SELENDRINA
"HOY, Bruha, ako naman!" Inagaw ni Jordie ang hawak kong salamin pati ang pang-brush na kanina ko pa ikinakaykay sa aking mga pisngi.
"Saglit nga, hindi pa ako tapos!" sabi ko sabay tinangkang agawin sa kaniya ang brush. Pakiramdam ko kasi hindi pa pantay ang blush on ko.
"Okay na 'yan, girl. Para ka na ngang sinapok diyan sa ayos mo eh."
Naiiling na camera na lang tuloy sa cellphone ko ang ginamit kong salamin. Pinunasan ko na lang ng panyo ang kabilang pisngi ko na medyo mapula. Pagkuwa'y ang buhok ko naman ang pinagtuunan ko ng pansin.
Today's the day. Ang aming graduation. Umaga ang ganap niyon dahil mamayang gabi ay ang graduation ball naman ang mangyayari. Excited ako na medyo kabado. Sana ay hindi ako mapiyok o magka-stage fright mamaya sa aking graduation speech. Lalo pa't nandito ang aking buong pamilya.
"Ngayon pa lang, anak, binabati ka na namin." Niyakap pa ako ni nanay at tatay kaya medyo naging emosyonal na naman ako. Kagabi pa dumating ang mga ito at sa dorm ko sila pinatulog.
"Congratulations, Ate. Ang laki pala rito sa school ninyo. Sana 'pag nag-college ako, dito rin ako pumasok," sabi naman ni Jira na sumunod sa akin.
"Siyempre naman. Tutulungan ka ni Ate," sabi ko at niyakap pa ito.
"Ako rin, Ate, ha? Gusto ko, dito rin ako para magkasama kami ni Ate Jira."
Halos magkasunuran lamang ang dalawang kapatid kong ito. Sa susunod na taon ay magsi-senior highschool na si Jira at junior naman si Owen.
Matatanda na ang mga magulang ko kaya ayaw ko na silang pahirapan kaya talagang tutulungan ko ang mga kapatid kong makapagtapos ng pag-aaral. Kung alam lang nila ay may pondo na ako para sa kanilang pampaaral sa kolehiyo. Ang problema lang, hindi ko alam kung paano mababanggit sa kanila si Liam.
Mayamaya pa ay nagsimula na ang programa. Kasama ko pa si nanay at tatay sa aming graduation march. Hiwalay ang upuan naming mga ga-graduate sa mga magulang. Habang nakikinig kami sa mga speaker na nagsasalita sa may stage ay panay ang libot ng mga mata ko sa paligid. Ewan ko ba, bigla na lang ay parang na-praning ako nang mga sandaling 'yon. Iniisip ko na bigla na lang susulpot ang Liam na 'yon sa harap ko at bigla na lang hahablutin ang kamay ko. Siguro kakaisip ko sa kaniya kagabi, at kakatingin sa litrato niya nagha-hallucinate na ako.
Maraming ga-graduate na mga estudyante sa taong iyon. At dahil nauuna sa listahan ang aming kurso, nagsisimula na talaga akong maging kabado. Bukod pa na iyon nga, nakatakda akong magtalumpati sa lahat ng ga-graduate na kagaya ko.
Hanggang sa hindi ko namamalayang tapos na pala ang speech ng mga guest speaker at dumako na sa pinaka-main ng program. Ang isa-isang pagtatawag ng pangalan ng mga ga-graduate at ang pag-akyat namin sa stage.
Malayo-layo pa ang pangalan ko ngunit handa na ako. Panay pa ang lingon ko sa gawi ng mga magulang ko. Gusto kong makita kung gaano sila kasaya sa araw na matagal din namin hinintay.
Sta. Maria, Selendrina Lopez. Suma-cumlaude.
At pagkarinig ng aking pangalan kasabay pa ng titulo ng honor na narating ko ay proud na proud akong umakyat ng stage. Hindi ko ipinagdamot ang aking ngiti sa harap ng faculty at guest kung kanino ako nakipagkamay. Tumingin pa ako kina nanay at tatay at pasimpleng ngumiti sa mga ito.
THE language that I chose for my graduation speech was Filipino. Ito ay para maintindihan din ng mga magulang ko ang aking mga sasabihin. Wala naman iyong kaso dahil naipalam ko na iyon sa lahat bago na-approve ang speech na ginawa ko.
Now I'm here. Sa harap ng maraming tao. Sa harap ng mga magulang at mga ka-batch ko na ga-graduate ngayong taon. Sunud-sunod akong huminga ng malalim upang alisin ang kaba sa dibdib at bahagyang inilayo muna ang mic sa aking bibig para linisin ang bikig sa lalamunan. Saka ako ngumiti at muli silang hinarap.
Magandang araw po sa ating lahat. Ang aking pagsisimula. Unang-una ay gusto ko po munang magpasalamat sa buong Maykapal na siyang ating naging katuwang upang makarating tayo sa araw na ito. Sa ating mga magulang na ating naging gabay at inispirasyon upang matapos natin ang yugtong ito ng buhay. Sa ating mga faculty members, sa ating butihing Dean at siyempre sa inyong kapwa estudyante ko na aking naging mga kaibigan at karamay. Dumating na ang araw na ating pinakahihintay...
Medyo may kahabaan ang speech kong iyon at kahit saulado ko pa ay panaka-naka pa rin akong tumitingin sa papel na nakapatong sa aking harapan. Masaya ako and at the same time ay nalulungkot habang nagsasalita sa kanilang harapan dahil ang graduation na iyon ay magiging hudyat na rin ng aming panibagong buhay. Maaaring hindi ko na makasama pang muli ang aking mga kaibigang sina Jordie. Ngunit excited para sa nalalabing bagong kabanata na aming tutunghayan. Natapos ang aking speech na may iyak at ngiti sa mukha. Nang bumaba ako ng stage ay pinuntahan ko pa ang aking mga magulang upang yakapin. And shortly after that ay muling nagsalita ang aming dean upang official kaming maging mga graduates. Kaniya-kaniya kaming tapon ng aming mga graduation cap.
"Mami-miss ka namin!" Lumapit sa akin ang mga kaibigan kong sina Jordie, Sharah, Daisy at Whimper. Nag-group hug pa kami at isa-isang nagyakapan. Sayang kung nandito si Wena ay malamang kasama namin ito. Kahit may atraso sa akin ang isang iyon ay bigla pa rin siyang nasagi sa isipan ko. Naka-graduate na rin kaya ang isang 'yon? Kumusta siya?
"Mga loka kayo, hindi pa end of the world. Magkikita-kita pa rin naman siguro tayo for sure," nagpupunas ng luhang biro ko.
"At saka, 'di ba ang usapan, pagkakuha natin ng license at two years na experience ay mag-a-abroad tayong lahat?" Si Sharah.
Oo, iyon ang plano namin noon. Hindi lang kasi triple ang sahod ng nurse sa ibang bansa kumpara rito.
"May graduation ball pa mamaya. Siguraduhin niyo lang na makakarating kayo, ah?" Whimper.
Tumango ako. Nag-picture taking na muna kaming lima. At mayamaya ay sina nanay naman ang pinuntahan ko. Ngunit laking pagtataka ko nang hindi makita ang mga ito sa dating puwesto. Sinuyod ko na rin sila ng tingin sa paligid ko ngunit wala ang mga ito.
"Hay! Baka siguro uwian na?" naiiling na sambit ko. Tatawagan ko pa lang sana si Jira sa cellphone nito nang unahan niya ako. "Hello, nasa'n kayo?" bungad ko habang panay pa rin ang linga sa paligid.
"Ate, nandito na kami sa labas. Punta ka na lang dito."
"H-Ha? Teka, magpi-picture taking pa tayo rito at -"
"Hindi na raw kami puwedeng umalis, Ate. Nakasakay na kami ng kotse eh. Baka magalit 'yong driver."
"Huh?" gimbal na tanong ko. "T-Teka. Ano'ng sasakyan? Nasaan kayo?"
Kahit nakatoga pa ay lumabas ako ng school. Agad ko silang hinanap at sa isang hi-ace van ay nakita ko sina Jira at Owen na kumakaway pa sa akin.
"Ginagawa n'yo riya-"
Ngunit bago pa ako nakapagtanong ay agad na akong nasagot. Mula sa van na iyon ay bumaba si Ms. Nath at nakangiting sumalubong sa akin.
"Congratulations, Miss Sta. Maria! Pinasusundo na po kayo ni Sir Liam, kasama ang buong pamilya ninyo. Tara na po nang maihatid na namin kayo."
Seryoso? Sa bagay eh ano pa'ng ikagugulat ko, ine-expect ko na naman itong mangyayari? Pero kasama pa pati buong pamilya ko?
"S-Saglit, Miss Nath. Baka puwedeng-"
Gusto ko pa sanang makipag-celebrate sa mga kaibigan ko mamaya. At gusto ko ring maka-bonding pa ang buong pamilya. Plus explain to them what's going on.
"Kailangan na po nating umalis, Ma'am. Don't worry. Safe and sound kayo ng buong family." Pinagbuksan niya pa ako ng pinto. Doon sa sliding door ng van niya ako pinapapasok. Kung saan nag-aabang pa sa akin ang buong pamilya ko.
"Hala. Pumasok ka na rito, anak. Mainit diyan!" si nanay na halatang komportable sa kinauupuan.
"Talagang sumakay kayo rito nang wala man lang pasabi sa akin?" naguguluhan pa ring tanong ko. Pero sumakay na rin ako ng van.
"Eh, tinatawag ka namin, Ate eh. Busy ka sa mga kaibigan mo."
"Sumakay kayo rito kahit hindi n'yo naman kilala ang nagpasakay sa inyo?" singhal ko pa.
"Kilala ka raw no'ng magandang babae. Kaibigan mo raw siya. Supresa mo raw 'to dahil magse-celebrate tayo ng graduation mo."
Nanlaki ang mga magmata ko. "Seryoso kayo, Ma? Naniwala kayo?"
"Eh, bakit? Nagsisinungaling ba siya?"
Napabuntong-hininga na lang ako. Masisisi ko ba sila? Ngayon lang sila as in nakapunta rito sa Maynila. Kagabi nga para silang mga ewan nang dalhin ko sa isang fast food dahil doon kami naghapunan. Eh ang mga kapatid ko, kahit nakapag-aral na ang mga iyan, isa ring mga uto-uto lalo't kami lahat ay masunurin sa magulang.
"Miss Sta. Maria, okay na ba kayo? Maari na ba tayong umalis?" tanong ni Miss Nath pagkuwan. Kasama lang namin siya sa van na 'yon. Katabi ito ng driver.
Makahulugan ko siyang tiningnan, saka ako tumango. "Okay na po." At nagsimula na ngang bumiyahe ang aming sasakyan.