Gabi na ng matapos ang pageant. Dahil sa pagod ay hindi na ako nakakain ng hapunan.
Pagbaba sa jeep ng itay ay tumungo ako sa mahabang upuan sa silong ng mangga. Nakapagbihis na ako ng skinny jeans at ang paborito kong plain black v-neck shirt. Nakapusod pa din ang buhok ko at nakamake-up pero wala na akong suot na mga abubot sa katawan.
Umupo ako rito habang ibinababa ng itay, Tiya Ana at Auntie Ayang ang mga ginamit ko sa pageant. Dumiretso na sa loob ang mga Lolo at Lola para maghapunan.
Nagpahanda ang Lola Viring sa Lola Ada ng dadatnan naming pagkain matapos ang programa sa eskwelahan. Ang Lola Ada ay nakababatang kapatid ni Lola Viring na hindi na nakapag-asawa. May sarili itong bahay sa barangay Isidro din pero mas madalas siyang tumutulong sa bahay ng Lolo Temio. Katuwang niya ang Lola Viring sa pamamahala pa din ng bukirin nilang magkapatid.
Pinagpatong ko ang mga bisig ko sa lamesang kawayan atsaka ipinatong ang ulo ko dito. Nakatulugan ko na ang pagiisip kung totoo ba yung nakita ko na si Gilbert at Marga ay magkarelasyon na.
Naalimpungatan ako ng maramdaman kong lumulutang ako sa hangin. Pagdilat ko ay buhat ako ng aking itay papasok ng bahay. Ikinawit ko ang mga kamay ko sa leeg ng itay dahil feeling ko ay naupos ako sa pagod at kirot sa dibdib na nararamdaman ko.
"Matulog ka na, siguradong pagod na pagod ka," pabulong na sabi ng itay. Habang patuloy siya sa paglalakad. Nang makaakyat sa aking kwarto ay inilapag na niya ako sa kama saka hinalikan sa noo.
At ipinikit ko na nga ang aking mga mata. Ramdam na ramdam ko ang sakit ng aking mga binti sa ilang oras kong nakahigh heels at dumagdag pa ang kirot sa puso ko na parang binagsakan ng isang malaking bato. Sa sobrang pagod at sakit na nadarama ay tuluyan na akong nakatulog.
Magtatanghali na ng magising ako kinabukasan. Hindi naman kailangan pumasok sa eskwela dahil ikatlong araw pa lang ito ng paligsahan. Ngayong araw ang basketball game ng aming varsity team na inimbitahan ang basketball team ng Harrison High para sa isang friendly game.
Ang Harrison High ay private school sa bayan ng San Bartolome. Eskwelahan ng mga elitistang kabataan sa aming bayan. Mamayang hapon pa naman ang game. Iniisip ko kung pupunta ba ako ng paaralan para manuod. Baka makita ko lang sina Gilbert at Marga. Hindi ko alam kung paano ko sila haharapin.
Bumalikwas ako sa aking higaan, parang kulang pa yung tulog ko para maipahinga ang pagod kong katawan o mabigat lang ang aking pakiramdam dahil nasaktan ako sa pagtataksil ni Gilbert.
Teka nga, wala namang kami kung makaarte ako dito ay parang may relasyon kaming dalawa. Siguro ay umasa ako na maghihintay siya hanggang sa handa na akong makipagrelasyon. Siguro nagsawa na sa paghihintay sa akin. Kahit kahapon lang ay sabay pa kaming umuwi. Palay na ang lumapit sa manok, bakit pa siya tatanggi.
"Angeli, gising ka na ba?" Mahinang tanong ni Marian na nasa kabila ng saradong pintuan ng aking kuwarto. Kumatok muna siya ng marahan bago binuksan ang pinto para makapasok.
"Kagigising lang insan," tamad na tamad ko pang sagot sa kaniya.
Umupo na sa gilid ng kama si Marian. Nakayakap pa ako sa body pillow na dantayan ko at nakaharap sa bintana patalikod sa kanya.
"Umiiyak ka ba?" Marahan niyang tanong.
"Umiiyak? Hindi ah!" Hinarap ko siya para makita niya ang aking mukha na siguro ay may muta pa. "Bakit naman ako iiyak?" Dugtong kong tanong sa kanya.
"Bago kasi naganunsyo ng winners kagabi habang sumasayaw ang mga teachers natin ay napalingon ka kay Gilbert," bungad nito. "Ang ganda ng ngiti mo tapos nung makita mo siyang niyakap ni Marga mula sa likod ay sumimangot ka ng very light tapos hindi na genuine yung smile mo nung humarap ka sa audience." Pagkukuwento ni Marian.
Ganun ba kahalata ang disappointment ko? Anyway, nagkunwari na lang akong di ako apektado.
"Nadisappoint lang ako kay Gilbert. Sa dami ng magagandang babae sa school bakit si Marga pa? Alam naman nating pareho na kung magpalit ng boyfriend yun parang nagbibihis lang ng t-shirt." Napasimangot pa akong nagpaliwanag kay Marian.
"Wala ba talaga siyang pag-asa sa'yo?" Siguro curios lang si Marian.
"Eh bakit ba ang aga-aga eh yan ang tinatanong mo sa akin? Nag-almusal ka na ba? Lika samahan mo ako." Pag-iwas ko sa topic, bumangon na ako at tumungo sa banyo para maghilamos at magtoothbrush.
Paglabas ng banyo ay nakaupo pa din si Marian sa gilid ng kama. Matiyaga akong hinihintay. Nakatingin ito ng seryoso sa akin saka bumuntong hininga.
"Tara na nga, baka gutom lang yan," sabi niya sabay hila sa akin palabas ng kuwarto.
Nang makarating kami sa kusina ay bumungad sa akin ang pagbati nang aming malalapit na mga kamag-anak. Mabuti na lang naghilamos ako at nagtooth brush bago bumaba. Niyakap at bumeso pa sa akin ang mga tiyo at tiya pati mga uncle at auntie ko. Naroon din ang mga Lolo Pacio at Lola Oriang.
"Gising na pala ang prinsesa ko eh, halina kayo at salu-salo na tayong mananghalian." Pag-aya ng itay sa lahat ng naroon. Napatingin ako sa orasan na nasa ibabaw ng lababo kita mula sa papasok sa komedor na, alas onse na pala ng tanghali.
Kumuha ng plato ang bawat isa at nagsikuha na ng pagkain saka humanap ng pwesto sa lamesa para kumain. Nagluto ang Lola Viring ng simpleng tanghalian, Igado, Dinuguan at Pinakbet. May dala namang Pansit at mga kakanin ang Lola Oriang na siyang pinagsaluhan naming lahat.
Ipinagsandok naman ako ni Marian ng pagkain. Hinihintay ko kasing matapos muna silang lahat pero heto ang aking pinsan kung alagaan ako ay daig pa ang nakakatandang kapatid. Kung sabagay ay dalawang buwan ang tanda niya sa akin. Umupo kami malayo sa karamihan. Duon kami sa may puno ng mangga pumuwesto.
"Sagutin mo yung tanong ko, wala ba talagang pag-asa si Gilbert sa'yo?" Seryoso niyang tanong habang sumusubo ng pagkain.
Sumubo na din ako ng kanin at Igado. Pagkuwa'y sinagot ko na ang tanong niya, "Wala pa sa isip ko ang pakikipagrelasyon, Rian. Alam mo yan. Pero sa tanong mo, wala na siguro kasi nadismaya ako, hindi siya nakapaghintay hanggang sa maging handa ako."
"Pero ayaw kong magsalita ng tapos, baka sakali manligaw ulet siya sa akin ay hindi ko na siya paghintayin. Depende sa mararamdaman ko pag dumating ang pagkakataon na iyon." Pagpapatuloy ko. "Bakit mo ba tinatanong?" Siya naman ang tinanong ko.
"Kasi kitang-kita sa mga kilos niya na handa siyang maghintay sa'yo at mahal na mahal ka niya. Baka nilalandi lang siya ni Marga tapos eto at nagpapaapekto ka." Walang kurap niyang pagsermon sa akin.
Kung may loveteam man kami ni Gilbert ay si Marian ang presidente ng fan club namin. Siguro ay dahil kilalang-kilala niya ito at alam nitong hinding-hindi ako sasaktan ni Gilbert. Pero huli na para duon. Sinadya man niya o hindi ay nasaktan na ako.
"Manunuod ba tayo ng basketball game mamaya?" Pag-iiba ko ng usapan.
"Nasa'yo yan. Handa ka na bang makita si Gilbert at Marian na magkahawak kamay or worse, naglalandian sa harap mo?" May pagkairitable niyang tugon sa akin.
"Huwag mo akong alalahanin. Pero salamat sa pagintindi sa akin. Tandaan mo, Harrison High ang kalaban nila mamaya, makikita mo ulet ang team captain nilang si Jerome." Pilyang ngiti at kinindatan ko pa siya ng dalawang beses para buskahin.
"Kahit pa, kung hindi ka manunuod, hindi din ako manunuod." Nakairap na sagot niya sa akin. Pero alam kong umaasa ito na manuod kami ng game.
"Punta tayo. Kailangan kong ipakita na hindi ako affected." Buntong hininga kong sinabi sa kanya.
"Isa pa, di ba magiging mukha ako ng fair competition at pakikipagkapwa? Kaya dapat kasi durog ito," tinuro ko ang puso ko, "Kailangan ko silang harapin one way or another."
Matapos mananghalian ay gumayak na kami ni Marian. At dahil may event sa school ay hindi kami kailangan pumunta ng nakauniform. Mapang-akit sa suot niyang skinny jeans na tinernuhan ng offshoulder skater blouse si Marian. Body fit din ito at lumabas ang hubog ng katawan niyang napakasexy. Mapapasana all na lang talaga ang mga babeng makakakita sa kanya.
Ako kasi ay mukhang chubby pero nadala ng height ko na limang talampakan at anim na pulgada. Medyo malapad ang mga balikat ko pero ang asset ko ay ang maamo kong mukha at long legs ko. Madalas akong purihin sa mga katangian kong yan kaya naman ipinagmamalaki ko din.
Simple lang din ang suot ko. Black leggings na tinernuhan ko ng layered spaghetti strapped na long blouse na siyempre ay kulay asul. Nagsuot ako ng kasing laki ng pisong hoop earings at saka nagpulbos at lip gloss. Parang gypsy look ang naachieve ko.
"Aba ay napakagaganda naman ng mga apo kong ito, saan ba ang lakad niyo?" Tanong ng Lola Viring na nuon ay palabas ng bahay papunta sa silong ng mangga dala ang mga record book at ilang papeles. Kasunod niya ang Lola Ada na may dala ding record book at iba pang mga papel.
"Hindi maitatangging nasa lahi ang ganda ate. Ang gaganda ninyong mga dalaga." Pagpuri ng Lola Ada sa amin.
"Salamat po," sabay pa naming tugon.
"Manunuod po kami ng basketball game sa paaralan, Lola. May friendly game ang varsity team namin at Harrison High. At bilang Ms. Intramurals ay dapat andun si Angeli para maging muse ng aming kupunan." Patagong kinindatan ako ni Marian.
"Uuwi po kami kaagad matapos ang laro," Dugtong ko para wala ng madaming tanong pa ang mga Lola Viring.
"O siya, mag-iingat kayong dalawa." Paalala ng Lola Viring saka ito dumiretso na sa silong ng mangga.
"Hay naku, magenjoy kayo sa Instrams ninyo. Make memories ng high school life ninyo na mapapangiti kayo pagdating niyo sa edad ko kapag naalala niyo," pabulong na turan ng Lola Ada sabay kindat sa aming dalawa ni Marian.
Sumakay na kami ng tricycle para pumunta sa paaralan. Mula sa labas ng pader ay dinig ang ingay ng mga naglalaro ng volleyball. Ngayong ikatlong araw ay patuloy anng round robin ng basketball, volleyball at sepak takraw. Pagkatapos ng friendly basketball game mamaya ay ang sabayang pagbigkas naman at choir competition.
Nang tumigil ang tricycle sa tapat ng gate ay siya naman dating ng mga varsity players ng Harrison High kasama ng kanilang coach at ibang mga magulang. Kasunod ng school bus ng eskwelahan nila ay isang SUV na kulay itim. Pumarada ito sa likod ng bus at lumabas na ang nakasakay dito.
Mula sa gate ay nagkumpulan ang ilang juniors at seniors kabilang si Milagros. Inaabangan ang pagdating ng mga varsity player ng katunggaling paaralan.
Halos sabay-sabay namang pumasok ang mga players na dala-dala ang kani-kanilang duffel bag. Natuon ang pansin ko sa isang matangkad lalakeng may wavy brown hair na mukhang natural at nakashades. Nakajeans ito at naka white round neck muscle shirt at bakat ang magandang hubog ng katawan. May mga pandesal pa nga yata sa abs. Moreno ito at pero makinis ang balat. Mukha ring mabango.
"Yan si Enrico, point guard ng team nila," pabulong na turan ni Marian sa akin.
Parang kiniliti ang puso ko nang malaman ko ang pangalan niya. Tumingin siya sa direksyon namin ni Marian at nagbaba ng shades. Tumango siya kay Marian at ngumiti.
"Magkakilala kayo?" namamanghang tanong ko kay Marian.
"Naalala mo yung English Convention last month?" Tanong nito sa akin na tinugon ko ng tango.
"Siya ang representative ng school nila at naging magkagrupo kami sa Journalism." Pagpapaliwanag ni Marian.
"Type mo?" Pilyang tanong nito. "Di hamak naman na mas guwapo yan kay Gilbert noh!" Natatawang sambit niya habang hinihila na ako papasok ng paaralan.
Dumeretso ang Harrison High team sa visitor's lounge katabi lang ng faculty room. Ang kumpol ng kababaihan kagabi ay pasilip-silip sa jalousie window. Nariyang kunwari ay dadaan pero ang totoo ay sumusulyap sa anumang makita nila sa awang ng bintana sa loob ng lounge.
Halos katapat naman ng room namin ang faculty mula sa kabilang side ng quadrangle. Naghahanda at nagpapractice ang aming mga kaklase para sa sabayang pagbigkas na sasalihan nila mamaya. Yun ang kagandahan sa section namin. Lahat nagpaparticipate. Walang napag-iiwanan at higit sa lahat ay lahat palaban.
Nang makita ako ni Remi ay agad niya akong hinila, "Girl, hindi pwedeng rumampa sa loob ng paaralang ito ang Ms. Instrams na ganyan kaplain," at pinaupo sa isang armchair. Inilabas nito ang make-up kit at saka sinimulang ayusin ang plain kong ayos.
Ipinasuot niya ulit sa akin ang malaking hoop earings atsaka nilagyan ng bandang tinupi na patriangle ang aking ulo. Sinuotan din ako ng apat na patong na iba't-ibang laki ng beaded necklace. Ang isa ay umabot hanggang baywang.
Sinipat-sipat niya ako pakanan at pakaliwa atsaka nasatisfy sa hitsura ko, "Ayan, kumpleto na ang gypsy look mo!"
"Ang ganda!" Pagpuri ng isang tinig na nuon ko lang narinig. Mababa ang boses nito at nagmula sa labas ng kuwarto.
Lahat kami sa loob ay napatingin sa may pinto at naroong nakatayo at nakasandal sa pader na nakatingin at titig na titig sa akin si Enrico.
"Uuuuuuy...." Kilig na kilig na turan ng karamihan sa mga kaklase ko saka bumalik sa kanilang mga ginagawa. May ibang sumusulyap sulyap pa dito.
"Enrico!" Pagtawag ni Marian sa kanya, "Halika pasok ka," Sinalubong siya ni Marian mula sa pinto at pinakilala sa buong klase, "Classmates, ito nga pala si Enrico Braganza, point guard ng varsity team ng Harrison High."
"Hi everyone," nahihiya pang kaway nito mula sa kinatatayuan, "Especially to you miss beautiful." Ang sarap titigan ng napakaganda nitong ngiti habang nakatingin sa akin ng sinabi niya ang mga katagang iyon. "Marian, di mo naman sinabing may maganda ka palang kaklase." Dugtong nito.
"Pinsan-bff at classmate ko siya, Enrico, si Angeli." Pagpapakilala sa akin ni Marian.
"At ang aming Miss Intramurals 2011!" Proud namang dagdag ni Remi. "Hi, Enrico!" Nagpacute pa ito at parang babaeng isinuksok sa likod ng tainga ang kanyang imaginary long hair."
"No wonder, you're truly beautiful!" Wala yatang kasawaan sa pagtitig sa mukha ko itong lalakeng ito. Kung ice cream lang ako ay natunaw na ako sa init ng mga titig niya. Naramdaman kong namumula ang mga pisngi ko mabuti na lang at nilagyan ako ng blush on ni Remi kaya hindi gaanong halata.
"Thank you!" Tipid na sagot ko na lang sa kanya.
"Enrico, the game will start in 10 minutes. Bihis na tayo, bro!" Pagtawag ng isa pang lalake mula sa labas.
"Pasok ka muna saglit dito bro," pag-aya nito sa kausap sa labas.
"Everyone meet Jerome, our team captain," pagpapakilala nito sa may five feet eleven inches na lalakeng medyo maputi at nakaclean cut. May mga dimples ito sa magkabilang pisngi at mapangusap ang mga mata. Kaya pala crush ni Marian ito. Guwapo din.
Si Enrico at hindi nalalayo kay Jerome. Five foot ten inches ang tangkad nito at gaya ng sabi ko kanina moreno pero makinis ang kutis. At ngayon ko napatunayan na natural ang kanyang brown hair. Chinky ang kanyang mga mata na kulay brown din. Halatang may ibang lahi na nanalaytay sa mga dugo niya. At napatunayan ko din na ang bango-bango niya. Hindi nakakasawang amoy-amoyin.
"See you at the game, guys!" Paalam ni Enrico sa lahat, "I'll see you later, Angeli." Sabay kindat at ngiti ng pagkatamis-tamis sa akin.
"Uuuuuy...." muling panunukso ng mga kaklase ko sa akin.
Nagumpisa na ang friendly game at bilang Ms. Intramurals ay ako ang pinagrelease ng bola para sa jumpball. Matapos pumito ng referee ay inihagis ko ang bola pataas at mistulang nag-appear sa hangin sina Gilbert at Enrico pero naunang matapik ni Gilbert ang bola papunta sa aming kupunan.
Patalikod na pumunta na sa pwesto niya si Enrico at kumindat pa ito sa akin bago tuluyang isinapuso ang laro.
Naghahabulan sa scores ang dalawang team, nagover time pa ng dalawang beses dahil palaging nagtatie. Nang maubos ang mga players kakafoul ay lumamang ang Harrison ng isa. Huling labinlimang segundo na lang ng ikalawang overtime at himala na lang na makapuntos pa kami dahil bola pa ng kalaban. Dumidiskarteng ipinapasa-pasa na lang ng kabilang team ang bola. Nasa loob pa ng court si Gilbert at nang makakita ng pagkakataon ay naagaw nito ang bola at sakto namang naishoot niya ito sa labas ng three point mark bago tumunog ang timer.
Nagawa nila! Panalo kami ng dalawang puntos.