"Francesca, saan ba talaga ang sinasabi mo?" iritang tanong ni Lucey dito. Kanina pa sila paikot-ikot sa lugar na iyon subalit hindi pa rin nito masabi kung saan talaga sila pupunta. Hindi na niya inusisa kung saan ito pupunta o ano ang gagawin nito. Ang mahalaga ay makalayo siya kay Melvin kahit ngayon man lang. Hindi talaga niya maatim na pumunta sa airport at sunduin ang modelo nito. Alas sais pa lang ng umaga ay sinundo na niya ito sa Marikina upang pumunta sa Bulacan. Pero alas nuebe na ay hindi pa rin ito kumbinsido kung saan talaga sila pupunta. Tiningnan ni Francesca ang address na nakasulat na address. "Nakalagay dito na 931 Cortejos Street." "Akina nga!" Hinablot niya ang papel. "Tama naman ang address, ah!" Tiningnan niya ang numero ng mansion na tinigilan ng sasakyan nila.

