Kabanata 2

4733 Words
Escape Nanlaki ang mata ko nang magkatitigan kami. Kakaiba ang hitsura niya. Napatingin din si Ina kay Rigor at napasinghap. Dahan-dahan na lumapit siya sa harap ni Rigor at lumuhod. Kitang-kita ko kung paano nanginig ang kamay ni Ina pero hinaplos pa rin niya ang mukha ni Rigor. "R-rigor..Rigor.." bulong niya. Napalunok ako. Pinutol ni Rigor ang titigan namin at tumitig siya kay Ina. "Sinaktan niya si Lucieta. Pinaiyak niya si Lucieta," saad niya sa namamaos na boses. Napatango si Ina habang lumuluha. Napatingin siya kay Percy na halos nakasusuka ang hitsura ngayon. Bigla ay nataranta si Ina at napatayo. "Hindi, hindi.." bulong niya. Hinawakan niya si Rigor at dinala sa may lababo. Tapos hinugasan niya ang kamay nito. Nakita ko na umiikli na ang mga kuko niya at pangil. Nagiging itim na rin ulit ang mata niya. Nahulog ang ibang gamit sa lababo dahil sa pagmamadali ni Ina. "Lucieta, bilisan mo at kumilos ka na. Kunin mo ang pera sa pinakailalim ng damitan mo!" nanginginig ang boses niya. "Ina, ano pong mangyayari?" napahikbi na ako dahil takot din ang boses ni Ina. Nahirapan din siya sa paghugas ng kamay ni Rigor dahil masyadong maraming dugo. Nilingon niya ako na may halong galit at takot ang mga mata. "Sumunod ka na lang, Lucieta!" sigaw niya. Umiiyak na tumungo ako sa kwarto at sinunod ang utos ni Ina. Kinalat ko na ang mga damit dahil natataranta na ako. Ano ba ang mangyayari? Patay na siguro si Percy kasi malala ang lagay niya. Tapos lagot ba kami sa pamilya niya? Huhulihin ba kami? Lalong lumakas ang iyak ko nang maalala na mayaman sila at kapatid pa ng gobernador. Huhulihin siguro nila si Rigor. Pero pinagtanggol lang ako ni Rigor kasi masama si Percy, may gusto siyang gawin sa akin at sa pekpek ko. "Lucieta!" sigaw muli ni Ina. Nanginginig na dinampot ko ang pera. Puro bente iyon na may halong iilang isangdaan tapos five hundred. "Ina, ito na po!" saad ko at lumapit sa kaniya. Pinupunasan na niya ang kamay ni Rigor na tahimik at nagmamasid lang. Sinulyapan ako ni Ina at napapikit siya saglit. "Ina, ano po ang mangyayari?" tanong ko. "Itatakas ko kayo ni Rigor bago pa 'to kumalat. Tiyak na pagbubuntunan din kayo ng galit. Ako lang dapat. Ako ang pumatay sa hayop na 'to," mariin niyang saad. Pumalahaw ako ng iyak at napailing. "Ina, hindi po ikaw ang pumatay! At..at bad po siya. Kaya nagawa iyon ni Rigor!" umiiyak na saad ko. Hindi niya ako pinansin at sinapo niya ang mukha ni Rigor. "Rigor, anak, kahit anong mangyari ay po-protektahan mo si Lucieta, ha? Hindi mo siya pababayaan. Sa kahit sinong magtangkang humamak sa kaniya, protektahan mo siya. Kaya mo 'yon 'di ba?" lumuluha si Ina. Napaiyak ako dahil narinig ko roon ang pagpapaalam. Lumapit ako sa kaniya at hinawakan siya sa braso. "Ina, hindi po! Bata pa po si Rigor. Ikaw po ang poprotekta sa amin hanggang sa lumaki na kami. Ina, huwag mo akong iiwan, ha?" saad ko. Nakatitig lang siya kay Rigor. Umiyak ako lalo nang 'di niya ako pinansin. "Rigor.." saad niya. "Hindi ko hahayaan na masaktan si Lucieta," aniya at sa ngumiti nang bahagya. Tumango si Ina at tila nakahinga nang maluwag. Tapos halos kaladkarin niya kami palabas. Maraming tumawag sa amin ngunit 'di namin pinansin. Kinuha niya ang pera sa akin at nagtawag siya ng tricycle pababa ng bayan. Nagsiksikan kami sa loob. "Ina...Ina, ano pong gagawin niyo? Sasama ka po sa amin kahit anong mangyari 'di ba?" tanong ko. Umiling siya at tuloy-tuloy ang agos ng kaniyang luha. Inabot ko ang pisngi niya at pinalis ang mga iyon. Tinitigan niya ako. "Mag-iingat kayo palagi. Pasensiya na anak," aniya at bigla akong niyakap. "Hanapin mo ang tita Krisel mo kapag nakadaong na ang barko, ha? Krisel Mateo ang buo niyang pangalan," aniya at hinalikan ako sa noo. "Ina! Sama ka po sa amin! O kaya huwag tayo aalis. Sasabihin natin na hinawakan ako noon ni Percy sa pekpek kaya masama siya! Tapos nagalit si Rigor!" Umiling-iling siya at sinapo ang mukha ko. "Hindi, anak. Wala rin dapat makaalam na kakaiba si Rigor. Gagawin niya ang lahat para maprotektahan ka niya mula sa panganib at ganoon din ang gagawin mo tungkol sa pagiging kakaiba niya. Sekreto iyon. Wala tayong laban sa mayayaman. Malaki ang kalaban natin," mariin niyang bulong. Ayoko pumayag pero hindi nakinig sa akin si Ina. Pumara kami ng jeep at ang tagal ng biyahe. Niyakap ko ang punit kong damit. Hinaplos ni Ina ang buhok ko habang mugto ang mata niya. "Lucieta..." tawag sa akin ni Rigor. Pagod ko siyang tinignan. Hinubad niya ang malaki na shirt na suot niya at isinuot sa akin. Tuloy ay nakahubad na siya. Nginitian siya ni Ina at hinaplos din siya sa buhok. Agad na bumili si Ina ng ticket. Pumila siya at magkahawak-kamay lamang kami ni Rigor habang naghihintay. Tapos ay lumapit siya sa amin at lumuhod sa aming harap. Nagsimula akong lumuha. "Ina, bakit dalawa lang 'yan?" tanong ko. Naluluha siyang ngumiti sa akin at hinawakan ang magkabila kong pisngi. "Sa inyong dalawa ni Rigor.." "Bakit 'di ka kasama, Ina? Sumama ka na po. Hindi namin kaya ni Rigor ang sarili namin!" pagmamakaawa ko sa kaniya. Umiling siya at inabot sa akin ang ticket. Pinahawak niya kay Rigor ang isa tapos inabot niya sa akin ang iilang pera na natira. "Anak, may aayusin lang ako rito tapos susunod ako." Parang ayaw ko naman maniwala. Kasi dapat sumama na lang siya sa amin. Bakit hindi na lang siya sumama? Napalinga kami ni Ina nang magkagulo. Natanaw ko mula sa malayo ang mga pulis. Nanlalaki ang mata ni Ina na tinulak kami papasok sa barko. "Ina!" saad ko at hinawakan ang kamay niya. "Rigor, sige na. Pumasok na kayo! Hilahin mo papasok si Lucieta. Para sa kaligtasan niya, Rigor!" mariin na saad ni Ina. Umiling ako at halos magpabigat nang hinila na ako ni Rigor. Pilit din inalis ni Ina ang hawak ko sa kaniya. "Lucieta, huwag ng makulit. Mahal na mahal kita. Magkikita rin tayo ulit. Rigor, alagaan mo siya!" aniya at tuluyan na akong napabitaw. Malakas ako na umiyak at pilit siyang inabot ngunit hinila talaga ako ni Rigor. Hinarap ko siya at pinaghahampas at sinampal pero hindi siya natinag. Nasama na rin kami sa maraming tao na papasok na sa barko. Tinanaw ko si Ina na nakatitig sa akin habang pinoposasan siya ng mga pulis. Ngumiti siya habang lumuluha. "Mahal kita.." basa ko sa binigkas niya. "Mahal din kita Ina!" buong lakas na isinigaw ko. Hindi ako sigurado kung narinig niya dahil tumalikod na siya. "Ina! Narinig mo ba ako? Mahal po kita! Mahal kita! Ina!" sigaw ko at pumalahaw lalo ng iyak. "Bata, ano ba? Huwag kang humarang!" saad ng nasa likod ko. Iyak ako nang iyak at nagpatianod na lang kay Rigor nang akbayan niya ako. Niyakap ko ang natirang pera matapos kunin sa akin ang ticket. Ginaya ako ni Rigor at hinila niya ako patungo sa loob. Tapos humanap siya ng kama. Pinaupo niya ako ngunit sinamaan ko siya ng tingin. Nakarinig ako ng malakas na tunog, tila hudyat na ng pag-alis. Tapos hindi nagtagal ay dahan-dahan ng gumalaw ang sasakyan. Sumilip ako sa bintana ngunit wala na si Ina. Anong gagawin sa kaniya? Bakit siya hinuli ng pulis? Ikukulong ba siya? Eh, hindi naman bad si Ina ko. Mabait siya at kahit minsan na pinapalo niya ako, dahil iyon sa matigas ang ulo ko. "Ina.." bulong ko. "Lucieta, hindi kita pababayaan..." bulong ni Rigor at niyakap ako. Umiyak ako sa kaniya. Kahit noong nakaraan lang namin siya nakilala, siya na lang ang meron ako. Kahit mukhang halos kasing edad lang kami, kailangan ko siyang pagkatiwalaan. Dahil ang isa't isa na lamang ang meron kami. Pero sa ngayon lang 'yon dahil magkikita pa naman kami ni Ina. Sabi niya iyon, eh. Laging tama at totoo ang sinasabi ni Ina.  Hindi ko alam kung gaano katagal ang biyahe. Magkahawak kamay kami ni Rigor na naglakad-lakad. Pinagmamasdan ko ang mga tao na nadaraanan. Bumuntong-hininga ako dahil sa lamig. Nilingon ko si Rigor na seryosong nakatingin din sa paligid. Mabuti na lang may mabait doon kanina at binigyan ng damit si Rigor dahil nga wala siyang pang-itaas. Napasapo ako sa tiyan saka kinuha mula sa bulsa ang pera na inabot sa akin ni Ina. Binilang ko iyon. Mayroon pa pala kaming three hundred seventy ni Rigor. Kailangan namin ito tipirin dahil hahanapin pa namin ang Tita Krisel na sinasabi ni Ina. "Rigor, bili tayo tinapay," saad ko at itinuro ang nakitang bakery. Lumapit kami roon at bumili ng dalawang ensaymada. Tapos sa tabi ay may nagbebenta ng mga kape at milo, libreng timpla. Bumili na lang ako ng isang milo at maghahati kami ni Rigor. Umupo kami sa tabi at pinagmamasdan ang mga bumababa sa sinakyan namin kanina. Pinagmasdan ko ang dahan-dahan na pagkalat ng liwanag. Sa kabila noon natatakot ako. Hindi ko alam kung ano ang mangyayari. Wala si Ina sa tabi ko para umalalay at gabayan ako. "Lucieta, nandito lang ako," saad ni Rigor. Nagkatitigan kami at ang itim na itim niyang mga mata ay seryoso. Pilit akong ngumiti. "Kain ka na, Lucieta," aniya at idinala ang kamay ko na may hawak ng ensaymada sa aking bibig. Tumango ako at kumagat na roon. Sunod ay inilapit niya sa akin iyong cup na plastic na naglalaman ng milo. Napaatras ako nang mapaso ang labi ko. Agad naman nag-alala ang mukha ni Rigor at para bang handang saktan iyon. Napahagikhik ako. "Palamigin muna natin nang kaunti," saad ko. Tumango siya. Inagaw ko iyon sa kaniya at ibinaba muna ang nakaplastic kong ensaymada. Hinalo-halo ko iyon at inihipan. "Rigor, huwag tayo maghihiwalay, ha? Para pag nagkita ulit tayo ni Ina, magkakasama ulit tayo," saad ko. Nagkatinginan muli kami. Tumango siya kaya napangiti ako. Sumimsim ako sa milo sunod ay siya naman ang pinainom ko. Pagkatapos noon ay naglakad-lakad na kami. Nakaramdam ako lalo ng takot nang mapagtanto na nasa isang siyudad kami. Humigpit ang hawak ko kay Rigor nang makita ang mga maraming sasakyan. Natatakot ako. "Ate, may kilala ba kayong Krisel Mateo?" tanong ko. Umiling ito at nakangiwi na tinignan kami. Pinagbentahan niya ang bumibili sa mga tinda niyang sigarilyo bago sumulyap sa akin. "Naku ineng, ang laki ng Maynila. Hindi mo 'yan mahahanap sa simpleng tanong mo lang  sa kung sino sa pangalan niya. Baka mapahamak ka pa!" aniya. Humigpit ang hawak sa akin ni Rigor. Napapagod na ako kakalibot. Kanina pa ako nagtatanong-tanong pero puro wala. Lalo akong nawalan ng pag-asa nang malaman na Maynila pala 'to. Umupo kami sa tabi at halos makakain ng alikabok dahil sa mga dumadaan na sasakyan. Bigla ay napahikbi ako at tinakip ang palad sa mukha. "Ano ba naman 'to si, Ina? Dito ako dinala. Wala ba siyang ideya na malaki pala 'to?" naiiyak na saad ko. "Lucieta..." bulong ni Rigor at inakbayan ako. "Magtiwala ka lang. Magiging maayos din ang lahat." Nilingon ko siya. Ang itim na itim niyang mata ay nakatitig sa akin nang seryoso. Hmp, akala naman niya alam niya ang totoo na nangyayari! Baka nga wala siyang ideya kasi para siyang robot eh! Hindi na masyado mainit ang sikat ng araw. Siguro ay hapon na. Nasapo ko muli ang tiyan at ngumiwi. Hindi pa kami kumakain ng tanghalian at parang ayaw ko iyon gawin dahil ang laki ng mababawas namin sa pera. Unang araw pa lang 'to. "Lucieta, kumain ka na," saad ni Rigor habang nakatingin sa akin. Umiling ako at lumabi. "Mauubusan tayo ng pera, Rigor. Tapos unang araw pa lang at sabi nga noong ale, mahihirapan tayo hanapin si Tita Krisel," saad ko. Hinawakan niya ang kamay ko at pinisil. Nagkatitigan kami. "Ako ang bahala. Hahanap ako ng paraan para 'di tayo maubusan ng pera," aniya at luminga sa paligid. Napalinga din ako at nanlaki ang mata ko sa nasaksihan. Iyong bata, mas maliit kay Rigor at siguro kasingtangkad ko, sumabit sa jeep saka hinablot ang cellphone ng isang pasahero sabay takbo nito. Nagkatinginan kami ni Rigor. "Hindi ganoon ang gagawin mo, Rigor! Masama iyon at mahuhuli ka ng pulis!" pinandilatan ko siya. Tumango naman siya na parang walang muwang. Nakakita kami ng mga batang nagtitinda ng basahan, sigarilyo, candy at kung anu-ano. "Gano'n, pwede ba?" tanong niya. Tumango naman ako at napangiti. Tumayo siya at hinawakan ang kamay ko. "Tara na at kumain. Kakausapin ko sila mamaya," aniya at hinila ako palapit sa karinderya sa tabi. Masaya akong sumama sa kaniya. Kahit may pag-asa na magkaroon kami ng pera ay nagtipid pa rin ako. Isang ulam lang ang binili namin at tig-isa't kalahati ng kanin. Pwede naman iyon. Ang mas mahalaga ay kanin. Napapangiti ako dahil kanin ang kinakain ko. Minsan lang 'to. Ngunit napawi iyon nang maalala na nakakain ako kahapon nito, sa kaarawan ko na parang isa namang trahedya. Nagtanong nga si Rigor sa mga bata na nagtitinda. Karamihan sa kanila ay sa kalsada nakatira na. Pakiramdam ko ay magiging ganoon din kami. Dinala kami sa tinatawag nilang Boss Dani. Sa may dulo ito ng eskinita nakatira. Malaki siyang mama tapos nakakatakot. Nagtago ako sa likod ni Rigor. Tumawa naman ito at humithit sa kaniyang sigarilyo. "Mga bago kayo rito?" tanong niya. Hindi kumibo si Rigor kaya ako ang tumango. Ngumisi siya at tinapon ang sigarilyo. "Aba, ilang taon ka na totoy. Ang laki mo at ang pogi, ah? Ingat ka pati iyang kasama mo. Maraming adik sa tabi-tabi. Iba ang mga hitsura niyo," aniya at humalakhak. "Bumalik kayo rito bukas ng umagang-umaga. Ikaw nene, sampaguita sa'yo tapos kay totoy ay mga sigarilyo." Kinagabihan ay gumaya na lang kami sa mga bata sa tabi-tabi. Doon sila natutulog sa gilid ng daan, o 'di kaya sa harap ng mga establisyemento. Naghanap kami ng karton at doon sa gilid ng isang karinderya kami pumwesto. "Rigor, kumusta na kaya si Ina? At nagkamali kaya siya ng pinasakyan sa atin? Kasi ang laki nito at mahihirapan nga tayo hanapin iyong si Tita Krisel," saad ko at kumamot sa pisngi. "Magtiwala lang tayo sa Ina mo. Alam niya ang ginawa niya. Bukas ay magtanong-tanong tayo lalo na sa simbahan banda pwesto natin," aniya at hinaplos ang buhok ko. Lumabi ako kapagkuwan ay napatingin sa kaniya. "Rigor, sino ka ba talaga? Bakit noong natagpuan ka namin para kang baby na walang alam tapos ngayon maalam ka na. Ang bilis mo matuto at 'di ka na tanga-tanga," hindi ko mapigilan na magtakha. Nagkatitigan kami at tumaas ang sulok ng kaniyang labi. "Hindi ko alam. Wala akong pangalan. Basta alam ko matagal na akong buhay sa kung saan na puro liwanag lang. Lumalaki ako habang lumilipas ang panahon pero wala akong kasama roon kaya wala akong kaalam-alam. Parang saka lang ako nagka-isip noong nagkita na tayo tapos agad kong natututunan iyong mga sinasabi at ginagawa niyo," aniya. Nanlalaki ang mata ko na napatitig sa kaniya. "Iyan na ang pinakamahaba mong sinabi!" saad ko at humagikhik. Tipid siyang ngumiti. Bigla ay hinila niya ako at pinahiga sa kandungan niya. Natahimik ako at tumitig sa sementadong daan na natatanaw ko. Hindi ako sanay. Maingay ang paligid dahil sa mga sasakyan kahit gabi na. "Matulog ka na," aniya. Lumabi ako at nagkamot sa braso. "Hindi ako sanay, Rigor. Hindi ako nakalinis ng katawan at pekpek ko. Pakiramdam ko tuloy ang dumi ko," nakasimangot kong saad. "Hahanap ako ng paraan bukas para makaligo tayo," aniya at hinaplos-haplos ang buhok ko. Napangiti ako at tumango. Naniniwala na tuloy ako na basta magkasama kami ni Rigor ay magiging maayos ang lahat. Maaga kaming nagising kinabukasan. Madilim pa man pero marami ng sasakyan. Hindi talaga ako sanay. Atsaka pala, parang hindi natulog si Rigor. Nagising ako na nakahiga pa rin ako sa kandungan niya at nakatitig lang siya sa akin. Noong nagising na ako ay umalis siya tapos pagbalik niya ay may tubig na siyang dala. Nagmumog kaming dalawa. Tapos sinuklay ko ang alon-alon kong buhok gamit ang daliri ko. "Nandidiri talaga ako sa katawan ko, Rigor," lumabi ako. Tumitig siya sa akin at ngumiti. "Malinis ka pa rin tignan. Hahanap tayo paraan mamaya. Halika na," aniya at hinawakan ang kamay ko. Bumalik nga kami roon sa eskinita, kay Boss Dani. Tapos binigay niya na sa amin ang paninda at sinabi ang mga presyo noon. "Marami akong mata sa paligid. Huwag kayo magtatangka na itakas ang mga 'yan," aniya. Napalabi ako at kumamot. "Boss Dani, dalawa lang naman 'yang mata mo. Paanong marami kang mata? Atsaka wala kami balak tumakas. Wala nga kami mapupuntahan, eh," saad ko. Tumawa lang siya at pinaalis na kami. May nakasalubong kaming ibang bata na hihingi na rin 'ata ng paninda. Nagtanong kami kung saan ang simbahan na pwesto namin at itinuro naman nila. Magkahawak kamay kami ni Rigor papunta roon. Nanlaki ang mata ko nang makita ang malaking simbahan. Doon sa amin maliit lang eh. Medyo nanghina rin ako nang makita na ang daming mga nagkalat na nagbebenta rin ng sampaguita at sigarilyo. Katagalan ay napagtanto namin na kailangan namin maghiwalay ni Rigor kasi wala masyadong bumibili ng sigarilyo sa may simbahan. Itinulak ko siya palayo sa akin at halos ayaw niya ako iwan. "Sige na, Rigor. Kita tayo mamaya rito sa harap ng simbahan. Kailangan natin makabenta," saad ko. Seryoso siyang tumitig sa akin. "Magkikita tayo mamaya, ha? Mag-iingat ka. Isigaw mo lang pangalan ko kapag kailangan mo ako," aniya. Natatawa ko naman siyang pinaalis na. Kahit isigaw ko pangalan niya ay hindi niya ako maririnig, sa dami ba naman ng tao! Napagtanto ko na kailangan talaga makipag-unahan sa mga kapwa ko nagbebenta. Agawan talaga, sa dami ba naman namin. Nang natapos ang unang misa ay nakipagsiksikan ako sa mga tao at nag-alok. Kaso iilan lang ang naibenta ko. Nang humupa ang mga tao ay tumigil na ako at tumayo sa gilid. Ang iba ay mukhang may suki. Ako kasi bago pa lang. May iilan na akong naibenta kaya naisipan ko na lang ipagtanong muna kung may kilala silang Krisel Mateo. Pero bigo pa rin ako. Luminga ako sa paligid para hanapin si Rigor at nakita ko siya sa kabilang kalsada, nagbebenta. Napangiti ako. Mukhang marami siyang naibebenta. Tapos may mga kausap pa siyang mga mukhang tatay. Pangalawang pagtapos ng misa ay nakipagsiksikan ako muli ngunit naitulak lang ako palabas. Lumabi ako at tumayo sa gilid. Bigla ay may lumapit sa aking ginang. "Pabili nga ako limang piraso. Mukhang bago ka lang dito, hija, ah?" nakangiti niyang saad. Tuwang-tuwa naman akong tumango at inabot sa kaniya ang bilang ng bibilhin niya. "Opo, may hinahanap nga po ako. Teka, may kakilala po ba kayong Krisel Mateo?" tanong ko. Natigilan siya at napatitig sa akin. Kapagkuwan ay luminga siya at may sinitsitan. Tapos lumapit ang isang maputi na babae. Nakasuot din ito ng magandang dress. Napakunot ang noo ko nang mapansin na may kahawig siya. "Krisel Mateo ka, 'di ba?" saad ng bumili sa akin. Tumango naman ang babae at tumitig sa akin. "Hinahanap ka nito, oh." "K-kamukha mo si Ina! Ako po si Lucieta Amelie at sabi ni Ina na hanapin kita rito. Amalia po ang pangalan niya!" saad ko at nakaramdam ng saya. Napatitig ito sa akin at napakurap. Kapagkuwan ay umiling siya at umatras. "N-naku, iba yata ang hinahanap mo. Maraming Krisel Mateo. Tara na ate Susan," aniya at tinalikuran ako. Nanlaki ang mata ko at hinabol siya. Hinawakan ko siya sa braso. "Ikaw po 'yon! Kamukha mo si Ina at naalala ko ang mukha mo sa litrato na meron siya. Tita Krisel, tulungan mo po ako. Wala po akong matuluyan," nagmamakaawa na saad ko. Umiling siya at pilit na pinabitaw ako. "Hindi! Hindi! Wala akong kilala na Amalia. Sige na, bata." Pilit ko siyang hinawakan pero tinulak niya ako at galit akong tinignan. Sumalampak ako sa sahig at pinanood ang pag-alis niya. Tapos sumakay sila ng kotse. Iyong kasama niya ay may awa sa mata na tinignan ako ngunit walang ginawa. Pinigilan ko ang hikbi. Hindi pwede na lagi kong iiyakan ang mga hindi magagandang pangyayari. Atsaka, siguro ay hindi nga siya ang hinahanap ko. Kasi kung siya iyon, dapat tinanggap niya ako dahil pamilya kami. Ganoon kapag pamilya, eh. Pero sino ba ang niloloko ko. Kamukha siya ni Ina. Siya iyong nakita ko sa family picture noon ni Ina na itinatago niya. Baka nga, sadyang ayaw niya sa akin. Kinagat ko ang labi at pilit na tumayo. Malungkot man ay nagbenta ako at siyempre mahirap pa rin dahil sa dami ng kompetensya. "Lucieta.." Napaangat ako ng tingin at nakita si Rigor. Lumapit siya sa akin at seryosong tumitig. Sinulyapan ko ang paninda niya at nakita na marami na siyang benta. Ako ay may sampung piraso pa ng sampaguita at paubos na ang tao sa huling misa sa umagang 'to. Sabi ni Boss Dani dapat maubos ko 'to ngayon para malaki ang kitain ko. "Tulungan kita magbenta," saad ni Rigor. Umiling ako at inginuso ko ang paninda niya. "Iyan ang pagtuunan mo ng pansin. Sige na, Rigor," saad ko at tinalikuran siya. "Sampaguita po..." alok ko sa mga lumalabas ng simbahan. Napakunot ang noo ko nang tumabi sa akin si Rigor at tumatawag na rin ng mamimili sa akin. Nanlaki ang mata ko nang agad na maubos ang natira sa akin. Swerte yata si Rigor sa ganito! "Bakit malungkot ka, Lucieta?" tanong niya habang naglalakad kami pabalik kay Boss Dani. Ubos na ang akin at sa kaniya ay iilang piraso na lang. 'Di hamak na mas malaki ang kita niya kasi mas malaki ang paninda niya. Ang mga nakasasalubong namin ay bumibili rin. Swerte talaga si Rigor. "Kasi ayaw sa akin ni Tita Krisel. Nakita ko siya kanina pero 'di niya ako kinilala," saad ko. Bumuntong-hininga ako. "Hindi ko na tuloy alam ang gagawin dahil iyon ang bilin lang sa akin ni Ina pero ayaw naman niya," saad ko. "Huwag ka na mamroblema. Hayaan mo na sa akin ang lahat," aniya at hinigpitan ang hawak sa kamay ko. Pagdating namin kay Boss Dani ay tuwang-tuwa siya dahil ubos ang sa amin. Hindi siya makapaniwala, lalo na roon sa paninda ni Rigor na marami. "Ang galing niyo namang magsyota!" aniya at humalakhak habang binibilang ang pera. Kumunot ang noo ko. "Ano ang syota?" tanong ko. Tumawa siya at tinuro kami ni Rigor. "Kayo, magsyota kayo. Rigor, syota mo iyan si Lucieta, 'di ba?" tanong niya. Kumunot ang noo ni Rigor at mukhang hindi naintindihan ngunit tumango siya. "Bagay kayo dahil maganda at gwapo. Kape at gatas!" tumawa siya muli. Napasimangot ako. "Hindi naman ako kulay kape, Boss Dani, eh!" reklamo ko. Tumawa siya nang tumawa. "Sige, kopiko brown ka na lang," natatawa niyang saad. Lumabi ako dahil hindi ko iyon alam. Tapos binigyan niya kami ng pera bilang kapalit ng pagtinda namin. Sa akin ay fifty tapos kay Rigor ay one hundred. Nanlalaki ang mata ko at napangiti. Habang paalis kami ay pinagsama namin ang pera at 'yung natira sa bigay ni ina. "Feeling ko tuloy mayaman na tayo, Rigor," saad ko at humagikhik. "Magpapayaman ako, Lucieta para hindi ka na mahirapan," aniya. Nagkatitigan kami. Natawa ako at sinampal siya. Ngumiti lang siya. Natigilan kami nang magtakbuhan ang mga bata. Tapos may tumigil sa harap namin na lalake at hinila kami papunta sa sasakyan. "Ayon pa, kunin niyo rin 'yon. Ang kukulit ng mga bata na 'yan. Ayaw nila sa atin na bibihisan naman sila at may titirhan na maayos," saad ng isa. Nagkatinginan kami ni Rigor. Sumama lang kami sa kanila. Napatingin sa amin ang mga nasa loob ng sasakyan. Nakauniporme iyong mga medyo matatanda na. "Oh, kayo? Magkaano-ano kayo?" tanong ng babae. "Magsyota," sagot ni Rigor. "Jusme mga kabataan ngayon! Hindi pa nga yata nireregla 'tong babae. Naku, hija at hijo!" saad ng isa at nagtawanan sila. Kumunot ang noo ko. "Ano po ba ang magsyota? Si Boss Dani ang nagsabi na magsyota kami ni Rigor. Tsaka saan kami dadalhin?" tanong ko. Nagtanguhan naman sila na tila nalinawan. "Sa maayos na tirahan," saad ng isa. Namilog ang mata ko. "Liliguan po ba kami? Kasi medyo nangangati na po ang pekpek ko," saad ko. Nagtawanan na naman ang mga naroon. Nagkatinginan kami ni Rigor kasi wala naman nakakatawa roon. "Hindi dapat sinasabi ang mga ganiyan na bagay, ineng." "Bakit po, hindi po ba nangangati ang pekpek niyo pag 'di kayo naghugas?" takhang tanong ko. Nagtawanan na naman sila. Humigpit ang hawak sa akin ni Rigor. "Ang ibig sabihin ko, iyong pempem. Bastos iyon. Dapat hindi mo iyan basta sinasabi—" "Pero po wala naman masama roon. Lahat naman po ng babae may pekpek, 'di ba? Ano po ang bastos doon kung parte naman iyon ng babae? Lahat naman po ay aware na may pekpek ang babae. Ang bastos po ay 'yung hahawakan ka ng ibang tao roon," saad ko. Napailing-iling sila at natawa ulit. Medyo matagal ang biyahe tapos dinala kami sa isang malaking bahay. Tapos pinaliguan kami pero ako lang nagpaligo sa sarili ko. Dinamitan nila kami at ang saya ko kasi ang linis na naman ng pakiramdam ko. Tapos pinakain din kami at busog na busog ako! "Ano ang pangalan mo?" rinig kong tanong kay Rigor. "Rigor." "Sino ang mga magulang mo?" tanong ng babae. Umiling siya. "Wala akong magulang," aniya. "O hindi mo kilala?" tanong ng babae. Umiling ulit si Rigor. "Napulot lang ako nila Lucieta," aniya. Tumango-tango ang babae tapos ako naman ang tinanong niya. "Ako po si Lucieta Amelie Castiliote. Ang Ina ko po ay si Amalia at ang Itay ko ay si Ramon Castiliote. Nakatira po kami sa taas ng bundok," saad ko. Tumango-tango ang babae. "Wala ba talagang magulang si Rigor?" tanong niya. Napatingin ako kay Rigor na seryosong nakatitig sa akin. "Wala po. Sa amin po siya kasi kami po nakakita sa kaniya," saad ko. Tinanong pa kami ng kung anu-ano. Natigilan ako nang marinig ang pinag-uusapan nila ng isang babae. "Itong batang babae ay may uuwian pa siguro. Makikipag-coordinate tayo sa pinagmulan niya. Iyong batang lalake ay wala na. Napulot lang siya. Kung napabayaan nga itong batang babae, hindi capable ang pamilya na alagaan pa si Rigor," saad ng isa. Kumunot ang noo ko. "Dadalhin ba natin siya sa orphanage?" Natigilan ako at umupo sa tabi ni Rigor. Napaisip ako. Ano nga ba iyong orphanage? Narinig ko na iyon sa lesson ng teacher ko, eh. "May problema ba?" tanong ni Rigor. "Orphanage..." bulong ko. Nanlalaki ang mata ko nang maalala ang ibig sabihin. Tumitig ako kay Rigor at nanlabo ang mata. "Rigor...tumakas tayo rito," bulong ko sa kaniya. Kumunot ang kaniyang noo. "Ayaw mo rito? Lagi kang makakahugas ng pekpek mo rito at maayos ang pagkain," aniya. Umiling ako at pinigil ang hikbi. "Ipaglalayo nila tayo, Rigor. Hindi pwede 'yon," saad ko at tuluyan naluha. Kumunot ang noo niya kapagkuwan ay tumango. Tumayo ako at kinuha ang pera ko sa shorts ko kanina. Luminga ako sa paligid at nakaramdam ng takot nang makita na maraming matatanda. Mahihirapan yata kami tumakas! "Si Governor Preston ay parating. Governor sa may Visayas iyon. May hinahanap daw na bata," narinig kong saad ng isa. Naglakad na kami Rigor nang magkahawak kamay. "Paano tayo makakaalis?" bulong ko. "Ako ang bahala," aniya. "Lucieta Amelie raw." Nanlaki ang mata ko nang marinig ang pangalan ko. Bigla ay tinakbo ako ni Rigor. Nagkagulo ang iba nang makita kami. Nabigla ako nang binuhat niya ako na parang baby. Kumapit ako sa leeg niya nang mahigpit pati na rin ang mga hita ko sa bewang niya. Nagsigawan ang mga tao sa loob. "Rigor..." kinakabahan kong saad. Sa harap namin ay malaking gate. "Huwag niyo patakasin. Hinahanap ang batang babae na 'yan," rinig kong saad. Akala ko ay tuluyan na kaming mahuhuli ngunit bigla ay sinipa ni Rigor ang malaking gate at nagtalsikan iyon. May nakita pa ako na bumaba sa parating na kotse at nakita ko ang governor doon sa amin. Nagkatitigan kami at nanlaki ang mata niya. Inilabas ko ang dila sa kaniya at hindi siya pinansin habang tumatakbo si Rigor. Lalong bumilis ang takbo ni Rigor at napapikit ako nang halos 'di ko na makita ang paligid. Sumubsob ako sa balikat niya. Hindi ko alam kung gaano kami katagal ngunit alam kong malayo na kami. Ibinaba niya ako nang makapagtago kami. Ang bilis-bilis ng t***k ng puso ko. Nagkatitigan kami at ngumiti siya sa akin. "Hindi ko hahayaan na magkahiwalay tayo, Lucieta," masuyo na saad niya at hinalikan ako sa noo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD