Pagkaligo ay humiga na ako para magpahinga.
Hindi ako dalawin ng antok kahit ramdam ako ang pagod ng aking katawan. Sinubukan kong ipikit ang aking mga mata. May tatlumpong minuto din akong nagbakasaling makatulog pero hindi ako nagtagumpay. Umupo ako at sinandal ang likod ko sa unan na inayos ko sa may headboard ng kama. Kinuha ko ang cellphone ko at binuksan ang f*******: app.
Isang bagong friend request ang bumungad sa akin maliban sa mga nauna nang nagrequest na hindi ko pa inaaksyunan. Ang bagong friend request ay galing sa aking masugid na manliligaw na si Gilbert Barcelona.
Masugid dahil simula siyam na taong gulang pa lang kami ay pahaging nang nanliligaw sa akin. Binuksan ko ang profile niya at nakapublic naman ito kaya madali kong nakikita ang mga nagdaang posts niya lalo ang mga uploads niya.
Matanda sa akin ng isang taon si Gilbert. Madalas din kaming tuksuhin ng mga kapatid at pinsan niya. Sa musmos kong pag-iisip ay walang epekto sa akin ang lahat ng panunukso nila. Lalo din namang hindi ko pinansin ang pangungulit ni Gilbert na nung pasko nang magsampung taong gulang ako ay niregaluhan ako ng eighteen carrat gold na kwintas.
Simpleng gold chain lang iyon na pino pero may maliit na bilugang puso na pendant.
"Ano ito?" Gulat na gulat kong tinanong siya nuon habang inilalagay niya sa palad ng kanang kamay ko yung kwintas.
"Tanda yan na kapag mas malaki na tayo ay liligawan kita at kung susuwertehin ay maging asawa mo." Paliwanag niya sa akin habang itinitikom niya ang mga daliri ko para maitago ang kwintas sa kamay ko.
"Hindi ako nagpapaligaw, kunin mo ito!" Pilit kong ibinabalik sa kanya ang kwintas.
"Sa'yo yan, binili ko gamit ang ipon ko. Tanggapin mo na," humalik siya sa kaliwang pisngi ko sabay kumaripas ng takbo iniwan akong nakatulala sa direksyong tinahak niya.
Naisip ko, naroon pa kaya sa pinagtaguan ko yung kwintas? Matapos niya akong iwan sa plaza nung gabing ibinigay niya sa akin yung kwintas ay itinago ko iyon sa isang maliit na kahon at saka ibinaon sa may ugat ng malaking puno ng mangga sa bakuran nina Lolo Temiong. May dalawang talampakan din ang lalim. Ibinaon ko yun kasama ng iba pang mga maliliit na bagay, isang wish list, isang bucket list ng mga lugar na gusto kong puntahan at at 10 years prediction ng magiging buhay ko.
Mag-aalas nuwebe na ng gabi pero dumungaw ako sa bintana at sinilip ang puno ng mangga na nasa kaliwang bahagi ng bakuran katabi ng gate na gawa sa kawayan. Matalinong itinanim dito ng tatay ni Lolo Temiong ang mangga na nagsisilbing lilim ng mga taong naglalakad sa daan. Hitik na ito ngayon sa mga bulaklak habang ang iba'y naging bubot na. Summer na kasi, panahon ng mangga.
Malaya ang lahat na pitasin ang nasa labas ng bakuran na mga bunga ng punong ito habang ang nasa loob naman ay inaani at itinatabi ng lolo para hatiin sa aming mga anak at apo niya. Kalahati nito ay itinatago ng Lola Viring dahil mahilig siya sa hinog na mangga. Ang isang kalahati ang siyang pinaghahatian naming magpipinsan para pagsaluhan habang nagkukuwentuhan sa isang mahabang upuang kawayan na nagsisilbing tambayan namin kapag nasa probinsiya ako kasama ang aking mga magulang.
Presko dito, hindi masyadong nasisinagan ng araw dahil sa natatakpan ito ng malagong mga dahon ng puno. Dito sa ilalim nito katabi ng isang malaking ugat ko ibinaon ang aking time capsule. Sampung taon ako nung ibaon ko ito, ngayon ay beinte uno anyos na ako. Naisipan kong hukayin ito bukas ng umaga paggising ko.
Hindi pa din ako makatulog. Hinawakan ko ulet ang cellphone ko at binuksang muli ang f*******: app saka ko tinaggap ang friend request ni Gilbert.
Wala pang limang segundo ay nagnotify ang Messenger ko at isang maikling mensahe ang natanggap ko galing kay Gilbert, "Finally!"
Muli itong nagpadala ng isa pang mensahe, "After forty eight years, tinaggap din ng babaeng pinakamamahal ko ang friend request ko sa Facebook." Sa dulo ng mensahe ay may emoji ng smiley na naiiyak sa tuwa.
"Bakit gising ka pa?" Anyang sunod na mensahe nito.
"Di ako makatulog," maiksing sagot ko sa kanya.
"Video call tayo?" Tanong ulet niya.
Inayos ko ang pagupo at since naka-tshirt naman ako ng makapal ay pumayag ako. Maya-maya pa ay tumatawag na siya sa Messenger na agad ko namang tinugon.
"Kamusta? Hindi tayo nakapagusap kanina sa blow-out ng mga Lolo at Lola mo para sa'yo. Congratulations nga pala!" Nakangiting bungad niya ng usapan namin.
"Ayos naman, pagod mula sa long drive at pakikipagkamustahan sa mga bisita kanina pero ayun nga di ako makatulog," simpleng sagot ko sa kanya.
Mula sa background niya ay parang nasa labas pa siya ng bahay nila.
"Ang ganda mo pa din kahit feeling mo haggard ka na," abot tenga pa ding ngiti nito habang binobola ako mula sa kabilang linya.
"Sus! Nambola ka nanaman. Ikaw, kamusta ka?" Pagiiba ko ng usapan.
"Masayang-masaya dahil nakita ulit kita. Ang tagal mong hindi umuwi dito sa Isidro ah," nakakaloko ang ngiting sagot niya sa tanong ko.
"Hay naku, itigil na nga natin ito binobola mo lang naman ako. Sige na, goodbye!" Pagtataboy ko dito.
"Uy, saglit lang. Totoo naman lahat ng sinasabi ko. Ikaw lang naman ang di naniniwala sa akin buhat nung mga bata pa tayo," may himig ng pagtatampo sa tinig niya.
"Kailan ka ba kasi nagseryoso? Palagi mo kaya akong binubuska." Paninita ko sa kanya.
"Kasi nagpapapansin ako sa'yo," sabay kamot niya sa batok.
Natigilan ako sa sagot niya. Sinunggaban niya ang pagkakataon para magpahayag ng balak niyang panliligaw.
"Naalala mo pa nung mga bata tayo," paguumpisa nito. "Binigyan kita ng kwintas bilang pangako na liligawan kita?" Nahihiyang tanong nito.
"Oo," tipid na sagot ko sa kanya habang nakatitig ako sa puno ng mangga mula sa bintana ng kwartong gamit ko.
"Ibinaon ko sa time capsule na huhukayin ko bukas." Dagdag kong sagot.
Umaliwalas ang mukha niya sabay ngumiti ulit ng matamis. Guwapo naman itong si Gilbert. Nung mga bata pa kami ay medyo chubby siya. Maaliwalas palagi ang kanyang mukha at mapangusap ang kulay brown niyang mga mata. Hindi siya matangkad, katamtaman lang ang taas niya. Palagi siyang malinis at higit sa lahat mabango. Ang itsura at amoy niya ay mabangong-mabango. Ganun pa din naman ito ngayon.
"Oh bakit para kang nanalo sa lotto, abot hanggang tenga yang ngiti mo," nangingiti kong tanong sa kanya.
"Natutuwa lang akong malaman na itinago mo yung kwintas. Naalala ko kasi yung reaksyon mo nuong ibigay ko sa'yo yun," natatawang sagot niya sa akin.
"Naalala mo ba yung sinabi ko sa'yo nuon," muli niyang tanong sa akin ng may ngiti pa din sa kanyang mga labi kahit medyo nagseryoso ang mukha.
"Oo," muling tipid na sagot ko sa kanya.
"So, puwede na ba akong manligaw sa'yo?" Derederetsong tanong niya sa akin.
Natigilan ulet ako. Nagulat sa tinuran niya.
Matiyaga naman siyang naghintay ng sagot ko.
Bumalik ang aalala nung pumapasok pa ako sa San Bartolome National High School at ang aking buhay probinsiya.