Chapter 9
Claire's POV
Nakauwi ako nang kasabay si Wyett. Dating gawi lang kami, maghihintayan kami sa labas at mauuna akong sumakay para hihintuan nalang siya.
"Katkat," hindi pa man din ako nakakatungtong sa tiles ng sala namin ay sumalubong na agad si Carl sa halip na si Katkat.
"Kuya," medyo malakas ang boses ko sa pagtawag sa kaniya. Hinubad ko na ang sapatos ko at binitbit iyon papasok. "Kuya!"
Naghintay pa ako ng ilang minuto pero walang sumasagot. Siguro ay hindi pa siya nakakauwi. Tinignan ko ang orasan na nakasabit sa pader. Katapat iyon ng mahabang sofa. Alas singko palang kaya pumasok na muna ako sa kwarto parang maghubad. Pagpasok ko palang ay nakita ko si Katkat na nakahiga sa kama ko.
"Nandito ka pala," bigla namang dumikit sa paa ko si Carl dahilan para lumingon ako sa kaniya. Nakipagtitigan siya sa akin at maya-maya ay pumikit-pikit.
"Claire!" nang marinig ko ang boses ni kuya ay kinuha ko agad si Katkat at pumunta sa terrace para salubungin siya.
"Hindi pa ako nakakapag-saing. Kauuwi ko palang," pag-uumpisa ko ng usapan. Alam kong magtatanong na siya dahil palagi niyang iniisip kung kumain na ba ako. Ibinaba ko muna si Katkat at hinayaan siyang maglaro.
"Magsasaing na ako, magpahinga ka na muna," bitbit niya ang sapatos niya at pumasok sa kwarto niya habang inaayos 'yon. Nakabukas ang pinto kaya sumunod ako sa kaniya.
"Ayoko," sambit ko. Nakahawak siya sa pinakamataas na butones ng kaniyang uniform. Napatigil siya sa pagtatanggal nang lumingon siya sa akin.
"Anong ayaw?" tanong niya habang nakakunot ang noo.
"Ako na ang magsasaing. Hindi naman ako pagod," wika ko.
Ibinalik niya ang tingin sa salamin ng kaniyang dresser at ipinagpatuloy ang pagtatanggal ng mga butones. "Sige," sambit niya kaya lumabas na ako pero nilingon ko rin agad siya nang magpahabol siya ng salita. "Congrats!"
Umatras naman ako pabalik sa pinto ng kwarto niya at tsaka ako humarap. "Anong congrats?" tanong ko.
"Hindi ba kayo na ni Wyett?" abot tenga ang kaniyang ngiti at may kasama pang mahihinang tawa. Nanlaki ang mata ko sa sinabi niya kaya lumapit ako sa kaniya. Sumunod naman sa akin si Carl na nakadikit sa binti ni kuya.
Hinila ko ang laylayan ng kaniyang sando at siya naman ay nakatingin lang sa akin. Piniga ko ang kaniyang tenga at bahagya akong tumingkyad upang maabot ng bibig ko ang tenga niya. "Hindi kami. Bakit mo naman nasabi?"
"Nagprisinta kang ikaw ang magsasaing. At sinabi rin ni Tandang Elena," sagot niya sa akin.
Ang layo ng bahay nila Tandang Elena, paano niyang nasabi? "Humalik daw si Wyett sa pisngi mo," humigpit ang pagpiga ko sa kaniyang tenga.
"Anong humalik? Ni minsan walang nakahalik sa akin na manliligaw ko. Si Marco na naging boyfriend ko hindi ako nahalikan," medyo naiinis ako sa chismis tungkol sa akin. Aatakihin nanaman ba ako ng social anxiety? Kilalang chismosa sa Elena sa amin. Sa edad na 67 hanggang ngayon ay iyon ang gawain niya.
"Okay, sige sabi mo eh," binitiwan ko na ang kaniyang tenga at akmang aalis na ako nang makaisip ako ng pwedeng pang-ganti sa kaniya.
"Ang bango mo ngayon, kuya. May pinopormahan ka noh?" kinukuha niya ang polo at slocks na nasa sahig kasama ang medyas na ginamit niya na kahuhubad niya lamang.
"Anong pinopormahan? Wala!" ihinampas niya nang bahagya ang polo niya sa mukha ko.
Hindi ko na siya pinansin at lumabas nalang para magsaing. Ayoko pang sagutin si Wyett, isang linggo palang kaming magkakilala. Ayoko ng masyadong mabilis.
"Sila mama," ibinigay niya sa akin ang cellphone at itinulak niya ako palayo mula sa kalan. Pumunta na muna ako sa sala at naupo sa isang sofa.
"Ma?"
[Anak, kumusta?] naririnig ko ang ang pagtatama ng kutsilyo sa sangkalan at alam kong naghihiwa siya ng iluluto.
"Ma, late nanaman uuwi 'yong amo niyo, noh?"
[Alam mo naman 'yon, subsob sa trabaho] pasado alas sais na sa Japan pero alas otso nakakauwi ang amo niya, minsan alas siyete. Nagluluto lang agad si mama dahil nauunang umuwi si papa sa bahay nila roon.
"Ma, nabanggit na ba ni kuya na lalaban ako sa quiz bee?" pag-uumpisa ko ng topic. Medyo natahimik kami nang ilang minuto dahil sa pag-aapura ni mama sa paghihiwa.
[Ah oo. Galingan mo ah? Alam kong kayang-kaya mo 'yan. Inspired ka, nak alam ko. Sana makita mo 'yong manliligaw mo bago 'yong laban,] naririnig ko ang mahinang tawa niya. Bakit ba ako palagi ang pinagti-tripan. Nakita ko naman si kuya na malakas ang tawa, naririnig niya lahat dahil naka-loud speaker ang cellphone.
"Ma, bigyan mo nga ng girlfriend si kuya. Kanina pa nang-aasar. Sabi niya kami na raw ni Wyett," napanguso ako habang nagsusumbong kay mama.
[Bakit? Hindi ba?] mas lalong lumakas ang tawanan nila kaya napairap nalang ako kay kuya.
"Claire!" sa boses palang ay alam ko nang si Faye 'yon.
"Ma, mamaya nalang po. Nandito na si Faye eh, makikitulog ulit," pagpapaalam ko.
[Oh sige, ibigay mo nga sa kuya mo saglit] iniabot ko kay kuya ang cellphone at dali-dali naman akong lumabas upang buksan ang gate.
"Anong ginawa mo?" curious ako sa ginawa niya pero kung hindi niya sasabihin ay ayos lang.
"May pinaayos si mommy," sagot niya at pagkabukas ko ng gate ay pumasok na rin siya. Sinalubong siya ni Katkat kaya hinaplos niya ang likod nito.
"Sana all sinasalubong. Dumating ako kanina hindi man lang 'yan lumabas para salubungin ako," patuloy kong pinagmasdan si Faye na buhat si Katkat.
"Mas cute kasi ako, pasensya," sagot niya.
"Payag," pabulong kong sambit.
"Saglit lang ha? Malapit nang maluto," wika ni kuya nang makita niyang kasama kong pumasok si Faye.
Pumasok na muna si Faye sa kwarto ko para ayusin ang gamit niya. Mula kagabi noong nakitulog siya rito, ginusto kong magkaroon ng kapatid na babae. Pero hindi na pwede dahil matanda na si mama at delikado na 'yon sa edad niya. 44 years old na siya at maraming komplikasyon ang pwede niyang makuha kapag nag-buntis pa siya ulit.
Sinundan ko si Faye na nasa kwarto ko. Winawalis niya ang bawat sulok dahil oo, nakalimutan ko nang walisin 'yon.
"Faye," patuloy lang siya sa pagwawalis pero alam kong nakikinig siya. "Hindi ka ba malungkot na wala kang kapatid?" tanong ko.
"Minsan, nakikita ko kasi sa mga pinsan ko 'yong may ka-kwentuhan sila, may kakampi sa bahay. Pero masaya rin kasi hindi masyadong problemado sa pera dahil ako lang ang iniintindi nila. Kaya pinili ko rin sa public school kasi minsan nasa amin 'yong lolo at lola ko, may sakit din kasi so 'yong gastos sa tution, doon nalang sa gamot nila. Wala akong kapatid pero ayos na ako," mahabang sambit niya. Napatango-tango nalang ako.
"Kakain na," lumabas na ako pagkasabi niyon ni kuya.
Agad akong naupo dahil natakam ako sa amoy ng kanin pati na rin ang amoy ng pritong isdang ulam namin.
"Wow!" hindi na napigilan pa ni Faye ang kaniyang sarili kundi kumuha ng isda at kanin.
"Medyo nasunod yung iba, napabayaan kasi kanina noong tumawag si mama," pagpapaumanhin ni kuya.
"Ayos lang po, masarap 'yan basta isda," sagot ni Faye.
Mabilis lang din kaming kumain at si Faye ang nag-prisinta na maghuhugas ng pinagkainan namin.
"Pasok na muna ako sa kwarto," wika ko sa kaniya.
Pagpasok ko sa kwarto ay kinuha ko ang bag ko na nakalapag sa tabi ng bag ni Faye. Binuhat ko 'yon upang magbawas paunti-unti ng mga gamit.
Binuksan ko ang bag ko at nakita ang tatlong notebook na binili namin ni kuya para sa akin. Sampu ang notebook na binili ko pero paunti-unti ko pa lamang na idinadala dahil hindi naman kaagad nagagamit.
Hinanap ko ang cellphone ko nang mapagtantong wala 'yon sa kama ko. Naikot ko na ang kwarto ko, pati ang ilalim ng kama at gilid ng dresser ay tinignan ko pero wala.
"Kuya!" pinuntahan ko si kuya sa kwarto niya at nakita ko siyang nag-aayos ng study table. "Nakita mo ba 'yong cellphone ko?" tanong ko.
"Hindi, baka nandiyan lang," sagot niya.
"Ikaw ang huling gumamit," sambit ko.
"Iniabot ko sa'yo. Hanapin mo nalang," sagot niya at tinalikuran na rin ako.
Papunta ako sa sala nang makita ako ni Faye. "Cellphone mo ba? Nasa upuan sa kabilang dulo, kanina pa may tumatawag," biglang bumilis ang t***k ng puso ko nang sabihin niya 'yon.
Kinuha ko agad ang cellphone sa pinakadulong upuan at doon ko nasulyapan ang pangalan ni Wyett.
"Kausap yata ng kuya mo 'yong parents niyo ah? Sino ba 'yan? Bakit tawag nang tawag? Manliligaw mo?"