Chapter 5
Claire's POV
Nag-umpisang mamawis ang kamay ko kaya unti-unti kong pinupunasan 'yon. Napalunok ako nang ilang beses at pinipigilan kong mag-iwas ng tingin. "A-ano, pinsan ko. Pinaka-close namin 'yan." Sagot ko.
"Ahh.. Mukha nga. Halos lahat kasi apat kayo o kaya kayong dalawa ng kuya mo." Nakahinga ako nang maluwag dahil mukhang kumbinsido siya sa sagot ko.
"Halina kayo." Tawag ni kuya sa amin. Kinalabit ko siya para ayain papunta sa kitchen.
Naupo na kami at si kuya ay nasa dulo, kaming dalawa ay magkatabi sa gilid. Binuksan ni kuya ang laptop para matawagan namin sila mama. Sinakto nilang lunch din nila para makakausap talaga namin.
[Hello!]Masiglang bati sa amin ni mama.
"Hello po!" Kumaway si Wyett kay mama.
"Nasaan po pala si papa?" Tanong ko kay mama. Nakaupo sa sofa si mama at hindi ko pa nakikita si papa.
[Hindi raw makaalis sa trabaho, medyo busy kasi sa office.] Sagot ni mama.
"Sayang ma, ang gwapo pa naman ng manliligaw ni Claire." Hinampas ko sa balikat si kuya dahil sa sinabi niya. Nagtawanan naman sila ni mama kaya tumahimik nalang ako.
"Hindi naman po, sakto lang." Pagtanggi ni Wyett. Nanatili siyang nakangiti habang nakahawak sa kutsara at tinidor.
"Oo nga eh, gwapo. Iho, basta huwag mong sasaktan si Claire." Bakit parang gustong-gusto nila si Wyett para sa akin? Kakikilala ko palang sa kaniya kahapon at ngayon lang din siya nakilala ng pamilya ko.
"Kumain na tayo." Pagbabago ko ng usapan. Naiilang ako dahil parang maya't maya nila akong aasarin.
Sumubo si Wyett ng ulam na niluto ni kuya. Dahan-dahan niya itong nginunguya habang ako ay ngumunguya na rin. Nakatitig lang ako sa kaniya at iniisip kung nagustuhan ba niya ang luto ni kuya o hindi.
"Ang sarap ng ulam, sinong nagluto?" Tanong ni Wyett habang hinihiwa ang ulam na nasa plato niya.
"Ako. Sige, kuha ka kapag nabitin ka sa ulam." Sabi ni kuya.
Tahimil kaming kumakain, tanging tunog na nagmumula sa pagbagsak ng kutsara sa plato at ang ingay mula sa linya ni mama ang naririnig namin.
"Grade 12 ka rin diba, Wyett?" Tanong ni kuya.
"Ahh, opo, ICT." Sagot ni Wyett. Habang patuloy sa pagkain.
"Paano mo pala nakilala si Claire?" Tanong ulit ni kuya. Napansin ko ang pag-aalangan ng tingin niya sa akin.
"Sa totoo lang po matagal ko nang kilala si Claire. February po yata 'yon, bago po mag-bakasyon. Matagal ko na po siyang nakikita kaso tahimik kaya nahihiya akong magpakilala. Noong February po, nakita ko siyang kausap ang mga kaklase niya at nakikitawa siya. Doon ko po napagtantong hindi naman pala siya masungit." Sagot niya. Matapos niyang sabihin lahat 'yon ay nag-iwas siya ng tingin. Nakatitig ako sa kaniya kaya pati angbpaglunok niya at ang dalawang beses na pagkurap ay napansin ko.
"Ok." Nagtinginan kami ni Wyett. Itinaas niya ang dalawa niyang kilay na parang sinasabing 'bakit?' kaya nag-iwas ako ng tingin.
Natapos kaming kumain at sinabi ni kuya na siya na ang magliligpit ng pinagkainan. Naupo nalang kami ni Wyett sa sofa at agad kumandong si Katkat sa kaniya.
"Carl." Pagtawag ko kay Carl pero hindi niya ako pinansin. Umakyat lang siya sa lababo para panoorin si kuya.
"Lalaban ka ba sa mga contest next week?" Tanong niya. Isang tango ang isinagot ko sa kaniya.
"Ikaw?" Tanong ko pabalik. Pinapanood ko siyang nilalaro ang balahibo ni Katkat.
"Hindi, taga-tinda lang ako?" Sagot niya.
Natahimik kami nang ilang saglit. Patuloy lang siyang nakikipaglaro kay Katkat. Kinuha ko muna ang cellphone ko na nasa center table at binuksan 'yon.
Nanlaki ang mata ko sa bumungad. Muntik kong makalimutan na ngayon mag-rerelease ng album ang BIZARre.
Napatingin din ako sa oras, 2:00 PM na. Nag-vibrate ang cellphone ko at binasa ko ang message ni Faye.
[Pupunta ako sa inyo.] Namawis ang kamay ko at dali-dali akong nag-type para ma-reply-an siya. Ayokong makita niyang nandito si Wyett, ayokong malaman niyang may manliligaw ako.
"Mamayang alas tres uuwi na ako." Hindi ako sumagot matapos sabihin 'yon ni Wyett.
Naglakad si kuya palapit sa amin. Tinitigan niya ako kaya tinitigan ko rin siya. Walang emosyon ang kaniyang mata at tikom lang din ang kaniyang bibig.
"Para kang ewan." Sabi niya at naglakad palapit sa TV para buksan 'yon. Nakatalikod siya kaya pasimple akong umirap.
Pagkabukaa ng TV ay bumungad ang laman ng flashdrive niya. Nakita ko ang laman ng bawat folder.
"Project, grade 10. Short Film, grade 11. Musi---" Napatigil ako sa pagbabasa nang biglang nagbukas ang isang folder.
"Panoorin niyo." Sabi ni kuya. Napatingin ako kay Wyett at tumingin din siya sa TV.
Nag-play ang video at umpisa palang ay napatakip ako sa aking mukha. Ako ang nahihiya para sa pinapanood namin. Ito ang short film nila noong grade 11. Christmas project yata nila dahil puro tungkol sa pasko ang ginagawa.
"Ano ba yan?" Hindi ko na tinignan pa ang nasa TV dahil secondhand embarassment lang ang napapala ko.
"Ayos yan, Kuya Ken." Sabi ni Wyett. Tatay ang role ni kuya sa short film na ito.
"Wala naman kaming ganyan noong grade 11." Pagsingit ko sa gitna ng tawanan nila.
"Eh hindi ba noong February ang inyo?" Napaisip ako at inalala kung may short film na pinagawa sa amin.
"Wala akong maalala." Sagot ko.
"Meron, nanalo 'yong GAS doon tapos second place 'yong STEM B. Third place 'yong HUMSS." Lumakas ang boses ni Wyett sa puntong iyon.
"Ewan."
Biglang nag-vibrate ang cellphone ko at binuksan ko 'yon. Bumilis ang t***k ng puso ko at namawis ang noo ko. Nanlalamig din ang pakiramdam ko kaya hindi ko rin alam kung gaano kabilis ang pagkilos para isuot ang tsinelas.
Patakbo akong lumabas ng bahay. Naririnig ko pa ang sigaw ni kuya pero hindi ko 'yon pinansin.
Nakarating ako sa gate pero hindi ko nakita si Faye. Ni anino niya ay wala. Pinakaba ako para lang doon, wala naman pala. Nakahinga ako nang maluwag at bumalik nalang sa loob.
Matagal pa silang nanood ng videos na galing sa flashdrive ni kuya. Hindi ko 'yon binigyan ng pansin at nag-count down nalang para sa pag-release ng album ng BIZARre.
"Claire, uuwi na ako." Tumayo si Wyett habang buhat-buhat si Katkat. Sumunod kami ni kuya.
Inihatid namin siya sa gate at may nakaabang na motor doon. Lalaki ang nagda-drive at sa tingin ko ay kapatid niya 'yon.
"Salamat ulit, Claire, Kuya Ken." Sabi niya. Kumaway siya at isang matamis na ngiti ang nasilayan ko bago siya umalis. Muli akong nakaramdam ng paglambot ng puso.
Hinintay kong mawala sa paningin ko sila Wyett bago ako nagdesisyong pumasok. Pagtalikod ko sa gate ay nagsalita si kuya. "Panahon na siguro para makaalis ka sa past."
Isang buntong hininga ang ibinigay ko bago lumakad papasok. Darating din siguro ako sa puntong 'yon pero ang hirap sa ngayon.
Pumasok muna ako sa kwarto kasama si Katkat. Naglalaro lang kaming dalawa nang maagaw ng atensyon ko ang picture frame. Tumayo ako para kunin 'yon.
Pagtapak ko pa lamang sa harap niyon ay tumulo na ang luha ko. Kumikirot ang puso ko dahil sa halo-halong bagay na nasa isip ko ngayon. Gusto nilang makalaya ako sa nakaraan, pero hindi ko alam kung paano. Sa tuwing gagawin ko, pakiramdam ko nagtataksil ako kay Marco.
Hahawakan ko palang ang picture frame nang magpantig ang tenga ko. Napatigil ako sa pag-iyak at bigla akong napako sa kinatatayuan ko.
"Isang araw umuulan, aking nasilayan
Mga luhang pumapatak at nag-uunahan
Ika'y malungkot, malinaw sa mga mata
Ngunit luha mo'y para sa kaniya"
Ang boses na 'yon, kay Aikiel 'yon. Naririnig ko ang pagtawag sa akin ni kuya pero hindi ko nalang siya pinansin.
"Nais kitang yakapin kahit saglit
Ngunit siya ang nais mo kahit puno ng pait"
Nagpatuloy lang ako sa pakikinig. Sobrang ganda ng boses ni Aikiel. Si Marco ang unang-unang pumapasok sa isip ko tuwing nakikinig ako sa kanta ng BIZARre.
"Inaawitan ang hindi naririnig
Pinipilit awitan ng muntig himig
Ika'y naliligaw nanaman
Gustong lapitan ngunit may humahadlang"
Muling nag-unahan ang mga luha ko. Napakapit ako nang mahigpit sa lamesa at doon kumuha ng lakas.