Chapter 13
Claire's POV
"Titig na titig ka nanaman," ihininto ko muna ang panonood nang batiin ako ni Faye. "Ano 'yan?" tanong niya.
"Music video ng Lapidang Puti," sagot ko.
"Parang amazed na amazed ka," sambit niya sa akin habang nakahawak sa librong binabasa niya.
"Naka-maskara kasi si Aikiel," napataas ang isang kilay niya nang sabihin ko 'yon.
"Oh? Eh hindi ba palagi naman siyang naka-maskara? I mean buong grupo. Anong bago roon?" sambit niya sa akin.
May point naman siya pero kung nakita niya 'yong excitement ko noong unti-unting tinatanggal 'yong maskara sure ako maiintindihan niya. Akala ko naman kasi talaga tatanggalin na pero hindi na sila BIZARre kung makikita na 'yong mukha nila.
"Hoy!" hindi ko namalayang nakatulala nanaman pala ako sa picture ng grupo habang kinakausap ako ni Faye. "Ituloy mo na 'yong sinasabi mo."
"Kasi 'di ba nga palagi silang naka-maskara? Tapos sa music video sa dulo akala ko magtatanggal talaga ng maskara si Aikiel."
"Feeling ko hindi rin mangyayari 'yon. Mangyayari siguro pero matagal pa. You know 'di ba, BIZARre nga," sambit niya sa akin.
Matapos ang maikling usapan na 'yon ay mahabang katahimikan ang bumalot sa amin.
Nagkaroon lang ulit ng ingay nang kumatok si kuya sa pinto ng kwarto ko. "Claire," pagtawag niya sa pangalan ko.
Agad naman akong tumayo para pagbuksan siya at habang hawak ko ang door knob sa loob ay nakahawak siya sa door knob sa labas.
"Kumusta pala 'yong contest?" tanong niya. Nakalimutan ko na rin 'yong tungkol doon sa sobrang lalim ng iniisip ko tungkol kay Aikiel.
"Oo nga pala, pasok kami sa semi-finals," sagot ko. Nakatitig lamang si kuya sa akin at maya-maya ay tinapik nang dalawang beses ang balikat ko.
"Galing ah, libre kita bukas kapag nanalo kayo," sabi niya sa akin habang ibinibigay sa akin ang masayang ngiti.
"Kapag hindi?" tanong ko.
"Ililibre pa rin," sagot niya na dahilan ng pagngiti ko. "Makakalimutan ko na nga sana dahil busy rin ako pero tumawag sila mama."
"Ang daya naman. Bakit sa'yo lang tumatawag pero sa akin hindi?" tanong ko na may halong totoong pagtatampo. Kapag kasi hindi nakakatawag sila mama palaging late na tumatawag at kay kuya lang talaga.
"Baka raw kasi busy kang kausap si---" agad kong tinakpan ang bibig niya gamit ang isa kong kamay na kusang bumitaw mula sa door knob. Tumama ang door knob sa braso ko at kahit masakit 'yon ay hindi ko na muna pinansin dahil mas lamang ang kaba ko.
"Bakit?" kahit nakatakip ang kamay ko sa bibig niya at kahit hindi masyadong malakas ang boses niya ay naiintindihan ko pa rin 'yon.
Napalingon ako kay Faye na nakatingin sa amin habang nakaupo. Nakahawak pa rin siya sa librong binabasa niya at nakabukas pa 'yon. Mas kinabahan ako dahil nakatingin pala siya sa amin. Paano kapag umalis si kuya at bigla niya akong tanungin kung bakit ang weird namin? Paano kung hindi siya tumigil sa pagtatanong? Anong sasabihin ko?
"Bakit?" nagbigay ako ng awkward na ngiti sa kaniya. Sa sobrang lalim ng iniisip ko ay hindi ko namalayang ang tagal ko palang nakatitig sa kaniya.
"A-ahh wala," sagot ko. "Ang ingay ni kuya, pagpasensiyahan mo na, ako lang kasi 'yong mas inaalagaan ng mga magulang namin."
Kahit na alam kong natatawa siya ay pilit niyang pinigil 'yon. Kahit gaano kami ka-close at minsan ay talagang wala na siyang hiya sa akin dahil sa mga kabaliwang ginagawa niya ay sobra pa rin ang hiya niya kay kuya.
"Sige na, congrats ulit, galingan mo bukas," sabi ni kuya at isinara ang pinto ng kwarto ko tsaka umalis.
Around 11 PM na at hindi ko na naisipan pang mag-review bago matulog. Pagod din ako at gusto kong mahiga nalang nang walang iniisip. Napalingon ako kay Faye na natutulog na rin dahil humihilik siya nang mahina at kahit humihilik siya ay madalang 'yon.
Bigla namang nag-vibrate ang cellphone ko at umilaw 'yon kaya tinignan ko agad kung anong mayroon.
"Sorry ngayon lang. Busy kasi kanina dahil may pinapagawa 'yong tatay ko. Can I call?" and after I read that message, I just found myself smiling at the front of my cellphone screen.
Habang pinagmamasdan ko ang screen ng cellphone ko at iniisip ang ibang bagay ay narinig ko ang ingay mula sa labas.
Binuksan ko ang pinto ng kwarto ko para tignan kung ano 'yon. Nakita ko si kuya na inaayos ang isang upuang sira ang isang paa.
"Bakit?" tanong ko sa kaniya.
"Tumalon si Carl sa hita ko eh, nagulat ako kaya bigla akong napagalaw. Nabali yung paa ng upuan," sagot niya nang hindi lumilingon sa akin.
Speaking of Carl, napaisip ako kung nasaan si Katkat. Masyado akong busy sa sarili ko kaya hindi ko na naisip kung nasaan siya.
Bigla namang may humuni mula sa loob lamang ng kwarto ko kaya isinara ko ang pinto at hinanap kung nasaan siya.
"Katkat," pabulong ang pagtawag ko sa kaniya dahil ayokong magising ko si Faye. Muli nanaman siyang humini bilang sagot at sinundan ko ng pandinig ang huni niya.
Pagtingin ko sa ilalim ng kama ay naroroon siya. Kinuha ko naman siya at may sumamang isang punit na papel sa kaniya. Siguro'y kasing laki lamang ng kuko ko sa hinlalaki ng kamay ang papel na 'yon. Baka kung saan niya kinuha 'yon pero gabi na kaya bukas ko nalang kukunin.
Friday na at last day na ng event ng senior high school. Maraming tao sa gym at halos lahat ay nag-aayos ulit ng mga paninda. Hindi naman na inalis ang tent namin at wala rin namang nag-alis dahil isa rin 'yon sa mahirap i-set up.
Nasa booth na rin kami ngayon at tumutulong sa pagtitinda. Breaktime ngayon kaya maraming bumibili. Sa public school ako nag-aaral kaya talagang maraming students.
Nagsisigawan nanaman sila at nape-pressure ako sa sabay-sabay nilang salita. Tinignan ko sila at parang may rally dahil dikit-dikit sila at nakalahad ang kanilang mga kamay na may hawak na pera.
Nakakaramdam nanaman ako ng kaba kaya umiwas nalang ako ng tingin. Medyo nanginginig na rin ang kamay ko na parang ganoon sa kahapon. Si Don lang ulit ang kasama ko dahil nagluluto ang iba at ang iba ay nag-aaya ng mga costumer. May ilan din na hindi tumutulong sa amin at naglalakad-lakad lang pero hindi ko na 'yon inintindi.
"Ang tagal naman."
"Ang tagal nilang maghanda ng orders, 'di naman masarap."
Kahit na hindi magaganda ang comments nila tungkol sa serbisyo namin ay pinilit kong huwag nang pansinin 'yon. Ramdam ko na ang pagtulo ng malalamig na pawis sa noo ko. Ang kaninang nanginginig kong mga kamay ay tila nagiging pasmado dahil sa pawis na lumalabas mula roon. Pati na rin 'yong kamay kong nanginginig ay mas nanginig pa lalo.
"Tumulong nga kayo!" sigaw ni Don sa mga kaklase naming palakad-lakad lang sa gym. Agad naman silang nagtakbuhan palapit sa amin pero ang iba ay parang walang narinig.
Katabi ko na ang iba sa kanila pero tinapos ko nalang ang inihahanda kong nuggets para sa costumer na nasa harap ko, at siya 'yon. "Thank you," sambit niya gamit ang malambing na boses.
"Tawag ka ni Faye sa likod," bulong sa akin ng isa naming kaklase habang nakahawak ang isa niyang kamay sa braso ko.
Nilingon ko naman siya at magkalapit na magkalapit lamang ang mukha namin. Ang pagbilis ng t***k ng puso ko ay alam kong dahil sa kaba. Kasama na rin ang kahihiyan dahil nasa harap kami ng mga tao.
Nagkakagulo pa rin sila kaya mas minabuti kong umalis na kaagad doon. Naglakad ako papunta sa likod at naabutan ko si Faye na kasalukuyang nagluluto ulit ng nuggets. Mas mabenta ang cookies at chocolates namin pero ang nuggets pero okoy lang naman talaga ay ginagawa nilang ulam.
"Tawag mo raw ako?" tanong ko sa kaniya. Kitang-kita ko kung paano tumalsik ang mantika papunta sa kamay niya pero parang wala lang sa kaniya 'yon.
"Hindi kita tinatawag," sagot niya habang seryoso sa pagluluto.
"Weh? Sabi ni Michael," sambit ko ulit. Kinuha ko ang stainless na bowl na paglalagyan ng mainit na nuggets. Kinuha ko rin ang strainer na malaki para may salaan ang mga mantikang nakakapit sa nuggets.
"Hindi nga," medyo suplada ang tono ng boses niya at parang wala siya sa mood. Tinitigan ko siya at seryoso lang siyang nakatingin sa piniprito niya. Deep fry ang ginagawa niya pero nauubusan na ng mantika ang mga piniprito niya.
"Lalim," pagbibiro ko sa kaniya pero tila hindi siya natinag. Nakatingin pa rin siya sa piniprito niya habang patuloy sa paggalaw ang spatula na gamit niya upang mahalo ang mga nuggets. "Ah sige."
"Claire and Don, punta na kayo sa harap ng stage," rinig ko ang pagtawag ni sir sa amin kahit naroon siya sa harap kasama ang mga costumer.
"Alis na muna ako," pagpapaalam ko kay Faye. Hinintay ko ang sagot mula sa kaniya pero wala siyang binitawang salita kahit isa. Kahit mabigat sa loob ko ay hinayaan ko na lamang. Pagtalikod ko sa kaniya ay tsaka pa lamang ako naglabas ng isang buntong hininga.
"Claire, tara na!" pasigaw ang pagtawag sa akin ni Don kaya minadali ko nang sumunod sa kaniya dahil naroroon na siya sa tapat ng mga poste sa gym.
"Good morning, everyone!" mas minadali ko ang pagtakbo dahil nasa dulo palang ako ng gym at ang mga kalaban namin ay nasa stage na.
"May we call on the participants in quiz bee," pag-akyat namin ay maraming taong nagkagulo sa harap ng stage. May mga junior high school na nakatingin sa aming lahat kaya mas lalo akong na-pressure. Iba nanaman ang kabang nararamdaman ko at nilalamig ang buong katawan ko.
Kahit nagsasalita ang host ay hindi ko 'yon maintindihan. Para akong nabibingi sa sarili kong kagagawan. Nakatitig silang lahat sa amin, may ibang mapapahinto pero aalis din pero karamihan ay nanonood sa amin. Lima kaming naglalaban-laban at nasa gitna kami kaya doble ang pressure. Malapit sa hagdan ang dalawang pair ng participants kaya hindi masyadong nasisilip. Ang dalawang pair na nasa tabi namin ay may katabing teachers na nagbabantay kaya kung minsan ay nahaharangan din sila.
Nakita ko nanaman siya, naroroon sa isang poste habang hawak ang cellphone. May hawak siyang panyo sa kaliwang kamay at naka-sukbit ang backpack niya. Nakangiti lamang siya sa akin at kahit kinakabahan ako ay parang kumalma ako nang bahagya dahil sa ngiti niya.
"Claire," bigla akong napalingon kay Don nang bigl niya akong tapikin sa balikat.
"H-ha?"
"Nakangiti ka, naalala mo nanaman siguro 'yong napahiya si Shyra," kahit na hindi 'yon ang iniisip ko ay muli kong naalala kung paano siya napahiya kaya bahagya akong natawa.
Nag-umpisa na ang quiz bee at medyo pressured kami kaya ang two points sa easy round na may tatlong question ay hindi namin nakuha.
"Bawi tayo sa average at difficult," bulong niya sa akin. Kahit papaano ay kumakalma ako dahil sa pagpapalakas niya ng loob sa akin. Pinagmasdan ko naman ang mga tao sa gym at nabawasan na sila. May ilang senior high school na nanonood sa amin.
Mas malinaw naman ang paningin ko ngayon at klaro kong nakikita ang mga kaklase ko. Nadaplisan ng tingin ko si Faye na sumulyap lang sa akin at hindi nag-iwan ng ngiti. Iniisip ko tuloy kung anong problema at bakit parang galit siya.
Natapos ang average round at tie lang kami ng GAS. Pabawas na nang pabawas ang tao at bago mag-umpisa ang difficult round ay nakita ko si Sir Gino na naka-thumbs up sa amin kaya nabawasan ang kaba ko kahit papaano.
Wala pang tumatama sa amin kahit dalawang tanong na ang naitatanong. Huling tanong na at kung sino ang makakasagot ay sure na panalo na.
"21st Century Literature," nagtinginan ang mga kalaban namin at parang halos lahat ay kinabahan. "A form of digital poetry that uses links usung hypertext mark-up. It is a very visual form and is related to hypertext fiction and visual arts."
May twenty seconds kami para mag-sulat kaya pinilit kong isipin. Sayang din ang five points dahil malaking lamang na mula sa mga kalaban at malaki ang chance na makapasok kami sa finals.
Samping segundo nalang kaya minadali ko ang pagsusulat. Si Don ay nabigla nang makita kung gaano kabilis ang galaw ng kamay ko.
"Time's up!" sabi ng host. Narinig ko ang pag-declare ng host kaya confident akong itinaas ang board.
"The answer is Flash Fiction," para nanaman akong nabingi at tumigil ang lahat. Nakatingin sila sa akin dahil kitang-kita ang confidence ko sa pagtataas ng board. Dahan-dahan kong ibinaba 'yon at lalapag pa lamang sana sa table namin nang bigla ulit magsalita ang host. "I'm sorry."
Tumayo si Sir Gino at ang isa pang teacher. Sumesenyas sila na manghingi ng microphone dahil mukhang may problema. Iniabot sa kanila ng isang mic at kay Sir Gino 'yon ibinigay.
"It's hypertext, flash fiction is a very short fictional literature," nabubuhayan ako ng loob dahil sa sinabi ni sir.
Napatingin sa cellphone ang babaeng host at tinignan din ang index card na hawak nila.
"We apologize for the wrong answer we got. The correct answer is hypertext and STEM got the correct answer."
"Pasok po sa ating finals ang STEM, GAS and IA." nagtinginan sa stage ang mga kaklase namin habang pumapalakpak at ang iba ay nagsisigawan pa sa sobrang tuwa.
Pagbaba namin ay isang tapik sa balikat ang ibinigay sa akin ni Sir Gino samantalang inakbayan naman niya si Don.
Nag-uusap sila tungkol sa isang bagay kaya nauna na ako at pinuntahan ang mga kaklase ko.
"Congrats!" Iyon ang ibinungad nila sa akin kaya kahit na may kaba pa ring naiwan ay hindi ko 'yon iniisip.
"Sungkitin niyo 'yong first place."
"Tapos hingan natin ng pa-blow out si sir."
Puro sigawan at may halong tawanan ang tanging naririnig ko mula sa kanila. Si Michael naman ang sumabak sa semi-finals at tama ang timing dahil kakaunti ang bumibili kaya makakapanood kami sa kaniya.
Pinuntahan ko si Faye sa lutuan. Mag-isa lang siya roon at tahimik. "Faye," pinilit kong kuhanin ang atensiyon niya per parang wala siyang narinig. "Bakit ang tahimik mo?"
Maingay sa harap ng booth namin pero dahil nandito kami sa likod ay katahimikin ang bumalot sa aming dalawa. Nakaupo sya sa monoblock na katabi ng kalan. Nakatingin lang siya sa mga nagdadaan sa paligid ng gym.
"Faye," hahawakan ko palang siya sa braso ay tumayo na siya na dahilan para bawiin ko ang kamay ko mula sa paghawak sa kaniya.
"Manood ka nalang muna roon. Gusto kong mapag-isa," sagot niya.
Kahit masakit at sobrang bigat sa loob dahil napapatanong ako sa sarili ko ng "bakit?" ay ginawa ko ang sinabi niya. Galit ba siya sa akin? May nagawa ba akong mali? Bakit umiiwas siya?
Natapos ang laban ni Michael at pasok din siya sa semi-finals. Masaya ako para sa section namin pero hindi ako masaya para sa nangyayari sa amin ni Faye.
Lunch time na at tapos na ang sampung minuto para kumain kami. Mas dumarami ang bumibili sa amin ng nuggets dahil 'yon ang ginagawa nilang ulam.
"Damihan niyo raw 'yong luto. Nag-aapura sila," wika ni Don sa amin nang sumilip siya. Para siyang natataranta at hindi mapakali, para siyang takot at hindi ko maipaliwanag.
"Sino ba ang nagsabi?" pasigaw na tanong ni Faye. Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya ako kinakausap pero kahit papaano ay hinayaan niya akong tumulong sa kaniya.
"Si Shyra," mahinang sagot ni Don. Halos katabi ko lang siya kaya sapat ang lakas ng boses niya para marinig ko 'yon. "Kahit daw hindi luto masyado, nagrereklamo na raw kasi 'yong mga bumibili."
Ibinagsak ni Faye ang spatula sa tabi ng kalan na dahilan para magbigay ng malakas na tunog. Kitang-kita ko kung paano siya padabog na pumunta sa harap.
"Huwag nga po kayong magkagulo! Ayaw namin kayong bigyan ng hilaw na pagkain kaya please lang, maghintay kayo!" akala ko ay si Shyra ang susugurin niya pero siguro nahihiya lang siyang supalpalin ng mga salita si Shyra kaya kinausap niya nalang ang mga bumibili. Pagbalik niya ay medyo kalmado na ang tunog na nagmumula sa harap.
Matapos ang pagluluto namin ay pumalit ang iba sa aming dalawa ni Faye. Sinamantala namin ang natitirang samping minuto para kumain dahil maya-maya lang ay sasabak na kami sa finals.
Nakaupo ako sa bench malapit sa gym habang hawak ang cup na may spaghetti na binili ko sa kabilang section at limang pirasong nuggets na mula sa tinda namin pero binili ko 'yon. Nakita ko si Faye na nandoon lang sa tabi ng mga nagluluto habang kumakain.
Habang sumusubo ako ng spaghetti ay naramdaman kong may papalapit sa akin. "Pwede ka bang makausap?" tanong niya sa akin. Dahil puno ng pagkain ang bibig ko ay tango lamang ang naisagot ko. "Alam mong ako ang leader sa cheering 'di ba? Bakit hindi mo sinabing i-move?"
Nilunok ko ang pagkain bago siya binigyan ng sagot. "May deduction sa points, sayang 'yon. At maraming ibang contest hindi lang 'yon, magugulo ang schedule kapag nagpa-move kami."
Nakatitig lang siya sa akin pero hindi ako natinag kaya nakipagtitigan din ako. "Eh ano 'yong sinasabi ni mommy na pinagdamutan mo raw siya ng pagkain?" nag-iba ang tono ng boses niya at kitang-kita ang labis na inis na nararamdaman niya.
"Wala akong ipinagdamot. Kung tutuusin nga wala siyang sinabi bago niya kinuha 'yong pagkain. Binili ko 'yon para sa akin at bayad na 'yon---"
"Ayoko sa lahat 'yong nagsisinungaling sa akin," sasagot palang ako nang lumapit sina Ann at ang iba pa niyang kaibigan.
"Wala akong ipinagdadamot. Kilala mo ako, Shyra, never akong nagdamot."
Pagtalikod ko sinigawan ako ni Shyra. "Bastos kang babae ka! Hayop ka!" mabilis ang paglalakad niya palapit sa akin base sa tunog ng yabag ng kaniyang mga paa.
"Humarap ka sa akin! Kinakausap kita, huwag mo akong talikuran!" sigaw niya ulit kaya sa pagkakataong 'yon ay tumingin sa akin ang mga kaklase ko, pati si Faye.
"Wala nga," pinipilit kong maging kalmado kahit na naiinis na ako sa mga inaakusa niya sa akin.
"Tinatawagan po ang mga nanalo sa quiz bee duo edition," naglakad ako papasok sa gym pero nakasunod pa rin siya. Itinapon ko ang cup na ginamit kong lalagyan ng pagkain at lalakad na sana ako papunta sa stage dahil malapit na ulit sa taas si Don nang sumigaw nanaman siya.
"Umamin ka na kasi! Wala namang ibang makakaalam na pinagdamutan mo kami ng nanay ko!" pagkatapos niyang isigaw 'yon ay lumapit ang karamihan ng mga nasa gym. Nakapaikot sila sa amin at parang nag-aabang sa susunod na mangyayari.
Pumikit ako nang kaunti dahil unti-unti ko nang nararamdaman ang panginginig ng kamay ko. Nawawalan na rin ako ng maayos na paghinga.
"Claire Ocampo, pinapatawag ka na rito sa stage."
Napalingon ako kay Don na nakaabang sa akin at sa host na naghahanap sa akin. Hindi ko alam kung aakyat ba ako dahil mas mapapahiya lang ako o dito nalang ako kahit awayin ako nang awayin ni Shyra.
"Pupunta ka? Eh bobo ka naman!" pagkatapos niyang isigaw 'yon sa akin ay kusa nang tumulo ang mga luha ko at tuluyang nanlabo ang aking paningin.