Chapter 8
Ailey’s POV
“Hoy!”halos malaglag ako sa bakal na hagdan nang may tumawag sa akin. Kinabahan din siya kaya agad napalapit sa akin. Masamang tingin ang ibinaling ko sa kanya nang muntikan na akong mahulog dahil sa pangugulat niya.
“Alam mo kaunting kaunti na lang talaga, Inocencio.”seryoso kong saad sa kanya. Napatawa naman siya nang makitang wala namang nangyaring masama sa akin. Kung makapang-asar ito’y akala mo sobrang close kami.
Napatingin pa siya sa nilalagay kong tarpaulin sa aming bahay, medyo mainit na rin kasi dahil summer na, malapit na rin kaming matapos at mag3rd year college na. Kailangan ko ng matinding kayudan this summer, kailangan ko ng maraming racket.
“Ako na nga diyan, sa itsura mo’y para kang malalaglag.”sambit niya na pinababa na ako sa steel staircase na siyang hiniram namin sa bahay nila.
“Paanong hindi malalaglag kung niyuyog mo ‘yan?”pinanlakihan ko siya ng mga mata ngunit bumaba rin naman at hinayaan siyang gawin ‘yon. Pinanood ko lang siya at nag-utos ng nag-utos.
“Hijo, dito ka na kumain, kami lang dalawa ni Ailey ang kakain ng niluto ko e.”sabi ni Mama.
“Aling Imelda! Ako rin po!”napatingin naman ako kay Isagani, ang nakababatang kapatid ni Ino. Napangiti naman ako sa kanya at ginulo ang buhok niya. Kung makulit ang Kuya niya’y, doble ang kulit ng batang ‘to, aba’t noong nakaraan ay hinahanap sa akin ng Mama niya, nakita na lang siyang nasa may puno ng suha at nangunguha ng suha sa may kapitbahay na siyang wala pang nakatira. Muntikan na tuloy sakmalin ng asong bantay doon.
“Nandito ka nanaman, Isagani, umuwi ka na bago pa kita mahampas ng balde.”banta ng Kuya niya sa kanya ngunit dumila lang ‘to dahil alam niyang hindi naman gagawin ni Ino, isa rin ‘yan sa hinahayaan lang ang kapatid niya e. Natawa na lang ako sa kanilang dalawa.
“Grabe, kinacareer mo talagang bata ka ang pagiging bata mo ahh.”sambit ko kay Isagani nang makita ang sugat sa kanyang mukha. Nagasgas ata dahil sa kung ano. Napanguso naman siya dahil do’n.
Nang makababa si Ino’y pinagtaasan niya lang ng kilay si Isagani na hindi naman siya pinansin.
“Ano nanamang ginagawa mo rito, Isagani, huh?”tanong ni Ino sa kanya.
“Hala, hindi porket inutusan ka ni Mama na tulungan si Ate, ikaw lang pwede rito.”sabi ni Isagani kaya mapatawa ako ngunit pinagtaasan siya ng kilay.
Well, no’ng tinulungan niya akong magbuhat ng mga furnitures at appliances namin sa bahay ay inutusan siya ng Mama niya. Akala ko pa naman ay sinaniban na ito ng kabutihan sa katawan. Naiiling na lang akong napakibit ng balikat.
Pinapasok na rin naman sila ni Mama sa loob, tuwang tuwa naman si Isaw ng malaman niyang hatdog ang ulam namin. Napatawa na lang ako sa kanya.
“Aling Imelda, ang sarap po ng luto niyo.”nakangiting saad ni Isaw kay Mama. Hindi ko naman maiwasang matawa dahil do’n habang si Ino’y naiiling na lang sa kapatid kahit na may ngiti rin naman sa kanyang mga labi.
“Oh, pagkatapos ba nito’y tutungo na kayo sa plaza natin?”tanong ni Mama sa amin. Sabay naman kaming napatango.
“Hindi ka ba talaga makikifiesta, Ma? Sayang naman.”sambit ko sa kanya.
“Oo, Nak, hindi naman kasi ako nakapagpaalam sa nga Arellano.”sabi niya kaya napatango naman ako. Ako kasi ang kinuhang emcee dito sa amin, mayroong mga nakapanood sa akin noong nageemcee pa ako sa bayan. Maski nga sa school ay madalas na ako ang kinukuha nilang emcee kapag may mga event. Minsan naman ay talaga tinatakasan ko dahil hindi naman ako madalas dumalo sa event ng school, mas gugustuhin ko na lang kumita ng pera.
Nang matapos kaming kumain ay kanya-kanya na muna silang uwi para maligo. Ganoon din naman ang ginawa ko. Maya-maya lang ay nakaayos na rin naman ako, nakadenim short at tshirt lang na itim ang suot ko. Pagkalabas ko’y nakita ko na rin naman si Ino na siyang nagsasapatos pa sa labas. Expected ko naman na ang magulo niyang buhok, well, hindi talaga ata marunong magsuklay ang bruhildo. Alam kong may itsura naman siya pero sana naman ay nagawa niya ring magsuklay.
“Tara na, baka matunaw ako.”sabi niya sa akin. Inirapan ko naman siya.
“Ang kapal mo.”saad ko at inirapan na lang siya. Natatawa naman siyang tumabi sa akin at inakbayan pa ako. Naamoy ko na agad ang baby cologne na mukha talaganga para sa ading niya. Talagang nakikiwisik lang siya.
“Sus, kunwari ka pa, tulo na kaya laway mo. Crush mo talaga ako no?”natatawa niyang saad kaya siniko ko na siya para lubuyan niya na ako.
“Tigil tigilan mo nga ako, Inocencio.”sambit ko na pinandilatan siya ng mga mata. Natawa naman siya at napasunod na lang sa akin.
“Kuya! Teka! Sasama raw ako sa inyo!”napatingin naman kami kay Isagani na nakabihis na rin.
“Ano? Sira ka ba? Bahala ka diyan.”sabi ni Ino at naunang naglakad.
“Sasama nga raw ako! Magdedate si Mama at Papa!”malakas niyang sigaw. Hindi ko alam kung matatawa ba ako roon o ano.
“Kuya!”halos magwala na ito kakasigaw. Kita ko naman ang paggulo ni Ino sa buhok niyang magulo na nga. Napabalik si Ino sa gawi namin.
“Ano? Kukutusan na kita e.”inis na saad ni Ino na hinawakan din naman ang kapatid.
“Huwag kang manggugulo roon, sinasabi ko sa’yo.”banta niya sa kapatid na marahan ang pagkakahawak habang naglalakad kami. Ngumiti naman si Isaw at patango tango pa. Ngiting tagumpay ang loko. Mukhang nakukuha niya talaga ang pamilya sa pagwawala, nako.
“Kukutusan talaga kita, huwag kang aalis sa kung saan kita iuupo ahh.”sabi ni Ino sa kanya. Patango tango lang naman si Isaw sa mga bilin ng Kuya niya. Hindi ko naman alam kung talagang susundin niya ‘yon. Natatawa na lang akong nailing sa paulit ulit na paalala ni Ino sa kanyang kapatid.
Maya-maya lang ay nakarating naman na kami sa plaza dito sa aming barangay. Agad kaming kinawayan ni Kapitana at pinalapit sa kanila. Ganoon naman ang ginawa namin.
“Good morning po, Kapitana.”saad namin habang nakangiti.
“Good morning din, mabuti’t tinanggap niyo ang hiling namin.”sabi niya sa amin. Kinausap lang niya kami sandali bago siya umalis. Naagtungo naman na si Ino sa sound system habang si Isaw naman ay pinaupo niya kang sa isang gilid. Naririnig ko na agad ang tinig ni Ino kahit na malayo pa. Nakikinita ko ng pinagbabawalan niya itong gumawa ng kung ano. Tahimik lang naman si Isaw na nakamasid sa paligid.
“Ms. Cabera, magsisimula po ‘yong program sa pananalita ni Kapitana.”sambit ng isang sk officer at pinakita sa akin ang program. Napatango naman ako habang pinagmamasdan ang program, rehearsal pa lang naman ngayon, mamayang hapon pa talaga ang event. Mabuti na lang talaga’y sarado ang café ngayon dahil nagbakasiyon si Dani pero bukas ay bubuksan na rin naman kahit kami kami na lang muna.
Napatingin naman ako sa gilid ng mini stage ng makitang naglakad do’n si Ino. Naririnig ko naman siyang nagsasalita dahil nasa gilid ko lang siya.
“Ano? Bakit sabi niya’y ikaw daw ang nagsabi? Magdedate daw kayo.”napakamot pa sa ulo niya si Ino.
“Aba’t nagpauto ka namam diyan sa magaling mong kapatid! Hindi ko ‘yan pinasama diyan! Alam mo naman kung gaano kakulit ang kapatid mo, Inocencio!”saad ng Mama nito. Napapikit na lang si Ino dahil do’n.
“Osiya, nandiyan na rin lang naman, bantayan mo na!”rinig ko pang sambit ng Mama niya. Napabuntong hininga na lang si Ino dahil do’n.
Napatingin naman siya sa akin nang makitang nakatingin ako sa kanya.
“Hindi siya binilin sa’yo?”tanong ko kahit na nakakahiyang nakinig ako sa usapan nila ng Mama niya. Napatango siya at napakamot pa ulit sa kanyang ulo.
“Ang pasaway na ‘yon, talagang nauto niya ako.”sabi niya na naiiling na lang sa inis. Hindi ko alam kung matatawa ba ako sa kanya o ano. Napatingin na lang kami sa gawi ng kapatid niya. Parehas na nanlaki ang mga mata namin at sabay pa kaming napatingin sa isa’t isa.
“Shit..”mahina niyang saad at mapatakbo pa roon.
Maski tuloy napatungo roon. Hindi na namin makita pa ang kapatid niya na kanina lang ay tahimik na nakaupo roon.
“Pucha naman oh.”sambit niya na napahilamos na lang sa mukha dahil wala na talaga roon ang kapatid niya.
“Malilintikan talaga ako sa mama ko kapag may nangyaring masama do’n.”sambit niya na napakamot pa sa ulo.
“Hanapin natin.”sambit ko na tinapik na lang siya sa braso. Ang batang ‘yon talaga’y hindi mapirmi sa isang tabi. Mabuti na lang ay tapos naman na ako sa part ko sa rehearsal.
“Kuya, hanapin ko lang kapatid ko.”sabi ni Ino sa kasama niyang mag-aayos ng sound system. Tumango lang sa kanya ito.
“Dito ako sa kanto rito, diyan ka na lang sa kabila.”sabi ko sa kanya. Bakas pa rin ang pagkataranta at kaba sa kanya kaya tumango na lang siya at hinanap ang kapatid do’n.
“Isaw!”sigaw kong habang hinahanap si Isagani.
“Ate, may nakita ba kayong batang maliit dito? Bungi po siya at malikot.”tanong ko sa isang babae ngunit umiling lang siya. Wow, ano ba naman ‘tong pagdedescribe ko sa katapid ni Ino. Nailing na lang ako sa aking sarili at nagpatuloy sa paghahanap.
“Isaw! Isagani! Bibilhan kitang hatdog pagnagpakita ka!”sigaw ko ang at nakarating na halos sa kabilang tawiran, panay puno na ang dito kaya ‘di ko sigurado kung nasaan ba ‘yon.
“Isaw!”sigaw ko pa ulit. Nabuhayan ako ng mloob ng may marinig akong mga batang nag-uusap sa isang banda.
“Diyan nga, sa may pinakataas!”rinig kong sigaw ng isang batang babae.
“Diyan ka ng diyan, wala naman dito!”rinig ko namang sigaw ng pamilyar na tinig, si Isagani.
“Isaw!”malakas kong sigaw lalo na nang makita ko siyang nasa taas ng puno habang abg batang babae’y tinuturo ang saranggola. Aba’y talagang nakaabot pa sila hanggang dito, ang batang ‘to, nalingat lang sandali ang Kuya niya’y nakatakas na agad.
“Isaw! Hinahanap ka na ng Kuya mo, nako, talaga namang malilintikan kang bata ka.”sambit ko dahil sobrang taas na ng inakyat niya.
“Bumaba ka na riyan!”sigaw ko.
“Eh paano ‘yon malilintikan ako, Ate? Ayaw ko!”sambit niya at kumapit pa sa puno. Naiiling na lang ako habang nakatingin sa kanya.
“Hindi, akong bahala sa’yo, Ililibre kitang hatdog kapag bumaba ka riyan!”sabi ko sa kanya. Kinuha niya muna ang saranggola bago siya bumaba. Ngumiti pa siya ng malapad ng makababa. Ang puting puti tuloy na damit nito’y nadumihan na ng tuluyan.
“Oh.”abot niya sa batang babae no’ng saranggola. Malapad naman na ngumiti ang batang babae sa kanya.
“Salamat!”nakangiti niyang saad.
“Pahiram din ako mamaya ahh. Babalik lang ako roon at bibiling hatdog.”sambit niya. Naiiling na lang ako sa kanya at hinayaan siyang maglakad paalis do’n. Patakbo na rin namang umalis ang batang babae habang hawak hawak niya ang saranggola niya tila ba ‘yon lang naman ang hinihintay niya kaya siya na rito. Hinayaan ko na lang at hinawakan ng marahan ‘tong si Isaw at baka mamaya’y mawala nanaman sa paningin ko.
Lahat pa naman ng nasa paligid niya’y talagang distraction para sa batang ‘to, aba’t wala ngang katakot takot na umakyat sa puno.
“Shit..”bulong ko sa sarili ng makalimutan kong wala nga pala akong number ni South para tawagan ito kung sakaling mahanap ko na ang kapatid niya.
“Sa plaza na muna tayo.”sabi ko kay Isaw. Agad naman siyang napangiwi roon.
“Sinungaling ka pala, Ate. Kapag hindi mo ako bilhan ng hatdog ngayon, tatandaan ko ang araw na ‘to.”napanguso niyang saad. Napaawang naman ang labi ko roon. Aba’t ang batang ‘to napakagaling talagang mang-uto. Hindi ko alam kung anong gagawin ko sa kanya dahil hinila hila pa niya anh t-shirt ko para lang magtungo kami sa bilihan ng street food sa kabilang kanto. Mayroon naman ngayon sa plaza kaya lang ay panay fishball lang ‘yon, wala silang tindang inihaw na hatdog.
Hindi ko naman maiwasang matawa ng libang na libang na rin siya sa pagkain nang makabili kami. Ang galing mang-uto at ako naman itong nagpauto rin sa batang ‘to.