Chapter 8
Claire's POV
Ibinagsak ko ang bag ko at dali-daling tumakbo palabas. Inilibot ko ang aking paningin sa buong paligid ngunit mga bahayan at puno lamang ang nakikita ko.
Iginalaw ko ang aking mga daliri upang i-reply ang "kasama ko ang kaibigan ko." Akala ko naman narito na siya kaya masyado akong kinabahan.
"Iniwan mo 'yong bag mo, bakit ba?" tanong ni Faye na dala ang aking bag. Nasa kanang balikat ang kaniya at sa kaliwa ang akin. Dahil hawak ko ang cellphone ko ay sinamantala ko ang pagkuha ng picture habang ganoon ang itsura niya. Ang cute niya pero hindi ko mapigilan ang tawa ko.
"Napakasama mo! Bakit mo ako kinuhanan ng picture?" pasigaw na tanong niya. Naka-nguso siya habang umiirap sa akin pero ako ay patuloy lang sa pagtawa.
"Oh ayan na pala," pag-iiba ko ng usapan nang makita ko ang tricycle na sasakyan namin. Dali-dali naman kaming sumakay at napatingin ako sa relo ko, 6:58. Himala, maaga ako ngayon.
Nakarating kami nang 7:17 dahil dumaan pa sa gasoline station para magpakarga. Wala namang klase kaya hinayaan ko nalang na hindi masyadong maaga. Kung ikukumpara sa normal na oras ng pasok ko, di hamak naman na mas maaga ang 7:17 kaysa sa 7:30.
Papunta palang kami sa building ng senior highschool pero sobrang lakas na pag-uusap-usap na ang naririnig ko. Mas lalo pang umingay nang paakyat na kami papunta sa floor kung nasaan ang room namin.
"Asikasuhin ko na 'yong grupo ko ah," pagpapaalam ni Faye at patakbong pumasok sa room kaya nahuli akong naglalakad lamang.
"Hindi nga kasi, nakaayos na bakit niyo pa babaguhin? Ang ganda ng gawa ko oh," naagaw ng atensiyon ko ang grupo nila Shyra na nasa cheering. Sinadya kong tumigil sa tapat nila, sa mismong hallway sa harap ng room namin.
"Ayan oh, one, two, pak, pak, taas kamay, baba, padyak, clap," pinapanood ko lang kung paano niya ipaliwanag ang steps. Nasasagi siya ng ibang dumaraan pero hindi niya naisipang gumilid o umayos ng pwesto. Pinila niyang manatili sa gitna kahit alam niyang hindi maganda ang pwesto roon. "Oh isa pa, one, two, pak, pak, taas ka--- ano ba yan! Nakita mo nang nandito ako tapos babanggain mo pa?" napatigil ang halos lahat ng dumaraan nang bigla siyang sumigaw.
Alam ko nang mangyayari 'yan kaya hindi na ako nagtataka. Isa pa, kabisado ko ang ugali niya, hindi siya aako ng kasalanan kahit alam niyang siya ang mali.
"Daanan 'yan, ate. Ang luwang sa ibaba, doon kayo mag-practice," sagot ng lalaki sa kaniya habang nakahawak sa kaliwang mata. Tumama ang kamay ni Shyra sa mata ng lalaki noong pinapakita niya ang steps.
"Kahit na, bulag ka ba? Hindi mo man lang nagawang gumilid. Alam mong may nag-papractice tapos ikaw pa magrereklamo?" mas nakakaagaw na siya ng atensiyon. Sikat si Shyra sa amin bilang pala-bati. Maganda siya at matalino at 'yon ang mga dahilan ng kasikatan niya.
"Hindi ako nagreklamo dahil hindi ako ang unang nag-react. Sinabi ko lang na pwede kayo sa baba kasi mahirap dito at maraming dumaraan," kalmadong sabi ng lalaki. Hindi na siya nakahawak sa mata niya pero napansin ko ang pamumuo ng dugo roon.
"Claire," ramdam ko ang pagkalabit sa akin ni Don. Alam kong siya 'yon base sa boses.
"Saglit lang, gusto ko munang panoorin," pabulong kong sagot. May parte sa akin na nalulungkot dahil alam kong kapag nakarating 'to kay Sir Gino ay malalagot kaming lahat, pero mukhang nahanap ni Shyra ang katapat niya.
"Crush mo ba ako? Papansin ka eh," sagad sa ulap ang pag-ikot ng mga mata ni Shyra nang umirap siya.
"Hindi ako magkakagusto sa ganiyan. Sorry ate, maganda ka lang pero ang laking kabawasan ng ugali mo," ang kaninang walang imik na mga tao sa paligid nila ay nag-umpisang umingay. Pilit kong pinipigil ang tawa ko pero sa pagpipigil ko ay isang malakas na halakhak ang umalingawngaw sa classroom.
Ibinaling ko agad kay Don ang atensiyon ko dahil unusual ang gawaing 'yon. Never kong na-imagine na tatawa siya ng ganoon kalakas.
"Sige, tumawa ka pa, napahiya na nga ako," matalim na tingin ang iniwan ni Shyra kay Don.
Muli naman siyang lumapit sa akin. "Nakahanap ng katapat," bulong niya. Sasagot palang ako nang biglang dumating si Sir Gino kaya nagsipasok kaming lahat.
"STEM A," seryosong tono ng boses ang binitawan niya. Pati ang kaniyang tingin ay seryoso at anumang oras ay pwede iyong tumalim.
"The upcoming activity is important for everyone. You will have a plus factor for participation, but..." naririnig ko ang malalalim na hinga ng bawat isa. Hindi makatingin ang iba kay sir, may ilang naglalaro sa cellphone at ang ilan ay nakikinig lamang sa kaniya. "I'll give higher score to those students are participating nicely."
Nakita ko ang diretsong pagtingin ni Faye kay Shyra. Alam kong alam nilang si Shyra ang tinutukoy ni sir pero halos lahat ay takot sa kaniya.
"Natutuwa akong makitang halos lahat ay nag-paparticipate. Although may nag-back out pero hindi 'yon ang issue. Graduating kayo, ayusin niyo ang manners. Matuto kayong tumanggap ng pagkakamali," muli siyang napatigil sa pagsasalita at tinitigan ang bawat grupo ng upuan.
"Iiwanan ko na kayo, Miss President paki-observe sila," nagtayuan na lahat pero nanatili ako sa aking pwesto. Nahagip din ng tingin ko ang paglapit ni sir kay Shyra at ang paglabas nilang dalawa. Lumabas din naman kaagad ang mga kasali sa jingle at cheering. Ang naiwan lamang ay ang kasama sa magluluto, sa quiz bee, at ang ibang nakikitulong.
"Dating SSG si Shyra, hindi ba?" biglang pagtatanong ni Don.
"Ahh oo, vice president yata or secretary," mahina kong sambit.
Biglang pumasok si Michael dala ang bag niyang magaan lang din kung titignan. Basang-basa ang buhok niya at hingal na hingal. Mukhang na-late siya ng gising dahil parang kaliligo niya lang at tinakbo niya ang pagpasok mula sa gate hanggang dito sa room.
"Mi-ka-el," inakbayan siya ni Jason at hinila papasok. "Ayoko na sa'yo, ngayon ka lang dumating," pagbibiro niya rito.
"Start na tayo," wika ni Don. Hindi ko kasi namalayan ang sarili kong nakatitig pala sa kaniya.
"Hindi ko alam kung kaya ko," pabulong kong wika kay Don habang binubuklat ang papel na reviewer namin. "Pwede sigurong umayaw, si Michael nag-back out."
Hindi kumikibo si Don. Nakatitig lang siya sa akin. Sa totoo lang natatakot ako pero ayokong ngayon umayaw dahil planado na lahat. Maya-maya pa ay ibinalik niya sa unang page ang reviewer at dahan-dahang ibinaba.
"Sige, mag-back out nalang kayong lahat. Last year na natin 'to ayaw niyo pang sulitin," padabog siyang tumayo at lumipat ng pwesto. Nagtinginan naman ang mga kaklase namin sa kaniya pero si Faye ay ipinako ang tingin sa akin.
Agad akong nakaramdam ng hiya. Ibinaling nila ang atensiyon sa akin. Hindi ko rin alam paano ako haharap sa kanila. Agad akong tumayo at tumakbo palabas hanggang sa makarating ako sa CR.
"Klara," nakita ko ang pagpasok ni Faye dahil sa reflection sa salamin. May tatlong cubicle ang CR at may isang may di kahabaang salamin at may lababo.
Nagsalubong ang tingin naming dalawa sa salamin. Nararamdaman ko ang malamig na pawis na nilalabas ng katawan ko. Sa bawat paghinga ko ay palalim nang palalim ang paghugot ko ng hangin.
Dahan-dahan akong yumuko at si Faye ay lumapit sa akin. Naramdaman ko ang magaan niyang paghawak sa balikat ko. "Ako ba ang magpapaliwanag sa kanila?" pabulong niyang tanong.
Nakahawak ang dalawa kong kamay sa lababo at siya naman ay inaayos ang aking buhok at inililihis para hindi ako pagpawisan.
Pumikit ako saglit pero nagsisi ako sa ginawa ko. Kalmado pa ang mata ko kanina pero gusto nang bumuhos ng mga luha ngayon. Nakikita ko ang imahe ni Marco. Nakikita ko ang mukha ng mga dati kong kaklase. Nagtatawanan sila at nasa harap nila kaming dalawa. 'Yon ang time na nag-away kaming dalawa sa loob ng classroom at medyo napalakas ang boses ko.
"Claire," nanghihina ang braso ko at unti-unti nang bumibitaw sa lababo. Anumang oras ay pwede akong matumba rito.
"Faye, Claire, nandyan ba kayo?" mas lalo akong nanghina nang marinig ko ang boses niya. "Claire, tawag ka ni sir."
Gusto kong umiyak pero walang lumalabas na luha. Pabigat lang nang pabigat ang dibdib ko.
"Tawag ka ni sir, umayos ka na muna," bulong ni Faye.
Kahit alam kong hindi pa ako okay ay nagdesisyon na akong lumabas. Alam kong magagalit si sir pero hahayaan ko na muna. Mali naman kasi na nagbiro pa ako, nag-back out si Michael at natatakot lang si Don sa pwedeng mangyari.
"Uminom ka na muna," inalalayan ako ni Faye. Si Michael ay may dalang bote ng tubig. Tumutulo pa ang tubig sa pinaka-bote nito.
Inabot sa akin ni Michael ang tubig na 'yon. "Wala bang bawas 'yan," sambit niya.
Hindi na nagdalawang isip pa si Faye na kuhanin 'yon at buksan kaagad. Pagkatapos ay iniabot niya sa akin kaya kinuha ko na rin.
"Iwanan ko na kayo, magluluto na kami," naiwan si room si Faye at kami ni Michael ay naglakad papunta sa Faculty. Nauuna siyang maglakad habang hawak ang cellphone niya.
Napayuko nalang ako dahil may mga kaklase kaming nakakasalubong namin. Alam kong ako pa rin ang topic nila hanggang ngayon. Tuloy-tuloy lang kaming naglalakad pero bumabalik pa rin sa isip ko ang nangyari noon. Doon ko unang napansin na may kakaiba sa akin.
Napatigil ako sa pag-iisip nang maramdaman ko ang pagbangga ng isang tao sa braso ko. Hindi ako nag-abalang tapunan siya ng tingin. "Sorry," pero kusang gumalaw ang ulo ko para umangat upang tignan siya.
Ang boses na 'yon.
Nagtama ang aming paningin at hindi ko mapigilan ang sarili kong umiwas sa maganda niyang mga mata.
Naputol ang pagtititigan namin nang makita ko si Shyra kasama ang daddy niya. Umiiyak siya at hila-hila siya sa braso.
"Ms. Ocampo, pakibilis," malakas ang boses ni Sir Gino kaya nagmadali na akong pumunta roon.
Mag-isa niya lang sa faculty kaya tahimik doon. Natagpuan ko si Don na kaharap si sir at muli akong nakaramdam ng hiya.
Hindi ako tumuloy na pumasok sa loob. Isang tingin ni sir ay tinablan kaagad ako ng takot kaya lumakad na ako papalapit sa kanilang tatlo. Nakaupo si sir sa pwesto niya kaharap ang kaniyang laptop.
Nasa harap niya sina Michael at Don at katabi ko si Michael pero nakaatras ako nang kaunti.
"Claire," kanina pa ako nakayuko kaya gulat na gulat ako sa pagtawag niya sa pangalan ko. "Is it true na gusto mong mag-back out?"
Napalunok ako nang bahagya sa tanong na 'yon. Ramdam ko ang tingin sa akin ni Don. "Hindi po, sir. Kinakabahan lang po ako kaya ko po nasabi 'yon," halos bulong nalang sa mga huling salita.
Hinintay ko ang sagot niya pero tinitigan niya lang ako at maya-maya ay muling ibinalik ang tingin sa laptop. "How about you, Michael? Sure ka na bang hindi ka tutuloy?" tanong naman ni sir kay Michael.
Buntong hininga ang una naming narinig bago ang kaniyang sagot. "Yes po."
"I guess wala na akong magagawa. Then it's final that Claire and Don ay lalaban sa partners, and sa individual ay wala," natahimik kami pagkatapos niyon dahil nakatitig siyang muli sa laptop. "Sa mismong araw na 'yon magpapa-register, paki-sabi nalang sa iba."
Nagpaalam na kami sa kaniya at naunang maglakad si Don. Siguro ay masama pa rin ang loob niya dahil doon. Naglakad nalang din ako pero biglang nagbagal ng paglakad si Michael.
"Bakit?" tanong ko nang makitang gumilid siya sa hallway. Tanging pag-iling lamang ang isinagot niya sa akin. Hindi na ako nangulit pa at bumalik nalang sa room.
Pagpasok ko ay hindi sa akin nakapako ang atensiyon nila. Si Don ay nakaupo na rin sa pwesto namin kanina kaya nakipag-ayos na rin ako.
Uwian na at nagpaalam si Faye na uuwi muna siya saglit at pupunta nalang sa amin pagkatapos ng gagawin niya.
Palabas na ako ng room nang buksan ko ang cellphone ko at puro missed calls ang nakita ko. Narinig ko naman mula sa labas ang mahihinang yabag ng mga paa.
"Wala ka nang kasama?" tanong ni Wyett na nasa pinto ng classroom namin. Umiling lamang ako bilang sagot. Nilibot ko rin ang aking paningin para masigurong wala nang naiwang gamit na babalikan ng kaklase ko.
"Iaayos ko lang saglit 'yong gamit ko," nilinis ko na rin nang bahagya ng room bago ko iayos ang mga gamit ko.
"Ang gwapo ng kasama mo kanina, mukhang close kayo," napatigil ako sa pag-aayos nang sambitin niya 'yon. Nakahawak siya sa desk ng isang upuan at dalawang upuan ang pagitan namin.
Napangisi ako sa hindi malamang dahilan at nag-iwas ng tingin. "Nagseselos ka ba?" hindi ko na alam kung anong nasa isip ko nang sabihin ko 'yon.
Tinitigan niya lang ako at bahagya siyang napangiti. Hindi ko alam kung totoo 'yon o sarcastic. "Hindi naman pwede."
Kinuha ko ang mga gamit ko at isinukbit ang bag sa kanang balikat ko. "Kung gusto mo ang isang tao, kayo man o hindi, pwede kang magselos," hindi ko na lubos makilala ang sarili ko dahil sa mga salitang nanggagaling sa aking bibig.
Inayos niya ang kwelyo ng kaniyang polo at humakbang nang tatlo at tsaka siya huminto. "Oo, nagseselos ako," pagkasabi niya ng mga salitang 'yon ay dali-dali na siyang naglakad nang mabilis palabas ng classroom.