Nagugutom na ako at ilang araw na din na walang tagaluto. Mukhang ginigipit ako ng damuho na 'yun.
Kaya napilitan akong lumabas ng mansion.
Halatang iniiwasan ako ng mga tao dito. Baka inutusan ng mabait nilang amo.
Tagaktak naman ang pawis ako nang makalabas ako ng village.
Buti nalang may dumaan na taxi at sumakay na ako. Nagpahatid naman ako sa library ko.
Nang makarating ay sinalubong naman ako ni Miss Ana.
"Nag-alala ako sa'yo, Adi!"
"Okay lang naman ako," ngiti ko.
"Nalaman ko sa alaga mong dwende na pinagkasundo ka sa isang mataas na uri na engkanto," aniya.
Napapikit naman ako sa sobrang sikip ng dibdib ko.
"Okay ka lang??"
"Miss Ana, nagugutom ako."
Nanginginig naman akong lumapit sa kanya at nahimatay.
Nagising nalang ako sa loob ng office. Nakahiga ako sa sofa at amoy na amoy ko ang dinuguan sa center table.
Nakahanda lahat ng paborito kong pagkain pati ang nagpapawis na strawberry shake.
"Gising ka na pala, Adi."
Walang ano-ano'y nilantakan ko na ang pagkain sa mesa. Halos mapunit na ang suot kong pants sa sobrang kabusugan.
"Mukhang ginugutom ka ata ng asawa mo," natatawa niyang sabi.
"Nainis kasi siya sa ginawa ko."
"Hindi ba't sabi ko sa'yo na umayon ka sa pag-uugali ng tao "
"Opo," yuko ko.
Kaya ayun napakwento ako nang malala kay Miss Ana.
Si Miss Ana nga pala ang naging nanay ko dito sa dimensyon ng mga tao.
Isa siya sa batikan na babaylan. Dahil din sa kanya ay naselyohan ang pagiging agaras ko.
"Hindi ba't nakakapagtataka na wala sa kanila ang nakaramdam na isa kang agaras?" tanong niya.
"Yun din ang nasa isip ko pero baka nga ganito ka kagaling Miss Ana, alam naman natin na ikaw ang sumelyo sa mutya ko."
Hindi naman siya umimik.
"Pero bakit naman maghahanap ng pekeng mapapangasawa ang isang engkanto at dito pa sa mundo namin?"
Hindi naman ako umimik.
Bigla naman akong kinutuban sa mga nangyayari.
Bakit sa dinami dami pa na babae? Bakit ako ang napili?
Pero hindi ba't may mahal na siya? Bakit hindi si Liera ang pinakasalan niya?
"Isa bang tao si Liera?" tanong nito.
"Isang manunugis," saad ko.
"Ano?!" gulat na pagkakasabi ni Miss Ana.
"Aba'y kung ganun, isang patibong ang pinasukan mo, Adi!"
Dahan-dahan ko nang naiintindihan ang lahat.
Isang patibong.
At ang kahahantungan ay ang madakip nila ang pinuno ng agaras, ang pinunong minsan ng nag-hari sa kabilang dimensyon, ang pinunong pinag-isipan nila nang masama.
"Papatayin ka nila, Adi."
"Kung mangyayari man 'yun, hindi ako magdadalawang-isip na buhayin ang mutya sa loob ko."
"Kumalma ka, Adi!"
Ngumiti naman ako.
"Pero Miss Ana, hindi pa naman ako sigurado kung isa bang manunugis ang babae na 'yun," peke kong ngiti.
Alam ko sa sarili ko simula nang makita ko ang babae na 'yun, alam kong anak siya ni Pedro.
Si Pedro na minsan ko ng naging kaibigan at wala man lang akong nagawa para iligtas sila.
Hindi ko malilimutan ang gabing iyon.
"Pinunong Laida!"
"Ano ang iyong pakay?"
"Sobrang kasakiman na ang nangyayari sa mundo ko at mundo mo, madaming dugo na ang dumanak, at dahil 'yun sa kapabayaan mo!"
"Hindi mo ako masisisi , hindi ako nagkulang, sadyang hindi ko sakop ang kaisipan ng ibang aswang!"
"Dahil mahina ka!"
Nabigla ako sa pagsugod niya. Naramdaman ko ang pagtarak ng punyal sa dibdib ko ngunit hindi ko ramdam ang talim nito.
"Binigo mo ako Pedro."
"Ayokong mamuhay ang magiging anak ko sa pamununo, " saad nito.
Hinawakan ko naman ang kamay niya at agad binaling ang direksyon ng punyal papunta sa kanya. Wala naman siyang nagawa sa angking lakas na taglay ko kaya nabitawan niya ang punyal.
"Umuwi ka na Pedro, hindi ako magkikimkim nang galit sa iyo sapagkat alam ko sa sarili ko na naging mahina ako."
Humagulhol naman si Pedro at paulit-ulit na humihingi nang tawad.
"Magpapadala ako ng mga uwak sa paligid ng bahay mo, munting kaibigan, magiging ligtas ang mag-ina mo, pangako."
------
"Pinunong Laida! "
"Nasa pahamak ang manunugis, kasalukuyan silang ginagambala ng grupo ng mga wakwak!"
Mabalis naman akong tumakbo papunta sa Sitio nina Pedro. Naabutan kong giba na ang bubong ng munting kubo nila.
"Pedro!"
Agad akong pumasok sa loob ng kubo at nadatnan kong wasak na ang tyan ng asawa niya.
"Pi-pinunong Lai--laida," mahinang tawag sa akin ni Pedro. Agad ko naman pinipigilan ang dugong walang tigil sa pagbulwak mula sa ginilit nitong leeg.
"Ikaw na ang ba-ha--la kay Lier--liera."
"Pedro lumaban ka!"
Wala akong nagawa.
Nawalan siya ng buhay . Wala akong nagawa.
"Tay? Nay?" bungad sa akin ng isang bata.
"Aswang! Anong ginagawa mo sa nanay at tatay ko?!" iyak nito.
"Liera, kaibigan ako ng---"
"AAAAH!" sigaw ng bata.
Napakuyom naman ako ng kamao ko dahilan para mag-iba ako ng anyo. Tumakbo ako at hinabol ang wakwak na dumagit sa bata.
"Isa kayong mapangahas!"
Naabutan ko naman ang wakwak at dinampot ito sa ulo nito. Nag-iingat naman ako na hindi ko masaktan ang bata.
"Bata, takbo!" sigaw ng wakwak.
"Inubos niya ang pamilya mo at tyak na ikaw na ang isusunod niya!" pagsisinungaling ng wakwak.
Hinayaan ko naman makatakbo ang bata.
At nagtuos kami sa mapaglinlang na wakwak.
Walang habas ko naman siyang pinutulan ng pakpak at tinapakan . Sa sobrang laki ko ay nagmukha na siyang gamu-gamo sa paningin ko.
"Liera!"
"Liera!"
------
"Adi, malalim ata ang iniisip mo," saad sa akin ni Miss Ana.
"Ha? Wala lang, na miss ko lang siguro ang library na 'to," pilit kong ngiti.
"Pansin kong malungkot ka," aniya.
"May naalala lang akong tao."
"May nakilala kang tao?"
"Isang kaibigan ngunit sa huli'y nabigo ko."
Tinapik naman niya ako sa braso at mukhang naiintindihan na niya ang tinutukoy ko.
"Miss Ana," saad ko.
"Hm, Adi?"
"Bakit mo ko tinulungan?"
"Nandoon ako, Adi," aniya.
-----
"Sinasalakay na nila tayo!"
"Sinu-sino ba sila?"
"Mga babaylan sa kabilang dakong silangan, sa timog naman ay mga grupo ng aswang na nagtitipon-tipon para pabagsakin ka, pinuno."
"Ihanda ang buong hukbo papunta sa timog," utos ko.
"Pinuno, paano naman ang mga babaylan?"
"Malalakas sila, pinuno, may mga kasama silang manunugis at gabay ng mga engkanto!"
"Hayaan mong kausapin ko sila nang maayos at mapayapa, walang inosenteng dugo ang dadanak sa lupang ito."
"Masusunod, pinuno."
-----
Bumaba na muna ako sa office at nagpunta sa main hall ng lib ko. Ilang dekada na din ang nakalipas simula nang namuhay ako dito sa mundong ito.
"Mukhang kailangan mo ng humanap ng kahalili ko, Adi," saad ni Miss Ana.
"Miss Ana naman!"
"Matanda na ako, Adi, alam mo 'yan," aniya.
Napaisip naman ako at ngumiti nalang sabay tinapik siya sa likod.
"Matagal pa 'yun," ngiti ko.
Tumunog naman bigla ang phone ko.
May tumatawag kaya sinagot ko.
"Hello, sin----"
"SAAN KA BA NGAYON?" sigaw ng isang pamilyar na boses.
Binaba ko naman kaagad ang tawag.
Ginutom mo ko kaya magdusa ka.