PROLOGUE
Pasipol sipol pa si Dorothea o mas kilala sa tawag na Doro habang naroon siya sa sosyal at magarbong opisina ni Donya Leticia Mondemar. Nangako ang mayamang ginang sa kaniya na bibigyan siya nito ng trabaho kaya kanina pa siya excited habang hinihintay nila ang magiging boss niya.
Habang naghihintay ay patingin tingin siya sa bawat sulok ng opisina. Hindi niya mapigilan ang humanga sa mga nakakasilaw at mamahaling gamit na naroon. Kahit ang silyang gamit niya ay mas malambot pa sa kama niya at parang gusto na nga niyang iuwi.
"Thea, dalaga ka pa ba?"
Mula sa pagtitig sa magandang painting na nakasabit sa pader ay nagawa niyang ibaling ang tingin kay Donya Leticia. Mas lalo pa siyang natulala nang matitigan niya ang magandang mukha ng babae. Oo nga at may edad na ito pero hindi nakabawas iyon sa kagandahang taglay nito. Base sa magandang kutis at pinong pagkilos ay mahahalata na agad na mayaman ito.
Sa bayan nila ay kilala ang pamilyang pinagmulan ni Donya Leticia Mondemar. Sino ba ang hindi makakakilala sa mga Mondemar kung sa mismong ninuno pa ng mga ito nagmula ang pangalan ng bayan nila. Idagdag pa na sobra ang ginagawang pagtulong ng mayamang pamilya sa mga kababayan niya. Kaya nga hindi na nakapagtataka na kilala talaga ang pamilya Mondemar.
"Binata pa po," sagot niya na ikinatawa ni Donya Leticia.
"Binata?" naaaliw na tanong nito sa kaniya.
Mabagal na tumango naman siya habang kontentong tinatapik ang palad sa kaliwang hita niya.
"'Yun po ang madalas na sinasabi sa akin ng tatay ko, binata na daw ako."
Muling natawa ang ginang.
"Hindi ka tomboy."
"Paano naman po kayo nakakasiguro?" napakunot noo siya at sinalubong ito ng tingin.
Kahit nagmula sa mayamang angkan ang ginang ay hindi siya nakaramdam ng pagkailang dito. Mabait kasi ito at nararamdaman niya na totoo ang lahat nang ipinapakita nito sa kaniya ngayon.
"Sabi lang ng instinct ko." Nakangiting isinandal nito ang likod sa backrest ng swivel chair at pinagsalikop ang mga braso sa bandang dibdib.
"Imposible po 'yan, ma'am, nakita naman po siguro ninyo kanina kung paano ako makipaglaban sa mga lalaking gustong mangholdap sa inyo?" tanong pa niya.
Kanina lang ay kamuntik na itong mapahamak. Nang lumabas kasi ito ng mall at dumiretso sa parking lot ay mayroong apat na lalaki pala ang nag aabang dito. Ang matandang driver lang ang kasama ni donya Leticia kaya ganoon na lang ang takot nito nang tangkain ng isa sa mga lalaki na agawin ang bag nito. Sakto naman na nasa malapit lang siya kaya natulungan niya ito. Bago pa man dumating ang mga security guard ng mall ay napatumba na niya ang apat na lalaki. Nagpasalamat sa kaniya ang ginang at gusto sana siyang bigyan ng malaking pera pero hindi niya iyon tinangap.
Nang mabanggit niya naman dito na naghahanap siya ng trabaho at iyon ang dahilan nang pagpunta niya sa mall ay agad na isinama siya nito sa mansiyon ng mga Mondemar. May trabaho na daw siya at kailangan lang niyang hintayin ang boss niya. Hindi na siya tumanggi pa dahil totoong kailangan niya ng trabaho ngayon. Wala siyang balak na maging pabigat sa pamilya niya kaya kailangan niyang magbanat ng buto.
"Hindi mo pa lang siguro nakikita ang lalaking magpapatibok ng puso mo. Pero kapag dumating na siya sa buhay mo, maniwala ka sa akin Dorothea, sigurado ako na magbabago ka."
Nagusot ang ilong niya sa narinig.
"Imposible po talaga, ganito na po ako pinalaki ng pamilya ko 'eh." Giit pa niya.
Napailing na lang ito at parang gusto nang sumuko sa katigasan ng ulo niya. Mayamaya ay biglang bumukas ang pinto at pumasok sa loob ng opisina ang isang matangkad na lalaki. Mabilis na tumayo siya nang marinig ang tinig nito.
"Anong problema, mommy? Totoo ba ang nabalitaan ko na kamuntik ka nang maholdap at-" natigilan ang lalaki at agad na nanlaki ang kulay dahon na mga mata nang makita siya.
"Who is she?"
Tumayo si Donya Leticia at lumapit sa lalaki na hanggang ngayon ay nakatitig pa rin sa kaniya. Siya naman ay parang ipinako na lang mula sa kinatatayuan at hindi na makagalaw pa.
Nakakalunod ang klase ng tingin na ibinibigay sa kaniya nito. May kakaibang epekto sa kaniya ang simpleng pagtitig ng lalaki kaya hindi niya mapigilan ang biglang pagbilis ng t***k ng puso niya.
Napahinga siya ng malalim at ilang beses na napalunok habang magkadikit pa rin ang mga mata nila. Hindi niya magawang bawiin ang mata sa gwapong mukha ng lalaki. Parang isang malakas na mahika ang presensiya nito na unti unting humihigop sa kaniya.
"Miguel, anak, siya na ang magiging bodyguard at assistant mo magmula ngayon. Siya nga pala si Dorothea, siya ang nagligtas sa akin kanina." Imporma ni Donya Leticia na halos ikawindang ng buong sistema niya.
"What?!"
Kamuntik na siyang mapatalon sa pagkagulat nang dumagundong sa bawat sulok ng opisina ang malakas na tinig ng anak ni Donya Leticia na Miguel pala ang pangalan. Hindi niya mapigilan ang pagbangon ng hindi maipaliwanag na emosyon sa dibdib niya.
Wait! Akala ko ba babae ang gusto ko?! oh no!!!!