Mabilis lumipas ang ilang araw at naka-recover si Ricky.
Napagpasiyahan nya na lumabas ng tinutuluyan nila ni Ren para maglibot. Sa pag-iikot nya, nakarating siya sa gym kung saan nakita nya na nagtatraining at nagpapapawis ang mga tao sa facility na yun. Hindi nya alam kung bakit pero naakit siyang pumasok doon.
Nilibot nya ng tingin ang loob ng gym. Sa bandang kaliwa, nakita nya ang weights gym habang sa kanan ay matted area. Sa pader ng matted area ay may mga weapons na naka-display. Lumapit sa mga nakadisplay na sandata. Hinawakan nya ang espada at sinipat mabuti bago pumunta sa gitna ng matted area. Hindi nya alam pero bigla na lamang siyang gumalaw na parang nakikipaglaban tila sumasayaw. Nang matapos ang routine, pawis na pawis siya at hinihingal. Nagulat siya sa sarili nya at nagtaka sa kanyang nagawa sa hawak nyang espada.
`Lalo siyang nagulat dahil may narinig siyang pumapalakpak ng matapos ang routine nya. Binalik nya ang espada sa istante kung saan nya kinuha. Lumapit naman sina Mike at Drew kay Ricky at inabutan siya ng tuwalya.
"Wow. You're fantastic," puri ni Drew.
"Salamat," wika ni Ricky na biglang nakaramdam ng kirot sa ulo at natumba.
Kaagad naman siyang inalalayan ni Michael.
"Easy there," sabi ni Michael habang hawak siya.
"Salamat," wika ni Ricky.
"Ayos ka lang?" nag-aalalang tanong ni Drew.
"Ok lang. Salamat Michael, Andrew," tugon ni Ricky ng maka-recover siya.
Inabutan siya ni Drew ng isang bote ng tubig na kaagad naman nyang ininom.
"Call me Drew," sabi ni Drew.
"I'm Mike," pakilala ni Michael.
"HIndi mo pa dapat pinupuwersa ang katawan mo ng ganun. HIndi ka pa nakakabawi sa mga natamo mong pinsala," ani Drew.
"Hindi ko alam parang naakit lang ako sa mga nakalagay sa display," ani Ricky na nanlalambot pa rin.
"Mukhang may naaalala ka siguro sa nakaraan mo," ani Mike.
Umiling si Ricky.
"Pasensiya na at pinakialaman ko ang mga nakadisplay dito," ani Ricky.
"Malaya kang magagamit ang mga gamit dito. Pero hindi ka pa dapat kumikilos. Maghintay ka muna ng clearance mula kay Doc Santi," ani Drew.
"Pinahahanap ka ni Sir Ren. Nag-aalala siya ng malamang wala sa kwarto," ani Mike.
"Nababagot na ako sa loob at hindi na makahinga," ani Ricky.
"Magpaalam ka lang kay Sir Ren. Sabihin mo lang kung lalabas ka at para masamahan ka namin para hindi siya nag-aalala," ani Drew.
"Pasensiya na kayo pinag-alala ko kayo ng lahat," ani Ricky.
"Halika na at sasamahan ka na namin na bumalik sa kwarto nyo," ani Drew.
Naging magkaibigan ang tatlo. Sa mga sumunod na araw ay inalalayan ng dalawa si Ricky. Nang mabigyan ng clearance si Ricky na mag-exercise ay sumabay siya sa mga work-outs ng dalawa. Minsan pang pinakita ni Ricky ang isang nakakabighaning routine na kanyang ginawa sa matted area. Matapos noon ay pinalakpakan siya ng dalawa.
"Ang husay mo talaga," puri ni Mike na inabutan siya ng tubig.
"Salamat," ani RIcky bago siya lumagok sa bote.
"Saan mo natutunan ang Striking Dragon routine?" tanong ni Drew.
"Hindi ko maalala. Hindi ko alam kung paano ko nagawa yun, parang may sariling isip ang katawan ko," amin ni Ricky.
"Hindi pa rin pala nakakalimutan ng katawan mo ang mga galaw na iyon kahit hindi maalala ng isip mo." sabat ni Anton na naroon din.
Lalong naguluhan si Ricky sa sinabi ni Anton.
"Ano pong ibig nyong sabihin?" tanong nya.
"Isa yan sa pinakita mo sa amin noon," ani Anton.
"Pinakita ko na po ito noon? Hindi ko po talaga matandaan," ani Ricky.
"Hindi ko alam na magagawa mo ng maayos ang routine na iyon sa ganyang kalagayan," paliwanag ni Anton.
"Oo nga pala hinahanap ka ni Kuya Ren mo kanina pa. Pumunta ka daw sa opisina nya. Sumunod din daw kayong dalawa," dugtong ni Anton na tumalikod at lumakad palayo.
Nagtungo ang tatlo sa opisina. Kumatok sila sa pintuan ng kwarto ni Ren bago tuluyang pumasok sa loob.
"Ricky, Drew, Mike, maupo kayo," utos ni Ren.
Sumunod naman ang tatlo.
"May maganda akong balita Ricky. Binigyan ka na ng clearance ni Doc Santi na gumawa ng physical activities basta hinay-hinay muna. Sinabi din nya na mas makakabuti kung makakabalik ka sa normal na activities na maaring magpabilis ng pagbalik ng mga alaala mo," ani Ren.
"Salamat naman po. Mauubos ko na po ang mga libro sa estante sa bahay," ani Ricky.
"Napagpasiyahan namin na ipasok ka sa darating na pasukan sa paaralan nina Drew at Mike," paliwanag ni Ren.
Naghigh-five ang dalawa ng marinig ang balita.
"May schedule ka bukas ng entrance exam at evaluation sa kursong kukunin mo," paalala ni Ren.
"Sige po," ani Ricky.
"Magsisimula kang pumasok ngayong pasukan. Makakaklase mo silang dalawa. Naayos ko na ang papers mo. Mas mabuting makalabas ka sa base para makisalimuha sa mga kasing-edad mo," dugtong pa ni Ren.
"Salamat po," ani Ricky.
"Congrats Ricky," bati ng dalawa.
"Kuya isang pabor lang po. Gusto ko po sana na magsanay kasama po sina Mike at Drew," sabi ni Ricky.
"Ano?" gulat na bulalas ni Mike.
"Nahihibang ka na ba? Teka, don't be offended Ricky pero kailangan mo pang maka-recover bago ka gumawa ng mabibigat na bagay. Mapanganib ang ginagawa namin," dugtong ni Mike kay Ricky.
"Hindi ako natatakot, Mike sa panganib. Gusto kong matuklasan kung sino ako," ani Ricky.
"Base sa nakita ko ay may potensiyal ka pero baka hindi kayanin ng katawan mo ang mga pagsasanay," ani Drew.
"Hindi ko maintindihan pero mas gusto ko na tumulong tulad nyo kesa nakatunganga dito at nababagot. Baka po makatulong sa paggaling ko kung kikilalanin ko ang sarili ko. Kahit ako ay nagugulat kasi may mga bagay na hindi ko alam kung bakit ko nagagawa," paliwanag ni Ricky na tumingin kay Ren na nagsusumamo.
Mapapansing tahimik na tinitimbang ni Ren ang dahilan ni Ricky at ang panganib ng trabahong iyon.
"Sige papayagan kita pero sa kondisyong ako mismo ang mamamahala sa pagsasanay mo. At tuwing makakaramdam ka ng pagkahilo o sakit ng ulo ay ipapaalam mo sa amin ni Doc Santi. Maliwanag ba?" ani Ren.
"Opo. Salamat, Kuya Ren." tuwang-tuwa na sinabi ni Ricky.
"Sige na puntahan mo muna si Anton para ipasiyal ka sa deck. Kakausapin ko lang sila," na tinukoy ang dalawa.
Pagkalabas naman ni Ricky ay hinarap ni Ren ang dalawa.
"Alam kong hindi kayo sang-ayon sa pasiya ko," ani Ren.
"Pasensiya na po Sir pero mapanganib para sa kanya ang pagsasanay na ito," ani Mike.
"Huwag kayo magtaka kung bakit ko siya pinayagan. Alam kong makakaya nya ang mga pagsasanay. Gusto ko na makilala nya ang sarili nya at tumaas ang morale nya. Alam ko rin na hindi nyo siya pababayaan. Nakikiusap ako na alalayan nyo siya," paliwanag ni Ren.
"May tiwala naman kami sa pasiya nyo Sir," tugon ni Drew.
"Salamat sa pagtitiwala," wika ni Ren.
Tumango ang dalawa at sumang-ayon sa desisyon ni Ren.
"Nagpapasalamat ako sa pag-alalay nyo sa kanya nitong mga nakaraang araw," sinabi ni Ren sa dalawa.
"Kahit paano po ay may maitulong kami sa kanya. Nakakaawa po kasi na makita siyang nangangapa sa kawalan," ani Mike.
"Salamat. Sana ay patuloy nyo siyang suportahan at alalayan. Maari na kayong umalis," ani Ren na napabuntong-hinga.
"Hindi nyo po siya sasamahang mag-ikot ngayon?" tanong ni Mike.
"Gusto ko mang samahan na siya sa base at sa labas si Ricky kaya lang ang dami kong kailangang gawin. May conference call ako with General Santiago. Kayo muna ang bahala kay Ricky," wika ni Ren na napabuntong hininga.
"Opo, Kuya," sagot ni Drew.
Lumabas ang dalawa sa kwarto ni Ren. Nakita nila si Ricky sa reception area ng opisina na naghihintay sa kanila.
"Nandito ka pa Ric?" tanong ni Drew.
"Pasensiya na kanina. Wala akong masamang nais ipahiwatig sa sinabi ko," sabi ni Mike.
"Ayos lang. Alam kong nag-aalala lang kayo sa kapakanan ko kaya mo nasabi iyon. Gusto ko lang magpasalamat sa pag-aalala nyo sa akin. Sige mauna na ako," wika ni Ricky.
Pahiwalay na si Ricky sa dalawa nang tumawag si Mike.
"Ricky, may gagawin ka?" tanong ni Mike.
"Magbabasa lang. Maliban doon wala na," sagot ni Ricky.
Nagkatinginan ang magpinsan bago tumango si Mike.
"We are going out, papunta sa bookstore. Samahan mo kami. Kailangan mong bumili ng gamit mo para bukas," yaya ni Drew.
"Magpapaalam lang ako kay Kuya Ren," sagot ni Ricky.
"Papayag iyon. Sabihin mo lang na kasama kami," ani Drew.
"Pero baka makaabala lang ako sa lakad nyo," ani Ricky na nag-aalangan.
"Kailangan mong maging pamilyar at makasanayan ang maraming tao sa paligid mo bago ka pumasok. Magandang pagkakataon para makapamasiyal ka din sa labas," katwiran ni Drew.
Hindi pa nakakasagot si Ricky nang muling nagsalita si Mike.
"Meet you sa garage in 10 minutes," wika ni Mike na naglakad palayo sa kanya.