Sa Bartolome pa din nung nasa grade eight na ako. Kahit napagsabihan na ng Lola Viring si Gilbert tungkol sa panliligaw ay hindi ito tumigil sa pagsuyo sa akin.
Tuwing recess ay hindi niya nakakaligtaang dumaan sa aming classroom para mag-abot ng kung anu-anong pagkain. Madalas ay tsokolate o sandwich na may nakaipit na tula.
Kung tutuusin ay kaibig-ibig naman si Gilbert. Bukod sa guwapo at mabango sa porma at amoy ay matalino din ito at kasapi bilang point guard sa basketball team ng aming paaralan. Siguro ay may pagtingin din ako sa kanya pero hindi katulad ng nararamdaman niya para sa akin. Siguro ay hindi pa hinog yung ganuong damdamin.
Dumating ang intramurals.
Lahat ng section mula first year hanggang fourth year high school ay kailangang may representative upang lumaban sa titulo ng Mr. and Ms. Intramurals. Si Marian ang inilaban ng section namin dati.
Ngayon ay magbotohan kami sa pangunguna ng aming class adviser na si Mrs. Rivera kung sino ang ilalaban namin ngayong taon.
"I nominate Angeli Punzalan to represent II-Andrew for the Ms. Intramurals competition," paguumpisa ng nominasyon ni Athan ang isa sa mga beki naming classmate. Napapalakpak pa ito habang umuupo mula sa pagsambit ng kanyang nomination.
"I move that the nomination be closed." Anunsyo mula sa likod ng isa pang beki naming classmate na si Ramon pero mas gusto niyang tinatawag siyang Remi.
"I SECOND THE MOTION!" Pagsasara sa nominasyon ng pinsan kong si Marian.
Pinanlakihan ko siya ng mata pero tinugon niya lang ako ng paglalabas ng kanyang dila na tila nangaasar.
"Does everyone agree," pagkukumpirma ni Mrs. Rivera sa klase.
At para naman akong nilamon ng dagat ng sumagot ng sabay-sabay ang lahat ng "Yes, ma'am!"
Wala na akong nagawa kaya ng tinawag ako ni Mrs. Rivera sa harap ay agad na akong tumalima.
Sumunod na pinagbotohan ang ilalaban bilang Mr. Intramurals at kagaya ng unang nangyari buhat ng inominate si Jordan ay wala ng iba pang na nominate.
Para bang nagusap-usap na ang mga kaklase namin bago pa magbotohan kaya mabilis ang naging pilian.
Tuwing hapon ay sumasabay din sa amin pauwi si Gilbert pero dumideretso na ito sa kanila.
Palabas na kami ng classroom ay siya agad ang nabungaran naming nakaupo sa mahabang kongkretong upuan na nagsisilbing harang ng classroom sa quadrangle at upuan na din ng mga manunuod tuwing may pagdiriwang o programa sa paaralan.
Pagkakita sa akin ay agad siyang ngumiti ng pagkatamis-tamis atsaka sinabayan ako sa paglalakad.
"Oy congrats! Ikaw pala ang napiling Ms. Intrams ng section niyo." May galak sa tinig na pagbati nito.
"Wala eh, napagkaisahan ako," sabay irap sa pinsan kong nagpatiuna na sa paglalakad habang nakangiti ng makabuluhan sa akin.
Tahimik na kaming naglalakad ni Gilbert papuntang sakayan ng tricycle ng harangin kami ni Norlan, ang Team Captain ng basketball team ng aming paaralan.
Third year student na ito, makisig hindi gaanong kagwapuhan pero dahil mahusay sa basketball ay sikat siya sa school at maraming nagkakacrush sa kanya.
"Angeli, pwede bang ikaw ang maging partner ko sa JS Prom? Matagal pa naman pero alam mo na, baka maunahan pa ako nitong si Barcelona," nakakaloko ang ngiting tanong niya sa akin.
"Hindi naman kayo magsyota di ba?" Pahabol pang tanong nito.
"Pasensya ka na, Norlan pero hindi pa ako pinapayagang dumalo sa mga ganyan," sagot ko sa kanya.
"Ganun ba? Sa susunod na taon siguro pwede na! O sige, Barcelona huwag mong kakalimutan yung practice bukas ng umaga." Patalikod na siyang lumayo at inilahad ang mga kamay na tinuturo si Gilbert habang nakaipit sa beywang hawak ng kabilang kamay ang bola ng basketball.
Muli ay tahimik na kaming lumabas ng gate kung saan naghihintay si Marian sa tapat ng streetfood cart ni Mang Ador.
Inabutan niya ako ng isang baso ng fishballs, kikiam at kwek-kwek. "Huwag ka ng magalit, kasi kung hindi ikaw ang ilalaban ngayong taon sigurado next year o pag seniors na tayo ikaw pa din ang iboboto nila. Siyempre hindi tayo puwede nuon kasi mas mahirap na subjects natin." Paliwanag nito at itinaas baba pa ng dalawang beses ang kanyang mga kilay na parang nang aalo.
Kung sabagay ay may katwiran siya duon. Gumaan ang pakiramdam ko at inenjoy ko na lang ang libre niyang meryenda.
Si Gilbert naman ay tumuhog ng fishballs, inilagay sa cup saka binuhusan ito ng sweet-spicy sauce saka kumuha pa ng nahiwang sili at inihalo sa kanyang pagkain.
"Grabe, ang anghang niyang sawsawan mo!" Namamanghang sambit ko.
Habang kumakain pumunta na kami sa pila ng tricycle atsaka bumiyahe pauwi ng Isidro.
Pagdating sa bahay ay dating gawi, gumawa muna kami ni Marian ng homework sa ilalim ng mangga at itinuloy ang pagkain sa aming tusok-tusok.
Dumating ang araw ng Intramurals na binuksan sa pamamagitan ng parada ng lahat ng mga mag-aaral na pinapangunahan ng mga lalaban sa Mr. and Ms. Intramurals.
Dahil sports attire ang dapat isuot, pinagsuot ako nina Athan and Remi ng matingkad na kulay asul na skater skirt, sports bra na kasing kulay ng aking palda, white socks, rubber shoes at sunvisor. Simple lang ang make-up na ginawa nila sa akin, manipis na lipstick na pinaibabawan ng glittery na lip gloss. Nang parampahin nila ako sa classroom ay pinahawak nila ako ng tennis rocket bilang props.
"Ang ganda mo talaga, Inday! Sa simpleng make-up litaw na litaw ang iyong ganda!" Papuring pumapalakpak pa ni Remi.
Pinagsunblock muna nila ako bago nilagyan ng bronzer ang aking dibdib at mga braso.
Guwapong-guwapo din si Jordan sa suot nitong matching Tennis Outfit din.
Nagkaisa ang buong klase na dapat matching outfits kami ni Jordan sa lahat ng mga isusuot namin sa pageant. Natuwa naman ako sa pagaasikaso ng mga beki friends namin siguradong may laban ang mga outfit namin.
Pumila na kami sa labas ng classroom para maghanda sa parada. Si Marian ay kasama sa Drum and Lyre Corps kaya hindi namin siya kasama sa aming pila.
Royal Blue ang nabunot naming kulay para sa section namin. Hindi naman karamihan ang populasyon ng paaralan namin. Humigit kumulang 500 lang kami. Mayroong tig apat na section mula grade seven hanggang grade ten at may dalawampu't limang estudyante lamang sa klase. Ang Senior High School ay may tig dalawang section na mayroon din tig dalawampu't limang estudyante din.
Nilibot namin ang kabuuan ng bayan mula sa gate ng paaralan ay umikot kami sa may simbahan, dumaan sa harap ng Munisipyo sa gilid ng palengke sa harap ng public elementary school at pabalik sa aming paaralan.
Matapos ang parada ay nagpahinga muna kami sa aming silid-aralan. Mabuti na lang at madiskarte ang aming pageant crew.
Pagbalik sa classroom ay inihanda na nila ang aming meryenda at lunch. Ipinalibot ang aming mga arm chair sa parihabang classroom ang harapan kung saan nakasabit ang chalkboard ang nagsilbing buffet area. Andito lahat ng pagkain at inumin namin.
Nagambagan kaming lahat para sa gastusin sa uniform, sa mga gagamitin namin ni Jordan sa pageant maging ang aming pagkain sa buong linggong okasyon sa aming paaralan.
Sa unang araw ay ang parada at ang tagisan ng lakas sa mga larong basketball, volleyball at sepak takraw ang naganap. Sa hapon ay ang pagpapakilala ng mga magtutunggali para sa titulo ng Mr. and Ms. Intramurals.
Sa ikalawang araw naman ang tagisan ng talino at talento sa umaga habang patuloy ang round robin sa larong basketball, volleyball at sepak takraw. Sa gabi ginanap ang Mr. and Ms. Intramurals pageant.
Nakaalalay ang Tiya Anna at Auntie Ayang sa aking pagbibihis at paghahanda sa iba't-ibang parte ng pageant. Si Remi pa din ang nagasikaso ng buhok at make-up ko habang ang mga katunggali ko ay kumuha ng mga professional makeup artists.
Masaya ako sa pagaayos sa akin ni Remi, hindi masyadong makapal ang make-up at simple pero elegante at bagay sa mga isusuot kong damit, sabi nga niya hinighlight lang niya ang ganda ko. Matagal daw niyang pinag-aralan yun gamit ang YouTube.
Nauna ang casual dress competition.
Isang asul na floral at off shoulder romper pants ang pinasuot sa akin habang si Jordan ay nakakhaki shorts at Royal blue na short sleeves shirt na hapit sa kanyang magandang katawan. Bagay na bagay sa kanyang maputing balat.
Isang abaca tote bag ang aking tangan habang rumarampa sa harap ng judges at halos lahat ng mga magulang at estudyante ng aming paaralan.
Ang mga Lolo at Lola ay masaya at may pagmamalaking nanunuod sa likod ng mga judges. Naroon din ang itay na nagleave ng malamang lalaban ako bilang Ms. Intramurals.
Mula naman sa mga manonood ay madalas maghiyawan ang mga kalalakihan sa pangunguna ni Jordan pag rumarampa ako. Minsan ay may pagsipol pa. Meron pa ngang pagsigaw ng "I love you, Angeli! Pakasalan mo na ako!" Mula sa stage ay kita kong nilingon ng itay ang direksyong pinanggalingan ng hiyaw na yun. Natahimik namang bigla ang grupo.
Sumunod ang sports attire. Hindi ang sinuot ko nung parada ang pinasuot sa akin ni Remi. Ang mga katunggali ko ay inulit lamang ang mga sinuot nila nung parada. Pinagsuot ako ni Remi ng black leather pants na hapit sa aking beywang at mga binti. Tinernuhan ito ng black leather haltered top na pinalamutian sa may V-neck ng silver chain. Nakahigh heeled knee lengthn black boots din ako at pinaghawak ng billiard stick.
Mataas ang pusod ng aking buhok at pinagsuot ako ni Remi ng silver hoop earrings na kasinglaki ng bunganga ng baso.
Inirampa ko ang billiard sports attire ng may confidence. Grabe, nagulat ako sa transformation ko. Para akong si Shannen Doherty sa programang Charmed nung sumakay siya sa motor sa episode na nagastral projection siya.
At gaya ng naunang reaksyon ng mga manunuod, mas tumindi pa ang hiyawan.
Sumunod naman ang evening gown.
Wala akong masabi. Napakaganda ng combination na Royal Blue at black rhinestones ang aking suot na evening gown. Sweetheart cut na hapit sa aking torso at free flowing paibaba mula sa beywang na napapalamutian din ng rhinestones sa palibot.
Elegante. Yan lang ang makakapaglarawan sa suot ko.
Tinernuhan ng black rhinestone dangling earings na lalong nagpatingkad sa maamo kong mukha. Itinaas sa malinis na pusod ang buhok ko na pinalamutian din ng itim na rhinestone.
Nang rumampa ako sa saliw ng kantang Beautiful Girl ni Jose Mari Chan ay mistulang tumigil ang mundo. Halos nakatulala at malaki ang bibig na namamangha ang lahat.
Pagkatapos ng evening gown ay ang question and answer portion na. Ang tanong na napunta sa akin ay, "Ano ang iyong magiging katungkulan kung mapipili kang Ms. Intramurals ngayong gabi?"
Huminga muna ako ng malalim saka sinagot ang tanong, "Bilang Ms. Intrams ay nakasalalay sa akin ang panatilihin ang pakikipagkaibigan at pakikiayon ng bawat estudyante sa isa't-isa, respeto sa lahat ng tao at higit sa lahat ay pakikipagkapwa.
Magiging ehemplo ako sa aking kapwa estudyante at magiging mukha ng patas na pakikipagtunggali sa anumang larangan at taas noong haharap sa lahat ng hamon ng buhay."
Masigabong palakpakan ang sumunod matapos kong sagutin ang tanong sa akin na may kasama pang hiyawan sa pangunguna ng mga kaklase namin.
Kita ko din mula sa kinatatayuan ko ang pagmamalaki at galak sa mukha ng aking itay lalo na ng aking mga lolo at lola.
Nang matapos sumagot sa mga tanong ang lahat ng kalahok ay nagbigay kami ng production number para aliwin ang mga manunuod habang nagtatally ng scores ang mga auditor.
Nang matapos ang sayaw ay tapos na ring matally ang scores. Nagbotohan na lang ang mga judges sa minor awards.
Habang naghihintay ay nagproduction number din ang San Bartolome National High School Faculty sa pangunguna ng aming Principal na si Ma'am Castelo. Sumayaw sila ballroom medley.
Habang naghihintay at pinapanuos ang aming mga guro sa kanilang pagpapakitang gilas ay natuon ang pansin ko kay Gilbert.
Nasa kanang dulo ito ng quadrangle malapit sa stage katabi ang patay na patay sa kanyang si Marga. Mukhang nilalandi siya nito at nagpapapansin sa iksi ng suot niyang bestida na halos iluwa ang malaking dibdib niya.
Anak mayaman itong si Marga. Sosyal kung manamit at palaging nakamake-up. Grade 10 na ito samantalang Grade 9 lang si Gilbert.
Niyakap nito si Gilbert mula sa likod at ang damuho, hindi man lang tumanggi. Sinunggaban ni Marga ang pagkakataon at hinila nito si Gilbert papasok sa madilim na silid aralan na nasa likod lamang ng mga ito.
Bakit ganun, ang bigat ng dibdib ko? Gusto kong maiyak at bumaba ng stage at magtatatakbo. Pero kailangan kong manatili sa kinatatayuan ko. Gaya ng sagot ko kanina sa tanong sa akin, "Magiging ehemplo ako sa aking kapwa estudyante at magiging mukha ng patas na pakikipagtunggali sa anumang larangan at taas noong haharap sa lahat ng hamon ng buhay."
Nabalik ang atensyon ko sa pageant. Malungkot man at parang nadurog ang puso ko ay pilit akong ngumiti.
Nagannounce na ng minor awards. Kagaya ng inaasahan ni Remi nakuha ko ang Best in Casual at Evening Gown.
Nakuha naman ni Jordan ang Best in Sports Attire. Sobrang gwapo at dalang-dala niya ang Polo sport na sinuot niya kanina.
Nang ianunsyo ang major awards ay laking gulat ko ng tawagin ako at ang grade 9 student na si Milagros sa gitna.
Isa sa amin ang first runner-up at ang isa ang nanalong Ms. Intramurals.
Maganda din ang suot nitong haltered peach, serpentina skirt gown. Simple lang walang palamuti pero hapit na hapit ito sa balingkinitan niyang katawan.
Parang sa Ms. Universe, kinuha niya ang dalawang kamay ko atsaka ngumiti ng pagkatamis-tamis atsaka bumati ng good luck.
"The first runner-up for this year's intramurals with an average score of 93.5 is, Marga Avanzado and our Ms. Intramurals 2011 is Angeli Punzalan with an average score of 95.7. Congratulations!" Anunsyo ng emcee na si Mr. Antonio.
Panalo ako sa kompetisyon pero natalo ang puso ko. Ito ang una kong pagkabigo.