Agad siyang napamulat ng marinig ang ingit ni baby Ri sa tabi niya.
Hindi niya inexpect na magiging instant nanay siya sa misyon na ito. Pero tila ayos lang din naman sa kanya dahil mahilig talaga siya sa mga bata.
Tinapik niya si Ri at muli iyong nakatulog. Bumangon na siya at nagsimulang kumilos.
Halos pupungas-pungas pa siya dahil maya't maya rin ang ingit ng bata kaya hindi naging maayos ang tulog niya.
Kasalukuyan siyang nagtatali ng buhok ng biglang bumukas ang connecting door ng kwarto ng nursery. Napatda siya at tila napako sa pagkakatayo at naiwan na nakahawak sa buhok niya ang mga kamay ng iluwa ng pinto si Ford na naka-boxers lang at walang suot pang-itaas. Basa pa ang buhok nito indikasyon na bagong ligo lang ito.
Lord! Ang aga naman po ng blessing! Char! Piping turan niya.
"Why?" untag na sambit nito sa kaniya. May himig pang-aasar siyang nararamdaman sa tono nito at may pailalim na ngiti. Napansin marahil nito ang pagkakatulos niya sa kinatatayuan at sandaling pagkatulala.
Awtomatikong umarko ang kilay niya.
"Dati ka ho bang boldstar noong past life mo, Sir?"
Mahina itong tumawa bago umiling. "Nope. Bakit hindi mo ba maiwasan tumingin?"
Sandali siyang nahipnotismo ng tawa nito. Ang sarap sa ears, p*nyeta!
Ngunit agad din na pilit pinalis sa isip niya. "Malamang titingin po ako sa 'yo lalo at kinakausap n'yo ho ako. Alangan naman sa pader ako tumingin o sa paa mo? Gusto mo po yorn?" Hindi niya alam bakit naging napakadefensive naman ng sagot niya. Pero naiinis kasi siya, ngunit kung para saan ang inis niya na iyon ay hindi niya naman matukoy.
Napapitlag naman siya ng tumawa ito ng malakas. Nakalimutan yata nito na may natutulog na bata, kaya't sabay silang napalingon sa kama ng marinig ang iyak ni baby Ri dahil sa gulat.
Agad siyang lumapit sa kama at sumunod naman ito sa likod niya. Dali-dali niyang binuhat ang bata at inihilig sa balikat niya habang hinehele. Si Ford naman ay nakamasid lamang sa kanya at siya naman ay binigyan ito ng matalim na tingin. Mukha naman na nabigla lang din ito dahil sa apologetic na itsura nito.
"I'm sorry, baby," sambit nito habang hinahaplos ang buhok ng bata.
Napalunok siya sa narinig. "Bakit kinilig ako sa baby? Ano ba Viel! Ang harot mo! Atupagin mo ang misyon mo!" sermon niya sa sarili.
Nang bumalik sa tulog ang bata ay narinig niya na muling magsalita ito. Nakaupo ito sa kabilang gilid ng kama habang siya naman ay dahan-dahan na yumuyuko para ilapag ang bata.
"Kinakatok ka raw ni Nana Aida kanina pero walang nasagot. Tatanungin niya raw sana kung ano gusto mong breakfast?" sambit nito habang mataman na nakamasid sa paglapag niya sa bata.
"Iyong pandesal n'yo ho... este, pandesal po. Opo, pandesal po okay na sa akin na agahan. Ako na lang ho ang magsasabi kay Nana Aida," natataranta niyang wika.
Hindi siya sigurado pero ramdam niya ang panunuot ng titig nito na lalong nagbibigay sa kanya ng kakaibang pakiramdam. Idagdag pa na naiilang siya dahil hindi pa siya nakakahilamos at nakakatooth brush. Baka may morning glory pa siya at natuyong laway sa bibig. Jusko!
Mabilis siyang tumayo at nagkunwari na sinisinop ang mga gamit ng feeding bottle.
"May kailangan pa ho kayo, Sir?" tanong niya habang nakatalikod rito.
Narinig niya na marahan na tumunog ang kama indikasyon na tumayo na ito. "Wala naman na, but I just would like to remind you na aalis tayo mamaya kasama ang mga bata. Ikaw na ang gumising kay Klein at mag-ayos at ako na muna ang magbabantay kay Ri."
Napalunok siya ng lumapit ito sa kanya. Hindi niya alam kung nanadya ba ito o ano. Ang lakas ng kabog ng dibdib niya, parang daig pa niya ang tumakbo ng 5km marathon sa bilis ng pintig nito.
"O-okay po, Sir," kandautal na tugon niya. Pinagpawisan siya lalo ng maramdam ang dibdib nito sa likod niya, akma siyang lilingon ng makita niya na dumukwang ang kamay nito sa feeding bottle na may gatas ni baby Ri.
"Lord, aminado po akong marupok. Ilayo n'yo po ako sa mapanuksong talipandas na 'to. Baka bumigay ako!"
"Lalabas na ho ako Sir para maasikaso ko na si Klein," wika niya sabay mabilis na binitbit ang mga feeding bottle at nagmamadaling lumabas na ng kwarto.
Pagbaba niya sa kusina ay naabutan niya si Nana Aida na naghahain sa lamesa. Umangat ng tingin ito at nakita siya.
" O gising ka na, Viel?" tanong nito habang nakakiling pa patagilid ang ulo. Tila hindi pa naniniwala na gising na siya.
"Ay hindi po Nana Aida, tulog pa po ako. Naglalakad po kasi ako minsan ng tulog," tugon niya na may pilit na ngiti sa labi. Inilapag niya ang mga bote sa lababo at inumpisahan hugasan.
"Ay siya nga? Naku, delikado iyan ah?"
Napabuga siya ng hangin sabay mahinang umiling. "Nagbibiro lang ho ako Nana Aida. Gising na ho talaga ako. May tulog ho bang nakakapaghugas na ng bote?"
"Aruuuu! Kayo talagang kabataan wala kayong kaseryosohan kausap. Noong panahon namin ni hindi namin mabiro ang mga nakakatanda sa amin!" sermon nito habang naglalagay ng plato sa lamesa.
Sakto naman na pumasok si Tetay habang nagpupunas ng braso. Mukhang kakatapos lang nito magdilig sa labas.
"Ano nanaman ho ang meron at ang aga ng pa-flag ceremony n'yo Nana Aida?" wika ni Tetay.
"Isa ka pa ha Tetay! Baka kaya kung ano-ano ang natututunan nitong si Viel ay dahil ikaw ang pasimuno ng kalokohan. Nakapagdilig ka na ba sa labas?" wika nito habang winawasiwas ang tinidor na hawak.
"Oho! Nadiligan ko na po ang mga halaman. Mabuti pa nga ho ang halaman nadiligan na! Hays life!" sagot nito habang nagmamartsa na pumunta may lababo at kumuha ng baso at nagsalin ng kape.
Hindi niya maiwasan ang mapangiti. "Nakakaenjoy rin naman pala ang stay ko rito. Mga ka-level ng pagkabaliw ko ang mga kasama ko."
Naiiling siya habang nakangiti. "Akyat ho muna ako at aasikasuhin ko si Klein dahil ipapasyal daw ni Sir Ford ang mga bata," paalam niya sa mga ito bago dumiretso na ng akyat sa itaas.
Kumatok muna siya ng tatlong beses bago marahan na pinihit ang seradura at binuksan ang pinto.
"Klein, gising ka na ba?" Nabungaran niya na nakaupo ito sa kama at nakalawit ang mga paa. Nakapikit pa ang kalahati ng mata nito indikasyon na kakabangon lang.
"Kain ka na ng breakfast para makapag prepare na tayo." Lumuhod siya sa harap nito para magpantay ang mukha nila.
"Why? Where are we going?" tanong nito habang kinukusot ang mata.
"Pupunta kayo sa arcade ni Papa mo today, remember?"
Sandali itong huminto na tila hinahagilap sa isip ang sinabi niya. Nakita niya ang pagkagat ng bata sa pisngi nito sa loob ng bibig kasabay ng pag-pout ng maliit nitong labi at ang pagsingkit ng mga mata.
Siya naman ay natigilan din dahil tila may naalala siya na kaparehas ng mannerism nito. Pero isinantabi muna niya.
"Is Papa not busy today?"
Ngumiti siya at umiling. "He has no schedule today," wika niya.
"Kasama rin po ba si baby Ri?" Lumapad lalo ang ngiti niya dahil palagi nito inaalala ang kapatid. Muling sumagi sa isip niya ang kuya niya.
"Yes, Kuya," tugon niya. Napakurap ito sa sinambit niya maging siya ay nabigla rin na iyon ang lumabas sa bibig niya.
"Sorry. I Just remembered my kuya. He's as caring and as protective kuya just like you kasi."
Ang mga paa nito na nakalawit sa kama ay nag-umpisang kumuyakoy. Mukhang nagiging kumportable na ang bata na makipagusap sa kanya. Hindi niya rin nararamdaman na gagawan siya nito ng kalokohan.
" Uhm... I'm fine being called kuya. Para when baby Ri can talk already, she can easily learn how to call me." Napakurap pa siya ng makita na ngumiti ito.
Kita niya ang maturity ng bata sa paraan ng pananalita nito.
"In a few months from now, for sure maririnig mo na na tawagin na kuya ni Ri. Baka ikaw na lang ang marindi," biro niya.
Muli itong ngumiti bago muling bumaling sa kanya. "About your kuya, can I meet him kapag dinalaw ka niya rito?"
Hindi niya inaasahan ang tanong nito kaya hindi siya makasagot agad. Ilang beses muna siya lumunok bago nakahanap ng lakas para makasagot. "I'm afraid that there's no chance you two can meet. He's already in heaven."
"I'm sorry to hear that po." Bumaba ito ng kama at lumapit sa kanya. "You can call me kuya if you want para hindi mo na ma-miss ang kuya mo in heaven. But can you promise me one thing?"
Kinurap niya ang mga mata para pawiin ang panlalabo nito sanhi ng pagdungaw ng luha niya. "What is it?"
"Can you promise not to leave me and baby Ri forever? That you will be forever beside us no matter what happens?"
Gustong malaglag ng panga niya sa hiling ng bata. Pakiramdam niya ay tila piniga ang puso niya sa sinambit nito, idagdag pa na bakas sa mukha nito ang lungkot.
Hindi niya napigilan ang pagbagsak ng mga luha niya. Hindi niya alam kung paano sasagutin ang bata lalo at nasa misyon lamang siya kaya siya nasa balwarte ng mga Montecillo. At ang pangangako niya ay muling wawasak lamang sa puso nito oras na matapos ang misyon niya.
Mabilis niyang pinahid ang luha niya at ngumiti rito. Ginulo niya ang buhok nito at pinisil ang pisngi. "Alam mo kuya, may mga tao talaga na dadaan lang sa buhay natin at may mga tao na magtatagal. Hindi natin malalaman at mahuhulaan kung hanggang kailan sila mananatili sa tabi natin. Gaya ng kuya ko, I want him to be always with me but I have to let him go. I let him go not because I want to but because I have to. Hindi natin sila pwede pigilan. When they need to go, we have to let them go. And about your favor, I will stay as long as I can. That's what I can promise."
Tumango naman ang bata at ngumiti habang nakatingin sa mga mata niya. Alam niyang naintindihan nito ang sinabi niya.
Sabay silang napalingon ni Klein ng biglang bumukas ang pinto ng kwarto nito. Iniluwa nito si Ford na kalong-kalong si baby Ri na walang tigil kakaiyak.
"Viel, ayaw huminto ni Ri sa pag-iyak," wika ni Ford na tila natataranta.
Agad siyang tumayo at kinuha ang bata sabay hilig nito sa balikat niya at dagling tumahan.
"What? Just like that she stopped crying?" atungal ni Ford na halatang hindi makapaniwala.
Ngumiti siya at binalingan ito. "Kumain na ho muna kayo ni Klein at papaliguan ko na muna si Ri. Isusunod ko na lang si Kuya mamaya."
Kumunot ang noo nito sabay baling kay Klein. "Kuya?"
Nagkatinginan sila ni Klein at kinindatan niya ito.
"Pa, can you ask Yaya Viel if I can call her mama?" Hatak-hatak nito ang kamay ni Ford at nakatingala na nagsusumamo ang mga mata nito.
Maging siya ay nagulat sa hiling nito. "Klein, I'm your yaya so you need to call me yaya," wika niya rito.
Bumitaw naman ito sa pagkakahawak kay Ford at yumuko. "I just want someone to call Mama."
Malakas na bumuga ng hangin si Ford. "Mauna ka na bumaba Klein. I'll talk to yaya Viel."
Malungkot na tumango ito at lumabas ng kwarto.
"Viel, pwede ba natin pagbigyan ang bata?" agad na panimula nito.
"Sir?"
Nanlalaki ang mga mata niya pati yata butas ng ilong niya.
"I'll give you an increase."
"Magkano po?" Mahina itong tumawa sa mabilis na sagot niya.
"Name it, basta pumayag ka lang," kibit-balikat nito. Determinadong mapapayag siya.
Gagawin pala lahat ha! Tingnan nga natin.
"Kahit hindi mo na po ako taasan ng sweldo, Sir. Papayag po ako sa isang kundisyon."
Agad naman na tumuwid ito ng tayo sa winika niya. "Sure, sure. What is it?"
"Sabihin mo muna po 'Please Master, Viel'," wika niya na pinipigilan ang matawa.
"What?"
"Sabihin mo po 'Please Master, Viel," pag-ulit niya.
"Are you crazy?"
"Kung ayaw n'yo okay lang naman po. Pero hindi po ako papayag hangga't hindi n'yo po sinasabi iyon," wika niya at akma ng lalakad palabas ng kwarto habang pilit sinusupil ang ngiti.
Nang malapit na siya sa pinto ay narinig niya na nagsalita ito. "Okay! Please Master, Viel!"
Kinagat niya ang labi para pigilan ang tawa sabay lingon dito. "Deal, Sir!"