Chapter 11 - Let Bygones be Bygones

2888 Words
"Ah laman ng time capsule ko itay," sagot ko sa tanong niya. Mabuti na lang at natakpan ng mga papel ang pouch na naglalaman ng kwintas na bigay ni Gilbert at ang hawak ko noon ay ang bucket list ng mga lugar na gusto kong marating. Pumasok na sa kwarto ang tatay at umupo sa dulo ng kama. "Ano naman yang hawak mo?" Turo niya sa papel na tangan ng kaliwang kamay ko habang kinakagat kagat ko ang hintuturo sa kanang kamay ko. Tinabihan ko siya para ipakita, "Listahan po ng mga lugar na gusto kong marating." Tinignan ko ang itay saka sinabing, "Samahan niyo ako ng inay na macross out lahat itong nasa bucket list ko, tay." "Aba'y siyempre naman anak," natutuwang tugon nito sa akin. Umakbay ito sa akin at saka tinignan ang aking listahan habang sinasabi niyang, "Hindi ako nagretire para magpahinga lang." "Saka hahayaan lang ba natin na maburo sa bangko yung napanalunan mo kung hindi natin babawasan ng kaunti para makapagenjoy?" Pabulong niyang turan sa akin habang lumapad ang kanyang mga ngiti atsaka itinaas baba ang mga kilay sa akin. "Tama ka dyan, itay!" Pagsangayun ko sa kanya. Yumakap ako sa bisig ng itay at ipinilig ang aking ulo sa kanyang balikat. "Lilibutin natin ang buong Pilipinas. Pag nalibot na natin ang lahat ng magagandang lugar dito ay buong mundo naman ang lilibutin natin." May kinang sa aking mata habang nakikinikinita ko na kung paano gugugulin ang mga susunod na araw hanggang sa magumpisa ako ng trabaho sa Saver's Shop. "Sama ako dyan," singit ng inay na umupo na din sa tabi ko at napapagitnaan nila ako ng itay at nagyakap kaming tatlo. "Siyempre naman po. San man ako pumunta isasama ko kayo." Niyakap ko pa sila ng mas mahigpit saka ipinakita sa kanilang muli ang bucket list. "Saka na natin planuhin yan, nakahain na ang almusal. Mamaya ay uumpisahan na ang pagkatay ng mga baboy para sa handaan mamayang gabi." Pagaya sa amin ng inay. "Opo, ililigpit ko lang po ang mga ito at magbibihis. Bababa po ako kaagad. Yun lang at tumayo na sila ng itay at magkasunod na lumabas ng kuwarto. Ibinalik ko lahat ng kalat ko sa kama sa time capsule maliban sa kwintas na nasa pouch. Itinabi ko iyon sa mga accessories ko sa dresser na nasa loob ng kuwarto atsaka nagtungo sa banyo para magshower, tooth brush at magbihis. Dahil summer, mainit ang panahon nagsuot ako ng khaking six pocket shorts na abot hanggang kalahati ng hita lang ang haba at puting razor back sleeveless top. Nagsuot din ako ng sneakers sa paa at saka isinuot ang paborito kong bronze necklace na may malaking hugis rosas na pendant. Naglagay ako ng pulbos at manipis na lipstick. Pink, teenager lang ang peg. Bago ako bumaba ay inilagay ko sa kaliwang side pocket ng shorts ko ang kwintas na bigay ni Gilbert. Kumuha din ako ng pera, sampong tig iisang libuhin at ilang tig limang daan na inilagay ko sa kanang side pocket. Ang isang libo na tig isang daang piso naman ay inilagay ko sa right front pocket. Pagkatapos kumain ay yayayain ko si Marian na mamasyal sa kabilang bayan para ipamili ng mga regalo ang mga lolo at lola pati na din si Marian. Kapag binalatuhan ko kasi sila ay magtataka sila kung saan galing ang pera. Baka pag nalaman nila ay humingi ng balato ang lahat. Hindi sa nagdadamot ako. Ayaw ko lang ibigay na pera dahil baka gastusin lang ng mga ito sa walang buluhang bagay kung hindi man ay ipusta sa sugal o ibili ng alak. Nagkataong piyesta ngayon kaya siguradong kabilaan ang handaan at inuman. Pagbaba sa kusina ay halos tapos nang mag-almusal ang lahat. Abala sa pagplano ng mga lulutuin ngayong araw ang lahat kaya hinayaan lang nila ako. Tinabihan ko si Marian saka sumandok ng pagkain ko. "May gagawin ka ba ngayon?" Tanong ko kay Marian. "Pupunta ako sa eskuwelahan para sa graduation picture pagkatapos mag-almusal, bakit?" Takang tanong niya sa akin. "Tamang-tama, ipagdadrive na lang kita. Gusto kong pumunta ng Santa Catalina may bibilhin lang ako." Ang kabilang bayan ang tinutukoy ko na halos kumpleto na ang mga establishments. Naroon din ang Pangasinan National College kung saan nag-aral si Marian ng Tourism. "Wow! Sa wakas, makakasakay na ako sa bago niyong sasakyan," natutuwang tugon nito. "Daanan natin sina Remi at Laila, baka gusto nilang sumama," mungkahi ko. "Oo nga! Kung sana hindi pa nakaalis si Athan papuntang Korea kumpleto tayong magbabarkada." Pagsang-ayon nito sa akin. Nang makapag-almusal ay nagpaalam ako sa itay at inay. Kinuha ko lang ang cellphone ko na kanina ay nagchacharge pa sa kwarto saka kami lumarga. Malapit sa Harrison High ang bahay nina Remi. Nang mapadaan kami dito ay wala sa loob kong naitanong, "Kamusta kaya si Enrico?" Hindi ko namalayang naibulalas ko pala ang tanong sa isip ko. "Bakit gusto mo pang malaman kung anong nangyari sa mokong na yun?" Nakahalukipkip ang mga kamay na balik tanong sa akin ni Marian. "Wala naman? Naisip ko lang na wala kaming closure. Pero wala na yun, let bygones be bygones." Pagtatapos ko sa usaping iyon. Inihinto ko ang sasakyan sa tapat ng bahay nina Remi. Bumaba kami ni Marian para ayain siya. "Remi!" Sabay pa kaming tumawag sa kanya sa labas ng bahay nila. Dumungaw ang nanay ni Remi mula sa bintana ng kanilang kusina atsaka nagmadaling lumabas. "Naku, kayo pala, Angeli at Marian. Umalis saglit si Remi, pinuntahan yung alaga niyang lalaban sa Bb. San Bartolome bukas ng gabi. Pabalik na din iyon." Paliwanag ni Aling Josie. "Tumuloy muna kayo at sa loob niyo na siya antayin." Yaya nito sa amin. "Sige po," sagot namin ni Marian habang sinusundan si Aling Josie papasok ng bahay nila. Wala pang ilang minuto ay pumasok na ang isang maliit na motor lulan si Remi sa kanilang bakuran. Di pa man nakakababa ay tumitili na ito sa excitement, "Mga beeeesh!" Ipinarada nito ang kanyang motor atsaka dali-daling bumeso sa amin ni Marian. "Oi pasensya na hindi ako nakapunta nung blow out mo, may pageant Santa Catalina lumaban yung isang alaga ko kaya kailangan 100% attendance ang kanilang mamasang." "Wag mong isipin yun. Kung hindi ka na magbibihis ay tara na, ngayon ko kayo iboblow out," yaya ko sa kanya. Nakaprente naman ito sa suot niyang itim na fitted v-neck t-shirt at maong na sexy shorts. Nakasuot din sa dibdib nito ang kanyang body bag. "Antaray naman talaga ng kaibigan kong ito oh, wait lang papaalam lang ako kay mudrabels," humarap ito sa kanilang bahay atsaka sumigaw, "Oh mother? Kami ay gagala ng aking mga friends, don't wait up for me!" Mistulang rumampang humarap at lumakad papunta sa amin ni Marian si Remi. Nang makalapit sa amin ay isinukbit ang magkabila niyang kamay sa kaliwang braso ko at sa kanang braso naman ni Marian atsaka kami naglakad sabay papunta sa sasakyan. "Ang taray talaga! Ang ganda ng car," sinipat-sipat at hinimas-himas pa nito ang upuan sa center seat, "Ang bango-bango pa." Manghang turan nito habang sumasakay na sa likod ng passenger seat. "Where to, where to my friends?" Tanong nito. "Daanan natin si Laila," naeexcite na aking makita ang isa pa naming kabarkada. "Ay pak! Nang makalabas naman ang Inday. Balak yatang magmongha," turan nito sabay palahak na tumawa. "Ang saya-saya nito! Magpicture tayo ng magpicture para inggitin ang Athan," masayang turan pa din nito. Sinundo namin si Laila. Hindi naman kami nahirapang ayain ito kaya binaybay na namin ang papuntang Santa Catalina. Sa likod ng driver's seat naupo si Laila kaya nakikita ko siya mula sa rearview mirror ng sasakyan. Malungkot ang mga mata nito na pilit kinukubli ng kanyang mga ngiti sa labi. Makakatulong sa kanya ang pagbabonding naming ito para kahit saglit lang ay makalimutan nito panandalian kung ano man ang dahilan ng lungkot niya. Nagkasundo kaming antaying matapos ang pictorial ni Marian para sabay-sabay na kaming mananghalian. Sinamahan ako nina Remi at Laila mamili ng mga panregalo. Humiwalay sa amin ni Laila si Remi para tumingin ng gowns sa department store sa maliit na mall sa Santa Catalina. Sinamantala ko ang pagkakataon para kausapin si Laila. Inaya ko sa may mga blouses si Laila, "Friend, magsabi ka ng totoo ha, anong problema?" Ganun kaming magkakaibigan, prangkahan. Walang paliguy-ligoy. Walang mabulaklak na mga salita. "Wala ito, friend. Naalala ko lang ang Lola Maita ko." Pagsisinungaling nito. "Laila, hindi mo kailangan mahiya sa akin. Para na tayong magkakapatid. Pinili kong kausapin ka ng wala si Remi kaya sabihin mo sa akin, anong problema?" Pagpipilit ko sa kanya. Masayahin si Laila kaya napaka unusual na malungkot ang mga mata niya. "Nalaman naming may bato sa gallbladder ang inay. Kailangan ng matinding gamutan kung hindi ay kailangang operahan para matanggal ito. Ang mamahal ng mga gamot, malaki din ang kailangan sa operasyon. Wala naman kaming ibang inaasahan kundi yung kinikita ng itay sa pag-aalaga ng manok at baboy sa farm ng mga Braganza," malungkot na paliwanag nito. Pangalawa sa apat na magkakapatid si Laila. May asawa na ang ate nito kaya sa kanya umaasa ang kanyang mga magulang na makatulong sa kanila. Kinuha nito sa bulsa ang prescription na bigay ng doctor sa nanay niya at ipinakita sa akin, may estimated cost na ang lahat na nagkakahalaga ng anim na libong piso kada isang buwan sa loob ng anim na buwan. "Huwag mo nang isipin yung pambili ng gamot. May ipon ako at nakuhang monetary reward galing sa scholarship ko, tara bilhin natin yung pang isang buwang gamot ng nanay mo," pag-aya ko dito. Nagaatubili man ay lumiwanag ang mukha nito sabay sabing, "Utang ito, Angeli ha? Babayaran ko paunti-unti kapag sumweldo na ako bilang clerk sa Munisipyo." "Huwag mo nang isipin iyon, ang mahalaga maumpisahan ang gamutan ng nanay mo. Ang sa mga susunod na buwan ay ipapadala ko na lang sa e-wallet mo. Magpapadala ako tuwing suweldo hanggang sa matapos yung anim na buwang gamutan ni Aling Karing." "Salamat, Angeli." Naiyak na sa tuwa ang kaibigan kong yumakap ng mahigpit sa akin. Ang sarap sa pakiramdam ng makatulong sa kapwa. Siguro ito ang dahilan kaya pinapanalo ako ng Diyos ng malaking halaga. Alam noyang hindi ko ito lulustayin sa mga bagay na walang kabuluhan at gagamitin ko ito para makatulong sa kapwa. Mabuti na lamang at tumatanggap na din ng bayad mula sa e-wallet ang mall. Matapos bayaran ang mga pinamili kong damit at ilang laruan para sa mga inaanak ko ay nagtungo kami sa drugstore sa dulo ng mall dala ang reseta ng nanay ni Laila. Binili ko ang pang isang buwang gamutan ni Aling Karing at ibinigay ito kay Laila. Abot sa magkabilang puno ng tainga ang ngiti niyang makabuluhan na sinuklian ko din ng ngiti. Ikinawit ko ang braso ko sa braso niya saka namin binalikan sa department store si Remi na tapos na ding mamili ng mga kakailanganin niya para sa pagrampa ng alaga niya. Mag-aalas onse na, tinawagan ko si Marian para ipaalam kung nasaan kami. Tumugon itong kasunod na siyang kukuhaan ng letrato at pupuntahan na lang kami sa mall. Habang hinihintay si Marian ay umorder na kami at naupo sa loob ng Pizza parlor sa kabilang dulo ng mall. Dito ay nagpatuloy kami ng kuwentuhan at kamustahan. Si Remi, buhat ng grumaduate kami ng senior high school ay nagtraining ng Hairdressing sa TESDA. Sa YouTube naman ito natuto ng pagmemake-up. Bukod sa nakapagpatayo na ito ng sarili niyang salon ay kumikita ito sa pamamagitan ng pag-aayos sa mga nagpapageant. Si Laila naman ay nagtapos ng Office Management. Two year course lang pero inabot ng apat taon para matapos dahil nagiipon muna ng pangtuition bago mag-enroll ulit. Kahit paano'y nairaos na din ng mga magulang niya ang pag-aaral niya at nagsimula na nga siyang magtrabaho sa Munisipyo bilang clerk sa Sanguniang Bayan nung nakaraang linggo lamang. Si Athan ay kakaalis lang nuong nakaraang linggo para mamasukan sa isang pabrika sa Korea. Malaki daw ang pasahod at maganda ang compensation kaya pinatos niya. Tapos sa kursong nursing si Athan pero dahil mahirap makapasok sa mga ospital dito sa Pilipinas ay mas pinili nitong mangibang bayan para makatulong sa mga magulang. Nuon din ay napagkwentuhan namin si Enrico. Nalaman kong sa farm ng mga ito nagtatrabaho bilang tagapamahala ang tatay ni Laila. Buhat daw ng gabing nakita namin sa peryahan si Enrico kasama yung sopistikadang babae ay tuwing bakasyon sa eskwela na lang ito umuuwi ng probinsiya. Bumukas ang pintuang salamin ng pizza parlor at may isang lalaking nakaputing polo shirt na nakalislis hanggang sa may siko ang mga sleeves nito at kasalukuyang may kausap sa cellphone. "Really, pare, andito siya?" Lumakad ito papunta sa isang bakanteng mesa sa kabilang dulo ng parlor at saka naupo. Nilapitan na ito ng waiter para kunin ang order. May kausap pa din sa telepono pero di ko na marinig. Ang boses na iyon, mas malalim pero kilalang-kilala ko iyon. Hindi ko kailangang lingunin dahil nakatalikod ako sa pintuan. Ngumuso si Remi sa direksyon ng lalake at saka sinabing, "Speaking of the very handsome devil." "Inday ang guwapo pa din kahit nakasalamin." Kilig na kilig na paglalarawan ni Remi. Dumating na si Marian at agad na sumalo sa lamesa namin na siya namang dating ng pagkaing inorder ko para sa amin. "Tamang-tama, gutom na ko," kumuha ito ng slice ng pizza at inilagay sa kanyang plato. "Oi, Angeli, ipangako mong pupunta ka sa graduation ko ha, kayong dalawa din?" Sabay turo sa mga kaibigan naming nakaharap sa amin sa lamesa. "Oo naman," tipid kong sagot sa kanya. "O kain na, baka kayo ang kainin ng pagkain hala kayo dyan." Pabirong yaya ko sa dalawa kong kaibigan. Nakatingin pataas sa likod ko si Laila habang kumukuha ako ng pizza at sumasandok ng spaghetti at inilalagay sa plato ko. "Hoy, namamaligno na yata ito," winasiwas ko ang kamay ko sa harap ng mukha niya saka inayang kumain, "Kain na." Turo ko sa mga pagkain sa harap namin. Nuon ko lang din napansin na natigilan din si Remi at nakatingin din sa direksyong tinitignan ni Laila. Nacurios ako kaya nilingon ko din ang tinitignan nila. Parang pinipiga ang puso ko sa sikip na nararamdaman mula sa dibdib ko Napaawang pa ang bibig ko ng bahagya ng makita kong nakatayo sa likod ko si Enrico. Nakapasok sa magkabilang front pocket na maong na pantalon nito ang kanyang mga kamay atsaka nagkibit balikat at kumagat labing bumati, "Hi Angeli! Long time no see." Malapad ang ngiting gumuhit sa kanyang mga labi at mukha. "Do I know you?" Nagkunwari akong hindi ko siya kilala. Pero ang totoo, ang mukhang iyon. Ang ngiting iyon ay kabisadong-kabisado ko. "Oo nga, kilala ka ba namin?" Pag-sang ayon naman ng pinsan kong si Marian habang nagbaba na ng tingin sina Remi at Laila. "Tanggap kong kinalimutan mo na ako, pero kung papayag ka, gusto ko sanang mag-umpisa ulet. Enrico Braganza, taga San Bartolome din," naglahad ito ng palad akmang makikipagkamay, "Sorry, I don't talk to strangers." Inirapan ko siya atsaka binalingan ang pagkaing nasa aking plato. Normal lang ang kilos ko. Hindi ako nagpahalata pero ang totoo, kinikilig ako. Bakit ganun pa din ang epekto niya sa akin. "Laila, ipakilala mo naman sa akin itong magandang kasama mo," pangungulit nito sa aming grupo. "Ah, eh..." nagpalipat-lipat ng tingin sa amin ni Enrico si Laila, naguguluhan kong tatalima sa hiling ng amo ng kanyang tatay. Si Remi ang bumasag sa komosyon, "Enrico, naamnesya yung kaibigan namin mula nung gabing makita ka niyang may kasamang ibang babae. Pasensya ka na pero hindi siya nakikipag-usap sa mga taong hindi siya komportableng kausapin." Napakagat labi ito atsaka napasuklay ng buhok gamit ang kanyang kanang kamay pagkuwa'y marahang inihilamos niya sa kanyang mukha ang parehong kamay. Halatang nagpipigil at nagtagumpay naman itong pigilan ang kanyang sarili para magpaliwanag. That alone attracted almost all the customer's attention to us. Hinila nito ang isang stool at umupo sa dulo ng mesa na nasa kanan ko. "Angeli, you broke up with me sa sulat. You didn't allow me to explain. All these years wala akong ibang naging girlfriend umaasa akong magkaka-ayos tayo." Nagpupuyos ang damdamin pero pigil na pigil niyang sinasabi sa gilid ko habang patuloy lang ako sa pagkain. Ang mga kaibigan at pinsan ko'y patuloy lang din sa pagkain pero halatang naiilang sa nangyayari. "Look, Mr. Braganza. That's already in the past and I've moved on. Let bygones be bygones. Moving on would look good on you too!" Hinarap ko siya at tinignan sa mata. Ang kapal ng mukha niyang sabihin na wala siyang ibang naging girlfriend kahit pa kitang-kita ng dalawang mata kong may kasama siyang sumakay ng ferris wheel nuon. Gagawin pa ako nitong sinungaling. "I know this is not the right place, sana makapag-usap tayo ng maayos. If I have to I'll court you again." Sukong tugon nito saka iiling-iling at malungkot ang mukhang lumayo na sa amin. Itinuloy naming magkakaibigan ang pagkain pero wala nang masyadong umimik. Pagkuwa'y si Remi ulet ang bumasag sa katahimikang namamagitan sa amin. "Ang haba ng hair, Inday! Putulin natin gagamitin kong hair extension ng alaga ko bukas ng gabi," yun lang at napahalakhak na kaming apat. "Bakit nga ba ayaw mong kausapin?" Tanong ni Laila sa akin. Tumingin silang tatlo sa akin naghihintay ng sagot ko. Tinanong ko din ang sarili ko, bakit nga ba?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD