El Greco Empire/Forever/Series-1 Kaba nata-8

2115 Words
"IBANG klase rin iyong boss mo, ano?" Napalingon si RJ kay Kulas habang nakasandal siya sa dingding ng munti nilang bahay. Tigdalawang bote ng beer ang pinaghaharapan nila. Pampaantok lang, sabi ng binata sa sarili. Dalawang araw na mula nang mailibing ang nakilalang ina, pero hanggang ngayon ay tila hindi pa rin mahamig ng binata ang sarili, nahihirapan siyang matulog sa gabi. "Bakit naman?" "Aba'y sa buong panahon ng pagdadalamhati mo, mula sa ospital, hanggang sa burol, at hanggang sa paglilibing, halos hindi umaalis sa tabi mo, ah! Sinagot pa ang ibang gastusin sa pagpapalibing." "Oo nga, eh! Pero babayaran ko na lang siya kapag nakaluwag-luwag ako. Kapag nagbalik ako sa trabaho sa kanya, hindi ko na lang kukunin ang kalahati ng sahod ko para makabawas." "At kapag ginawa mo naman iyon, magagalit ako sa iyo!" "Anne!" gulat na napalingon ang binata sabay tayo mula sa bangko. "Alam kong nagdadalamhati ka pa rin, at nahihiya ka sa akin kaya gusto mo akong bayaran. Pero kapag binayaran mo ako, sorry, hindi na kita kilala," wika ng dalagang nakapasok na pala sa bukas na pinto. "Ah, huwag kayong mag-alala, Miss Anne, hindi na iyon gagawin ni Pareng RJ!" biglang sabat ni Kulas. "Heh! Nakialam ka na naman!" "Ah, sorry, Pare, alam ko kasing nahihiya ka kay Miss Anne! Pero alam ko rin na nakakaistorbo ako, kaya aalis na ako!" nakangising tumayo mula sa bangko ang lalaki. "O, saan ka pupunta? Uubusin pa natin itong beer!" "Kaya mo nang mag-isa iyan, Pare! Sige Miss Anne, bye!" saka tatawa-tawang lumabas na ng bahay ang lalaki. Naiwan silang magkaharap sa gitna ng maliit na sala. "Ah, upo ka! Nagulat naman ako sa bigla mong pagdating!" pagkuwa'y tila nahamig na rin ni RJ ang sarili at nagahol pang alisin ang t-shirt na nakapatong sa sofa na kawayan. "Naka-off kasi ang cellphone mo, hindi ko matawagan." Naupo naman ang dalaga. "Ah, oo, hindi ko naalalang i-charge mula ang mamatay si Inang." "Ganoon ba? Okay. Itatanong ko kasi kung kailan ka papasok?" "Ha? Kasi—" "Kailangang-kailangan ko ng driver. May ilang gamit kasi akong hahakutin sa lilipatan kong condo unit. Malapit lang sa ospital na pinapasukan ko. I need your help... tagabuhat... okay lang ba?" "Ah... oo naman." "So, papasok ka na bukas." "Ah..." "Alam mo, minsan ay inaantok ako kapag nagda-drive. Nasanay na akong may nagmamaneho para sa akin. Sige ka, baka kapag hindi mo pa ako ipinag-drive, madisgrasya na naman ako. Alam mo naman na medyo malas yata akong humawak ng manibela." Tila gustong mangiti ni RJ. "Oo na, papasok na ako! Ayoko namang madisgrasya ka, ano?" naiiwas ng binata ang tingin dito para ikubli ang hindi mapigilang ngiti... "Wow! Thanks! Sabi na nga ba at hindi mo ako matitiis!" "Siyempre naman! Ang laki mo yatang magpasahod!" "Iyon lang ang dahilan?" "Ha?" "Ah, ipag-drive mo na kaya ako ngayon? Ipapakita ko sa iyo kung saan iyong condo unit ko para doon mo na lang ako sunduin bukas." "Ha?" Sa huli, hindi na nakatanggi ang binata... ______ "OKAY naman pala itong lilipatan mo! Ang ganda at ang laki ng unit. Mukhang mahigpit ang security sa labas. Kung hindi mo sinenyasan ang tatlong guard sa entrance na huwag na akong kapkapan, mukhang hindi ako palulusutin agad! Sabagay, pag-aari pala ninyo itong El Greco Condominium." Marahang lumingap sa kabuuan ng maganda at eleganteng sala ng unit si RJ. "Well, naniniguro lang sila. Anyway, dito mo na ako ihahatid mula bukas. Pero sa umaga, doon mo muna ako abangan sa kanto ng paglabas ng gate ng Forbes, ha?" "Sige. Bakit ka nga pala lumipat?" "Hmm, malayo ang Forbes, hindi ba? Mas malapit ito sa ospital. Isa pa, para hindi ka na rin malayuan sa biyahe kapag susunduin at ihahatid mo ako." "Okay lang naman sa akin na—" "Minsan kasi, may mga gusto pa akong puntahan na out of way sa bahay namin. Although ngayon ko lang susubukang mamuhay na mag-isa, mukhang kakayanin ko naman!" "Talaga? Sige, sinabi mo. Pero kung may problema ka rito, sabihin mo lang. Kahit nasaan ako, pupuntahan kita." Bahagyang natigilan si Annalize sa sinabi ng binata. Pero ang mas totoo, mas lihim na natigilan si RJ... Letse! Ano bang nasabi ko? Baka kung anong isipin niya, ah! Halata bang malambing ang pagkakasabi ko? Ah, bakit ba kasi hindi ko mahawakan itong puso ko? "Ah, dito ka na maghapunan." "Ha?" gulat siyang napalingon sa dalaga. "Actually, nakapag-grocery na ako kaninang umaga. Pinuno ko ng stocks ang cabinet at ref ko. Meron na rin akong mga kitchen utensils kaya puwede nang magluto. Ang problema, hindi ako marunong magluto." "Ganoon? At bakit inaalok mo akong dito na kumain?" maang na tanong ng binata. "Kasi... baka marunong ka, ipagluto mo naman ako," natatawang wika ni Annalize, pero halatang naiilang kaya mailap ang mga mata. "Ah, ganoon? Gagawin mo akong kusinero? Kasama ba sa trabaho ng driver ang pagluluto?" amused na wika ni RJ nang tumitig sa namumulang pisngi ng dalaga. "H-hindi naman, kaya lang... baka puwedeng... for friendship's sake?" "Ha?" "Oh, well, nagbibiro lang ako, uwi ka na kung gusto mo at—" "Ano bang laman ng ref mo? Sige, ipagluluto kita!" "T-talaga? Marunong kang magluto?" "Oo naman, ano? Bago nagkasakit si Inang, pagluluto at paglalaba ang ipinangbuhay niya sa akin para makatapos kahit high school. Palagi niya akong isinasama kapag natatawag siyang magkusinera sa mga malalaking bahay na pinaglalabadahan niya. At tinuruan niya ako ng iba't ibang klase ng masarap na putahe na gustong kainin ng mayayamang katulad mo!" natatawang wika ni RJ habang humahakbang patungo sa isang pinto. "Wow! Ang swerte ko naman pala, may driver na ako may kusinero pa. Ah, wait, saan ka pupunta?" "Sa kusina mo!" "Ah, kuwarto ko iyan, hayun ang kusina!" "Oh, sorry, hindi muna ako nagtanong!" natatawang napakamot na lang sa ulo ang binata. "O-okay lang, sarapan mo na lang ang luto, ha?" "Oo ba!" masiglang wika ni RJ. Kasiglahang nais na kuwestiyunin ng binata kung bakit kailangan niyang maramdaman sa kabila ng lihim pa ring pagdadalamhati ng kanyang puso dahil sa pagpanaw ng namulatang ina... Dahil ba ang bawat sandaling kasama at nakikita niya si Annalize ay tila napupunuan ang lahat ng kahungkagan sa kanyang puso... ________ "WOW! I can't even imagine na ang sarap mo palang magluto!" napapikit pa si Annalize habang ninanamnam ang sarap ng kare-kareng niluto ni RJ. "At ikaw naman ang sarap mong mambola!" natatawang wika ng binata habang nakatitig sa kanya. "Uy, hindi ako nambobola, ha? Ang sarap mo talagang magluto! Para kang ang papa ko, kinakabog si Mama sa sarap magluto! Hay, iba na talaga ang panahon ngayon, mas masarap ng magluto ang mga lalaki kaysa mga babae. Kaya maraming chef na lalaki ngayon. Anyway, puwede ka ba next-next week end sa out-of town? Three to four days tayo. Tumawag kasi iyong isang friend ko, ikakasal. Ako raw ang gagawing maid-of honor. Kaso, sa Ilocos. Ang layo ng biyahe, hindi ko kayang mag-drive ng ganoon kalayo. So, okay lang sa iyo? Don't worry, may overtime pay at—" "Kahit hindi mo ako dagdagan ng sahod, okay lang. Sa palagay mo ba, papayag ako na mag-drive ka ng ganoon kalayo? Ikaw pa, lagi kang nadidisgrasya kapag nagmamaneho." Kinuha ni RJ ang mangkok ng kare-kare at nilagyan uli ang pinggan ng dalaga. "Talaga? Sasamahan mo ako? O, konti lang, busog na ako!" "Oo nga! Ang kulit! Ubusin mo iyan, nahirapan akong magluto! Saka okay lang sa akin na lumayo, wala na naman akong uuwiang nanay, eh." Pagkuwa'y natigilan ang binata nang maalala na naman ang masakit na katotohanang iyon... Ilang sandaling kapwa natahimik ang dalawa, lumambong ang lungkot sa mga mata ni RJ, habang si Annalize ay waring nabalot ng pag-aalala... "Ah, huwag mo nang masyadong isipin ang nanay mo, ipagdasal na lang natin siya, ha?" "Ano pa nga ba?" napabuntong-hininga ang binata. "Minsan lang talaga ay hindi ko maiwasan. Mula pagkabata, siya na ang nakasama ko at tanging taong nag-alaga at nagmahal sa akin. Kung paano akong itinapon ng mga magulang ko, siya naman ay buong pagmamahal akong inaruga kahit na hindi niya ako tunay na anak." "H-ha? H-hindi siya ang—" "Huwag na nga nating pag-usapan iyan! Anong araw tayo aalis?" "Sa susunod na Huwebes ng hapon, Linggo ng gabi o kaya ay Lunes ng madaling-araw ang balik natin. Okay lang?" "Oo naman! Sige na, kain ka pa, ako na ang maghuhugas ng kinainan natin bago ako umalis." "Ako na!" "Hindi ako, ano? Masebo ang mga kaserola at pinggan, mapapagod ka." "Okay, salamat!" Pero tila hinahaplos ng malamig na palad ang puso ni Annalize sa tuwing mararamdaman niya na likas na maalaga si RJ, kahit pa nga sabihing pinasasahod niya ito dahil siya ang amo at tauhan lang ito... ______ LABING-ISANG oras ang biyahe mula Manila hanggang Pagudpod non-stop iyon, kung sa bus ay aabutin ng mas matagal pa. Sa mga unang oras ng biyahe nila ay nakukuha pang dumaldal ni Annalize na sa unahan ng sasakyan naupo, panay ang kuwento ng tungkol sa kanyang trabaho, lalo na sa karanasan niya sa panggagamot kay Aling Sofia... "Hayun, palagi pa ring ipinipilit na baka raw ako talaga ang anak niya. Pero hindi na siya natutulala. Nakakausap na raw ng mga nurse kahit wala ako. Saka mas may sense na ang mga sinasabi." "Talaga? Mabuti naman. May pag-asa pa ba siyang gumaling?" "Oo, sa tingin ko meron pa. Pero alam mo, kapag pinupuntahan ko siya at kinakausap, gusto niya ay hawak ang aking kamay. Minsan nga ay nagpaalam na baka raw puwede niyang haplusin ang buhok ko. Noong una ay natakot ako, baka kasi biglang manakal o manabunot. Pero sa huli, pumayag na rin ako, bahala na. Lumagay siya sa likod ko at hinaplos ang buhok ko, sinuklay. Sabi niya, kung hindi raw siya nawalay sa kanyang anak, nagawa sana niyang haplusin at suklayin ang buhok nito noong bata pa. At mula noon, madalas na niyang haplusin at hawakan ang buhok ko. Hay, ewan ko ba, masyado akong apektado sa pasyente kong iyon." "Bakit naman?" "Kasi, masyado nang malapit ang kalooban ko sa kanya. At parang nagugustuhan ko ang paghaplos niya sa buhok ko. Minsan nga, parang gusto kong maiyak. Ewan ko ba!" Pasulyap-sulyap lang si RJ sa dalaga. "Alam mo, kung lahat ng doktor sa utak ay kagaya mo, gagaling talaga ang pasyente mo," nangingiting wika ng binata habang pasulyap-sulyap pa rin sa kanya. "Bakit naman?" "Ang bait mo kasi! Akala ko talaga noon, suplada at matapobre ka." "Dahil tinarayan kita noong una tayong magkita? I mean noong na-flat ang gulong ko." "Oo!" "Hmp! Si Kulas kasi, eh, nakatukso agad! Baka daw naguwapuhan ako sa iyo! Kainis kaya iyon. Siyempre, umandar ang defense mechanism ko!" "Ganoon? Pero iyong totoo, naguwapuhan ka naman talaga sa akin, hindi ba?" Bahagyang natigilan ang dalaga, saka lumingon kay RJ. "O, huwag mo nang sagutin, baka magtaray ka na naman!" "Hmp!" inirapan niya ang binata at pahalukipkip na tumanaw sa labas. "Galit ka ba? Nagbibiro lang ako." "Hindi ako galit!" "Talaga? Bakit natahimik ka?" "Hindi nga! Mag-drive ka na nga nang mag-drive!" "Opo, Ma'am!" natatawa pa ring wika ni RJ. "Tse!" Napahalakhak na lang ang binata. Hay, bakit hindi ako matatahimik, talaga namang ang guwapo mo! Lalo na ngayong mas maayos ka nang magbihis! Hindi na masyadong tan ang balat mo dahil hindi ka na naiinitan sa pamamasada ng jeep at sa pagco-construction. Sa tingin ko, hindi ka naman talaga kayumanggi. Nakakainis! Lalo tuloy kumakaba ang dibdib ko. Oh, at kapag nalalanghap ko ang amoy mo... your manly-scent, para akong inaantok. Parang... may puputok na kung ano sa loob ng puso ko! Nababaliw na rin ba ako? Naiinis sa sariling pumikit si Annalize... Hanggang tuluyan na siyang naidlip... Kaya hindi na namalayan ng dalaga ang paminsan-minsang mga sulyap at titig na iniuukol sa kanya ni RJ kahit nagda-drive ito... Annalize... ako kaya, maari mong mapagaling? Alam ko, sigurado ako, nababaliw na rin ang puso ko sa iyo. Kapag ganitong kasama kita, lalo na iyong nagkakaroon ako ng kalayaang titigan ka ng ganito, parang sasabog na sa saya ang puso ko. Kailan kaya kita mahahawakan man lang? Iyon bang malaya akong mayayakap ka... mahahalikan... maaangkin. Napapabuntong-hiningang itinutok ni RJ ang paningin sa kalsada. Kung hindi lang ako nagdadalamhati sa pagkamatay ni Inang, siguroy ako na ang pinakamaligayang lalaki sa tuwing lalapit ka sa akin, aaluin at yayakapin noong nakaburol siya. Pero ngayon, alam kong imposible na uling mangyari iyon. Sadya lang sigurong mabait ka kaya maganda ang pakitungo mo sa akin. Dahil kahit ang isang baliw na pasyente ay nagagawa mong pakitunguhan nang maayos, magagawa mo rin iyon sa akin. Kaya kailangan ko na talagang supilin ang nararamdaman ko bago pa ako makagawa ng mali sa iyo dahil sa nararamdaman ko!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD