HINDI mapakali si RJ habang nagda-drive.
Ang tahimik naman niya! Nakatulala pa habang nakatitig sa labas ng sasakyan. Hay! Galit pa rin ba sa akin dahil... ma'am ang tawag ko sa kanya?
"Ah, may masakit ba sa iyo, Annalize?"
"H-ha?" bahagya pang napapitlag at napalingon sa kanya ang dalaga na matiim na nakatitig lang sa kawalan.
"Ang sabi ko, may masakit ba sa iyo?" sumulyap ang binata sa rearview mirror upang titigan ito sa mga mata.
"W-wala! A-ano naman ang mararamdaman ko? Saka akala ko ba, ma'am ang itatawag mo sa akin?" mataray nang tanong ni Annalize sabay irap sa kanya.
"Hmm, naisip ko lang kasi, baka mas maganda kung Annalize na lang. Sa tingin ko kasi, sa loob ng may dalawang linggong pagda-drive ko sa iyo, mas umiinit ang ulo mo sa akin kapag tinatawag kita ng ma'am."
"H-ha?"
"Pero kung gusto mong ma'am uli ang itawag ko sa iyo, sige."
"Ah, h-hindi, sige, Annalize na lang, o kaya, Anne."
"Talaga? Okay, ah! Sige, Anne na lang. Pero wala ba talagang masakit sa iyo? Baka naman may problema ka, puwede mo namang sabihin sa akin. Pangako, hindi ko itsitsismis sa iba."
"Talaga? At paano naman ako makakasiguro na hindi mo nga sasabihin sa iba?"
"Kasi, wala naman akong kakilala na kakilala mo, kaya kanino ko sasabihin? Pero kung ayaw mo—"
"Ah, ayoko pang umuwi, may lugar pa gusto kong puntahan, dalhin mo ako roon!"
"Ha?"
"Sa Sumulong Highway! Alam mo ba iyon? Sa may over-looking."
"Oo naman! Pero bakit doon?"
"Basta! Kailangan ba may paliwanag ako sa iyo kung saan ko gusto pumunta? Tatay ba kita?"
Natawa nang pagak si RJ.
"O, anong nakakatawa?"
"Wala! Bigla ko lang naalala, driver mo nga lang pala ako kaya wala akong karapatan na magtanong. Pero pakiramdam ko lang kasi, kahit na tinatarayan mo ako, hindi ka naman totoong galit. Naiinis ka lang dahil—"
"Tama na, okay? Dalhin mo ako roon, may overtime pay ka! Basta huwag mo na akong kulitin!" nag-iwas na nang tingin ang dalaga.
"Okay, sinabi mo!" Tahimik na nga lang na nag-drive si RJ...
Buti na lang at hindi ko naituloy na sabihin na hindi naman siya talaga nagagalit sa akin, kundi naiinis lang siya dahil... naiilang siya sa presensiya ko. Hay, nag-iilusyon lang naman ako, eh! Pero hanggang kailan ba ako makakatagal ng ganito? Iyon bang gustung-gusto ko siyang kausapin, marinig ang kanyang tinig, titigan... hanggang magsawa ako katititig sa kanya. Pero alam kong bawal, mali. Dahil kapag sinunod kong gusto ko, alin lang sa dalawa, palayasin na niya ako, o magawa ko ring mahulog ang loob niya sa akin? At kapag nangyari iyon, baka matuluyan akong mabaliw sa kanya. Tapos, sa huli ay hindi naman pala puwede dahil sobra akong alangan sa kanya... at baka... kamag-anak ko siya...
________
"MASYADO lang akong apektado sa pasyente kong iyon. Ewan ko ba, I feel something kapag kausap ko si Aling Sofia. Lalo na kapag tumititig siya sa mga mata ko."
"Baka naman naaawa ka lang sa kanya?"
Sumulyap si Annalize kay RJ na kasalo niya sa pabilog na mesa sa isang open-restaurant na naroon sa Sumulong Highway.
Naroon sa may gilid sa tabi ng pinaka-veranda at mula roon ay tanaw na tanaw nila ang malawak na kalungsurang nasasabugan ng liwanag ng mga ilaw na panggabi.
"Naaawa? Ewan ko. In my three and a half years of practicing my career as a psychiatrist, marami naman akong naging pasyente na kahawig ng kaso niya. May nawalan ng anak, namatayan ng minamahal, napatay ng hindi sinasadya ang isang mahal sa buhay, pero hindi ako naapektuhan ng kagaya nito." Tumanaw sa malayo ang dalaga.
"Dahil sa loob ng may dalawang linggong paggamot mo sa kanya, pagkausap, lagi pa rin niyang binabanggit na baka ikaw ang nawawala niyang anak?"
"Oo, siguro. Although alam kong imposible, pero ewan kung bakit affected ako."
Hindi makahagilap ng isasagot si RJ.
"Okay, buti pa, hayaan mo na lang muna iyang nararamdaman mo. Wala ka namang magagawa kung nagpapaapekto ka sa mga sinasabi niya maliban sa pati ikaw ay maguluhan. Baka mamaya, maniwala ka na rin na ikaw nga ang anak niya. Buti pa, ihahatid na kita. Mag-a-alas dose na, ah! Baka nag-aalala na ang pamilya mo. Saka kahit may bubong itong lugar natin, bukas naman ang paligid, malamig. Baka sipunin ka."
Sumulyap sa binata si Annalize.
"Thank you."
"Saan?"
"Sa pag-aalala mo sa health ko."
"Siyempre naman, amo kita."
"Thanks din sa pakikinig mo sa pinoproblema ko."
"Okay lang, alam mo, natutuwa talaga ako at sinabi mo sa akin. Akala ko, hindi ka magtitiwalang magtapat sa akin ng problema mo?"
"Sabi mo naman kasi, hindi ka tsismoso at wala kang pagsasabihan, hindi ba?"
"Oo naman!"
"At dahil ikaw na ang bago kong konpidante, promise, hindi na kita tatarayan at iirapan kapag magkasama tayo."
"Ha?"
"Basta promise din, hindi mo na ako tatawagin ng ma'am. Feeling ko kasi, para akong teacher kapag may tumatawag sa akin ng ma'am."
"Ganoon?"
"Oo, ganoon!"
"Sige. Pero ihahatid na kita, ha?"
"Sige!"
______
AT MULA ng gabing iyon, tila mas naging magaan na ang pagsasamahan nila bilang mag-amo at driver...
Hindi na sila nag-aangilan, o nag-iirapan, nag-uusap na sila na para bang magkaibigan na lang at hindi mag-amo.
"Ano, kinulit ka na naman ba ni Aling Sofia?" nakangiting tanong ni RJ nang maupo na sa driver's seat at nang makapasok na sa kotse si Annalize.
"Hay, ano pa nga ba? May bago na naman ngang sinasabi," pabuntong-hiningang wika ng dalaga nang isandal na ang likod sa upuan at marahang pumikit na para bang pagud na pagod.
"Talaga? Ano naman iyon?"
"Hayun, ikunuwento na niya sa akin ng buo ang mga pangyayari sa kanyang buhay. Katulong daw siya sa isang mayamang pamilya, umibig siya sa kanyang among lalaki at nabuntis siya nito. Ang problema, may asawa na ang lalaki at natakot itong matuklasan ng babae. Pinilit siyang ipalaglag ang bata pero hindi niya ginawa. Tinakasan niya ang lalaki para malaya niyang mabuhay ang kanyang anak. Pero hindi daw siya tinigilan ng kahahanap at ilang beses siyang tinangkang ipapatay pati na ang kanyang anak. Kaya nang ipanganak niya sa isang ospital ang sanggol, at dahil wala siyang pambayad sa ospital, itinakas niya ang bata, ninakaw niya ito sa nursery at tumakas sila. Ang naging problema, maling sanggol daw ang kanyang nakuha kaya nataranta siya at natakot. Iniwan niya kung saan ang nakuhang sanggol at tinangkang balikan ang sariling anak. Pero nasalubong daw niya sa kalsada ang ama ng bata kaya nagtatakbo siya. Hanggang mahulog daw siya sa isang patarik na kalsada at hindi na niya alam kung anong nangyari. Ang huling natatandaan daw niya, namalayan na lang niya ang sarili na naka-confine na sa ospital na iyon at sabi ng mga nurses at doktor ay dalawampung taon na siyang naroon. At mula noon, unti-unti na raw nagbalik sa kanyang diwa ang mga pangyayari. Pero wala raw naniniwala sa kanya."
"Talaga? Parang pelikula, ah!"
"Oo nga, eh! Pero mas lalo akong naging apektado sa mga sinabi niya. Pakiramdam ko ay totoo talaga ang kanyang kuwento. At hindi lang ang pag-aalala niya sa kanyang nawalay na anak ang dahilan kaya lumilibat ang kanyang diwa, kundi sa sumbat ng konsensiya dahil isang sanggol ang kanyang pinabayaan."
"Siguro nga! Mahirap talagang kalaban ang sumbat ng konsensiya. Pero minsan, may mga taong... walang konsensiya. Iyon bang kahit sarili nilang anak ay kayang itapon."
Napasulyap si Annalize sa binata habang nagda-drive.
"Mukhang may hugot ang salita mo, ah!"
Pero nanahimik na si RJ.
"S-sorry... may nasabi yata akong mali. Huwag ka sanang magalit kung—"
"Okay lang, huwag kang mag-alala. Huling bagay iyon na mararamdaman ko para sa iyo... ang magalit."
"S-salamat..."
Namagitan na ang katahimikan sa loob ng sasakyan...
"Ah... puwede ka bang gabihin uli ngayon?" mayamaya ay basag ni Annalize sa katahimikang iyon.
"Oo naman, bakit?"
"Wala akong pasok bukas sa ospital, puwede akong magpuyat. Gusto ko uling magpahangin sa Sumulong Highway. May bagong bukas na Padi's Point doon, gusto ko namang makarinig ng mga kumakanta."
"May nag-iinuman doon, hindi ba?"
"Oo, pero hindi ako iinom. Juice lang. Ikaw, puwede kang mag-beer at—"
"Hindi ako umiinom kapag nagda-drive ako."
"Okay! Samahan mo na lang akong makinig ng bandang kumakanta."
"Okay, sinabi mo!"
Pero bago pa nakapag-u-turn si RJ, tumunog ang cellphone nito.
"Hello? O, Kulas, bakit? Ha? Saang ospital?"
May sinabi ang nasa kabilang linya.
"Sige – sige, pupunta na ako, bye!"
"Bakit? Ano iyon?"
"Ang nanay ko raw, dinala sa ospital, inatake!"
"Ha?"
"Ah... Anne... baka puwedeng..." hindi naman nito masabi ang nais sabihin.
"Okay, ganito na lang. Idiretso mo na lang sa ospital itong sasakyan. Sasamahan na lang kita!"
"Ha? Pero—"
"Sige na, baka hinihintay ka na ng nanay mo!"
"Sigurado kang—"
"Oo nga! Sige na!"
Dahil talagang labis na ang pag-aalala ng binata, tinanggap na nito ang alok ni Annalize na samahan ito sa ospital...
_______
"ANG sabi ng kapitahay ninyo ay dinalahit daw ng ubo ang inang mo habang nagsasampay, tapos ay bumagsak na tutop ang dibdib. Buti na lang at papunta ako sa inyo para itanong kung naiwan mo iyong hinihiram kong dalawang daan kaya itinakbo ko na rito sa ospital. Wala nga akong kapera-pera, buti na lang at tinanggap na deposito iyong cellphone ko!"
"Anong lagay niya?"
Hindi agad nakakibo si Kulas, napasulyap pa kay Annalize na nasa likuran ni RJ.
"P-pumasok ka na kaya sa ICU... b-baka... abutan mo pa."
"Kulas!" nagimbal siya sa narinig. "Anong pinagsasabi mong baka abutan ko pa, ha?" galit na pnitserahan nito ang lalaki.
"P-pare, aray!"
"R-RJ, ano ba? Bitiwan mong kaibigan mo. Pumasok ka na sa loob!" maagap na saway ni Annalize.
"Hah!" Napahingal na lang si RJ, pagkuwa'y binitiwan ang kaibigan at patakbong pumasok sa ICU.
"Inang!"
"A-anak... s-salamat a-at du-mating k-ka..." humal na ang boses ni Aling Julia, may nakakabit na oxygen dito at kung anu-ano pang aparato.
"Inang, lumaban ka, ha! Huwag kang susuko!" napalapit na lang sa ina ang binata at hinawakan ang nanlalamig na kamay.
"P-pata-wad a-anak, h-hindi ko n-na kaya."
"I-inang—"
"H-hanapin mo s-si-la... a-ang tu-nay mong m-mga magulang. K-kara-patan mong makilala s-sila."
"Inang!" sargo na ang luha sa mga mata ni RJ.
"S-salamat at du-mating k-ka sa buhay ko. I-ikaw ang pinakamagandang pangyayari s-sa..." dinalahit ng ubo ang matanda.
"Inang, huwag ka nang magsalita at—"
"S-sa buhay k-ko..."
"Inang—"
"P-pa-alam..." iyon lang at hinigit na nito ang huling hininga...
"Inang! Hindi! Huwag ninyong gawin sa akin ito! Inang!" nakalulunos ang sigaw at iyak ni RJ.
"RJ, calm down, please?" napalapit na rin si Annalize sa binata.
"Hindi! Ang nanay ko! Hindi ko kaya, hindi ko kaya! Inang!" pilit pa ring niyayakap ni RJ ang wala ng buhay na ina...
"RJ! RJ, stop it! Wala na siya!" masuyong ikinulong ni Annalize sa mga palad ang mukha ng binata.
"Hindi! Hindi ko kayang mawala ang Inang ko!"
"Sshh, tahan na, ha? Tanggapin mo na lang." At sa pagnanais ng dalaga na payapain si RJ, mahigpit niyang niyakap ito. "P-payapa na siya, hindi na siya mahihirapan. I-ipagdasal na lang natin siya, ha?" saka masuyo niyang hinaplos ang buhok nito.
"Anne..." tila nabigla naman ang binata sa kanyang ginawa, hindi agad nakapag-react.
"Sshh, it's okay na umiyak, pero pagkatapos mong umiyak, tanggapin mo na lang, ha?"
"Anne!" tila batang napahikbi na lang si RJ, pero mayamaya lang, humigpit na rin ang yakap nito sa kanya habang nakasubsob sa kanyang balikat...
Tiniis na lang ni Annalize ang nadamang pagkailang dahil sa realisasyong halos wala ng pagitan ang mga katawan nilang magkayakap, mas aligaga siya sa pagnanais na pakalmahin ang isang nagdadalamhating kaibigan dahil sa pagkawala ng minamahal...
Habang nakamaang lang sa kanila si Kulas...