Chapter Two

1771 Words
Eeya Wala kaming ginawa mag-hapon kun'di ang mag-kwentuhan at pag-usapan ang magiging pagbubuntis ko. Wala pa man gusto na nila Mama bumili ng mga damit ng baby na pinagtalunan pa nilang mag-asawa nang bumalik si Papa kung anong kulay ang bibilhing mga gamit. Napapailing na lang ako Anak excited na silang makita ka, at syempre si Mama din. Sana si Papa mo rin. 'Di man ngayon, mahanap sana niya sa puso niya ang pagtanggap sayo. Marami silang naging payo lalo na si Mama Zenaida na gusto pang mag-hire ng stay-in nurse para maalagaan daw akong mabuti o 'di naman kaya ay dumito nalang sa bahay para maalagaan ako. Mahigpit naming tinutulan ni Papa. Sobra-sobra na ang binigay nila sa akin. Baka lalong magalit yung anak nila. Nakakatakot pa naman tumingin no'n, tingin palang nakakapanginig na mas lalo na kapag nagsalita. Gabi na rin tapos na kaming maghapunan nakauwi na rin ang mag-asawa sa mansyon nila ayun kay Diday. Pero hindi pa umuuwi si Brandon. O baka wala ng balak umuwi 'yon dahil alam niyang nandirito ako. Pero hindi pupwede ito 'yong bahay niya. Hays Nagdadalawang isip pa akong pumasok sa kwarto niya. Hanggang ngayon nakahawak pa rin ako sa seradura ng pinto. Wala pa man bumabalik na yung mga alaala ko no'ng huli kong punta dito. Na dahilan ng pag-init ng tenga at pisnge ko. Nabitawan ko na lang iyong hawakan at panay ang paypay ko sa mukha. Jusko Eeya, hanggang ngayon ba naman iniisip mo yun? Akala ko ba kakalimutan mo na yun? Saway ko sa sarili ko. Paano ko malilimutan iyon kung 'yon ang dahilan kung bakit may bata ako sa tiyan ngayon. Kung bakit may asawa na ako. Wala pang nakakaalam mula sa pamilya ko sa mga nangyare. Naging mabilis ang lahat. "Ayos ka lang Eeya?" Napahinto ako sa paglalakad nang pabalik-balik at lumingon kay Nay Mela, kipkip ang mga punda at bedsheets na pinapalitan ni Mama kanina "A-ayos lang po Nay," utal ko pang sagot sabay kamot sa sintido ko. Nakakahiya naabutan pa akong nagdadalawang-isip dito sa harap ng pinto baka isipin ni Nay Mela masyado akong pabebe, samantalang heto at buntis na nga ako pahamak ka din sa sarili mo Eeya. "Bat di ka pa pumasok? At wag kang palakad-lakad diyan at bawal sayo ang mapagod. Halikana." Saway niya sa'kin habang papasok sa loob ng kwarto. At heto na naman yung isip at puso ko nagkakagulo. Tama na nga Eeya! Mukha kang ewan parang ikaw lang nakakaranas ng ganito panigurado mas marami pa diyan, at wala lang sa kanila. Ikaw daig mo pa yung virgin. May anak ka na. Kastigo ng utak ko. Nababaliw na ata ako. "Hala magbihis ka na, para makapagpahinga ka na, at matatapos na ako dito. Deretsuhin mo 'yang pasilyo d'yan sa likuran mo, pangalawang pinto iyong banyo. At unang pinto iyong closet," imporma sa akin ni Nay Mela. Malaki itong kwarto ni Brandon, pinaghalong white at itim itong mga gamit. Isang malaking kama sa kaliwa ang bubungad kapag pumasok ka, may iilang drawer na may mga design na nakapatong. At harap ng kama ay isang malaking flat screen TV, katamtamang wooden coffee table at L-shape sofa. May sliding door din sa gilid na tinatakpan ng makapal na kurtina. Wala masyadong litrato dito o paintings din. Kahit sa sala wala rin. Mga importanteng bagay lang sa isang bahay ang naririto. Gusto ko pa naman yung maraming nakikita sa isang bahay, mga paintings lalong-lalo na yung mga pictures. Pero dito sa bahay ni Brandon, wala. Sabagay sa kanya naman 'to. Napaisip ako. Dagdagan ko kaya? Baka gusto mong mapalayas dito? Mapatira ka dito hindi pa sigurado yang pagdedesign pa kaya? Kontra no'ng isang bahagi ng utak ko. Delikado ka na Eeya. "Sige po salamat Nay." Ngiting pasalamat ko sa kanya ng matapos siya sa pagpapalit at lumakad na palabas. Deretso naman ako sa kaliwang bahagi kung saan ang isang aisle, na kung titingin ka sa kaliwa isang malawak na salamin ang bubungad sayo. Buong pader na ata ito. At isang bintana sa dulo na may drawer, wala na namang nakapatong na palamuti o halaman man lang. And dull tuloy tingnan 'tong bahay niya. Pumasok na 'ko sa unang pinto at bumungad sa akin ang malawak na closet. Iba't-ibang klaseng mga damit ang nakikita ko, at ang bango pa, amoy detergent na hindi masakit sa ilong. May isang aparador din na puno ng mga sapatos na pang-basketball yung iba ay pamilyar sa akin dahil nakikita ko sa social media. Grabe ang yaman naman talaga nang lalakeng 'yon. Mukang dito ata napunta lahat ng pera niya. Damit at sapatos. May isang drawer pa akong nakita na puno rin ng mga iba't-ibang relo. Nakakatakot hawakan baka magasgasan, itsura pa lang mukhang mamahalin na. Parang lahat naman ata ng gamit niya rito mamahalin. Napatampal nalang ako sa noo ko. Bakit ka pumasok dito kung wala ka namang dalang damit! Di mo ba naaalala basta ka nalang sumugod dito para sabihing buntis ka at agad na kinasal sumunod na araw. Damit pa ni Antonette yung suot ko kahapon at yung dress na suot ko kanina na galing kay Mama. At kay Diday naman yung ngayon. Palabas na ako ng bumukas ang pinto at bumungad ang amoy alak na si Brandon. Bukas na yung unang tatlong butones ng damit niya, medyo lukot na rin ito. Biglang kabog naman ng mabilis itong puso ko. Parang 'di ko na alam kung anong gagawin ko bigla, napako ako sa kinatatayuan ko. Nakatitig na lang ako sa kanya. Agad na nabaling sa'kin ang tingin niya. Mapungay 'yong mga mata niya, parang no'ng unang kita ko sa kanya. Napaiwas ako nang tingin nang magsalubong 'yong mga kilay niya. Ano na naman 'yong ginawa ko? "What are you doing here?" Malalim ang boses na tanong niya habang isa-isang binubuksan ang mga butones nang suot niya puting dress shirt na nakatupi hanggang sisiko. Suot niya pa 'to kanina. San kaya siya galing? Gusto ko siyang tanungin, pero alam kong wala akong karapatan. Kahit na kinasal kami hindi naman bukal sa loob 'yon. Napaiwas agad ako ng tingin nang naramdaman kong uminit na naman agad ang tenga at pisnge ko. Pero pasaway 'tong mga mata ko nakasunod parin sa bawat kilos niya. Laking gulat ko at nanlaki yung mata ko nang hubarin niya ng tuluyan 'yong suot niya. Diyos ko mahabagin! Kitang-kita 'yong katawan niya. Lalo na iyong mga tattoo niya sa katawan. Pati sa may kanang tagiliran pala may hindi kalakihang tattoo rin siya. At nakita kong isa itong bulaklak. 'Di ko lang alam kung anong klase ito. Tumalikod ako sa kanya at pagkapahiya ng tumaas iyong tingin ko sa mga mata niyang nakatitig na sa akin. Narinig ko ang kalansing ng paghubad ng sinturon niya at pagbukas ng zipper. Pagbukas at sara ng isa sa mga drawer at yung ngisi niya bago lumabas. Doon lang ako nakahinga ng maluwag. Pano na 'ko makakalabas nito? Ngunit naglakas loob pa rin akong lumakad palabas at dahan-dahan ang kilos h'wag lang makalikha ng ingay baka marinig niya kahit na malakas yung lagasgas ng shower. At dali-daling binuksan ang pinto ng kwarto niya at alisto ang lakad pababa ng hagdan. Napahawak nalang ako sa dibdib ko at ramdam ko ang lakas ng t***k. Lagi nalang ba ganito kapag nandiyan siya? "Ma'am!" "Ay palaka!" Gulat ko at nalingunan ko si Diday na may ngisi sa labi, kaagad ko namang hinampas sa hangin 'yong kamay ko. "Nakakagulat ka naman Diday!" Isang tawa lang ang natanggap ko sa kanya. Ang kulit talaga. "Sarreh, okeh? Sarreh," maarte niyang sagot, napailing nalang ako. Ilang beses ko na rin silang sinabihan ni Antonette na kung maaari h'wag na akong tawaging Ma'am, pero ang makulit na Diday pag-iisipan pa raw niya. Samantalang Ate naman ang tawag sa'kin ni Antonette dahil mas matanda ako ng isang taon sa kanya. Humarap ako kay Diday ng maalala ko 'yong damit ko. "Eh may extra ka pang damit dyan Diday? Bukas ko pa makukuha yung mga gamit ko sa inuupahan ko eh. Wala akong pamalit ngayon." "Yes naman ma'am. May mga iniiwan naman kaming mga gamit dito ni Antonette. Eh underware ma'am manghihiram ka? Kaya lang baka yung kay..." Lumapit siya sa'kin at bumulong "Nay Mela na lang maglalaba pa lang ako eh. Wala naman si Antonette sumabay na sa kanila Ma'am Zen." "Ano ka ba! Mga suggestions mo Diday ha. Mayron ako dito galing kay Mama kasabay binili no'nng dress." Tumawa na naman siya. Laking tuwa talaga niya kapag may naaasar siyang ibang tao at sinali niya pa sa kalokohan si Nay Mela, panigurado hahabulin na naman siya ng kurot kapag narinig siya nito. Para siyang iyong kaibigan kong si Lane, parehong pang-asar. "Okay ma'am just chill here and I'll shall return!" Sumaludo pa ito sakin at pakendeng na naglakad papunta sa likod kung saan yung kwarto nila. Ewan ko sa kanya iba talaga saltik ni Diday. Ibang level. Nang maibigay sa akin 'yong damit, nag-aalangan na namn akong pumasok sa kwarto niya lalo na at alam kong na sa loob lang siya. Kaya sa huli itong kaharap nalang na kwarto ang ginamit ko. Mabuti at may bakanteng kwarto pa ang nandito sa taas. May sariling CR din ito, isang kama na sakto lang ang laki, aircon din, iba talaga ang mayaman. Pero mas simple ang disenyo kumpara sa kwarto niya. Mas ayos na 'to kaysa ang makasama siya sa iisang lugar. Baka wala pang isang oras tatalsik na kami ng anak ko palabas. Mga tinginan pa naman no'n parang gusto mo nalang lumayo at h'wag siyang galitin. Matapos maglinis ng katawan ay hawak ko itong cell phone ko habang nakahiga. Puno ng mga text messages ni Lane, simula pa kahapon hanggang ngayon. Hindi ko alam kung dapat ko bang tawagan si Nanay Sol na nasa probinsya namin sa Zambales. Para sabihin kong kasal na ako at buntis. Baka tumaas 'yong dugo no'n kahit na may maintenance. Tapos paulanan ng mahabang sermon o kaya sumugod dito at kurutin ako sa singit kahit na malayo. Naibaba ko nalang yung telepono sa may drawer sa gilid. Si Lane pa na dapat kung sabihin. Nagulo ko nalang yung buhok ko sa inis, ang dami-dami naman dapat isipin. Kasalan ng Brandon na 'yun! Pero ikaw ang unang lumapit sa kanya Oo na oo na! Kasalanan ko na. Napabuntong-hininga nalang ako at nagdasal. Lord gabayan niyo po ako, at maging maayos na po sana ang lahat at hindi po ako makurot sa singit ni Nay Sol. *** Itutuloy...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD