SIMULA
"Limang milyon. Siguro naman sapat na iyon pang-gamot sa tatay mo at layuan mo na ang anak ko. Hindi nababagay ang isang basurang tulad mo sa anak ko."
Gamit ang mapanghusgang mata ay pilit niyang inaabot sa akin ang isang tsekeng naglalaman ng limang milyon. Nang hindi ko iyon kunin ay inilapag niya iyon sa lamesa sa gulid namin. Nandidiri niyang tiningnan ang kabuuan ng bahay namin.
May dalawang k'warto ang bahay, isa para sa amin ng kapatid ko at kay papa. Ang sala at hapagkainan ay halos iisa na rin at isang maliit na pinto lamang ang naghihiwalay sa kusina. May mga bago at maayos na kagamitan, ang problema nga lang ay may mga tulo na ang bubong.
Para sa amin ay desenteng tirahan na ito basta magkasama kami nila papa at kapatid ko, pero dahil isang kilalang mayaman ang nasa harap ko, para sa kaniya ay isang basura ang kinatatayuan niya.
"I thought my son give a decent house?" Taas kilay niyang tanong nang ibalik ang paningin sa akin.
"Hindi ko po iyon tinanggap at hindi namin kailangan iyon."
Tumango lamang siya, pero halata namang hindi niya pa rin nagustuhan ang sinabi ko.
"Inuulit ko, iyan na ang pera at layuan mo na ang anak ko." Nahihimigan ang pagbabanta sa tono niya.
"Uulitin ko rin, Miss Hortans. Hindi ko kailangan ng pera niyo." Malamig at seryoso kong sabi.
Tuluyan na sana siyang lalabas ng bahay ngunit natigil lang dahil sa sinabi ko. Humarap ulit siya sa akin.
"Kahit anong gawin ko, kahit magbihis ka pa hindi pa rin kita matatanggap para sa anak ko. Sa huli, masasaktan ka lang dahil ikakasal na siya."
Nang tuluyan na siyang makaalis ay saka ko lang pinakawalan ang hiningang kanina ko pa pinipigilan kasama ang pagtitimpi kong saktan siya.
Hanggang kailan ba ako magtitiis sa mga sinasabi niya? Simula pa lang ay alam kong maaaring mangyari ito pero sinubukan ko pa rin.
Kaya ngayon, natatapakan na naman ako ng parehong tao.
Kolehiyo pa lang kami ay ilang beses na akong pinagbabantaan ng mama ni Jacob at layuan ko siya. Lumayo ako pero anak niya mismo ang lapit nang lapit at pilit ginugulo ang buhay ko.
Kaya bakit parang ako lang ang may kasalanan sa lahat?
"Ate."
"Nakaayos na ba ang gamit mo? Kay papa?" Tanong ko sa kapatid ko habang inilalagay lahat ng gamit ko sa isang bag.
"Nakaayos na. Ate, saan na naman ba tayo pupunta?"
"Uuwi na tayong probinsiya." Nakangiti sabi ko at hinarap siya.
"Mas maganda roon, sariwa ang hangin saka unti lang ang tao. Mura pa mga bilihin sa probinsiya."
"Pero, okay naman tayo rito 'di ba? Tumawag pala si Kuya Jacob, hindi mo raw sinasagot ang mga text at tawag niya."
Nawala ang peke kong ngiti sa huli niyang sinabi. Nag-iwas ako ng tingin at nagbuntong-hininga.
"Sa susunod, huwag mo nang sasagutin ang kahit anong text o twag mula sa kaniya, naintindihan mo?"
"Bakit po?" Naguguluhang tanong niya.
"Naintindihan mo?" Medyo may pagbabantang ani ko.
"May nakita pala ako tseke sa lamesa kanina. Kanino iyon? Ang laking pera no'n, ate."
"Hindi atin iyon. Hayaan mo lang, kukunin din iyon ng may-ari."
Sariwang hangin ang sumalubong sa amin pagkababa ng bus. Ilang taon na rin ang nakalipas nang huli akong nakapunta rito. Ngayon ay halos hindi ko na makilala ang Aklan.
Iilan lang ang dumaraang sasakyan at halos palubog na rin ang araw sa dalampasigan. May iilang matatanda rin ang nagkakatuwaan sa isang tabi at mga batang masayang naglalaro. Malinis din ang paligid kumpara sa siyudad na ilang lugar na lang ang makikitang malinis na daan.
"Tanda mo pa ba ang naiwang bahay ng mama mo, Sam? Ang tagal na nang huling punta natin dito." Lumapit sa akin si papa kasama ang kapatid ko.
"Opo, pa. Hindi naman po masyadong malayo, ilang minuto na lang naroon na tayo."
Nang tuluyang makarating sa bahay ay agad naming inayos ang gamit na dala. Agad na nakatulog naman ang kapatid ko dahil sa pagod.
Habang nag-aayos ay hindi na napigilan ni papa na lumapit. Pansin ko rin na kanina pa siya natingin sa akin at parang may gustong sabihin. Umupo siya sa tabi ko at mataman akong tinitigan sa mga mata. Bago pa man tuluyang magsalita ay alam ko na ang sasabihin niya.
"Niloko ka ba ng lalaking iyon kaya biglaan ang pagluwas natin?"
Natawa naman ako sa tanong niya at sa tono niyang tila handang sumugod kapag nagsumbong ako. Kung p'wede ko nga lang sabihin ang lahat. Lahat ng pangmamaliit sa akin ng Mommy ni Jacob ay ginawa ko na. Pero ayokong pati si Papa ay masaktan din at baka mas lalo pang tumaas ang dugo niya at atakihin dahil sa galit.
"Hindi po, pa. Naisipan ko lang na mas maganda kung dito na tayo titira. Sariwa ang hangin, mas bibilis po ang paggaling niyo rito."
Bumuntong hininga siya na parang hindi kuntento sa sinabi ko.
Hinaplos niya ang pisngi ko. "Kilala kita, alam kong may problema ka. Ama mo ako, alam ko kung kailan ka masaya at hindi."
"Wala po talaga," pagtitiyak ko.
"Naghiwalay kayo?"
Natawa ako sa tanong niya.
Naging kami ba? Ni wala kaming klarong usapan kung ano ba ang mayroon sa amin.
Oo, aaminin ko gusto ko na siya o mas higit pa nga yata sa gusto. Pero hindi ko alam kung pareho ba talaga kami ng nararamdaman o talaga pinaglalaruan niya lang ako.
Nang walang nakuhang sagot si papa ay binuksan niya na lang ang T.V. Agad na bumungad ang isang balitang mas lalong nagpabigat ng nararamdaman ko.
Ginawang klaro ng balita kung ano ba talaga ang totoong nararamdaman ko ngayon. Kung ng mga nagdaang araw ay nagagawa ko pang itago ay ngayon ay kusa nang lumabas ang sakit sa dibdib ko.
"Kumpirmadong si Jacob Hortans at ang sikat na modelong si Sheila ang nakitang magkasama sa isang hotel. Ayon sa ina ni Mr. Hortans ay nagsasama na ang dalawa at naghahanda para sa nalalapit na kasal."
Ipinakita rin sa balita ang ilang mga larawan ng isang babae at lalaking papasok ng hotel. Karamihan sa larawan ay nasa loob ng hotel, sa isang kama magkasamang natutulog ang dalawa.
"Totoo ang mga nakikita niyo. They're on a date that time. Actually my son and Shiela are getting married as soon as possible." Pahayag ni Mrs. Hortans.
Sinikap kong kalmahin ang sarili ko, pero kusa nang nagsibagsakan ang luha ko.
"Gag* pala iyang lalaking 'yan! Sa oras na magkita kami tatagain ko ang kaligayahan niya!" pagbabanta ni papa at pinatay na ang T.V.
"H–hayaan niyo na, Pa. Hindi na muling magtatagpo ang landas namin ng mga Hortans," pagtitiyak ko at pinunasan ang luha.
"Huwag kang umiyak. Hindi dapat iniiyakan ang mga katulad nila," pangaral niya at niyakap ako.
"Kahit kailan hindi talaga nababagay ang mahirap sa mayaman."
May mga bagay talaga hindi p'wedeng ipilit.
At ako? Ako ang bagay na kahit kailan may ay hindi babagay kay Jacob Hortans.