Chapter 6 - Buhay Probinsiya

1605 Words
"Angeli, bangon na dyan alas singko na mahuhuli ka na sa eskuwela," sigaw ng Lola Viring mula sa bakuran katapat ng kuwartong tinutulugan ko sa ikalawang palapag ng bahay. Gaanong kaaga ay nagwawalis na ng mga tuyong dahon na nalaglag sa bakuran ang pitumpung taong gulang ko noong lola. Hindi alam ng Lola na nakapagbihis na ako. Dumungaw ako sa bintana, "Bababa na po ako La!" Mula sa kuwarto ay dumiretso ako sa kusina para magalmusal. Nakatira ako sa mga Lolo at Lola ko dahil nagabroad ang aking inay at nagtatrabaho naman sa Maynila ang itay. Sa barracks sa Fort Bonifacio siya tumutuloy at umuuwi lang ng Isidro kapag day off niya. Dumating na din si Marian mula sa bahay nila. Sabay kami laging pumasok. Naghanda ng pritong binatil na itlog atsaka pritong talong ang Lola para sa aking almusal. "Kain muna tayo para di tayo magutom hanggang sa recess," niyaya kong kumain si Marian bago kami umalis. "Kumain na ako, pero gusto ko yung pritong talong at sawsawan mong toyo at calamansi." Kumuha na ito ng sarili niyang plato at kubyertos. Sumandok na din ito ng sinangag saka kumuha ng pritong talong. Kumutsara ito ng sawsawan saka ibinuhos sa slice ng pritong talong sa plato niya. May ilang minuto din kaming kumain at saglit na nagkwentuhan tungkol sa pwedeng mangyari sa araw na iyon. Parehas kaming first year sa San Bartolome National High School, magkaklase pa nga. Parehas kaming nasa section 1 pero walang kompetisyon sa aming dalawa. Masaya kaming sabay na nag-aaral at gumagawa ng mga assignment duon sa ilalim ng punong mangga bago kami maglaro pagkauwi galing sa eskuwela sa hapon. Magkaiba kami ng interest at husay sa iba't-ibang bagay. Kagaya ng mahilig at sisiw na sisiw sa akin ang math si Marian naman ay mahusay sa English. Hindi naman ako nahihirapan, sadyang mas magaling lang siya sa subject na iyon. Magaling siya sa pananalita at pagsulat. Hindi din naman siya hirap sa Math. Matapos kumain ay naghugas muna ako ng pinagkainan namin at nagtoothbrush. Madalas din namang nakikitulog si Marian sa bahay ng Lolo Temiong lalo na kapag nalalapit na ang exams para mareview namin ang isa't-isa. Kaya naman may sarili itong toothbrush at ilang mga gamit duon. Naglagay lamang kami ng pulbos at lip gloss bago kami nagpaalam sa Lola Viring na nuoy nasa likod na ng kusina nagwawalis. Sa edad na pitumpu ay malakas pa ang mga lolo at lola namin. Nakakapagbungkal pa ng lupa at nakakapagbuhat pa ng mabibigat ang Lolo Temio. Kaya pa niyang sakyan si Pute, ang kanyang baka para tapusin ang mga gawain sa bukid. Pero mas madalas ay sa karitong hinihila na lang nito sumasakay ang lolo. Ang Lola Viring ay malinaw pa ang paningin at gaya ng Lolo Temiong ay malakas pa ang pangangatawan. Siya pa din ang halos gumagawa ng mga gawaing bahay. Tumutulong ako kapag tapos ko na ang aking mga homework at tuwing walang pasok. Nagkakape ang Lolo Temiong sa ilalim ng puno ng mangga habang inihahanda ang mga hibla ng kawayang pinutol niya na siyang gagamiting panali sa mga dahon ng gulay na aanihin at mga damong iuuwi na pagkain ng mga alagang kambing, baka at kalabaw. "Lo, alis na ho kami," nagmano kami ni Marian sa kanya. "O siya, mag-iingat kayo. May mga baon na ba kayo?" Tanong nito habang patuloy sa paghihimay ng hibla ng kawayan. "Opo," halos sabay naming sagot ni Marian. "O siya, sige. Larga na ng hindi kayo mahuli sa klase. Mag-iingat kayo sa daan." Paalala sa aming ng aming butihing lolo. "Opo" Sagot naming muli sa kanya saka kami lumabas ng gate at pumara ng tricycle papuntang bayan. Nang makarating sa gate ng paaralan ay bumaba na kami ng tricycle. Ang San Bartolome National High School ay halos katabi lamang ng munisipyo ng San Bartolome. Sa likod nito ay ang simbahang katoliko. May iba't ibang simbahan at bahay sambahan din sa bayan dahil sa iba't-ibang relihiyon ng mga taong nakatira sa aming bayan. Kalagitnaan na nuon ng school year at katatapos lamang ng second quarter exams. Nagulat ako at may isa akong kaklase na nagabot sa akin ng isang pirasong pulang rosas. Mahaba ang tangkay nito at matingkad ang pagkapula. Habang humahakbang ako papasok ng paaralan ay may labing isa pa ang sumalubong sa akin para mag-abot ng pulang rosas. Namamangha man ako ay hindi ko naman tinatanggihan ang iniaabot sa aking bulaklak. Siguro nacurious din ako. Si Marian naman ay kilig na kilig sa tabi ko. "Insan-bff ang haba ng hair ha?!" Panunukso nito sa akin. Pagdating sa aming silid-aralan ay may naghihintay na malaking bar ng tsokolate at isang bouquet pa ng pulang rosas na nakapatong sa armrest at huggable na teddy bear na nakaupo naman sa aking upuan. Nang makalapit ako ay nakita ko ang note na mistulang hawak ng stuffed toy. "Ako'y nahumaling sa iyong angking talino at kagandahan Bukod pa doo'y mayroon kang busilak na kalooban Ang aking panliligaw sana ay iyong payagan Umaasa akong balang-araw tayo ay maging magkatipan" Walang pangalan pero may initial na G sa dulo ng tula. Gilbert! Siya kaagad ang naisip ko. Ipinailalim ko sa aking upuan ang mga bulaklak at inilagay sa aking bag ang tsokolate at teddy bear. Iniwan ko na ang bag ko sa aking upuan katabi ng Teddy Bear atsaka hinila si Marian para pumunta sa quadrangle para sa flag ceremony. Nakatungo ako habang naglalakad. Nahihiya pa din ako sa mga kaganapan kaninang papasok ako ng silid aralan. Matapos ang flag ceremony ay nagsipasok na ang lahat ng estudyante sa kanya kanyang mga silid aralan. Bumalik na din kami sa aming silid-aralan ni Marian. Dumaan ang buong umaga kagaya ng normal na school day. Nang magbell hudyat ng lunch break ay nagsipunta ang karamihan sa canteen. Ang ibang may mga baon ay nagtungo sa hardin. Bumili lang kami ng pagkain ni Marian at saka humanap ng mesang bakante na nakapalibot sa hardin para kumain. Paglapag ng aming mga biniling pagkain at mga bag ay inumpisahan na din naming kumain. Patapos na kami ng lumapit si Gilbert sa pwesto namin. "Nagustuhan mo ba yung surprise ko," excited na tanong nito. "Ang sweet sana kaso ginawa mo akong usap-usapan sa school ngayon." Tiningnan ko siya ng nakasimangot. Si Marian naman ay nangingiting tinapos ang kanyang pagkain. Pagkuway inilabas niya ang isang pocketbook at ipinagpatuloy nitong basahin kung saan ito natapos tanda ng bookmark na nakaipit sa mga pahina nito. "Sayang naman effort ko, hindi mo pala gusto ng surprises." Napakamot sa ulong turan ni Gilbert. "Hindi na bale, babawi na lang ako sa susunod." Pahabol pa nito. "Puwede ba akong sumabay sa inyo pauwi mamaya?" Tanong niya sa amin ni Marian. "Basta wala ng kung anu-anong pakulo mula ngayon hanggang sa mga susunod na araw," sagot ko sa kanya sabay irap. Tinapos ko na din ang pagkain ko at itinapon sa may basurahan ang kinainan namin ni Marian. "Hindi ko maipapangako pero susubukan ko," sagot nito sa akin. Nagring na ulet ang bell hudyat na bumalik na kami sa aming mga klase kaya dali-daling niligpit namin ni Marian ang aming mga gamit. Natapos ang araw na iyon gaya ng ibang normal na araw at sinabayan nga kami ni Gilbert sa pag-uwi. Pagdating sa bahay ay bumaba din ito. Naabutan naming nagpapahinga sa silong ng mangga ang lolo at lola. Dumiretso kami duon upang magmano. "Kaawaan kayo ng Diyos," tugon ng aming mga lolo at lola. "Magandang hapon po, Lolo Temiong at Lola Viring" nagmano din si Gilbert habang bumabati sa mga lolo at lola. "Oh Gilbert, salamat sa paghatid dito sa aming mga dalagita." Pagbati ng lolo sa kanya. "Walang anuman ho," napakamot ng ulong sagot nito sa Lolo Temiong. "Magpapaalam po sana ako sa inyo kung puwede kong ligawan si Angeli?" Dagdag nito. "Naku, iho. Ang babata niyo pa para dyan. Mag-aral muna kayong mabuti saka na yang ligaw-ligaw na yan pag nakapagtapos na kayo at nakahanap na ng magandang trabaho," pasermong sagot ng Lola Viring sa kanya. Napakamot na lang ito sa ulo saka nagpaalam na uuwi na. Nagkatinginan lang kami ni Marian at napahagikgik. Inilapag na namin sa mesang gawa din sa kawayan sa tapat lang ng mahabang upuan ang aming mga bag atsaka inilabas ang aming homework. "Kayong dalawa ha, pag-aaral niyo muna asikasuhin niyo. Huwag muna kayong magpapaligaw," mahigpit na paalala sa amin ng Lola. "Opo, Lola!" Sabay naming sagot ni Marian. Ipinagpatuloy na namin ang aming homework at ng matapos ay nagpaalam na si Marian na uuwi na. Ako naman ay umakyat na sa kwarto upang makapagbihis. Pagkabihis ay bumaba na ako sa kusina para tulungan sa pagluto ng hapunan ang lola. Tatlo lang kaming nakatira sa bahay ng Lolo Temiong. Tuwing biyernes pagkatapos kong maglaba ng aking mga damit ay pumupunta na ako sa bahay ng Lolo Pacio. Mula biyernes ng gabi hanggant Linggo ng umaga ay doon naman ako sa kanila. Tinutulungan ko ang Lola Oriang sa paggawa ng mga kakaning inilalako niya pagkatapos ang unang misa sa maliit niyang pwesto sa harap ng simbahan tuwing linggo. Palaging ubos ang suman, puto, kutsinta, sapi-sapin, biko at bibingkang gawa namin ng Lola. Mula sa napagbentahan ay babahagian ako ng Lola Oriang na siya namang ginagamit kong pangastos sa pagpasok sa eskwela. Dito sa Baranggay Isidro ako natutong humarap sa hamon ng buhay. Madalas na wala ang aking mga magulang ngunit nariyang humalili ang aking mga lolo at lola sa pagbibigay ng pagmamahal at pangaral sa akin. Bata pa ako pero naiintindihan ko kung bakit ganun ang set-up namin. Suwerte pa nga akong maituturing dahil sa murang edad ay natuto din akong magbanat ng buto.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD