Her POV
Boss Will: Sunduin kita mamaya okay? 7pm naman labas mo diba? Mga 6:45 nandyan na ko
Nakabaluktot ako sa kama habang pinagmamasdan ang screen ng phone ko. Paulit ulit kong binabasa ang huling text ni William sa akin. Tatlong araw na ang lumipas at ito na rin ang huli niyang message bago ko mapansin ang pagbabago sa pakikitungo ni Will sa akin. Simula nang gabi na iyon ay nag-iba na ang William na kilala ko.
Daig ko pang pinasok sa loob ng freezer sa oras na makakasama ko siya sa iisang lugar. Ni hindi na rin niya ako matignan nang diretso. Galit ba siya sa'kin? May nagawa ba ako na hindi niya nagustuhan? Inisip ko naman tuloy kung anong ginawa kong kasalanan para maging ganito siya sa akin. Halos pagtagpi-tagpiin ko na rin ang nangyari noon kaso wala akong makuhang sagot. Ang babaw naman siguro masyado na dahil lang sa hindi ko siya nareplyan kaya siya nagalit at hindi namansin ng tatlong araw. Ang immature kung ganoon. Ginusto ko bang malowbatt ang phone ko kung totoo nga na 'yun ang reason na pagiging cold niya? Hindi naman ah.
Napansin ko pa nga kinabukasan na medyo maga ang mata niya. Hindi ko naman matanong kung anong nangyari dahil umiiwas agad siya. Hindi nga ata tumatagal ng sampung segundo kung kami lang ang magkasama sa bawat parte ng bahay na 'to. Aalis agad siya at iiwan ako mag-isa. Tumatagal lamang iyon kapag kasama si Winter.
Binabagabag tuloy ako. Did I do something wrong for him to treat me like this? Daig ko pang hangin sa paningin niya.
Hindi ako natutuwa. Simula nang araw na iyon ay hindi na rin niya ako pinupuntahan sa kwarto ko. Tatlong araw na rin akong tigang sa totoo lang. Not just by s*x but also by his touch. Kung pwede nga lang ata na mamili sa kung ano ang dapat makita ay iyon siguro ang ginawa niya. He wouldn't last three seconds to look at me in the eyes. Hindi tulad dati na makikipagtitigan pa siya.
Inis akong bumangon sa kama saka ginulo ang buhok ko. Should I ask him kung anong problema?
Bumangon na ako ng kama para makapagpalit ng damit at nang makapag-asikaso na sa baba. Sakto pang pagbukas ng pinto ay siya ring paglabas ni Will sa kaniyang kwarto. Napatigil at napatitig ako sa kaniya. Ngunit gaya ng palagi niyang ginagawa ay siya ang unang iiwas ng tingin. Sinara niya ang pinto sa kaniyang likuran at dumiretso lamang ng lakad sa may bathroom.
Napabuntong hininga ako. Ano bang problema niya? Daig ko pang may nakakahawang sakit. May sore eyes ba ako ha at hindi niya ako matitig-titigan? Kinatok ko muna ang pinto sa kwarto ni Winter at ginising ito para makapagbihis na. Pagkatapos ay naghanda na ako ng lulutuin for breakfast. Habang nilalapag ko ang mga pagkain sa mesa ay napansing kong bumaba si Winter na nakabihis na at may hawak ito sa kamay nang magtungo sa dining area kung nasaan ako.
"Ate Khai," patakbong tawag nito sa akin.
"Po?"
"Kung nakita niyo po ba raw pares nitong medyas sabi ni Dad?" Tukoy niya sa hawak nitong isang pirasong medyas. Napansin ko na medyas iyon ni Will. Imbes na itanong sa akin ay inutos niya pa talaga sa anak niya. Pwede naman siya ang magtanong tulad ng ginagawa niya dati ah.
"Hindi kamo." Sagot ko lamang.
Bumalik ulit sa taas si Winter at narinig ko pa ang sinigaw nito. "Dad, hindi raw po."
Bumaba na silang mag-ama at bitbit ni Will ang bag ng anak niya. Habang nakain ay palihim kong pinagmamasdan si Will na siyang nasa tapat ko habang katabi ko ang anak niya sa upuan. Ang seryoso ng mukha niya. Para siyang matamlay at kulang sa buhay. Hindi kaya may nangyari na wala namang kinalaman sa akin? Kasi imposible naman kasi talaga na ako ang dahilan! Maayos naman kami noong umaga na 'yun. Naging ganyan lang siya noong umuwi siya nang gabi.
Napansin niyang nakatitig ako sa kaniya. Nang magtama ang tingin namin, as usual, binaba niya ulit at uminom na lamang ng tubig. I squinted my eyes on him as I think hard. Lahat ng brain cells sa utak ko ay ginamit ko na. There's a possibility that his odd actions these past few days was because of me. Hindi ka naman mukhang maiilang sa isang tao kung hindi dahil dito. Itatanong ko talaga sa kaniya.
Sinigurado kong nakahanda na ang packed lunch ni Winter saka dinala ito nang sumakay na kami sa kotse upang maihatid kami ni Will. Sobrang bigat ng atmosphere dito sa loob. Sinisilip ko si Will minsan at walang pagbabago ang ekspresyon sa mukha niya. Nag-iiba lamang ito kapag si Winter ang kaharap niya. He still smiles at her, pero pagdating sa akin ay sing tuwid ng matigas na ruler ang linya sa labi niya.
"Sunduin kita mamaya, okay?" Sambit ni Will habang nakababa ng lebel sa anak niya. Masiglang tumango si Winter at pabirong ginulo ni Will ang buhok ng anak nito.
"Babye." Paalam ni Winter sa amin. Nakangiti akong kumaway sa kaniya, ganoon din si Will. Nang magkatinginan kami ay kasing bilis ng kidlat na naglaho ang ngiti sa mukha niya. He gave me a bland expression.
Wala siyang salitang binigkas nang bumalik kami sa kotse. Nakasunod lamang ako sa kaniya, kunot noo na nakatingin sa kaniyang likuran. Ang bigat ng loob ko sa paraan ng pagtrato niya sa akin. Pakiramdam ko ay may madiing pumipiga sa puso ko. Ayoko na ganito siya. Gusto ko 'yung Will na palangiti. Iyong Will na magiging chismoso sa buhay ko. Iyong Will na bigla bigla na lang hahalik sa akin sa noo at pisngi. Ayoko ng ganito. Para akong may katabing matigas na yelo sa kotseng minamaneho niya.
"Will," mahinang tawag ko rito. Wala siyang reaksyon. Diretso lamang ang tingin niya sa daan. Napalunok muna ako bago ko ituloy ang sasabihin ko. "May problema ba?"
He kept his mouth shut. Nahuli ko pang humigpit ang hawak niya sa manubela at lumabas ang ugat sa bisig niya.
"Mind if you tell me?" I asked again. He was still silent and he just clenched his jaw. Daig ko pang tinurok ng karayom sa puso ko ng milyong beses. I hate his silent treatment. Naiirita ako. Nasasaktan ako.
Hindi na ako nagtangkang magtanong pa dahil feeling ko pinapahiya ko lang ang sarili ko. Mukha naman akong walang kasama sa kotse na 'to. Napansin kong malapit na kami sa sakayan ng jeep kaya pinahinto ko na siya. "Dito na lang." Sambit ko.
Huminga muna siya nang malalim bago niya itabi sa gilid ng kalsada ang kotse. Ilang segundo muna akong nakatulala lamang sa harapan. Binasa ko ang nanunuyong labi ko bago siya lingunin.
"Anong gusto mong dinner mamaya?" I asked. Sana naman sagutin niya na itong tanong ko.
"Ask Winter." Walang emosyon niyang sagot.
Sinaksak na naman ang puso ko. "Hmm okay." Binuksan ko na ang pinto ng kotse at lumabas. Pinaandar na lamang niya ang sasakyan niya nang walang salitang binigkas. Hindi na ito tulad ng dati na sisilip sa bintana para magpaalam sa akin at sabihan ako na mag-ingat. He just left without a single word.
Ano ba talagang problema, William? Ako ba? Wala talaga akong ideya. Bumalik ako ng bahay na lutang ang isip ko. Pinili ko na lamang na maglinis at magpunas ng bawat sulok para maibaling ko ang atensyon ko at hindi na mag-isip pa. Kahit nga ata walang alikabok ay hindi ko pa rin tinigilan.
Kinagabihan, tahimik ang dinner namin. I mean, sa pagitan lang namin ni Will ang tahimik. Kung wala siguro si Winter sa hapagkainan na masiglang nagkukwento sa araw na ito, baka daig pa namin ni Will na nasa contest ng patahimikan. Malamang siya ang mananalo. O baka nga hindi na siya sumali sa contest at iwan na lamang akong mag-isa.
Paano niya nakakaya 'yun ano? Ang hindi magsalita pagdating sa akin. Hindi ba napapanis ang laway niya?
Nakatulala lamang ako sa kawalan habang nakahiga sa kama. Patuloy pa rin ang paglipad ng isip ko kakatanong kung anong nangyari sa aming dalawa. Hindi na gumaan ang pakiramdam ko simula nang gabing iyon. Ang bigat bigat.
Kinuha ko ang extra na unan saka niyakap ito. Totoo nga ang sinabi niya. My room was warmer whenever he's here. Ngayon, kahit makapal na ang comforter na nakabalot sa akin ay dama ko pa rin ang lamig. Sinubsob ko ang mukha ko sa unan, iniisip na dibdib niya ito at isiniksik ang malungkot kong mukha. I even imagined that his arms were wrapped around me. Miss ko na ang yakap niya. Miss ko na ang init niya. Miss ko na ang makatabi siya.
Hindi ako makatulog kaya naman pinili kong bumangon ng kama at magtungo sa terrace para magmuni-muni. Magpapaantok na rin.
Pagkabukas ko ng pinto ay napahinto ako nang hindi inaasahan na maabutan si Will na nakaupo rito sa may terrace. Nakapikit ang mga mata nito habang nakahiga ang ulo sa headrest. Naramdaman niya ang presensya ko kaya dumilat siya at tinignan ako. Hindi siya nagdalawang isip na tumayo saka lumapit sa akin para bumalik sa loob. Ngunit hindi ko siya hinayaan na iwasan ako ulit.
Hinarang ko ang sarili ko sa pinto. Dadaan siya sa kanan, haharang ako sa kanan. Lilipat siya sa kaliwa, lilipat naman siya sa kabila. Nagpatintero kami.
"William," sambit ko. Ngunit napatigil lamang ako nang marinig ulit ang lamig ng boses niya.
"Tabi."
Tulala akong nakatingala sa kaniya. Nakatingin lamang siya ng diretso, kalebel ng mata niya. Tagumpay siyang nakapasok sa loob nang mapako ako sa kinatatayuan ko. Ang lalim ng bawat paghinga ko nang maramdaman ulit ang kirot sa puso ko. Ginawa ko ang lahat para bawiin ang lakas ko para sundan siya at hawakan ang palapulsuhan niya para pigilan siya.
"William, sandali." Halos magmakaawa ang boses ko. Imbes na lingunin ako ay nanatili lamang siyang nakatalikod sa akin habang hawak ko siya. "Sabihin mo nga sa'kin. May problema ba tayo?"
He didn't speak.
"Pwede mo bang sabihin sa akin kung anong nangyari? At kung bakit mo ko iniiwasan? M-may nagawa ba ko para maging ganyan ka?" Naramdaman ko ang pag-init sa sulok ng mata ko nang matanong ko na sa kaniya. "Kasi t#ngina, William, gulong gulo na ako. Hindi ko alam kung bakit tinatrato mo ko na parang hangin dito. As if I didn't exist."
"Pagod lang ako, Buena." mahina niyang sambit ngunit malinaw ko itong narinig. Mas nasaktan ako sa tinawag niya sa akin. Ito ang unang beses na tinawag niya ako sa apelyido ko. Pati ba naman pangalan ko kinasusuklaman niya. Gaano ba katindi ang galit niya?
"Pagod? Tatlong araw kang pagod? Tatlong araw mo na kong iniiwasan kasi pagod ka? Kahit ba titigan ako, kinapapaguran mo na rin? Ganun ba?" Pumiyok na ako. Pinigilan ko ang sarili na hindi maiyak kahit na matindi na ang kirot ng puso ko. "Kahit man lang ba kausapin ako, kinapapaguran mo?"
Ilang segundo ang lumipas nang mapagpasyahan niyang lumingon sa akin. Napabitaw ang kamay ko sa kaniya. Sinadya niyang titigan ako sa mata sa unang beses simula nang tratuhin niya ako nang ganito. Na parang hindi niya ako kilala.
"I want to rest. Magpahinga ka na rin."
Iyon lamang ang sinagot niya bago niya ako iwan dito sa sala. Napahawak ako sa dibdib ko nang sumikip ito. Nanghihina ang tuhod ko kaya naman napaupo ako sa sahig. Ano bang kasalanan ko? Bakit ba hindi na lang niya sabihin para naman maliwanagan ako? Hindi 'yung ganito. 'Yung hindi niya ako kakausapin o papansinin. Kasi t#ngina, hindi ko na alam. Kahit na maikli lang ang tatlong araw na 'yun, feeling ko isang taon na ang katumbas nito.
Hindi ko na nga napigilan ang luha ko nang bumalik ako sa kwarto. Niyakap ko ang unan ko at sinubsob ang basa kong mukha. Iyong luhang pinipigilan ko kanina habang kausap siya, sumabog na lamang sa malamig na apat na sulok ng kwarto na ito. T#ngina 'yung dibdib ko. Para akong hihimatayin sa sobrang sikip. Sobrang sakit.
***
Ilang araw akong naging ganito. Iiyak sa gabi. Titignan si Will sa umaga paggising, nagbabakasakali na pansinin niya na ako. Kaso may pagkamanhid pala talaga ang lalaking 'to. Nanuyo na nga lang ata ako kakaiyak. Napagod na rin ang utak ko kakaisip sa nangyayari. Nakakapagod siya intindihin. Nakakapagod intindihin 'yung tao na ayaw naman sa'yo ipaintindi ang problema.
Nagising na lamang ako sa umaga nang may desididong pasya. Gusto niya nang ganito? Gusto niya na walang pansinan. Pwes sige. Hindi naman siya kawalan. Ano namang pake ko kung hindi niya ako pansinin? Kawalan ba siya?
Minsan naiisip ko, baka sawa na siya sa akin. Sawa na siya sa katawan ko kaya naman kung tratuhin niya ako ay parang hindi niya ako ilang beses kinama. Baka nga nandidiri na siya kaya hindi niya ako matitigan nang matagal. Kaya hindi niya ako magawang kausapin tulad ng dati. Iniisip niya siguro na bakit pumatol siya sa isang yaya na katulad ko. Ano bang pwedeng dahilan? Malamang ayaw niya na sa akin. Baka nga natatakot lang siya sabihin na itigil na namin ang pinagkasunduan naming dalawa kaya ang ginawa na lamang niya ay hindi ako pansinin. T#ngina mo ang duwag mo! T#ngina mo talaga, William! Daig mo pang ghoster! Kung hindi lang talaga ako nagtatrabaho sa kaniya, baka iyon nga ang ginawa niya. Ang maglaho na lang bigla matapos akong pagsawaan.
Kung totoo nga iyon, wala siyang pinagkaiba sa mga lalaking nakilala ko. Mga hayok. Katawan lang ang habol. Libog lang ang gusto. Sa inis ko ay nahampas ko ang unan nang isipin ko na si Will iyon. Ang akala ko iba ka t#ngina mo!
Huminga muna ako nang malalim bago lumabas ng pinto. Naiihi ako kaya nagtungo ako sa bathroom. Saktong hahawakan ko ang door knob nang lumayo ang pinto sa akin at bumukas ito. Niluwa noon si William na mukhang galing sa bagong ligo nang maamoy ko ang bodywash mula sa kaniya. Nanuot din ang aftershave nito sa loob ng ilong ko. T#ngina kahit naiirita ako sa lalaking 'to ay hindi ko pa rin maitatanggi na mabango siya. Na gwapo siya kapag nakapangwork na damit.
Wala akong lungkot na pinakita sa kaniya. Gaya ng palagi niyang ginagawa na straight face, ganoon din ang binato ko sa kaniya.
"Tabi." Walang gana kong saad. Bumuntong hininga lang siya bago gumilid para makadaan ako. Nang makapasok ako sa loob, isasara ko na sana ang pinto ngunit hindi ko magawa dahil nakaharang siya. Hindi pa rin kasi siya gumagalaw. "Hindi ka aalis, Sir?" Iritable kong tanong. Pansin ko lamang na gumalaw ang balikat niya bago siya tuluyang maglakad. Sa inis ko pa nga ay padabog kong sinara ang pinto.
Napairap na lamang ako. Anong akala niya papatalo ako sa kaniya? Palaban ako. Binabalik ko lang sa kaniya kung paano niya ako tratuhin. Halos buong araw ganito ako sa kaniya. Kung dati ay isang malamig na yelo ang naglalagi dito sa bahay, ngayon ay dalawa na kami. Ayokong ipahalata kay Winter ang tensyon sa pagitan namin kaya naman malambot ang ekspresyon ko kapag nariyan si Winter. Ngunit kasing tigas naman ng bato kapag kami lang ni William.
Kaso matalinong bata si Winter. Hindi na nakapagtataka nang mapansin niya ang hidwaan sa pagitan ng papa niya at sa akin. Tinanong niya na ako habang nasa waiting area kami rito sa school niya.
"Ayos lang po ba kayo ni Dad?" Tanong nito kaya mula sa pagkatulala sa mesa ay nabaling ang atensyon ko sa kaniya.
Napataas ako ng kilay, hindi sigurado sa tinanong niya. "Hmm?"
"It feels like you two are being distant with each other." Pinaglaruan niya ang daliri niya, nakatuon ang tingin sa kamay niyang magkahawak at nakapatong sa ibabaw ng mesa. "M-may nangyari po ba?"
Hindi agad ako nakasagot. Nag-isip ako ng idadahilan kaso ayokong magsinungaling sa kaniya. Ramdam niya. Hindi naman siya siguro magtatanong kung hindi niya napansin. Kaming tatlo lang naman ang palaging magkasama sa bahay kaya imposibleng hindi niya iyon mahalata.
"May hindi lang kami pinagkakaunawaan ng Dad mo," maingat ko sagot. As if naman kaya kong maging specific. Kahit ako nga ay walang ideya sa pinagmulan nito. Puro lang ako haka-haka.
"Am I not allowed to know it?" Curious nitong tanong.
Marahan kong hinaplos ang kamay niya nang abutin ko ito. "No, baby. It's not that you're not allowed to know it. We just don't know how to explain it to you." Hindi ko maipaliwanag sa'yo kahit mismong ako ay gulong-gulo rin.
"M-maayos niyo po ba iyan?" Napansin ko na parang naiiyak na siya kaya binalot nang kaba ang puso ko. Doon ako napatayo at lumipat sa pwesto niya para matabihan siya. Niyakap ko agad siya para patahanin at hindi ituloy ang pag-iyak.
"Ssh, 'wag ka umiyak, hmm? Don't worry. Sigurado maaayos din namin 'to."
It might takes time. Magagawa lang naman namin maayos ito kung sisimulan ni William na magpakatotoo sa akin at sabihin kung ano ba ang problema. Pero hangga't ganito siya, hindi ko na alam kung anong mangyayari sa amin kung tumagal pa 'to.
Kapag hindi 'to naayos, baka dumating ako sa punto na ako na lang ang aalis sa bahay nila. Hindi ko lang naman kasi 'yun magawa ngayon dahil may utang pa ako kay William. Kaso iniisip ko pa lang na hindi ko na siya tuluyang makikita pa, nalulungkot ako. Iniisip ko pa lang na hindi ko na makakasama si Winter, pinipiga na ang puso ko. Napalapit na sila e.
Ayaw ko man aminin pero naging parte na sila ng buhay ko kahit na sa maikling panahon na magkasama kami.
***
"Hindi mo na kailangang isama si Winter."
Tinimplahan ko si William ng kape at saka nilapag ito sa harap niya. Sabado kasi ngayon at wala naman akong ibang lakad.
Tinapos ko na kasi ang trabaho ko sa bakeshop. As if naman kaya kong bumalik doon after what Traiden did. He took a risk, and this was the consequence. Nang halikan niya ako nang gabing iyon at nang mahismasan ako sa ginawa niya ay tinulak ko siya sa kaniyang dibdib. Sa gulat ko sa pangyayari ay kusa na lamang lumanding sa pisngi niya ang palad ko. Gumawa pa ito nang matinis na tunog nang mapalakas ang pagkakasampal ko sa kaniya.
What the f#ck was his problem? Magkokoconfess tapos bigla na lang akong hahalikan nang walang pahintulot? Tingin niya ba kikiligin ako sa ginawa niya? Malamang sanay na siya sa ganito at inakala niya na katulad lang ako ng ibang babae na manghihina ang tuhod sa paghalik niya. Sorry to disappoint him, but I'm not like them. Sa ginawa niya, mas dumoble lang ang irita ko sa kaniya. No. Triple pa nga ata.
Wala siyang salitang sinabi nang masampal ko siya. Naging pipi pa ako sa mga sandaling iyon at ang ginawa ko na lamang ay iwan siya nang dumating ang sasakyan. Pero bago ko siya iwan ay may huli akong sinabi sa kaniya.
"Don't expect na babalik pa ako sa bakeshop mo." Iniwan ko na lamang siyang nakatayo sa waiting shed at sumakay na.
At tinotoo ko nga ang sinabi ko. Simula ngayong weekend ay balik na ulit ako bilang yaya, hindi na bilang empleyado sa shop na iyon.
Imbes na magtanong tungkol sa kung bakit hindi ako aalis ay matamlay niya lamang akong sinilip. Pinili na lamang ni William na hindi magsalita. Sana pala asin na lang ang nilagay ko sa kape mong hinayupak ka. Paano niya natitiis na maging pipi? Paturo nga, William, at nang may ka-duo ka na. Para naman hindi ka nag-iisa. Kasi t#ngina hindi ko matiis na hindi siya kausapin. Alangan naman magsign language ako sa kaniya. Mukha akong tanga nun. Mas lalo lang tuloy mag-aalala si Winter sa inaakto namin.
Habang palihim siyang pinapanood sa dining table, pansin ko ang pamumutla ng labi niya. Ang lalim din ng mata niya. Ang tamlay din ng hitsura niya. May sakit ba siya? Balak ko sanang hipuin ang noo niya ngunit pinigilan ko ang sarili ko. Huwag na, Khaila. Baka mas lalo lang siyang mairita dahil nangingialam ako. Ano naman kung may sakit siya? Malaki na siya. Kaya na niya ang sarili niya.
Iniwan niya si Winter sa akin nang pumasok siya sa trabaho. Nagbonding lang kami ni Winter. After gumawa ng homework ay nanood na lang kami ng cartoons. Kabisado ko na nga 'yung theme song e.
Kinagabihan, napaaga ang uwi ni William which is weird. Kasi kung uuwi siya, it's either on time or late. Ito ata ang unang beses na napaaga ng isang oras ang uwi niya. Ayoko sana siyang pagbuksan ng gate kasi naiinis ako sa kaniya kaso amo ko pa rin siya kaya lumabas ako, yakap yakap ang sarili ko na nagtungo sa gate. Binuksan ko ito at pinaandar niya papasok ang kotse niya. Nang maiparada niya ito ay sinara ko na ang gate at nilock. Sinundan ko lamang siya ng tingin nang lumabas siya ng kotse. Pansin ko na bagsak ang balikat niya, bakas ang pagod sa kaniyang postura.
Nauna lamang siyang pumasok nang hindi ako nililingon. Wala man lang good evening gaya ng dati. Umalis lang talaga siya nang walang pasabi.
Tahimik lang kami sa dinner. Si Winter naman ang bumasag at tinanong ang papa niya tungkol sa Clinic. Nagtanong pa nga ito tungkol sa aso. Ngunit pansin ko na ang pagsagot ni William ay matamlay din. Hindi naman siya ganyan kay Winter. Pagod ang ngiti niya.
Natapos ang dinner. Inasikaso ko na lahat ng aasikasuhin ngayong gabi bago ako magtungo sa sala para manood ng series na inaabangan ko at magpa-antok. Inabot na ata ako ng hating gabi sa sobrang tutok ko sa bawat eksena. Lumipat na lang ang atensyon ko sa hagdan nang mapansin na may bumababa. It was William. Sandali niya akong sinilip bago siya nagtungo sa kusina. Kahit ang lakad niya ay matamlay.
Ibinalik ko na lamang ang tingin ko sa T.V ngunit wala pang ilang minuto nang makarinig ako nang tunog mula sa kusina. Mukhang may nabasag na kung ano base sa tunog. Dali dali akong napatayo at nagtungo roon. Naabutan ko si William na nakababa at kamay lamang ang ginagamit habang pinupulot ang nagkalat na bubog ng basag na baso sa sahig. Nagkalat din ang tubig.
"William, ano ba? Masusugatan ka niy—" Nilapitan ko agad siya saka hinawakan ang palapulsuhan niya para patigilan siya ngunit ako naman ang napatigil nang maramdaman ang init sa wrist niya. Namilog ang mata ko sa kaniya. Agad kong nilapat ang kamay ko sa noo niya at doon ko nakumpirma. "T#ngina, William, ang init mo!"
Nakakapaso ang init mula sa katawan niya. Hinawakan ko ang kamay niya at pinatayo siya. Ang lalim ng bawat paghinga niya at ang pungay din ng kaniyang mga mata. Halatang may sakit nga siya. Kaya naman pala ang tamlay niya mula kaninang umaga e. May lagnat pala siya!
"Bakit hindi mo man lang sinabi na may sakit ka? Ano? Gusto mo ba mamatay?" Sermon ko. Ang init niya kasi! Hindi lang ito simpleng sinat o ano. Imbes na sagutin ako ay umiwas lamang siya ng tingin. Halatang guilty.
"Iwan mo na 'to dito. Ako na ang bahala. Bumalik ka na lang sa kwarto mo." Utos ko sa kaniya.
"No, it's fine. Ako na." Pagtutol niya na mas ikinairita ko.
"May sakit ka diba? Magpahinga ka na lang doon. Hayaan mo na ako rito. Please lang, William."
Huminga lamang siya nang malalim bago siya maglakad paalis sa pwesto ko at magtungo pabalik sa taas. Jusko, William! May sakit na nga pero 'yung pride hindi man lang binaba. Nilinis ko muna ang mga basag na nagkalat at pinunasan ang sahig. Kumuha ako ng bowl at nilagyan ito ng tubig. Kumuha na rin ako ng towel. Dala dala ko iyon patungo sa kwarto niya.
Ikinatok ko lamang ang paa ko. Nilapag ko muna saglit 'yung bowl sa sahig para mabuksan ko ang pinto. Naabutan ko siya sa loob na nakahiga sa kama, balot na balot ng comforter ang katawan. Pinasok ko na sa loob ang dala ko at nilapag ito sa ibabaw ng bedside drawer. Umupo ako sa gilid ng kama at sandali siyang pinagmasdan habang nakatagilid siya ng higa, nakatalikod sa akin.
Napansin ko ang thermometer sa ibabaw ng drawer. Kinuha ko iyon at napanganga nang makita na ang taas. Jusko, William!
"Will," tawag ko sa kaniya sabay uga sa kaniyang braso. "Tihaya ka muna. Lagyan kita nitong towel para bumaba 'yang lagnat mo." Sabi ko. "Will."
Nanghihina na sinilip niya ako bago siya tumihaya. Nilublob ko sa maligamgam na tubig ang towel at saka piniga. Tinupi ko muna ito ng parihaba. Hinaplos ko saglit ang noo niya para maalis ang bangs niya bago ko ilapat ang towel. Awang awa ako sa hitsura niya ngayon. Binaba ko ang comforter niya para naman hindi siya balot na balot. Alam ko bawal iyon e.
"Uminom ka ba ng gamot?" Tanong ko. Tumango siya nang hindi iminumulat ang mata. May isa pang towel kaya binasa ko iyon para ipunas sa katawan niya. "Punasan muna kita saglit. Ayos lang ba?" Nagtanong pa rin ako. Gusto ko lang malaman niya. Kahit naman humindi siya ay gagawin ko pa rin.
Wala akong nakuhang sagot sa kaniya. Silence means yes. Kinuha ko ang kamay niya na nakapatong sa kaniyang dibdib at una kong pinunasan ang kaliwang braso niya. Sunod naman ang kabila.
"Leeg naman." Sambit ko. Mukhang narinig naman niya ako nang iangat niya ang kaniyang ulo para mapunasan ko siya nang maayos. Nang matapos ay binalik ko muna saglit sa gilid ng bowl 'yung towel. Umalis ako saglit para kumuha ng pitsel at baso para dalhin sa kwarto niya. Pinainom ko muna siya sandali bago ko siya sabihan na magpahinga na. "Magpahinga ka na para mabilis kang gumaling."
Tumango naman siya at sinunod ang sinabi ko. Lumalalim na ang bawat paghinga niya, hudyat na natutulog na siya. Pinili kong hindi bumalik ng kwarto at binantayan siya. Hindi ko siya pwedeng iwan e. Kailangan kong punas-punasan siya at palitan ang towel sa noo niya para bumaba ang init ng katawan niya. May espasyo naman sa gilid kaya sumampa ako nang tahimik sa kama niya at umupo sa tabi niya. Isinandal ko ang likuran ko sa headboard ng kama.
Buong gabi ay ganoon ang posisyon ko. Nakakrus pa nga ang braso ko nang makaidlip ako. Nagising lamang ako nang maramdaman na may kumalabit sa binti ko. Tinignan ko si William na nakasilip sa akin.
"Bumalik ka na sa kwarto mo. Gumagaan naman na pakiramdam ko." Mahinang sambit nito.
"Hindi kita iiwan. Matulog ka na lang dyan." Pagmamatigas ko saka kinuha ang towel sa noo niya at sinawsaw ito sa tubig na kakapalit ko lang kanina. Binalik ko ang towel sa kaniyang noo.
Dinig ko pa ang malalim niyang buntong hininga bago siya umusog palayo sa akin. Diring diri, William? Wala naman kasi akong ibang maupuan maliban sa kama niya. Napataas na lamang ako ng kilay nang tapikan niya ang espasyo sa tabi niya.
"Tabi ka."
Nawala ata bigla ang antok ko sa sinabi niya. Ano daw? Tabi? Sino? Ako? Titingin pa sana ako sa paligid kaso ako lang naman ang kasama niya.
"Hindi na. Okay na ko rito." Sagot ko.
"Mangangalay ka dyan. Dito ka na lang kung hindi ka rin naman babalik sa kwarto mo." Pahayag niya.
Wow, William ah. Himala. Humaba na ang pangungusap mo. Kung hindi ka pa magkakasakit ay hindi mo pa ako kakausapin. Nagpakawala ako ng buntong hininga bago ako tumabi sa kaniya. Nangalay na nga ang katawan ko sa pwesto ko.
Pareho na kaming nakatihaya ngayon. Hindi ko masilip kung natutulog na ba siya ulit o pareho kaming nakatulala sa kisame. Nakumpirma ko lamang na gising pa siya nang marinig ko ang boses niya nang magsalita ulit siya.
"Thank you," mahinang sambit niya.
"Ano?" Narinig ko pero gusto kong ipaulit lang.
He sighed. "I said thank you."
Napairap ako. "Hindi ko kailangan ang thank you mo, William. Ang gusto ko lang ay kausapin mo ko."
Wala siyang sinagot makalipas ang ilang minuto. Ano pa bang aasahan ko? Napairap na lamang ako saka tinalikuran siya ng higa. Pinikit ko na lamang ang mata ko ngunit gising pa rin ang diwa ko dahil aasikasuhin ko pa siya. Hindi ko alam kung ilang minuto o segundo ang lumipas nang marinig ko ulit siya.
"I'm sorry."
Napamulat ako ng mata. Pinakiramdaman ko ang paligid ko, lalo na siya. Gumalaw ang kama. Feeling ko ay nakaharap siya ng higa sa akin. Hanggang sa marinig ko ulit ang boses niya.
"I'll—" He paused. Tumagal pa iyon hanggang sa ipagpatuloy niya ang kaniyang sasabihin. "Goodnight, Khai."
Hindi ko alam pero napangiti ako sa loob ko. He uttered my name. Mula nang mangyari ang gabing iyon, binanggit niya ulit ang pangalan ko. Grabe, 'yung puso ko. Parang bigla na lang nawala ang inis ko sa kaniya.
Ipinikit ko ulit ang mga mata ko at sinagot siya. "Goodnight, Will."