Kevin.
Araw ng biyernes ay wala kaming magiging klase sa buong maghapon. Nakaschedule kasi ang pagpapalista sa mga clubs kaya halos lahat kami ay abala sa pagpili kung anong club ang sasalihan.
"Saan tayo?" tanong ni Earn habang inaayos ang pagkakasabit ng kanyang bag.
Sabay kaming nagkibit-balikat ni Sev. Wala kasi kaming maisip na club na pwedeng salihan.
Sa mga nagdaang taon ay napipilitan kaming sumali sa Dance Club. Hindi naman kami magaling sumayaw pero kahit papaano ay nakakasabay din naman kami sa mga steps at activities.
"Ayoko na sa Dance Club, nakakaumay" reklamo ni Earn.
Bilang mga hindi gaano kagaling sumayaw, ay kami palagi ang inuutusang sa mga gawain katulad ng paglilinis at pagpapapirma sa mga teacher. Mabuti na lang at kahit papano ay may gusto sa akin ang President ng Club kaya minsan ay nakakatakas ako samantalang napipilitan na sumunod ang dalawa.
" Sa Music nalang kaya tayo? Balita ko maganda doon atsaka open na open sila sa mga beginner na gustong matutong tumugtog" suhestiyon ni Sev kaya agad naman kaming napaisip bago tumango.
Wala rin namang masama kung magta-try kami ng bago.
"Eh kulang pa ng isa?" saad ni Earn na ikinakamot namin sa aming mga batok.
"Ano ba naman yan? Hindi ba pwedeng isa lang ang salihan?" reklamo ni Sev na ikinirap ni Earn.
"2 to 3 clubs nga. Hindi gaya last year mas maraming clubs ngayon kaya nirequired na 2 to 3." pagpapaliwanag niya kaya wala na kaming nagawa.
"Sa Dance Club ulit yung isa?" tanong ko na mabilis nilang ikinailing.
"Naku ayoko na roon, palaging may utos nakakaurat" maarteng ani ni Earn na agad sinang-ayunan ni Sev.
"Mabuti pa at magikot-ikot muna tayo para makapili ng isa pang club" suhestiyon ko kaya agad na umayos sa pagtayo ang dalawa.
Sumulyap ako sa bakanteng upuan ni Raven bago kami umalis. Yung babae kayang yun? Anong club siya?
Crowded ang mga hallway at puno ng kabi-kabilang mesa ang field para sa registration. Mabuti nalang ay hindi naman gaano kainit at malalaki ang punong nakapalibot kaya maayos at komportable kaming nag-ikot.
"Music Club tayo hihi" kinikilig na ani ng isang maliit na babae at hinila ang kasama papunta sa Music Club.
"Magpalista muna tayo rito sa Music" ani ni Earn at nauna sa pila.
Naabutan namin roon ang mahabang pila sa Music Club. Si Raven ay nasa unahan at nagsusulat sa form. Halos halo-halong kaba at hiya naman ang aking naramdaman nang magkatagpo ang mga mata namin.
Hindi naman niya kami pinansin at inilapag ang ballpen sa gilid ng form.
"Salamat Raven,Next!" saad ng nakabantay kaya agad kaming umusad. Sinundan ko siya ng tingin. May iilang babae na sa hula ko ay mga Junior High palang na humarang sa kanya.
"Ate, saang club ka po next?" iyon lamang ang aking narinig bago ako itulak ni Sev pausad sa pila. Hindi ko namalayang nasa unahan na pala ako.
Ningitian ako ng nagbabantay at agad naman akong nagsulat sa form. Pansin na pansin ko pa ang pangalan ni Raven sa sobrang linis at ganda ng kanyang handwriting.
Halos kutusan ko tuloy ang aking sarili. Hindi ko maintindihan ang nangyayari sa'kin.
Pagkatapos magpalista ay saglit naming hinintay si Sev na nagsusulat parin sa unahan ng linya. Wala sa sarili kong inilibot ang aking mga mata sa kabuuan ng field. Hindi ko na nakita pang muli si Raven sa dami ng estudyante.
"San pa kaya tayo sasali?" mahinang tanong ni Earn habang naglilibot kami. Sa sobrang rami ng clubs ngayon ay nahihirapan kaming pumili.
Papalapit na kami sa dulo nang marinig namin ang pagtawag ng President ng Dance Club.
"Kevin!" tawag nito na ikinalaki ng mga mata nila Earn.
"Ay jusmeyo dito tayo" taranta niyang ani at hinila kami sa isang mesa ng isang club.
Wala na gaanong pila roon kaya mabilisan ang kanyang naging sulat. Halos magkamali-mali pa ang kanyang pagsulat dahil sa pagkataranta.
"Isulat niyo ang mga pangalan niyo dali!" hysterical niyang hiyaw kaya pati ako ay taranta na ring kinuha ang ballpen.
Huli akong nakapaglista.
"Earn wala ng pwesto" saad ko nang makitang puno na ang pinakahuli-hulihang space.
"Isingit mo na sa akin,dalian mo paparating na yung president ng Dance Club!" inis niyang ani kaya wala akong nagawa kundi isingit sa pangalan niya ang pangalan ko.
Napatingin naman ako sa nagbabantay at halos matumba nang makitang si Raven iyon. Hindi man lang siya nagtaka kung bakit tarantang-taranta kami.
"Oy Raven ikaw pala yan haha" nahihiyang ani ni Sev nang makita siya at dinugtungan pa ng hilaw na tawa.
"C-cut off na ba?" kinakabahan kong tanong sa kanya.
Sakto ring dumating ang president ng Dance Club.
"Hoy kayong tatlo ha, akala niyo hindi ko napapansin na iniiwasan niyo yung Dance Club!" nagtatampo niyang ani. Palihim namang umirap si Earn habang pilit kaming ngumiti ni Sev.
"Ah naisipan naming sumali sa ibang club ngayon para naman maka-experience ng bago" kinakabahan man ay pilit kong pinasaya ang aking boses.
Napanguso naman ang babae at tumingin sa listahan ng binabantayang mesa ni Raven.
"Hala Kevin, sumingit ka na? Kasali ka pa ba siya? Cut off na sa inyo diba?" tanong niya kay Raven kaya kinakabahan akong tumingin at sumenyas kay Raven kahit hindi naman siya nakatingin.
"Pasok pa siya" simple nitong ani at tumalikod.
Sabay naman kaming nakahinga nang maluwag. Mas lalong napanguso ang Presidente ng Dance Club.
"Naku sayang at wala kayong tatlo sa Dance Club,medyo nabawasan pa naman kami" magtatampong ani nung President.
"Hindi kayo mababawasan kung hindi ka palaging utos nang utos" palihim na bulong ni Earn kaya agad ko siyang siniko at pinatahimik.
"Pasensiya na Pres, gusto lang talaga naming mag-explore atsaka maaga pa naman,paniguradong marami pang sasali sa Club niyo dahil maganda ng President" pambobola ko na agad nitong ikinamula.
Nahihiya itong nagpaalam na umalis.
"Phew buti nalang at akala ko buong taon na naman akong maghihirap kakasund sa utos ng babaeng iyon." panatag na ani ni Earn at sabay kaming lumapit kay Raven na may kasamang matangkad rin na babae na pinapaliwanag sa nga Junior High na mga babae.
"Magme-meeting bukas ng alas dos sa court kaya huwag niyong kakalimutang pumunta" tipid na ani ng kanyang katabi.
"Anong club ba ito?" nakangiting tanong ni Earn
"Sports Club" ani ng babae na halos ikinabuwal ng bakla.
Tamad pa naman siya at ayaw na ayaw sa sports.Umakto siyang mahihimatay at mabuti na rin at sinalo namin siya ni Sev.
Natawa naman ang babae habang tinitingnan siya.
"Huwag kang mag-alala, paniguradong rito ay mahahanap mo ang swak na swak na sports na nababagay sayo" nakangiting tugon ng babae.
Sabay naman kaming tumango at bumaling sa papalapit na si Raven.
"Aalis na ako Lien" tipid niyang ani sa babae at kinuha ang kanyang bag na nasa mesa. Ngumiti naman ng malawak ang babae bago pabirong kinurot ang pisngi niya.
Ni wala siyang naging reaksiyon roon na mas ikinatawa ng babae.
"Sige Rav, salamat sa pagbabantay ,andaming sumali dahil sayo ah" masayang ani ng babae at kumaway.
Naiwan naman kami roon at sinundan pa ng tingin ang aming kaklase na hindi man lang kami kinausap.
"Ako nga pala si Lilien ang President nitong Club at iyon naman si Raven. Transferee daw iyon sabi nila" nakangiti niyang ani.
"Oo, kilala namin iyon, magkaklase kami" saad ni Earn na ikina-'oh' naman ng babae.
Mat iilan siyang pinaliwanag sa club bago kami bigyan ng pass para daw sa meeting bukas. Agad kaming nagpasalamat at napagpasiyahang pumunta nalang ng canteen.
"Hay naku,sa sports club pa talaga tayo napunta. Mabuti nalang at mabait ang President roon" ani ni Earn at pagod na umupo sa isang upuan.
Tahimik lang kami ni Sev habang patuloy siya sa pagrereklamo. Kaysa naman kasi daw doon kami sa Dance Club e puro pagsunod sa utos lang naman ang ginagawa namin roon.
Ni-hindi kami napapasama sa formation ng sayaw paminsan-minsan dahil naglilibot kami sa buong school para magpapirma sa mga teachers at ipagpaalam ang bawat member.
Saktong ala singko nang sabay kaming lumabas ng gate. Mukhang magco-commute ako ngayon kasi wala pa si Papa pero mas minabuti ko paring maghintay, baka kasi sunduin ako ng driver ni Mama. Waiting pa naman ako sa pinangakong sports car ni Papa.
Nakita ko si Raven na nakatayo sa gilid kaya agad ko siyang nilapitan.
"Magco-commute ka?" tanong ko. Saglit naman siyang tumingin sa akin bago tumango.
Sakto namang nakita ko ang isa sa sasakyan namin. Nakita ko si Mang Gibo sa unahan noon kaya agad akong napatingin kay Raven.
"Halika, sabay kana sa'min" yaya ko
Akala ko tatanggi siya kaya nagulat ako nang tumango siya at nauna pang maglakad sa akin patungo sa kotse.
Tumakbo ako ng kotse at ako na mismo ang nagbukas sa pintuan sa likod. Doon na rin ako umupo sa kanyang tabi.
Nakita ko namang napatingin si Manong sa amin at ngumisi. Umiling nalang ako at bumaling sa kanya.
"Saan ka pala?" tanong ko.
" Sa may Convenience Store nalang sa Highway" tipid niyang ani at sinungkit ang kanyang mamahaling cellphone mula sa kanyang bulsa.
Isa sa mga mamahalin ang brand noon pero kakaiba ang disenyo. Halos hindi ko nga iyon makita sa mga tindahan rito. Saan kaya niya nabili?
Mga limang minuto bago kami nakarating sa lugar na sinabi niya.
"Salamat" maikli niyang saad at bumaba. Sinundan ko naman siya ng tingin at nakitang papasok siya sa mismong Convenience Store. Sa gilid noon ay ang isang malaking exclusive condo building. Marahil ay doon siya nakatira.
Ang yaman.