PERO gustuhin man talaga ni RJ na supilin ang nararamdaman, paano nga ba? Kung patuloy niyang mararamdaman ang kabaitan ni Annalize sa kanya...
"Ano ka ba? Hindi mo man lang ako ginising para napalitan kita sa pagda-drive!" naiiling na wika ng dalaga habang kumakain sila sa isang naraanang fastfood sa may San Fernando La Union.
"Okay lang naman ako, ah! Mukha ba akong inaantok? Sanay akong mag-drive ng malayo at matagal. Nakaka-extra na ako sa pagda-drive ng mga truck na bumibiyahe sa kung saan-saan!"
"Kahit na! Seven hours kang nag-drive, walang hinto at walang pahinga."
"Sanay nga ako! Magkakape lang ako ngayon at kaya ko pang diretso hanggang Pagudpod!"
"No! Kailangan mong magpahinga! May lodging inn diyan sa tapat, o! Matulog ka kahit na ilang oras lang!"
"Pero mag-uumaga na, aabutan tayo ng init ng araw kapag—"
"It's okay! Aircon naman ang kotse! Saka sa Linggo pa ang kasal ng kaibigan ko. Marami pa akong oras para mag-enjoy sa magagandang tanawin sa madaraanan natin. Kaya mas okay lang na araw na tayo magpatuloy sa pagbibiyahe."
"Sigurado ka?"
"Oo naman! O, ubusin mo ang pagkain mo at nang makapag-check-in na tayo. Kahit four hours pwede na, maiidlip din ako."
"Bahala ka!"
Pero may problema...
"Wala na hong bakante kundi isa na lang! Marami ho kasing biyahero ang nag-check inn kanina. Pero malaki naman ho ang kama, kasya kayong dalawa."
"Ha? Ganoon ba? Naku, paano ba ito?" litong napalingon si Annalize sa binata.
"Ah, kunin mo na, para makatulog ka. Doon na lang ako sa kotse iidlip!"
"Ha? Naku, hindi puwede! Ikaw nga ang gusto kong makatulog nang maayos dahil ikaw ang magda-drive. Ah, sige ho, kukunin ko na lang."
"Annalize! Puwede naman talaga ako sa kotse at—"
"Halika na!" kinuha na niya ang susi sa receptionist at nagpauna nang humakbang. "O, second floor daw ito! Hayun ang hagdan, o!"
"Hey, sandali!" napilitan si RJ na sumunod sa kanya...
Maliit lang ang silid, pero pandalawahan naman ang kamang naroon.
"O, magbanyo ka na muna bago ka matulog," kaswal na wika ni Annalize habang nagkakalikot sa bag niya, tapos na siyang magbanyo at nakapagpalit na ng damit. "May baon ka bang toothbrush? Kung wala ay may dala akong reserba na bago at—"
"May dala ako."
"Good! Sige na, pasok ka na sa banyo at—"
"Sigurado ka talaga na okay lang na—"
"Oo nga! Sige na, pasok ka sa banyo!"
Napapabuntong-hininga na lang na pumasok na sa banyo ang binata.
Habang si Annalize ay natitigilang lumingon sa sumarang pinto.
My God! Ano ba itong ginagawa ko? Para akong gamu-gamong lumalapit sa apoy! Okay, ako ang amo at driver ko lang siya, but still, I am a woman and he is a man. Isang malaking lalaki at malakas. Anong kaya kong gawin kapag natukso siyang... ah, I shouldn't think that way! Ilang beses na siyang nakapasok sa unit ko, palakad-lakad siya roon, minsan ay nanonood lang ng TV habang nasa kuwarto ako. At palagi siyang maginoo. Hindi ko siya nahuhuling sumusulyap sa akin ng may pagnanasa. O, kung napapatitig man ng matagal, parang nagagandahan lang naman siya sa akin. Pero iba ngayon, mahihiga kami sa isang kama... makakatulog... at baka kahit na paano ay magkadikit ang mga katawan namin kapag naging malikot kami sa paghiga. Paano kung...
Naiiling na pinutol na lang niya ang kung anu-anong isipin, nahiga na sa kama at nagkumot...
Afterall, nagawa na niya, narito na sila, magkasama sa isang silid.
_______
AT IGLAP lang, magkalapat na pala ang mga labi nila... magkahinang... habang magkadikit na rin ang kanilang mga dibdib, nadarama ang t***k ng puso ng isa't isa...
And that kiss... ah, kaytamis pala ng halik mula sa lalaking isinisigaw ng kanyang puso...
RJ, I love you... I love you... bulong ng kanyang puso... so, she kiss him back, mas mapusok, mas marubdob... nais ipadama rito ang naghuhumiyaw na damdamin...
Ilang sandaling nagtagal ang halik na kanilang pinagsasaluhan... tila ayaw nang maglayo ang mga labi nila...
Malakas na tunog ng cellphone ang pumukaw sa nananaginip na diwa ni Annalize...
"Ha! RJ!" Pero wala sa loob ng silid si RJ...
Nasaan na iyon? Muling tumunog ang cellphone.
Si RJ? Bakit?
"Hello?"
"Limang oras ka nang natutulog, alam mo ba iyon? Mag-ayos ka na at bumaba ka na rito. Narito ako sa kotse."
"H-ha? Anong ginagawa mo riyan? Hindi ba't sinabi ko sa iyong matulog ka at—"
"Nakatulog na ako. Okay na ako, malakas na uli ako at siguradong hindi na aantukin sa pagda-drive! Kaya halika na. Alas-onse na, alam mo ba iyon, ha?"
"P-pero—"
"Bye! Hinintayin kita rito." Nawala na ito sa kabilang linya...
________
MATALIM ang irap na ipinukol ni Annalize kay RJ nang sumakay na siya sa unahan ng kotse at padarag na isinara ng malakas ang pinto.
"O, kulang ka pa ba sa tulog at—"
"Hindi ba sabi ko sa iyo, matulog ka?" angil niya rito.
"Natulog nga ako!"
"Saan ka natulog?"
"Sa tabi mo!"
"Hindi ko naramdamang nahiga ka sa tabi ko!"
"Paano mo ako mararamdaman, paglabas ko ng banyo ay ang himbing ng tulog mo! Naghihilik ka pa nga, eh!"
"Hoy! Hindi ako naghihilik matulog, ano?" gigil na napabaling uli siya rito.
"At paano mo malalaman, tulog ka nga, eh! Siyempre, ang makakakita niyon ay ang mga taong nakakita sa iyo habang tulog ka!"
Bahagyang natigilan si Annalize, of course she's very confident na hindi siya naghihilik sa pagtulog, pero ngayong may nagsabi sa kanya... bigla ay parang nabawasan ang tiwala niya sa sariling kaalaman...
"Hmp! Ewan ko sa iyo! Liar!"
"Uy, sinong liar, ha? Hindi ako sinungaling, ha? Talaga namang—"
"Siningaling ka sa sinabi mong doon ka natulog sa kama! Siguradong lumabas ka at dito sa kotse natulog!"
"Hindi nga!"
"Ewan ko sa iyo!" muling umirap ang dalaga...
Lihim na lang napabuntong-hininga si RJ...
I'm sorry, hindi ko aamining dito talaga ako natulog sa kotse. Dahil kung hindi ko ginawa iyon, alam ng Diyos na baka kung ano talaga ang nagawa ko... sa loob-loob na lang ng binata...
Pasimpleng sinulyapan ni RJ ang dalaga...
Ang ganda-ganda mo kapag gising ka, pero mas maganda ka yata kanina habang natutulog, nakahiga sa malambot na kama at parang kaysarap katabi sa pagtulog. Kung hindi ako lumabas at dito sa kotse natulog, siguradong hindi ako makakatiis na hindi ka yakapin at halikan... at siguro, higit pa roon ang maari kong gawin...
Mga lihim na buntong-hininga na lang ang kayang gawin ni RJ ngayon...
___________
"INGAT kayo sa biyahe pabalik sa lungsod, ha?"
"Oo, best wishes uli sa kasal mo, Faye!"
"Thanks! Ah, tanong ko lang uli, talaga bang... hindi siya ang Kuya AJ mo?" pasimpleng sumulyap ang bagong kasal sa kotse ni Annalize na nasa di-kalayuan kung saan nakasakay na si RJ at naghihintay sa kanya .
"Ano ka ba? Sinabi ko naman sa iyo, hindi ba? Kamukha lang talaga siya ni Kuya AJ! And I don't know why kaya huwag mo na akong hingan ng paliwanag, okay?"
"Okay! Pero kaya mo ba siya tinanggap na driver ay dahil kamukhang-kamukha siya ng kakambal mo?"
"Ewan ko, siguro!"
"Grabe ka! Sa sobrang pag-idolized mo sa Kuya AJ mo, nang makakita ka ng kamukha niya, ginawa mo agad driver para lagi mong kasama, ganoon ba iyon?"
"Hindi, ah!"
"Ows?"
"Hindi nga!"
"So, posibleng ma-in love ka diyan sa driver mo?"
"Faye! Ano ka ba? Baka may makarinig sa iyo!"
"Bakit? Imposible ba ang sinabi ko? Look at him! He's gorgeously and devilisly handsome! At dahil napaka-choosy mo sa lalaking mamahalin, at your twenty-seven years of existence in this world, wala ka pang nagiging boyfriend. Ni crush yata o puppy love ay hindi ka nagkaroon. Never been touch, never been kiss! Kahit na isa kang magaling na psychiatrist, can you imagine how vulnerable your heart is?"
"F-Faye..." lihim siyang napalunok... somehow, alam niyang totoo ang sinabi ng kaibigan...
"Kaya ang payo ko sa iyo, be careful with your heart, as well as with yourself. Baka mahulog ka sa kamay ng isang oportunistang lalaki..."
May munting tinig na naghumiyaw sa kanyang dibdib dahil sa pagtutol sa ideyang oportunista si RJ...
______
"ANG tahimik mo naman! Galit ka pa ba sa akin hanggang ngayon?"
Hindi kumibo si Annalize, basta nakatingin lang sa labas ng sasakyan, nag-iisip, lumilipad ang diwa sa kung saan-saan.
"Okay, galit ka nga. Hindi na ako magsasalita," kibit-balikat lang na wika ni RJ at nagpatuloy na lang sa pagda-drive.
Lumipas ang maraming sandali, naging mga oras... dire-diretso pa rin sila sa pagbibiyahe... humihinto lang sila kapag magbabanyo o kakain sa mga nadaraanang stop-over...
Hanggang nakarating na sila sa lungsod pagkaraan ng may labing-isang oras na biyahe na oo, hindi, siguro, baka, o ayoko lang ang narinig ng binata na salita mula kay Annalize, isang tanong isang sagot lang talaga...
Galit talaga Dahil hindi ako natulog sa tabi niya noon? Grabe naman! Ganoon ba kalaking kasalanan iyong nagawa ko?
"Heto na ang bag mo."
"Salamat."
"Dadalhin ko na muna itong susi ng kotse. Kukunin ko pa kasi sa compartment ang bag ko para diretso uwi na ako at babalik na lang ako bukas para—"
"Pumasok ka muna."
"Ha?"
"Pumasok ka, i-lock mo ang pinto." Pagkuwa'y humarap siya sa binata.
"Okay!" nagtataka man ay humakbang papasok si RJ at ini-lock ang pinto. "Bakit, ano ba ang ipagagawa mo?" humarap ito sa kanya matapos i-lock ang pinto.
"May gusto akong sabihin sa iyo." Humakbang siya palapit dito.
"Annalize..." halatang nataranta ang binata, napahakbang paatras.
Pero pinto na ang nasa likod nito kaya napasandal na lang doon ang binata.
"Alam mo bang kamukha ka ng Kuya AJ ko, ng kakambal ko. Kamukhang-kamukha na akala ko noong una ay ikaw siya. But of course imposible iyon. Bukod sa palaging wala rito sa bansa ang kuya ko, maikli lang ang buhok niya. Kaya kahit na iyon lang ang pagkakaiba ninyo, hindi ko pa rin maiwasang malito sa nararamdaman ko." Huminto sa paglapit ang dalaga ilang dali mula rito.
"Ano ba iyon? Ano bang ibig mong—"
"I need an answer, gusto kong magkaroon ng kasagutan ang mga bagay na gumugulo sa isip ko... at sa puso... h-hindi ko na kasi kaya."
"Ang alin, Annalize!"
"Kiss me, RJ..." tuluyang tinawid ng dalaga ang maikling pagitan nila at hinayaang magkadikit ang mga dibdib nila.
"Ano?" maang na tanong ng binata, pakiwari nito ay nagkakaringgan lang, habang tila napapaso sa init na sumisingaw mula sa katawan ni Annalize.
"Kiss me... gusto kong makatiyak na hindi ko lang nakikita sa iyo ang imahe ng kakambal ko, kundi may mas higit pa..."
"Annalize! Ano bang pinagsasabi—"
"Gusto ko lang makasiguro na totoo ang nararamdaman ko..."
"Annalize!" at lalong nataranta ang binata nang yumakap ang mga braso niya sa leeg nito.
"Kiss me..."
"Anne, nababaliw ka na ba?" pero hindi naman nito magawang baklasin ang mga braso niya, habang tila paos na ang tinig at bahagyang napapahingal ang binata.
"N-no... at hindi mo lang alam kung gaano karaming lakas ng loob ang hinamig ko para gawin ito. Mula pa nang umalis tayo sa Ilocos, pinag-isipan ko na ito, ipinasyang gagawin na."
"Annalize..." lalong tila nawawala sa huwisyo si RJ nang tumaas ang palad ng dalaga at masuyong hinaplos ang pisngi nito.
"Kiss me... p-please?" malamlam ang mga matang tila nagsusumamo na tumitig siya sa mga mata nito.
"Annalize..."
"P-please..."
"Annalize!" at bago pa napigil ni RJ ang sarili, tuluyan na ring yumakap ang mga braso sa kanya, lumapit ang mukha sa mukha niya at tuluyang sinakop ang mga labing bahagyang nakaawang...
RJ...napapikit na lang siya nang maramdaman ang init ng mga labi nito...
It was her first kiss... first embrace... first love...
At sa kanyang pagkakapikit, she saw a thousand stars... tila may anghel na nag-aawitan...
Magaan lang ang halik sa simula, masuyo, maingat... may pag-aalinlangan pa rin...
Pero ang mga labi ni Annalize na wala pang kasanayan sa larangang iyon ay kusang natuto... kusang natuklasan ang mga tamang dapat na gawin...
Marahang kumilos ang mga labi ng dalaga... ginagagad ang galaw ng mga labi ni RJ, ninanamnam ang sarap na tamis na inihahatid niyon sa kanyang mga pandama...
At sapat ang pagtugon ni Annalize para tuluyang makahulagpos ang pagtitimpi ng binata, ang marahan at maingat na paghalik ay bahagyang dumiin, nagsimulang maging magaslaw, maharot ang mga labi, ang munting dila ay lakas-loob na pumasok sa loob ng kanyang bibig, naghalihaw doon, waring may hinahanap...
"R-RJ..." pasinghap niyang anas ng saglit na makalaya ang mga labi. "I-I'm sorry... n-nkakahiya ang ginawa ko A-ako pa ang..." napapabuntong-hiningang napatalikod siya rito at akmang lalayo.
"Annalize..." pero maagap na pumiil ang kamay ng binata sa kamay niya.
"R-RJ..."
"Annalize, I'm sorry. Noon ko pa iyon gustong gawin... kapag napapalapit ka sa akin... kapag narito ako sa unit mo. At higit sa lahat, noong gabing lumabas ako ng banyo at nakita kong natutulog ka na sa kama. Ang gusto ko noon ay tabihan ka, yakapin, halikan... angkinin..."
"R-RJ..."
"Patawad...Annalize, hindi ko na kaya!" at minsan pa, naging pangahas na ang binata, muling inangkin ang kanyang mga labi, mas marubdob ang paghalik, mas mapusok, habang nagsisimula nang maging pangahas ang isang palad, humahaplos sa kanyang buhok, sa likod, sa braso, hanggang tuluyang nakarating sa isa niyang dibdib...
"R-RJ!" napapalunok na bahagya siyang nanulak.
"Sshh, okay lang... please, noon ko pa ito gustong gawin. Patawad, pero ayokong pigilin ang sarili ko! Mababaliw ako kapag ginawa ko iyon!"
"R-RJ—" muling natahimik ang dalaga, muling natikman ang halik na kayang ipagkaloob ng binata... at muli siyang natangay... kusa nang nagpatangay...
Dahil kagaya ni RJ, mababaliw na rin siya kapag hindi pa hinayaang makalaya ang tunay na nilalaman ng puso...