Hindi ko alam kung nakumbinsi ko ba si Manang Milla na ‘wag isuplong si Joseph sa mga pulis. Tumango lang naman siya sa akin, at mukhang pilit pa nga ‘yon. Wala siyang sinabi sa akin na kahit ano; kahit assurance man lang sana na magagawang mapanatag ng loob ko na walang hulihan ang mangyayari dito. “Bakit ba kanina ka pa mukhang malalim ang iniisip? Ayos ka lang ba?” pagpansin ni Felix sa akin sa kalagitnaan ng biyahe. “Or hindi ba maganda ang pakiramdam mo? May sakit ka ba?” Nag-abala pa siyang ilapit ang katawan sa akin para maabot ng likod ng palad niya ang noo ko. “Oh? Okay naman ang temperature mo-” “Wala naman kasi akong sakit, Felix.” Kinabig ko palayo sa noo ko ang likod ng palad niya habang nananatili akong nakasimangot ang mukha na nakadikit ang noo sa bintana ng sasakyan.

