isipan.
"Aarrgghh..." malakas na hiyaw ni Erick nang hagupitin ito sa kaniyang likuran ng pamalong kahoy ng payatot na lalaki.
"Erick!" malakas na bulalas ko sabay yakap sa katawan ng binata.
"Umalis ka na, Carla!" Pilit akong ipinagtulakan ni Erick palayo sa kaniyang katawan.
"Hindi! Hindi kita iiwan!" matatag kong sagot sa binata.
"Iligtas mo na ang sarili mo!" Kahit nahihirapan ay nagawa pa rin akong itulak ni Erick.
Muling pinalo ng payatot na lalaki sa likurang bahagi ng kaniyang katawan si Erick.
"Hindi!" umiiyak kong sambit saka iniharang ang katawan ko sa katawan ni Erick.
"Aarrgghh!" malakas na hiyaw ko nang maramdaman ko ang matinding hapdi nang paglapat ng pamalong kahoy sa likurang bahagi ng aking katawan.
"Carla!" Sinalo ako ng mga bisig ni Erick nang mapahiga ako sa kaniyang dibdib.
Pakiramdam ko'y nagdidilim ang paligid ko ngunit pinanatili ko lamang dilat ang aking mga mata.
Tumingin ako sa gawi ni Simon na titig na titig lamang sa ginagawang pananakit sa aming dalawa ni Erick ng tauhan nito. Wala akong mabasang anumang reaksyon mula sa bukas ng kaniyang mukha.
Muling lumagapak ang pamalong kahoy sa likurang bahagi ng katawan ni Erick kung kaya ito naman ang humiyaw ng malakas.
"Tama na!" naluluhang sigaw ko sa payatot na lalaki saka sinubukan kong makatayo upang awatin ito.
Nang muling lalapat sana ang pamalo sa likod ng katawan ni Erick ay muling hinarang ko ang aking katawan, kung kaya sa akin muling tumama ang pamalo ng payatot na lalaki.
Napangiwi akong muli nang maramdaman ang paglatay ng hapdi sa aking likuran.
"Mga h*yop kayo!" nanggigigil sa galit kong bigkas sa kanila partikular na kay Simon.
Tumaas ang sulok ng labi ni Simon saka ito nagsalita, "Masarap ba, Carla?"
"Wala kang kasingsama! Demonyo ka!" hiyaw ko kay Simon.
"Sinabi ko naman sa'yong demonyo nga ako," humahalakhak na tugon nito.
Sa pagkakataong iyon ay demonyo na ngang talaga ang tingin ko sa kaniya. Buong pwersa akong tumayo at tumakbo palapit sa kinatatayuan ni Simon.
Pinaghahampas ko ito ng malakas sa kaniyang dibdib ngunit tila balewala lamang ang lakas ko sa kaniya.
"Aarrgghh!" Nilingon ko ang dumadaing sa sakit na si Erick na patuloy na nilalatayan ng palo ng payatot na lalaki.
"Itigil mo na 'to Simon! Utang na loob, maawa ka sa kaniya!" pagsusumamo ko sa binata.
"Nasaktan ka na nga ng dahil sa kaniya tapos inaalala mo pa rin siya," bulyaw sa'kin ni Simon saka mahigpit na pinisil nito ang magkabilang pisngi ko.
"Tutuluyan na ba namin 'to Boss?" napalingon ako sa matabang lalaki na nagsalita.
"Simon, please! Tama na! Maawa kayo kay Erick," muling pagsusumamo ko kay Simon saka lumuhod ako sa kaniyang harapan.
"Pahirapan niyo muna hanggang magtanda!" pasigaw na utos ni Simon sa mga tauhan nito.
"Simon..." pasinghap kong usal nang kaladkarin ako nito patungo sa kung saan.
Nagpumiglas ako sa pagkakahawak nito sa aking kamay. "Bitiwan mo ako!"
"Huwag mo akong galitin ng husto Carla, kung ayaw mong ipatuluyan ko sa mga tauhan ko ang walang kwentang lalaking 'yon!" bulyaw sa'kin ni Simon.
"Mas walang kwentang tao ka!" bulyaw ko rin sa kaniya.
Nalugmok ako sa lupa nang malakas na sampalin ako ni Simon sa aking pisngi. Nanginginig ang mga kamay ko na sinapo ang pisnging namamanhid pa sa lakas nang pagkakasampal sa'kin nito.
"Walang-wala ka sa kalingkingan ni Erick. Hindi ka marunong lumaban ng patas dahil duwag ka! Duwag ka, Simon! Duwag ka!" nanginginig sa galit kong hiyaw sa binata.
Kitang-kita ko ang pagdilim ng mukha nito kasabay nang pagtatagis ng kaniyang mga bagang.
"Duwag?! Gusto mong ipakita ko sa'yo kung sino ang duwag sa aming dalawa?!" Marahas akong hinila patayo ni Simon mula sa pagkakalugmok sa lupa at saka kinaladkad nito pabalik sa kinaroroonan ni Erick.
"Bitiwan niyo siya!" dumadagundong na utos ni Simon sa mga tauhan nito.
Lugmok na sa lupa si Erick at putok-putok na ang mga mata nito sa pasa pati na rin ang kaniyang nguso ay namamaga na. Nanghihinang nakabaluktot na rin ito sa lupa.
"Panoorin mo kung sino sa aming dalawa ang duwag!" Malakas na itinulak ako ni Simon sa dibdib kung kaya naman napadausdos ako sa lupa.
"Ikaw! Tumayo ka riyan at labanan mo ako!" Sinipa ni Simon sa sikmura si Erick dahilan para mapaigik ang huli.
"Erick!" Luhaang tawag ko sa binata.
Pilit idinilat ni Erick ang kaniyang mga mata saka tumingin ito sa aking gawi. Ngumiti pa sa akin ang binata kahit pa nga nahihirapan na ito.
"Lumaban ka sa'kin!" Muling sinipa ni Simon sa sikmura si Erick.
"Kapag ikaw ang nanalo sa'yong-sayo na ang babaeng 'yan!" Itinuro pa ako ni Simon kay Erick.
Hindi ko alam kung dinadaya lamang ako ng aking paningin dahil kahit nahihirapan na ay nagpumilit tumayo si Erick mula sa pagkakalugmok sa lupa.
Inundayan ng suntok ni Simon si Erick ngunit agad iyong nasalag ng huli at maagap na ibinalik sa mukha ng una ang kaniyang kamao. Nagpambuno ang dalawa hanggang sa parehas na silang nagpagulong-gulong sa lupa.
"Tama na 'yan!" hiyaw ko nang makitang halos namamaga na ang buong mukha ni Erick.
Lamang pa rin si Simon kay Erick dahil konti lang ang tama ng una kumpara sa huli na lasog-lasog na ang mukha at katawan sa bugbog.
Napaawang ang mga labi ko nang sabay na magsalubong ng suntok ang kanilang mga kamao at tila nanonood lamang ako ng labanang suntukan sa isang pelikula na ni sa hinagap ay 'di ko lubos maisip na maaari palang mangyari sa totoong buhay.
"Tama na 'yan! Pakiusap!" muling hiyaw ko sa kanilang dalawa.
Alam kong kapag hinayaan ko silang magpatuloy ay tiyak na tutumba na lamang bigla si Erick sa lupa.
Walang sumusuko isa man sa kanila. Walang gustong magpatalo at higit sa lahat walang handang umawat kung kaya naman mabilis akong tumakbo palapit sa kanilang dalawa upang pumagitna sa labanang pinagsasaluhan nila.
"Tama na 'yan!" awat ko sa dalawang binata saka idinipa ang magkabilaang braso ko upang muling pigilin ang pagsasalubong ng kanilang mga kamao.
Balewala ang naging pagdipa ko dahil hindi nila nakontrol ang bilis ng kanilang mga kamao sa pagsuntok kung kaya tumama ang mga iyon sa tagilirang bahagi ng aking katawan.
Naramdaman ko ang pagyanig ng buo kong pagkatao sa lakas ng impak ng kanilang mga suntok. Nawalan ng lakas ang mga tuhod ko at dahan-dahan akong napaluhod sa lupa.
"Carla!" rinig kong sigaw ni Erick saka mabilis akong sinalo ng mga bisig nito.
Unti-unting nagdilim ang lahat sa paligid ko at tila anumang oras ay gusto nang bumigay ng mga talukap ng aking mata.
"Iyan ang napapala mo sa katatanggol sa lalaking 'yan!" sigaw naman sa'kin ni Simon.
"Ayos ka lang ba, Carla?" nag-aalalang tanong sa'kin ni Erick.
Ngumiti lang ako sa binata saka itinaas ang isang palad ko patungo sa pisngi nito. Inihaplos ko roon nang paulit-ulit ang aking kamay.
"Salamat!" Tanging salitang namutawi mula sa aking bibig bago tuluyang nagdilim ang lahat sa paligid ko.