El Greco Forever/Series-1 Kabanata 6

2016 Words
KABANATA 6 "I-IKAW iyon! O-oo nga, ikaw nga!" napahawak ito sa kamay ni Annalize. "Anak, a-ang tagal kong nanabik na makita ka! Ikaw ang anak ko! Ikaw nga!" at sa pagkabigla nila, bigla itong tumayo at niyakap siya. "Ah, sandali lang ho at—" "Sofia, ano ba? Bitiwan mo siya!" sinikap ni Doctora Samson na ilayo ito sa dalaga. "Hindi! Siya ang anak ko! Huwag mo na akong iiwan anak, ha?" pagkuwa'y kumilos ito para isalya siya sa pader at doon inipit habang mahigpit na yakap." A-aray!" napaigik siya ng maramdaman ang pagkakauntog sa pader. "Oh, Jesus! Sofia, ano ba? Bitiwan mo siya! Nurse! Nurse! Tulong!" Agad namang pumasok ang dalawang male nurse at binaklas ang pagkakayakap ng babae kay Annalize. "H-huwag! Huwag ninyong ilayo sa akin ang anak ko! Annalize! Anak!" "Ah, halika na muna sa labas, ha? Are you okay?" "O-oho. M-medyo masakit lang, nauntog ako." "Hay, pasensiya ka na, ha? Ngayon lang naman siya nag-react ng ganyan." "Ayos lang ho." Bahagya niyang nilingon ang pasyente na napilitang suotan ng straight jacket dahil patuloy na nagwawala. At hindi alam ni Annalize kung bakit kumakabog sa kaba ang kanyang dibdib... kung dahil sa biglang pagyakap sa kanya ng baliw, o sa pagkakauntog, o sa kung anupaman, hindi alam ng dalaga. Ang sigurado niya, naaawa siya sa pasyente... at nalilito siya kung bakit napakagaan pa rin ng kalooban niya rito kahit nasaktan siya sa unang pagkikilala nila... "Salamat naman. Pero gusto mo pa rin bang ikaw ang i-assign ko sa kanya sa mga susunod na araw?" "Oho naman. Sa susunod ay magiging alisto na ako sa pakikipag-usap sa kanya." "Sige, ikaw ang bahala. Anyway, let's go to my clinic and—" Biglang tumunog ang kanyang cellphone. "Ah, excuse me lang ho, susunod na lang ako, sasagutin ko lang ito at baka importante." "Sige!" nagpauna nang humakbang ang babae patungo sa clinic nito habang naiwan siyang nakatayo sa makitid na pasilyo... Si RJ! Number niya ito! Bakit kaya? Bigla siyang kinabahan, hindi malaman kung sasagutin o hindi ang tawag ng binatang gumugulo sa kanyang diwa hanggang sa kanyang pagtulog... "H-hello?" sa huli ay sinagot na rin niya. "Hay, salamat naman at sumagot ka. Wala na akong balak na tumawag uli kung mauubos ang ring." "Ah, s-sorry... may ginagawa lang ako. P-pero tatawag naman ako sa iyo kung naubos ang ring." Pilit niyang inignora ang pagkainis dahil sa maangas nitong pananalita. "Ah, natawag ka?" "Kaya ako tumawag, para sa isang tanong isang sagot lang, ha?" "H-ha? A-ano ba iyon?" "Gusto mo ba talaga akong maging driver?" "H-ha?" hindi agad siya nakasagot... _______ "TALAGA? Ang laki naman ng sahod na ibibigay mo." "Ah, g-ganoon talaga ang bayaran sa family driver. Iyon ngang driver ng mama ko, nasa kinse ang pasahod. Okay na iyong ten thousand sa iyo kahit na baguhan ka pa lang. Minsan kasi ay kailangan mong mag-overtime kapag may biglaan akong lakad. Isa pa, sanay ka naman sa makina ng sasakyan, so, trouble-shooter ka na rin," pakaswal na wika ni Annalize, kahit ang totoo, hanggang ngayon ay kinukuwestiyon niya ang sarili kung bakit kailangan niyang panindigan ang pagtanggap sa binata bilang driver dahil lang siya ang unang nag-alok dito sa trabahong iyon. "Ganoon? Hmm, okay pala ang kitaan sa private driver, ah! Buti na lang nakilala kita. Dati ay nagtitiyaga lang ako sa barya-baryang kita sa pamamasada at sa construction. Pero ngayon, wow! Bukod sa maiipon ang sahod ko, regular ko nang maibibili ng gamot ang nanay ko!" "M-may sakit ang nanay mo?" "Ah, oo! Pero huwag siyang pag-usapan natin, kundi iyong kung kailan ako magsisimula na ipag-drive ka." "Ah, bukas! Oo nga, bukas. Ah... kasi... hindi ko pa nasasabi kay Mama na kukuha ako ng driver, so, ayoko munang ipakilala ka sa kanya. Ah, I mean... gusto ko munang ilihim sa kanila sa bahay." "Ha? Bakit?" Dahil hindi ko pa alam kung paano sila magre-react kapag nakita nilang kamukhang-kamukha ka ng Kuya AJ ko! "Ah, may iba kasi silang gusto na maging driver ko, ayoko doon, mukha kasing kaskasero at amoy-putok. Naninigarilyo pa. Ikaw, hindi ka naman siguro naninigarilyo?" "Hindi talaga! O, paano kita ipagda-drive kung hindi ako puwedeng—" "Sa labas ng subdivision namin, ilang metro mula sa main gate, doon mo na lang ako aabangan, puwede ba iyon? Mga alas-ocho ng umaga. Then, sasakay ka at ako naman ay lilipat sa likuran." "Sige, pero medyo malayo itong address mo, ha? Forber Park. Sa Munoz ako." "Ah, mag-MRT ka na lang, bibigyan kita ng allowance para sa trasportasyon." "Talaga? Sige!" "Salamat. Ah, siyanga pala, pababalehin kita. Gusto ko kasing bumili ka ng mga t-shirt na puti. Iyon ang isusuot mo araw-araw kapag ipagda-drive mo ako. Okay lang naman siguro sa iyo na mag-proper uniform ka kahit t-shirt na puti at bagong pantalon?" "Oo naman! Isa nga iyan sa pinoproblema ko. Ilan lang ang matino kong damit." "Good! So, heto, o!" apat na libong pisong papel ang inilapag niya sa ibabaw ng mesa. "Four, thousand? Ang laki naman!" "Ah, para magandang klase ng t-shirt ang mabili mo. Saka sabi mo nga kaya mo tinanggap ang alok ko, wala kang trabaho ilang araw na. Baka wala ng budget sa bahay ninyo at sa gamot ng nanay mo." "Ganoon? Okay ka talaga, ah! Tiwala ka agad sa akin? Paano kung hindi na ako magpakita sa iyo bukas kapag nakuha ko na itong four K mo?" "B-bahala ka. I-ikaw naman ang magdadala niyon. Isa pa, ipagpapalit mo ba ang apat na libo sa regular na trabaho at sweldo?" "Sabagay, hindi. Hindi naman ako ganoong klase ng tao. Kung ganoon ako, baka iyong bag mo na dala mo noong maaksidente ka, baka hindi ko na ibinilin sa nurse. Mukhang maraming laman. May Iphone pa." "Ah, oo nga. Anyway, maaga pa naman, gusto mo, samahan kitang mamili ng t-shirt mo?" "Ha?" "Sige na, ipipili kita ng magandang klase ng t-shirt." "Sige, ikaw ang bahala." "Good! Here's my key, umpisahan mo nang i-drive ang kotse ko." "Okay!" magkasabay na silang lumabas ng fastfood na iyon kung saan sila nagkita. Mula roon ay dumiretso sila sa isang mall at namili ng uniform nito. Sa huli, pitong t-shirt na puti at tatlong pantalon at isang balat na sapatos at isang sapatos na goma ang pinamili nila gamit ang credit card ng dalaga... "Huwag mo nang intindihin iyon, pa-uniporme ko na lang sa iyo iyan. Iuwi mo na lang ang pera para may pondo ka sa bahay ninyo." "Sige, salamat..." _______ KAILANGAN kong gumising nang maaga bukas, maliligo ako ng husto para naman hindi ako amoy ewan! Kailangan ko ring magsepilyo ng maayos, magmumumog ako ng listerine! Ayokong masabihang amoy-putok at amoy-imburnal ang hininga! Pero kusang natigilan si RJ ng may ma-realized... Haist! Bakit ba sobra akong excited na magtatrabaho na ako sa kanya bukas? Parang hindi ako makahinga! Kapag naiisip kong makakasama ko uli siya sa loob ng kotse na kagaya kanina... iyon bang nalalanghap kong pabangong gamit niya, nararamdaman ang init ng kanyang presensiya kahit malayo siya sa akin, at paminsan-minsan ay nakakapagnakaw ako ng sulyap sa salamin, parang puputok na sa saya ang puso ko! Napapalatak na lang siya... Ah, hindi talaga tamang tinanggap kong trabahong alok niya. Pero wala naman akong pagpipilian. Hahawakan ko na lang nang mahigpit ang puso ko... Pero kaya nga ba niyang gawin iyon? Kung sa unang araw pa lang ay madi-distract na si RJ sa ganda ng kanyang magiging amo... "Hi! Good morning!" nakangiting wika ni Annalize nang bumaba mula sa driver's seat. Humakbang ito palapit sa kinatatayuan ni RJ na kanto kung saan siya naghihintay. Kayganda ng yellow and black dress ng dalaga, may kurba ang tabas at bagsak ang tela, v-shape sa may leeg at walang manggas kaya kitang-kita ang malaporselanang kutis ng leeg at braso, parang gatas na malapot, parang ang sarap haplusin... parang... gustong sumirko ng puso ng binata dahil sa nadamang paghanga dito... "Hey, here's my key! Ikaw na ang mag-drive, doon ako sa likod, ha?" "Ha? Ah, oo, sige!" tinanggap ni RJ ang iniaabot nitong susi, bahagyang nagkasanggi ang mga kamay nila... at kay-init ng balat ng dalaga... Oh! Ramdam ng binata ang tila munting boltahe ng kuryenteng nanulay sa kanyang kamay, patungo sa kanyang braso, at animo palasong tumudla sa kanyang puso... Hey, relax ka lang, boy! Unang araw mo pa lang ngayon, baka makasuhan ka ng s****l harassment kapag nagpadala ka sa nararamdaman mo! Naiiling na lang na kastigo ni RJ sa sarili... Agad na rin siyang naupo sa driver's seat at pinaandar ang kotse. "Saan tayo, Ma'am?" kaswal niyang tanong. "Ma'am? Tinawag mo akong ma'am?" "Oo! Ikaw ang amo ko at ako ang bago mong driver. So, dapat lang na igalang kita!" sumulyap siya sa rearview mirror at tinitigan ito sa mga mata. "P-pero—" "Saan tayo?" bahagyang padaskol ang kanyang pagtatanong, indikasyon na pinuputol na niya ang usapang iyon. Napabuntong-hininga na lang si Annalize, pagkuwa'y sinabi kung saan ito pahahatid, bahagyang pagalit ang himig sabay sandal at halukipkip. Galit? Mas mabuti nang sungitan at tarayan, kaysa naman maging mabait ka sa akin. Baka maipagkamali ko pa sa kung ano ang kabaitang ipakikita mo! Sa loob-loob na lang ng binata habang nagda-drive... Habang si Annalize ay may sarili ring saloobin... Hmp! Bakit ba ako naiinis sa pagtawag niya sa akin ng ma'am? Pero bagay na bagay pala sa kanya ang mas maayos na pananamit. Bagay sa kanya kahit t-shirt na puti at pantalong maong. Kahit na medyo tan ang kanyang balat, mukha naman siyang mabango kahit mahaba ang buhok. He can carry himself well. Maliban sa buhok, mas lalo siyang naging kamukha ni Kuya AJ. Pero ang sigurado ako, hindi ko naman nararamdaman na iisang tao sila. Bukod sa imposible iyon, may sariling karakter ang lalaking ito! Ah, tama na nga! Lalo lang akong nalilito sa nararamdaman ko! Pilit na lang na itnaboy ni Annalize ang samu't saring pakiramdam na idinudulot sa kanyang presensiya ng bagong driver... _____ "ALING Sofia, kumusta na ho?" Hindi kumibo ang babae, hindi rin tumitingin sa kanya. Napabuntong-hininga na lang si Annalize. "Nagtatampo ba kayo sa akin dahil umalis agad ako kahapon? Pasensiya na ho, ha? Nagulat ako sa inyo. Pero ang totoo ho, hindi naman ako natakot sa inyo kahit na nauntog ako sa pader. Naiintindihan ko naman kung bakit ninyo ginawa iyon. Akala ninyo ay ako ang anak ninyo. Nasabik lang siguro kayong mayakap siya." Hindi pa rin kumibo ang pasyente. "Sige ho, kung may gusto kayong ikuwento sa akin, makikinig ako. Hindi ako kagaya ng iba na hindi iniintindi ang kuwento ninyo tungkol sa inyong anak." Wala pa ring sagot ang babae. "Aling Sofia... kausapin ninyo ako. Narito ako para tulungan kayong gumaling, para makalabas na kayo sa ospital na ito at makita na ninyo ang inyong anak at—" "Sabi ng mga nurse na pumigil sa akin, hindi naman daw ikaw ang anak ko. Siguro nga, hindi ikaw iyon..." "Ha?" nagulat pa siya ng biglang magsalita ang babae. Dahan-dahan lumingon sa kanya si Aling Sofia at matiim na tumitig sa mga mata niya. "Ang ganda-ganda mo! Siguro, kung nasaan man ang anak ko ngayon, kasingganda mo." "A-aling Sofia..." "Pero hindi ko rin kasi alam kung bakit parang kumislot ang puso ko nang makita kita kahapon. Ang mga mata mo, ang ilong mo, ang mga labi mo, parang nakita ko ang sarili ko sa iyo noong kabataan ko. Noong wala pang dungis ng kasalanan ang pagkatao ko." "A-Aling Sofia..." lihim na napalunok si Annalize, hindi niya alam kung bakit kumakabog sa kaba ang kanyang dibdib... "Pero salamat kung sinasabi mong nakahanda kang makinig sa kuwento ko. Pero napapagod na kasi akong magkuwento. Paulit-ulit na lang, pero wala naman yatang naniniwala. Pagud na pagod na ang aking kalooban." "Ako ho, maniniwala ako sa inyo." "Talaga? Salamat. Pero saka na lang... kapag hindi na ako pagod." "Pero..." natigilan siya nang bumaling na naman sa kawalan ang paningin ng babae... Napapabuntong-hininga na lang na natitigan ni Annalize ang pasyente... Bakit ganito? Bakit may isang bahagi ng pagkatao ko ang gusto siyang yakapin, haplusin, iparamdam sa kanya na may pag-asa pa, na hindi siya dapat mapagod sa buhay...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD