Pagkatapos ng libing nina mama at papa, kasama kong umuwi sa bahay sina auntie, uncle at si Lola na naroon lang pala sa hanay ng ibang taong nakipaglibing kaya hindi ko siya agad nakita. Nang makita ko naman na siya ay tahimik na ako at hindi na kumikibo kaya hindi ko na nagawang maki-pagbatian pa sa kaniya o kung ano mang pwedeng gawin ng mag-lola kung sakaling normal na araw lang ito.
Sabagay, hindi naman talaga kami malapit ni lola sa isa't isa dahil madalang lang kung pumasyal siya sa amin. Ako naman ay hindi pa nakakarating sa bahay niya na sa pagkakaalam ko ay nasa kabilang dulo lang na sakop pa rin ng Histo Real.
Nadatnan naman namin si nanay Josie na noon ay naghahanda na sa kusina. Halata rin sa kaniyang mga mata ang pagluluksa kahit pa hindi ko siya nakitang umiiyak. Agad ko siyang niyakap at sinuklian niya ako ng mas mahigpit pa. Sa lahat ng pagkakataon ay tinuring ko siyang pangalawang ina, dahil simula't sapul ay siya na ang nag-aalaga sa akin lalo na sa tuwing abala sa trabaho ang mga magulang ko.
"Tania, come here hija." Malambing na tawag ni auntie mula sa sala. Binulungan naman ako ni nanay Josie na sumunod, kaya naghiwalay kami mula sa pagkakayakap namin at mahinahon akong naglakad papalapit sa animo'y pulong sa sala nina auntie at uncle kasama si lola.
Umupo ako sa pagitan nina auntie at uncle na nasa harapan ni lola.
"Hija sasama ka muna kay lola ha? Kasi, nagtatrabaho kami ng uncle mo. Kaya hindi ka namin maaalagaan kung sa amin ka sasama. Pupunta kayo doon sa bahay ni lola, kapag hindi kami busy ay pupuntahan ka namin, okay?" Paliwanag ni Auntie. Kasabay ng paghinga ko ng malalim at ng aking pagtango, ay ang pagtulo ng isang patak ng luha sa mga mata ko. Marahil ang dahilan ng luhang kumawala sa nalulungkot kong kalooban, ay ang katotohanang wala akong pag-pipilian. Maging ang katotohanang sa isang pikit lang, kailangan kong matutunan ang mga pagbabagong mangyayari sa buhay ko ngayong wala na ang mga magulang ko.
Bagong buhay, bago ang kasama, bago ang lahat.
Kailangan kong sumabay sa mga bagay na hindi ko nakasanayan.
Nagkatinginan silang tatlo at mababakas ang pag-aalala nila. Pinunasan ko naman ang luha ko gamit ang likuran ng palad ko.
"Pwede po bang..." Agad kong napukaw ang kanilang atensiyon.
"What is it hija?"
"Pwede ko po bang.......isama si nanay Josie doon?" Nag- babakasakaling tanong ko at ang paningin ay nakay lola.
Napatingin muna siya sa mag-asawa bago muling ibinalik sa akin ang paningin at ngumiti.
"O-of course apo, kung iyan ang gusto mo." Malumanay na tugon nito.
Nang araw ring iyon ay umalis na sina auntie at uncle para sa kanilang trabaho kinabukasan. Wala namang naiwang negosyo sina mama at papa kaya wala na silang aasikasuhin tungkol 'ron.
Ngayong gabi ay dito muna kami matutulog, na sa tingin ko ay huling beses na.
Nang malaman ni nanay Josie na gusto ko siyang isama ay hindi na siya nag-atubiling tumanggi pa.
Matapos kong kumain ng kaunti ay hinilamusan na ako ni nanay Josie. Hanggang sa maka-higa na ako sa kama ay wala pa rin akong imik.
Nanatiling bukas ang mga mata ko habang naka-tulala kay nanay Josie, na ngayon ay inaayos na ang gamit ko para sa pag-alis namin sa bahay na ito.
"Oh hindi ka pa ba matutulog? Maaga raw ang alis natin bukas sabi ng lola mo." Biglang sambit niya nang makitang nakatitig ako sa kaniya.
Hindi pa rin ako nagsalita at sa halip ay itinaas ko ang kumot ko hanggang sa aking dibdib at ipinikit ang aking mga mata.
"Tania, 'wag ka ng malungkot, naku...sigurado ako nakikita ka ng mama at papa mo ngayon, magagalit sila kapag nakita nilang ganiyan ka. Kasama mo naman ako doon eh, tsaka hindi ka naman pababayaan ng lola mo. O'sige na matulog ka na." Pinakinggan ko siya na hindi pa rin nakamulat ang mga mata.
Ilang sandali pa ay narinig ko ang pagpatay niya sa ilaw, maging ang pagsara niya sa pintuan, hudyat na tapos na siya sa pag-iimpake sa mga gamit ko. Minsan kong iminulat ang aking mga mata para lang makita ang kadiliman na bumabalot sa aking kwarto, at muling isinara ang mga ito hanggang sa hilahin na ako ng antok.
Katabi ko sa likuran si nanay Josie at si lola naman ay nasa front seat katabi ang driver niya.
Maaga akong ginising ni nanay Josie para sa maaga naming almusal. Bago kami umalis sa bahay ay naka- taklob na ng puting tela ang mga gamit at iba't-ibang kasangkapan sa bahay. Ganoon rin ang kotse namin sa garahe. Nang masdan ko ang aming bahay sa huling pagkakataon, ay hindi ko naiwasang alalahanin ang mga masasayang ala-ala namin ng mga magulang ko. Ngayon ay nababalot na ito ng katahimikan na tila puno na ng lungkot.
Nanatili akong walang imik sa byahe habang naka-dungaw sa bintana ng sasakyan. May iilang mga tao ang naglalakad sa giliran malapit sa matotoreng poste ng mga ilaw.
Ang iba't-ibang mga establisimento ay nagkalat kahit saan ako tumingin. Mayroong sarado pa at may roon namang nagbubukas pa lang, marahil ay masyado pang maaga.
Ang matatayog na gusali na aking namamataan ay unti-unting lumalayo sa aking paningin.
Ilang oras ko pang pinagmasdan ang kaparehong tanawin. Habang tumatagal ay napapalitan ang mga gusali ng mga puno. Ang mga establisimentong naroon sa pinanggalingan namin ay napalitan na ngayon ng nakapalibot na bukirin. Mayroon akong nakikitang mga lupain na may tanim ng palay, mayroon namang tila pinag-gapasan nalang.
May mangilan-ngilang bahay na rin kaming nadadaanan, malayong- malayo ang istilo ng mga bahay rito kesa sa amin. Mayroong mga kubo pero sapat lang ang laki. Mayroon namang may mga palapag pero gawa sa kahoy na animo'y nagawa noong sinaunang panahon. Mga poste na may wangis lampara ang pailaw ng mga ito. Paglingon ko sa kaliwang bintana, naroon ang lalaking naka suot ng pang-magsasaka, nakasakay sa kalabaw na binuntutan ng di kalakihang kariton.
Hindi ko maiwasang mamangha sa mga nakikita ko, tila ay sa ilang minutong byahe lang ay nasa probinsiya na kami.
Sa muling pagbabalik lingon ko sa bintana ay nasulyapan ko si lola sa harapan na naka tingin sa akin at nakangiti na animo'y sinasabing mag enjoy lang ako, kaya walang pag aalinlangang bumalik ako sa pagmamasid.
"Madam Trina ano'ng lugar na po ba ito? Hindi pa po ako nakakarating dito kahit kailan." Namamangha ring ani ni nanay Josie maya-maya.
Sumulyap naman sa kaniya si lola na may matamis na ngiti.
"Nasa Histo Real pa rin tayo Josie."
"Pano'ng nangyari ho? ibang-iba ang itsura ng lugar na ito." Ani nanay na pinasadahan pa ng tingin ang labas.
"Tama ka, hindi na ako magtataka kung hindi mo alam ang parte ng Histo Real na ito, dahil doon kayo sa kabilang dulo. Sa totoo lang, walang pangalan ang magkabilang bahagi ng Histo Real, kaya tinawag nalang naming Histo Real North ang lugar niyo, samantalang Histo Real South naman ang lugar namin dito." Panimula ni lola sa tila mahaba niyang kwento.
"Sabi ng mga tao rito noong kabataan ko, Kung titignan raw ang mapa ng buong Histo Real, isang tuwid na linya lamang ito. Pero kung talagang lilibutin mo ay malawak ito. Ang bahagi ng lugar niyo ay pinasabay ng mga namumuno rito sa teknolohiya, Kung kaya't ngayon ay sibilisado at modernong-moderno, hindi kagaya rito. Nanatiling maka luma ang bahaging ito ayon rin sa kagustuhan ng mga namumuno. Subalit kahit maka-lumang istilo ang makikita sa paligid, hindi pa rin ito nahuhuli sa modernisasyon."
"Mayroon itong mga establisimentong kailangan ng mga tao, pero idinisenyo ang mga ito bilang makaluma, katulad na lamang ng ospital, mga restaurants, eskwelahan, maging mga coffee shops, hotels at marami pang iba. Halos limang oras ang biyahe mula rito papunta sa North, at ganoon rin mula rito papunta roon."
"Maya-maya lang ay makikita niyo na ang mga sinasabi ko. May mga dalawang oras pa lang tayong bumabyahe kung kaya't mga bukirin at mangilan-ngilang bahay palang ang nakikita niyo dahil halos nasa bungad pa lang tayo ng South." Paglalahad ni lola. Maging ako ay naging interisado sa mga nalaman ko mula sa kanya.
"Naku ganoon pala, nakakamangha naman." Hindi pa rin tumitigil sa pag mamasid si nanay Josie. "Kung gano'n ho ay malawak at malaking diretso ang Histo Real na nahahati sa dalawang bahagi? Ang moderno at makaluma? Naku napakahusay 'non! ngayon lang ako nakakita ng ganitong klase ng lugar." Dagdag pa niya, nakangiti pa rin siyang nilingon ni lola na animo'y natutuwa sa pagka mangha nito.
"Gano'n na nga. Ang totoo pa niyan, mapang-akit ito sa mga turistang nakakaalam tungkol sa kabuuan ng lugar. Hindi natin sila masisisi dahil talagang napakagandang isipin na.. mamamasyal ka lang sa modernong lugar, tapos kapag narating mona ang kalahati ng diretsong daan ay tatambad sa'yo ang tila sinaunang panahon. Bukod pa 'ron ay may mga lugar pang itinatago ang Histo Real na maaaring hindi pa nakikita ng kung sino man." Makahulugang tugon ni lola.
"Hindi na nga ho nakakapagtaka iyon." Nagpalitan sila ng ngiti at tahimik na muling nagmasid sa daan.
"Tania, ayos ka lang ba apo?" Maya- maya ay tanong ni lola. Tumango lamang ako.
Ilang oras pa ay nasilayan ko na ang mga binabanggit ni lola kani-kanina lang.
May mga stores na puro gawa sa kahoy. Sa magkabilang gilid ng kalsada ay naroon ang mga establisimentong may kinalaman sa pagne-negosyo na panay gawa rin sa eleganteng uri ng kahoy. Kaniya- kaniyang ideya ng disenyo ang nakikita ko, pero hindi mawawala ang pagka-sinauna na siyang pangunahing ipinapakita nila.
Nalibang ako sa mga bagong nakikita. Bahagya kong nakalimutan ang lungkot na pilit sumasariwa sa aking isipan ng dahil sa pagkamatay sa mga magulang ko.
Ilang sandali pa ay lumiko na kami sa 'di sementadong daan na pinapagitnaan ng dalawang malawak na bukirin na may madilaw-dilaw na tanim ng palay.
Sa hindi kalayuan ay tanaw ko na ang kulay asul na barikada na pinoprotektahan ang isang malaking bahay na kulay asul rin.
Higit na mas malaki ito ng kaunti sa bahay namin. Pero batid kong hindi ito gawa sa ano mang uri ng kahoy kagaya ng mga karaniwang bahay dito.
Ngayon ay nakahinto na rito ang sasakyan namin sa tapat mismo ng gate nitong malaking bahay na sa tingin ko ay siya na ngang bahay ni lola.
Bumaba ang driver para buksan ang gate, tsaka muling minaneho ang sasakyan hanggang sa garahe.
"Ramon, paki lagay na lang ang mga gamit sa loob at sabihin mo kay Tising, na magluto na ng tanghalian." Sabi ni lola sa driver niyang si mang Ramon pala. Agad naman itong sumunod.
"Madam, mabuti ho at hindi gawa sa kahoy ang bahay n'yo gaya ng mga nakita namin kanina?" Giit ni nanay Josie na tinitingala pa ang buong bahay.
"Gusto ko lang ng naiibang bahay. Actually, Josie, iilan lang ang mga ganiyang bahay dito sa South, kaya lang ay hindi lantad.....Kung kaya't wala kayong nakikitang katulad niyan sa daan." Paliwanag ni lola habang tumatango-tango naman si nanay Josie.
"Oh, tara na sa loob at nang makakain na at makapag- pahinga na rin tayo, dahil medyo mahaba-haba ang binyahe natin kanina." Pumasok na kami sa loob ng bahay na pinangunahan ni lola, habang akay-akay naman ako ni nanay Josie.
Kung gaano kaganda ang labas ng bahay ay siya ring ganda ng loob ng bahay ni lola.
Mula sa malawak na sala, kusina, hanggang sa eleganteng kaliwa't kanang hagdan patungo sa ikalawang palapag. Kitang kita sa itaas ang pakurbang disenyo ng gawa sa kahoy na railing na nagdudugtong sa dalawang hagdan. May ilang kwarto rin ito sa itaas, hindi pa kabilang ang mga nasa ibaba.
Nagkalat ang mga magagarang paintings sa bawat puting dingding. Gayun'din ang mga kasangkapang gawa sa iba't-ibang klase pero magkakalapit ang mga disenyo.
Natigil ang pagtingin ko sa buong bahay nang ipakilala ni lola sa amin ni nanay Josie ang nag-iisa niyang kasama sa bahay na si manang Tising, bukod kay mang Ramon na siyang driver niya.
Matapos 'non ay pinasamahan na ako ni lola sa magiging kwarto ko. Nang maihatid kami ni manang Tising ay nagpaalam muna siya na maghahain siya ng pagkain sa ibaba. Samantala, si nanay Josie ay nagpaiwan muna para ayusin ang mga damit at gamit ko.
Nang matapos siya sa pag-aayos ay binihisan niya ako ng pambahay na damit bago kami sabay na bumaba. Sumaglit muna siya sa kwartong nakatalaga sa kaniya para siya naman ang mag-ayos ng mga gamit niya, maging ang sarili nito.
Ilang sandali pa ay sama-sama na kaming kumakain sa eleganteng hapag-kainan. Paminsan-minsang nagkukwentuhan sina lola at nanay Josie kasama sina mang Ramon at manang Tising para lang buwagin ang katahimikan, habang ako ay nananatili pa ring tahimik. Nararamdaman ko ang tingin nila sa akin pero nakatingin lang ako sa pagkain ko, madalas ay nakatulala lang sa kung saan. Marahil ay hindi nila alam kung ano ang dapat gawin sa kalagayan ko ngayon dulot parin ng sariwang-sariwang pagka-ulila.
Iniisip ko lang kung magagawa ko bang sumaya sa bahay na ito, gayong bukod sa nangungulila na, naninibago pa ako sa ano mang nakikita ko.
Sa ngayon, wala pa akong naiisip na kahit anong paraan para sumaya man lang. Siguro, sa pagkakataong ito ay pagkakaitan ko ang sarili ko sa kaligayahang alam ko namang makakaya kong gawin kahit anong oras ko gustuhin. Hindi mahirap maging masaya lalo na sa batang katulad ko, pero hindi sa ganitong sitwasyon. Sitwasyong hindi ko inaakalang mararanasan ko sa ganito kamurang isipan, kulang na kulang sa karanasan at kaalaman sa buhay.
"Apo, gusto mo bang magpahinga muna?"
Matamlay akong tumango.
"Ah, o sige hija. Tsaka na lang tayo magkwentuhan at mamasyal kapag nakapagpahinga ka na at ang nanay Josie mo. Maybe some other time." Aniya bago ako niyakap at hinalikan sa noo.
"Sige na, ipahahatid kita kay Josie sa kwarto mo." Dagdag pa niya bago ako tumango.
Nanatili lamang ako sa kwarto ko hanggang sa sumapit ang hapunan. Pinilit akong bumaba ni nanay Josie pero mas pinili kong manatili na lamang dito kaya wala na siyang nagawa kung hindi ang padalhan ako ng makakain.
Idinisenyong kulay asul na katulad ng kalangitan ang aking silid. Mula sa dingding, mga kurtina sa teresa, kumot, unan, sapin ng kama, maging ang kisame. Napaka-aliwalas at malamig sa paningin kaya kumakalma ang paligid. Tanging ang aking aparador na kayumanggi ang kulay, ang may katamtamang laki ng mesa sa tabi ng aking kama, isang mahabang sofa sa kanang bahagi ng aking higaan, dalawang single na sofa, mini sala set at ang isang malawak na bahagi ng aking kwartong pinamumungaran ng iba't-ibang mga babasahin, ay ang tanging naiiba ang kulay sa aking silid ngunit bumagay naman ang mga ito.
Humiga na ako sa aking kama at tumingala sa kisame. Muli akong dinalaw ng pakiramdam ng pag-iisa at kalungkutan.
Nang muli kong naalala ang mga magulang ko ay hindi na ako nahiya at dahan-dahang rumagasa ang aking mga luha.
Kung buhay sila ngayon, sigurado wala ako dito. Masaya kaming tatlo na kumakain ng hapunan. Habang binubuking ako ni nanay Josie sa mga kalokohan ko, sa mga kalat ko sa kwarto at ang pagiging makulit ko sa kaniya. Siguradong tatawa lang sina mama at papa kapag nagkataon.
Pagkatapos naming kumain, tatabihan nila ako hanggang sa maka tulog....pagdating nila galing sa opisina ay hindi mawawala ang pasalubong ko, sa tuwing mamamasyal kami ay palagi kaming kuntento sa isang masaya at libreng araw para sa amin, walang trabaho, walang ibang tao, walang ibang iniisip, kami lang, isang pamilya... Isang masayang pamilya.
Mabilis kong pinunasan ang leeg ko dahil sa mga luhang natipon rito nang marinig kong bumukas ang pintuan.
"Akala ko tulog ka na.........Umiiyak ka na naman, naku." Agad na tumabi sa akin si nanay Josie upang mayakap ako.
"Alam mo hija, naiintindihan ko kung gaano ka nalulungkot ngayon......pero kung palagi kang iiyak, nalulungkot rin ako, pati ang lola mo, syempre pati ang mama at papa mo. Kaya huwag ka ng umiyak, hindi ka naman nag-iisa rito eh. Magkasama tayo, sasamahan kita kahit saan, hindi ka namin pababayaan ng lola mo, huwag ka ng malulungkot ha?" Tumango ako ng ilang beses habang pinipilit na ngumiti.
"O'sige na matulog kana, tatabihan kita hanggang sa makatulog ka. Sabi ng lola mo mamamasyal raw tayo bukas, kaya matulog ka na. Kakantahan kita." Muli akong tumango at umayos ng higa. Habang naka kalong parin sa braso ni nanay, marahan kong ipinikit ang mga mata ko, at dinama ang paghehele niya na para bang siya ang aking ina...... Tunay na ina.