"ANO ka ba naman, Xiandra? Gabi na, ah! Uwi na tayo!" yaya ni Cherry sa dalagita.
"Mauna ka na! Hindi pa lumalabas ang mga player sa gym," wika niya sa kaklase at kaibigan na anak ng mayordoma nila.
"Ano ka ba? Dumidilim na o! Baka mamaya pa matapos ang closed-door practice nila!"
"Bahala na! Basta hihintayin ko na lang na lumabas sila. Gusto kong makita si AJ!"
"Ano ba? Grabe ka! Ano naman ang mapapala mo kung makita mo na siyang lumabas? Bukod sa siguradong pagod iyon at pawisan, hindi ka naman mapapansin. Look, hayun din ang grupo nina Shirley at Joana, naghihintay din. Siguradong bago ka makalapit sa kanya ay mahaharang ka na sa dami ng naghihintay sa kanya!"
"Bahala na! Basta hihintayin ko siya! Mauna ka na kung gusto mo! Susubukan kong gamitin itong bagong biling camera ni Daddy. Baka makapagpa-picture ako na kasama siya kahit isa lang!"
"Hay, ewan ko sa iyo! Paano naman ako mauuna, siguradong makakagalitan ako ng mommy mo kapag hindi kita kasabay na umuwi. Saka mukhang uulan na, o! Wala pa naman tayong dalang payong!"
"Ako ng bahala, sige na, mauna ka na!"
"Ayoko! Hihintayin kita!"
"Bahala ka! Basta ako, maghihintay sa kanya at – hayan na, bumukas na ang pinto ng gym! Halika, dali! Salubungin natin si AJ!"
"Teka, sandali! Huwag mo naman akong hilahin! Madadapa tayo!"
Pero tila walang narinig na nagpatuloy lang sa pagtakbo patungo sa harapan ng gym si Xiandra...
"AJ, pa-picture naman!" pero marami na ring nag-aabang na estudyante ang naunang nakalapit kay Aaron James.
"Ah, excuse me, ha? Next time na lang, I'm tired!" saka diretso nang sumakay sa kotseng nakaparada sa di-kalayuan at pinaarangkada na palayo roon.
"Ay, sayang naman! Ang tagal kong naghintay!"
"Oo nga! Ang ilap talaga niya, ano? Suplado!"
Pero kung dismayado ang ibang estudyanteng nagtiyagang maghintay kay Aaron James, lalo naman si Xiandra na tila binagsakan ng langit at lupa.
"Ano? Sabi ko sa iyo, hindi ba? Wala kang mapapala sa paghihintay—"
"Tumahimik ka na! Hindi ka nakakatulong! Lalo lang akong nabubuwisit!" saka nagdadabog na humakbang na siya palayo.
"Hey, hintayin mo ako!" nagahol pa si Cherry sa paghabol sa kanya...
Noon biglang bumuhos ang malakas na ulan.
"Ay, Diyos ko, iyan na nga bang sinasabi ko!"
Sabay pa silang napatakbo at naghanap ng masisilungan, iyon nga lang, pareho na silang mukhang basang-sisiw...
At ng gabing iyon, iniyakan niya ang pagkabigo na makapagpa-picture kasama si Aaron James El Greco...
At sa mga sumunod pang pagkakataon, palagi siyang bigo.
Kay-ilap ng isang Aaron James El Greco, kayhirap lapitan...
Pero ayaw sumuko ni Xiandra...
"A-AJ – AJ!"
Ngunit tila walang narinig na hindi man lang lumingon si Aaron James at nagpatuloy sa paghakbang patungo sa gym.
"A-AJ!" sumunod pa rin ang dalagita.
"Ops, bawal ang tao sa loob! Seryoso ang practice nila, ayaw ng maingay!" pero tatlong bantay sa pinto ang humarang sa kanya, saka tuluyan na iyong isinara.
Hmp! Nakakainis! Nakakainis talaga! Bakit ganoon? Ang hirap niyang abutin, ang hirap lapitan? At bakit ang sakit?
Pero wala pa ring balak sumuko si Xiandra...
Masyadong malalim ang paghangang nadarama niya para kay Aaron James, masyadong malalim ang damdaming ginising ng ka-schoolmate sa kanyang batang-puso...
To the point na sa bandang huli, nakagawa na siya ng isang mapangahas at mapusok na hakbang para lang mapansin nito...
"ANO ito?" maang na tanong ni Aaron James sa ka-team na si Pacoy.
"Ewan ko! Ibinigay lang ni..." lumingap ito sa paligid. "Nasaan na iyon? Nawala, ah!"
"Para sa akin?"
"Oo nga! Love letter yata!" tatawa-tawang wika nito.
"Love-letter?" napailing na lang ito. "Ikaw talaga! Sana'y hindi mo tinanggap."
"Ang kulit, eh! Basahin mo na!"
"Ayoko nga! Alam mo naman na ayoko sa mga babaeng flirt!"
Flirt?
Tila patalim na tumarak sa dibdib ni Xiandra ang narinig na sinabi ni Aaron James mula sa pinagkukublihang pader.
"Ikaw naman, love-letter lang, flirt na agad?"
"Talaga naman! Kababaeng-tao, siya pa ang may ganang magbigay ng love letter sa lalaki? No way!"
At sa pagkabigla ng nakasilip na dalagita, apat na ulit na pinunit ni Aaron James ang sulat na magdamag niyang nilamay na gawin at binilot sa kamay at itinapon sa naraanang basurahan...
No! No! I'm not just flirting with you! Gusto ko lang ipaalam sa iyo na nag-e-exist ako sa mundo mo! Gusto ko lang malaman mo kung gaano ka kahalaga sa akin... na kahit hindi ko alam at hindi ko sinasadya, hindi ko maipaliwanag sa sarili ko kung bakit gustung-gusto kita, kung bakit gustung-gusto kong mapalapit sa iyo... at kung bakit palagi kong naiisip na sana... kapag dumating na ang tamang panahon... ikaw at ako... at ikaw din ang maging ama ng mga anak ko... !
Ngunit naghuhumiyaw man sa pagtutol ang kalooban ni Xiandra, wala naman siyang lakas ng loob na magpakita rito, italampak sa mukha nito na hindi siya flirt...
Kaya hanggang makalayo na roon si Aaron James at ang kasama nito, wala siyang nagawa kundi ang tanawin ito...
Laglag ang balikat na umuwi ang dalagita ng gabing iyon... habang pilit na kinakastigo ang sarili, pinapangaralan, inuutusan na tumigil na sa kabaliwang iyon...
Para lang lalong magimbal nang pagdating sa kanilang bahay, sinalubong naman siya ng isang pangit at nakagigimbal na balita...
"A-ano ho?" maang na tanong ni Xiandra sa mayordomang si Aling Ilyang na nanay ni Cherry...
"O-oo, Xiandra, nasa ospital ang mommy mo. U-umiinom ng lason dahil... hindi niya nagawang pigilin ang papa mo na lumayas na at sumama sa... babae niya."
"H-hindi! Hindi!" tila tuluyang bumagsak sa kanya ang langit na kanina ay windang na windang na dahil sa pagkasiphayo sa ginawa ni Aaron James sa sulat niya...
Hindi niya alam kung paano siya nakarating sa ospital...
At sa ospital, halos ay hindi na niya inabutan ang huling hininga ng ina...
"M-mom... bakit?"
"A-ayoko na. H-hindi ko na kaya ang sakit ng p-pag-ignora sa akin ng papa mo. M-masakit. A-at mas masakit ngayong sumama na sa babae niya ang papa mo. K-kay Vivian. S-siya talaga ang m-mahal ng papa mo. I-inagaw ko lang siya... d-dahil akala ko, s-sapat na ang pagmamahal ko para maturuan siyang mahalin ako."
"M-Mom... h-hindi mo ito dapat ginawa! P-paano ako. M-mahal kita, t-tayong dalawa lang ay puwede nang mabuhay kahit na wala si Papa at—"
"H-hindi ko kaya! P-patawad... a-at tandaan mo, h-huwag na huwag kang magmamahal sa lalaking hindi ka kayang mahalin. I-impiyernong buhay ang dadanasin mo. N-napakasakit..."
"M-mom!"
"P-patawad... p-paalam..."
"M-mommy!"
Ngunit tuluyan nang hinigit ng ginang ang huling hininga nito.
"Mommy!" nakabibingi ang naging sigaw ng dalagita...
"Mommy!" napaalikwas nang bangon si Xinadra... pawisan at humihingal, luhaan at nagsisikip ang dibdib sa paghihinagpis. "M-mommy..."
Ngunit nag-iisa lang siya sa kanyang malamig at madilim na silid, wala na ang kanyang mama, matagal na siyang iniwan...
Napaiyak na lang lalo si Xiandra...
Mom, bakit mo ginawa iyon? Bakit winakasan mo ang buhay mo ng dahil lang sa isang lalaki? Alam mo ba kung gaano kasakit sa akin iyon? Kung gaano kalungkot ang naging buhay ko, kung gaano kahirap ang mapag-isa? Kaya ako, pinutol ko na ang kabaliwan ko noon kay AJ... dahil ayokong maparis sa iyo. Ayokong ang magiging anak ko ay matulad sa akin!