Chapter 14

2960 Words
Chapter 14 Claire's POV "Claire Ocampo! We'll count up to 20. Kapag wala ka pa rito automatic disqualified kayo," parang napipigil ang pagpasok ng hangin sa akin. Hindi ko na rin alam kung paano huminga nang maayos. "Ano? Pumunta ka na," nakataas ang dalawang kilay ni Shyra. Kahit na patuloy sa pagpatak ang mga luha ko ay malinaw sa paningin ko ang reaksyon niya. Gigil na gigil din siya dahil ang kaniyang mga labi ay nakatikom at naka-diretso ang kaniyang mga kamay sa tabi ng kaniyang balakang. Siguro minalas lang ako nang bahagya sa araw na 'to. Kung kailan may finals tsaka maman walang teachers. Clueless din ang mga nasa stage dahil maraming tao sa bawat booth at hindi halata ang nangyayari. "8,9.." mas dumarami ang mga taong nakatingin sa akin at alam kong hinuhusgahan nila ako. Ano bang magagawa ko. "17,18,19,20." Pagkabitaw ng mga salitang 'yon ay biglang may bumunggo sa braso ko dahilan para mawalan ako ng balanse dahil sobrang nanghihina na ako. Napaluhod nalang ako sa simento at nakalatag ang mga palad ko roon. Malamig na pawis ang tumutulo sa buong mukha ko kasabay ng pagtulo ng mga luha ko. "Sorry, nag-aapura kasi ako," itinayo ako ng isang estudyante at inakay ako papunta sa gilid kung saan naroroon ang upuan ng booth namin. Nawala naman ang ilang mga tao sa paligid na nanonood kanina. Hindi ko pa rin mapigilan ang pagpatak ng mga luha ko at tuloy-tuloy lang 'yon sa pagbuhos. "STEM A will just have one representative for---" naririnig ko ang sinasabi ng host kahit na hindi ko 'yon nakikita. "Claire!" Patakbong lumapit sa akin si Faye habang hawak ang spatula na ipinang-piprito niya. "Anong nangyari?" Nang makita ko siya at sa pagdampi ng kaniyang kamay sa balikat ko ay unti-unti kong nararamdaman ang pagkalma. "Claire!" Napapalibutan ako ng mga kaklase namin, ang ilan ay pinapaypayan ako at ang ilan ay hinahagod ang likod ko. Pakiramdam ko ay sobrang hina ko at naging dahilan nanaman 'to para makaramdam ako ng lungkot. Walang Marco na nagtatanggol sa akin, walang Marco na nagpapatahan sa akin sa mga ganitong sitwasyon. "Inaway ni Shyra?" tanong ni Faye. "Oo. Pero hindi ko alam kung ano ang buong pangyayari," sagot ni Kyla. Napapikit nalang ako dahil ayokong makita silang lahat na inaasikaso ako. Nag-aalisan na rin ang iba naming customer. Kami lang ang nandito at purong awa ang nararamdaman ko para sa sarili ko. Para akong batang pinapatahan mula sa pag-iyak dahil lang sa walang kwentang bagay. "Hindi pa ba kayo mag-uumpisa?" biglang napatigil ang ingay ng mga nasa paligid ko nang marinig ko ang boses ni Michael na nagtatanong. "Mag-uumpisa na, pero nag-back out ako. Ayokong humarap mag-isa sa contest dahil duo 'yon." Alam na alam ko kung kaninong boses 'yon at pakiramdam ko ay paulit-ulit akong sinasampal ng sampung tao. "Unfair para kay Claire kung ako lang ang tatayo roon. Ayokong mapahiya ang section natin at ayokong mapahiya si Claire." "Bwisit kasi si Shyra!" ramdam ko ang panggigigil ni Faye sa tono ng boses niya. Kilala ko si Faye, alam kong gusto na niyang sampalin si Shyra mula kanina pero hindi niya 'yon ginawa dahil... "Sampalin mo na si Shyra, huwag mong pigilan ang sarili mo," mariin ang bawat pagbigkas ni Kyla sa mga salitang binitawan niya. "Gustuhin ko man, hinding-hindi ko idadampi sa mukha niya ang kamay ko. Hindi ko siya kailangang sampalin para ipamukha ang kamalian niya, malalaman at malalaman niya 'yon," seryosong sambit ni Faye. Kahit na wala akong nakikita sa mga emosyon nila ay bukas na bukas nag tenga ko sa mga usapan nila. "tandaan mo, ibang humirit ang karma." Pagkatapos ng ilang minuto nilang usapan ay nagdesisyon akong tumayo. Sa pagtayo kong 'yon ay para akong mas lalong nanghina. Hindi ko alam kung bakit ba napaka-dependent ko kay Faye? Sa lahat nalang ng pangyayaring ganito palagi akong naka-depende sa kaniya. Para akong batang palaging binabantayan. "Gusto mo bang umuwi?" tanong ni Faye habang nakahawak sa balikat ko. Sinulyapan ko ang booth namin at unti-unti nang bumabalik ang mga tao. "Oo," tipid kong sagot. Agad naman siyang umalis sa tabi ko kaya gumilid muna ako sa labas sulok ng gym para hintayin siya. Nanatili akong nakayuko at kahit nawala na ang bigat sa pakiramdam ko ay nanatili ang hiya sa akin. Nakakaramdam ako ng mga tao sa paligid ko at paminsan-minsan ay sumusulyap ako sa kanila upang malaman kung sino ang naglalakad. Baka kakilala ko at makita ako sa ganitong sitwasyon. Namumula pa ang mata ko at ayokong mas lalong mapahiya. May isang lalaking naglalakad palapit sa akin. Alam kong lalaki 'yon dahil sa design ng rubber shoes niya at hamak ang laki nito kumpara sa paa ko. Bahagya kong iniangat ang ulo ko upang sulyapan kung sino 'yon. Nanlaki ang mata ko at unti-unti nanamang bumilis ang t***k ng puso ko. Hindi ko maialis sa kaniya ang titig dahil para akong batang paslit na gustong magsumbong at sabihin ang nararamdaman ko. Nabasa ko ang salita na nanggaling sa pagbuka ng kaniyang labi, "Ayos ka na ba?" Humakbang ang isa kong paa at tila gustong lumapit sa kaniya pero napatigil ako nang magtuloy-tuloy siya sa paglalakad at nakita ko si Faye na naglalakad palapit sa akin dala ang bag ko. Dala niya ang bag niya sa kanang balikat at sa kaliwang balikat ang akin. Hindi ko napigilan ang sarili kong mapatawa sa itsura niya ngayon. Nang makalapit siya sa akin ay agad naman niya itong iniabot sa akin. Pagdating namin sa gate ay bigla naman kaming hinarang ng security guard. "Bawal lumabas," saambit nito habang nakalagay sa isa niyang bulsa ang kamay. Putok na putok ang kaniyang polo dahil sa tiyan niyang may kalakihan at ang mga butones ay parang bibitaw na rin. "Galing po sa adviser," iniabot ni Faye ang isang bond paper na naglalaman ng sulat. Kinuha ito ng guard at binasa saglit kaya pinalabas na kami. May mga tricycle na nakapila malapit sa gate ng school namin. Sumakay na kami roon at tahimik lang kami sa buong byahe. Nakarating kami hanggang sa kanto kung saan palabas na sa high way. "Saan po tayo?" tanong driver. "Sa Luna Street po at sa Del---" "Sa Luna Street po kaming dalawa," pagputol ko sa sasabihin ni Faye. Ayokong umuwi. Ayokong humarap kay kuya na ganito ang itsura kahit hindi ako sigurado kung nandoon siya. Gusto ko munang pasayahin ang sarili ko at makalimutan ang nangyari kanina. "Hindi ka uuwi?" tanong ni Faye at tanging pag-iling lang ang ginawa ko bilang sagot. Nakatingin siya sa akin at nakita ko 'yon sa salamin na nasa taas. Nilingon ko siya upang magtama ang paningin namin pero bigla siyang nag-iwas ng tingin, "Magulo sa bahay." Hindi ko alam kung bakit nakaramdam ako ng kirot sa tono ng boses niya. Para siyang may gustong sabihin pero pinipigilan niya lang. Makalipas ang ilang minuto ay nakarating na kami sa kanila. Iniabot lang namin ang mga bayad at pagkababa namin ay umalis na agad ang tricycle. Papasok na sana kami sa gate nila nang bigla kaming mapatigil dahil sa ingay na nagmumula sa loob. "Wala kang kwenta! Ang bata-bata mo pa sinasagot-sagot mo na ako! Manang-mana ka sa mama mong puro katamaran ang alam!" nakita ko ang isang matanda na hinihila sa buhok ang isang dalaga. Palabas sila ng bahay at kitang-kita ko ang mga luhang pumapatak mula sa dalaga. "G-gusto mo bang bili na muna tayo ng meryenda?" tanong ni Faye. "F-Faye, a-anong nangyayari?" tanong ko sa kaniya. Pamilya nila 'yan at wala akong karapatang manghimasok. Hindi ko lang talaga maintindihan ang nangyayari. "Nay, tama na!" sigaw ng isang babae at sa tingin ko ay 'yon ang nanay ng dalaga na hinihila palabas. "Huwag kang makialam! Kaya tamad 'to eh, dahil sa'yo!" mahigpit ang pagkakahawak ng matanda sa buhok ng babae. Masakit na rin sa tenga ang sigawan nila at ang tahol ng mga aso na tula naguguluhan din sa nangyayari. "Tara na," hinawakan ako ni Faye sa kamay at nakailang hakbang na kami nang bigla siyang sigawan ng nasa loob. "Isa ka pa, wala ka ring kwenta!" hindi ko na namalayan kung gaano kabilis ang paglalakad ng matanda papunta sa amin. Nakita ko nalang na hawak-hawak niya ang buhok ni Faye at hinihila papasok habang sinisigawan. Nakaramdam ako ng matinding kaba dahil doon. Nanginginig ang kamay ko pero pilit kong inilalayo ang kamay niya sa buhok ni Faye. Nakikita ko ang mag luhang tumutulo galing sa kaniyang mga mata at ramdam na ramdam ko ang kirot sa kaniyang anit. "Tama na po!" 'yon lang ang nasambit ni Faye habang patuloy pa rin siyang sinasabunutan. Nakarating na kami sa terrace nila pero hindi pa rin siya binibitawan. Patuloy ko pa ring hinahawakan sa kamay ang matanda upang maalis sa pagsabunot kay Faye. Bigla naman siyang naitulak ng babae papasok sa terrace na dahilan upang mapabitaw ang matanda. Nakakapit si Faye sa hita ng dalaga at bigla namang may humila sa akin. "U-umuwi ka na muna, ha? Pasensya na medyo magulo sa bahay. Sige na , ito oh, pamasahe mo," nakahawak sa balikat ko ang nanay ng dalaga at inaabot sa akin ang isang daan. Ayokong tanggapin 'yon at ayokong umuwi. Nakikita ko sila Faye na umiiyak habang mabibigat na hakbang ang ginagawa ng matanda. Mabigat sa loob ko kung aalis ako, ayokong iwanan sila, hindi lang dahil kay Faye kundi dahil na rin sa mga kasama niya. Hindi ko alam kung bakit ganoon ang nangyayari, ni walang nabanggit si Faye sa akin tungkol sa sitwasyon o anumang problema. "Hindi po ako uuwi," sambit ko sa babae. "Nak, sige na. Nakakahiya at magulo rito. Ayaw lang namin na madamay ka sa simpleng away. Sige na, kunin mo na 'to at bumalik ka nalang bukas," pilit pa rin niyang inaabot sa akin ang pera pero hinding-hindi ko 'yon tatanggapin. Isang buntong hininga ang ibinigay ko. Labag sa kalooban ko pero tama naman siya, hindi ako pwedeng madamay sa away nila. Pero hindi 'yon simpleng away. Bakit may sakitan? "Uuwi po ako, pero hindi ko matatanggap ang pera. Gusto ko pong magkaayos kayo at masolusyunan ang anunang away ninyo. Kung magkaproblema man po nandito po ako para damayan kayo." Nag-umpisa na akong maglakad at nakarating na ako sa tindahan malapit sa labasan ng Luna Street. Nakahawak ako sa strap ng bag ko habang patuloy na iniisip kung ano bang malalim na dahilan. Bakit ba galit na galit 'yong matanda? "Claire!" halos malaglag ang puso ko nang biglang may tumawag sa akin kaya agad kong nilingon 'yon. Si Kuya Sean pala, nakasakay sa motor. Anong ginagawa niya? "Bakit?" tanong ko sa kaniya habang minamanyobra ang kaniyang motor. "Pinapasundo ka ng kuya mo," sagot niya at inihinto ang motor sa harap ko. "Sakay." Hindi na ako pumalag dahil wala naman akong pupuntahan. Nasa iisang barangay lang kami ni Faye pero malalaki ang distansya sa bawat street. Wala akong kilala rito kaya mas gugustuhin kong umuwi. "Nasaan si Ate Zoe?" tanong ko habang nakaangkas sa likod. Nakahawak ako sa likod ni Kuya Sean dahil alam ko kung paano siya mag-drive. "Mas pasok hanggang mamayang alas dos." "Eh ikaw, wala?" Medyo nilalakasan ko ang boses ko dahil lumalakas ang hanging tumatama sa aming dalawa. "Wala." Ilang minuto pa ang lumipas ay nakarating na kami sa amin pero sa isang direksiyon napako ang atensiyon ko. Ipinapasok ni Kuya Sean ang motor pero nanatili akong nakatingin sa tao na nasa labas ng bahay namin. Pagkahinto ng motor ay bumaba agad ako at palabas na ako ng gate nang biglang bumulong si Kuya Sean sa akin, "Manliligaw mo?" Nanlaki ang mata ko nang banggitin niya 'yon. "H-hindi," pagtanggi ko kahit na alam kong alam na niya. Hindi naman ako natatakot na malaman nila ang tungkol doon pero nakakahiya lang kasi baka bigla nila akong asarin. Nasa gate na ako nang makita kong pinagmamasdan niya ako mula kanina. "B-bakit ka nandito?" Bumibilis nanaman ang t***k ng puso ko. Nakakakaba dahil baka nakita niya 'yong kanina at isiping masama ang ugali ko. Hindi naman ako takot na ma-turn off siya sa akin pero baka kasi ipagkalat niya. "Ayos ka lang?" tanong niya sa akin. Nakasukbit sa magkabilang balikat niya ang strap ng bag. Ang panyo niya ay nasa bulsa ng kaniyang denim pants at nakalaylay ang kalahati nito. "H-ha? O-oo naman. Bakit naman ako hindi magiging ok?" "Dahil sa kanina." Mas lalong bumilis ang t***k ng puso ko at nakakaramdam ako ng panghihina. Nakakahiya at nakakatakot. "Huwag kang mag-alala, alam kong wala kang kasalanan. Nandito ako para yayain ka sanang mag-date, may bagong bukas na milktea shop malapit sa palabas ng street ninyo." Matapos niyang sabihin ang mga salitang 'yon ay para akong nabunutan ng tinik sa dibdib. Ang bigat sa loob na paulit-ulit akong nakakaramdam ng hiya at pagkadismaya sa mga nangyayari. "Tara?" tanong niya muli. Malinaw na malinaw ang kaniyang matamis na ngiti. At kahit mukha siyang highschool student na inaaya ng mga kaibigan sa computer shop, nagmumukha siyang disente dahil sa paraan ng pagyaya niya sa akin. Kinuha niya ang panyo na nasa bulsa ng kaniyang pantalon at itinupi para maging square. Iniayos niya rin ang bag niya at kinuha ang bag ko mula sa akin. Para siyang boyfriend na may naka-handang surprise---hindi! "Halika na." Sa paghawak niya sa kamay ko, pakiramdam ko nawala lahat ng lungkot na nararamdaman ko. Para akong muling nakaramdam ng kaligayahan mula sa lungkot sa matagal na panahon. Nakarating na kami malapit sa palabas ng street nang makita naming maraming dumaraang sasakyan kaya gumilid na muna kami sa isang tindahan. Nang makalipas ang ilang minuto ay namalayan kong magkahawak pa rin kami ng kamay. Aalisin ko na sana pero mas lalo niyang hinigpitan ang pagkakahawak. Nilingon ko siya at nakatingin siya sa akin habang nakangiti. Nakakaramdam ako ng kiliti sa buong katawan at tila purong kilig ang nararamdaman ko ngayon. "Tara na," sabay kaming naglakad at tumawid. Saglit lang kaming naglakad sa kabilang kalsada at nakarating na kami sa milktea shop. Naka-aircon sila at halos walang tao. Maliit lang ang shop na 'to at parang nakatago. Isa pa, may pasok ngayon kaya hindi pa dinadagsa ng mga customer. "Good day, ma'am and sir! Dito po tayo para maka-order," naka-sensyas ang isang babae sa counter na pumunta kami sa harap niya para ilista ang order. "Dark chocolate sa akin, sa'yo?" tanong niya. "Strawberry," tipid kong sagot. Naupo ako sa sulok kung saan malapit sa pinto. Tago lamang dito parang kung sakaling may pumasok na kakilala namin ay hindi nila ako makikita. "Dalawang medium na ang in-order ko, nakalimutan kong tanungin 'yong size ng iyo." Napatitig lang ako sa kaniya habang paupo siya sa pwesto namin. "B-bakit?" tanong niya. "Ha? Wala, ang formal lang kasi ng porma mo ngayon. Para kang makikipag-date sa girlfriend mo," sambit ko. "Ganito ba 'yong outfit kapag makikipag-date? Wala pa akong naging girlfriend ni minsan kaya hindi ko alam. Mahina lang si Wyett Lopez," pabiro niyang sambit. "Order for Wyett Lopez," napatigil kami sa pag-uusap nang tawagin siya ng babae mula sa counter. Kinuha niya lang ang order namin at bumalik na sa pwesto namin. Habang umiinom kami ay nakatitig lang ako sa kaniya. Nakatingin siya sa cellphone niya habang walang emosyon na nakikita mula sa kaniyang mukha. Nag-kwentuhan lang kami saglit at maya-maya pa ay nag-desisyon na kaming bumalik. Inihatid niya lang ako sa bahay at pagpasok ko ay sinalubong ako ng mga pusa. Hindi na ako nakapasok kanina kaya hindi ko sila nasalubong. "Anong nangyari? Sinong nanakit sa'yo?" naagaw ni kuya ang atensiyon ko. Nakatayo siya sa pinto ng terrace habang nakayakap ako kay Kat-kat. "W-wala." "Anong wala? Sinabi sa akin ng adviser niyo. Ano bang nangyari?" malalim ang kaniyang boses at parang namumuo ang galit sa loob niya. Pumasok na muna ako at hinubad ang sapatos para maipahinga ang paa ko. Nakasunod pa rin siya sa akin at kahit hindi ako tumitingin ay alam kong todo titig siya sa akin. Tumayo ako para sana pumasok sa kwarto at makapag-pahinga pero napatigil nalang ako dahil sa sinabi niya. "Ayokong may nananakit sa'yo. Alam kong hindi mo kayang humarap mag-isa sa mga 'yon dahil alam ko 'yong kondisyon mo. Claire, kuya mo ako, matuto kang magsabi ng mga problema." Kusang gumalaw ang katawan ko para lumapit sa kaniya para yakapin siya nang mahigpit. Doob ko nalang namalayan na bumabagsak na lahat ng luha na kanina ko pa pinipigilan. "Claire, hindi masamang maglabas ng emosyon. Walang masama roon lalo na kung doon mo mailalabas ang bigat na nararamdaman mo." Wala akong lakas na maibuka ang bibig ko para magsabi ng kahit na anong salita. Puro hikbi lang ang nagagawa ko at kahit basang-basa na ang mukha ko ng mga luha ay hindi ko 'yon pinansin. Gabi na at 8:30 palang ay nakakaramdam na ako ng antok. Pinili ko nalang munang matulog at magpahinga. "Claire, hindi ka ba yayakap bago ako umalis?" Nakatingin ako sa maliwanag na lugar. Nakatalikod siya roon at parang hinihila siya papalayo sa akin. "Claire, wala ka bang sasabihin bago ako magpaalam?" Makinang ang mga luhang pumapatak mula sa kaniyang mga mata. "Kinalimutan mo na ba ako?" Mas lumalayo siya sa akin at palapit na siya sa liwanag. Hindi ko magawang ibuka ang bibig ko. B-bakit? Ano bang nangyayari? "Claire, hindi mo na ba ako mahal?" Matapos niyang sambitin 'yon ay bigla nalang siyang naglaho at puro liwanag ang nakita ko. "H-hindi!" napadilat ako nang isigaw ko 'yon. Ang bilis ng t***k ng puso ko at ang init sa pakiramdam. Pawis na pawis ako dahil hindi nakabukas ng electric fan. Kinuha ko ang cellphone sa tabi ko at tinignan ang oras, 10:45. Nanginginig ang kamay ko at kabang-kaba pa rin ako. Bakit siya nagpakita? Tinignan ko ang date sa cellphone. "June 17," pabulong kong sambit. Ng-ngayon ang death anniversary niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD