Napabuga siya ng hangin habang nakatayo sa gitna ng kuwarto ni Ford at nakapameywang. Sinamantala niya ang pagkakataon na wala ito para makapagimbestiga sa kuwarto nito.
"Sh*t! Saan pa ba dapat ako maghalughog?" inis na bulong niya habang pawis na pawis.
Marahas niyang pinunasan ang mukha habang lumilinga sa buong silid.
Napaka-masculine ng awra ng kuwarto nito. Wala masyadong kulay at kumbinasyon lamang ng itim, gray at puti ang silid. Hmm, medyo malungkot at boring.
Lumapit siya sa kama nito at pinasadahan ng kamay ang unan pababa sa blanket.
Napalunok siya dahil may kung anong eksena ang pumapasok sa utak niya. "Lintek! Mukhang kailangan ko na ipalinis ang utak ko. Masyado ng nagiging malikot!" sinabunutan niya ang sarili sabay tayo mula sa kama.
Akmang lalabas na siya ng silid ng may mahagip ang kaniyang mata.
Dahan-dahan siyang lumapit dito habang nakakunot ang noo.
Marahan niyang iniurong ang isang maliit na drawer at napatiim ang kaniyang labi ng mamataan ang isang tila vault na nakadikit sa pader na tinakpan ng drawer.
Pinag-aralan niya ito at pilit ina-analisa kung paano niya makukuha ang kumbinasyon ng code nito. Lumuhod siya at idinikit ang tainga sa vault habang marahan ito'ng iniikot.
Mas lalong tumagaktak ang pawis niya dahil sa matinding konsentrasyon sa ginagawa.
Ngunit dagli rin siyang napaigtad ng makarinig ng iyak mula sa nursery room ni baby Ri at kasabay no'n ay ang pagdating ng kotse ni Ford.
"Saved by my baby Ri!" bulalas niya habang mabilis na tumayo at ibinalik sa dati ang drawer at nakatingkayad na lumipat sa kuwarto ng alaga.
Napahinga siya ng malalim ng makapasok sa loob at mabilis na pinunasan ang nanlalagkit na mukha dahil sa pawis.
Nang mahimasmasan ay agad niyang kinarga ang bata at dinampot ang bote nito para bumaba at kumuha ng mainit na tubig.
Ngunit sakto paglabas nila ay siya naman na pag-akyat ni Ford at huminto ito sa tapat nila. Nagkaroon siya ng pagkakataon para malayang pagmasdan ang mukha nito. Tila pagod ang itsura pero hindi nito nabura ang kaguwapuhan ng lalaki.
"Viel? Are you okay?" Napakurap siya sa boses nito at marahan na pagtapik sa balikat niya. Hindi niya namalayan na napatulala na pala siya.
"Opo, okay lang. Good evening, Mr. Montecillo," tugon at pagbati niya rito.
Humakbang ito palapit sa kanila kung kaya't siya naman ay napaatras. Umangat ang kamay nito at tila siya nakuryente ng dumaiti ang likod ng palad nito sa noo niya. Wari ba ay tinitignan kung may lagnat siya.
"Mainit ka, Viel. Are you sure okay ka lang?" Nakakunot ang noo nito at mataman na nakatitig sa kaniya. Ang isang kamay nito ay nakapaloob sa suot nitong khaki habang ang isang kamay ay nanatili sa noo niya.
Mabilis siyang muling umatras habang nakaalalay sa likod ni baby Ri." O-okay lang po ako, Mr. Montecillo. Fertile lang ako ngayon kaya mainit ako," depensa niya sabay ngiti ng alanganin.
Tila noon lang niya napagtanto ang isinagot at taimtim na humihiling na sana kainin na lang siya ng lupa!
Leche! Ano ba pinagsasabi mo, Viel? Angil niya sa sarili.
Dinig naman niya ang mahinang pagtawa nito sabay iling. "Hindi ka nanaman nakainom ng gamot mong babae ka," mahinahon at bakas ang amusement sa boses nito.
Umakma itong kukunin si baby Ri pero inilayo niya na ikinakunot ng noo nito. "Why?" tanong nito.
"Galing ka sa labas, magpalit ka muna ng damit," pagsita niya rito.
Tila na-realize rin nito ang punto niya kaya umatras ito at muling namulsa. "Okay po Madam," pagsagot nito habang nakangiti. "Kamusta mga bata?"
Napakurap siya. Bakit ba pakiramdam niya eh asawa ito na nagtatanong kung kamusta ang mga anak nila matapos ang isang buong araw sa trabaho?
Umayos ka, Viel! Nagtatanong lang ang amo mo dahil mga pamangkin niya iyan! Huwag kang assuming!
"Okay naman po sila. Si Klein kakatapos lang gumawa ng assignments," tugon niya habang ito naman ay tumango-tango lang.
Bigla naman muling umingit si baby Ri at sabay sila na napatingin dito. "Sige na Sir magbihis na ho kayo at nagwawala na itong isa dahil gutom na," sambit niya. Tumango ito sabay tumalikod na siya papunta sa hagdan pababa sa kusina.
Wew! Bakit ba ang bilis ng kabog ng lintek na dibdib ko kapag malapit ang Ford na iyon sa akin? Haist!
"Oh Viel, igagawa mo ba ng gatas si Ri?" tanong ni Nana Aida na nanggaling sa likod bahay.
"Ay hindi ho Nana Aida, si Ri ho ang gagawa ng gatas niya," pagbibiro niya rito pero marahil dahil sa katandaan ay hindi nito nasakyan ang biro niya.
"Ano? Eh ang liit pa niyan para gumawa ng sariling gatas. Kaya ka nga andiyan. Ano ka bang bata ka ha? Malaman lang ni Ford iyan ay malilintikan ka talaga," mahabang litanya nito. Gusto sana niya tumawa ngunit seryoso talaga ang mukha nito.
"Hindi naman po makakapagsumbong si baby Ri, Nana Aida eh. Hindi pa naman po siya nakakapagsalita," paggatong niya pa rito.
"Kuu! Dyaske na bata are! Tigilan mo nga ang ganiyan mo at dapat nga mahalin mo ang iyong trabaho. Kawawa naman ang bata sa iyo!" Ramdam na niya ang galit nito at parang kaunti na lang ay hahambalusin na siya ng hawak nitong kahoy na sangkalan.
"Nana Aida, nagbibiro lang ho ako. Alam niyo po 'yong joke?"
Naghugas ito ng kamay sabay punas sa tuwalya na nakasabit sa gilid ng lababo at lumapit sa kaniya na kumikibot-kibot pa ang labi habang nakatikwas ang manipis nitong kilay na medyo namumuti na rin at nakaduro sa kaniya.
"Kayong mga kabataan, kaya kayo naliligaw ng landas dahil wala kayong kaseryosohan sa buhay. Akin na nga ang bata at igawa mo na ng gatas, mukhang gutom na ito. Aruuu! Ang sakit ninyo sa ulo ni Pepay sa totoo lang!" Kinuha nito ang bata sa kamay niya at masama ang tingin na ipinukol sa kaniya.
"Nana Aida, nagbiro lang ho ako, nasa ligaw na landas na agad kayo. Masyado ho kayong advance," sagot niya sabay ngiti rito ng matamis. "Asan ho pala si Pepay?"
"Malamang nandoon nanaman iyon sa guard house at sumisimoy. Isa pa ang batang iyon. Akala mo ay laging naglalandi na hindi mo mawari!" sentimyento nito bago walang paalam na naglakad na paakyat habang karga si baby Ri.
Naiwan siyang tumatawa habang sinasalinan ng mainit na tubig ang bote.
Habang nagsasalin siya ng tubig ay may tila nahagip ang mga mata niya na bulto ng tao mula sa labas. Kasalukuyan siyang nasa lababo at kita sa bintana ang garden at ang pader.
Itinigil niya ang pagsasalin at saglit pa muli na nagmatyag. Hanggang makita na gumalaw ang bulto at tumakbo papunta sa gilid at mukhang tatalon papunta sa kabila ng bakod.
Mabilis siyang tumakbo palabas at naabutan ang isang bulto ng lalaki na umaakyat sa bakod. Medyo mataas ang pader kung kaya't hindi mo rin ito agad maaakyat pero dahil tila ito desperado ay nangahas pa rin ito at mabilis na umaakyat.
"Hoy! Tigil!" sigaw niya at mabilis na hinila ang paa nito. Pilit niyang hinihila ang paa nito pero malakas ang pagkakapit nito. Tinalon niya ito at hinila ang kamay. Napabitaw ang isa nitong kamay.
Nakita niya ang tattoo sa kamay nito. "Guardian MXIII"
"MXIII? Hindi ba iniinom yo'n?" wala sa loob na tanong niya rito habang naghihilaan sila.
Nakatakip ng bonnet ang mukha nito kaya't ang ibang detalye na pwede niyang matandaan ang pinagtutuuan niya ng pansin. Sa sobrang pagoobserba niya ay hindi niya napansin nakakuha ito ng tiyempo at sinipa siya dahilan para mabitawan niya ito at mabilis na iniangat ang katawan paakyat sa pader sabay talon sa kabila.
"Sh*t!"
Mabilis siyang bumuwelo sabay talon sa pader pero tila siya bola na tumalbog pabalik at napasalampak sa lupa.
"T*ngina! Nakalimutan ko mabigat pala katawan ko. Hayup!" Inis na sinuntok niya ang damuhan habang sapo ng isang kamay ang puwetan niya na nanakit dahil sa pagbagsak.