Kung nitong nakaraang araw ay ako ang nangungulit kay Stefan at siya ang umiiwas at hindi namamansin… pwes! Ako naman ngayon ang umiiwas at hindi namamansin, siya naman itong paminsan ay kinukulit ako lalo na kapag oras ng aming group project.
“Ilang araw ng absent si Rufus no? Basag pa din ba ang mukha hanggang ngayon?” pabirong tanong ni Avery.
“Baka nagpapalamig, ikaw kaya ang i-break ng napakagandang dyosa ng ating university.” sabi ni Giana.
“Sipsip.”
Ipinagpatuloy ko ang pag aayos sa mga papel na pinaprint namin para sa documentation sa group project. Dumating naman si William at Stefan na may dalang merienda. Milktea at sandwich.
“Wow!” excited na reaksyon ni Giana.
“Bakit may pa merienda?” Duda namang tanong ni Avery.
“For our hard work? May pa shopping spree nga ngayon itong si Stefan eh.”
Parang nagningning ang mata ng dalawa kong kaibigan, “Is it real, is it real?” kanta ni Avery.
Tumango nalang si Stefan kahit wala itong idea noong una sa sinabi ng kanyang bestfriend.
Pagkatapos ng aming klase ay nagtungo na kami sa malapit na mall. Si William at halos pakyawin ang damit sa isang sikat na clothing line habang si Avery at Giana naman ay kanina pa sa fitting room. Ako naman ay undecided pa din sa gustong piliin sa mga damit dito. Nahihiya din naman kasi ako dahil ang mamahal ng mga damit dito.
“Bakit hindi ka pa magsukat?” tanong ni Stefan na nasa likod ko.
“Wala pa akong mapili.” tipid kong sagot.
“Ma’am ano po ba ang gusto nyo? Dress, top or pants?” tanong ng saleslady. Umiling ako sa lahat ng iyon, “How about sandals or sneakers? These are all our new collections.” turo nito sa gawing kaliwa niya kung saan nakahanay ang iba’t-ibang disenyo ng mga pang-paa.
Umiling ulit ako.
“Bags or makeup?” muli nitong tanong.
“I don’t think so.” tamad kong sagot.
“Undergarments, Ma’am?” Hindi ito sumusuko. “Ito ma’am bagong design namin, very comfortable at magaan sa pakiramdam.” aniya bitbit ang mga nakahanger na bra.
“Do you have her size?” pilyong tanong ni Stefan.
Nanlilisik ang mga mata kong tiningnan ito.
“Yes, sir. We have all the sizes. Ano po bang size nyo ma’am?”
Ngiting aso ang sinagot ko sa saleslady saka pinaghahampas ang braso ni Stefan. Nang masatisfied ako sa paghampas ko sa kanya ay iniwan ko na ito at nagtungo sa fitting room bitbit ang dress na basta ko nalang dinampot.
Siraulo!
---
Nasa bahay na si Mommy ng makauwi ako mula sa school. Niyakap ko ito at hinalikan sa pisngi.
“Si Daddy?”
“Mamaya pa iyon uuwi bago maghapunan.” sagot ni Mommy saka niya nilapag ang kulay gold na invitation sa tabi ng kanyang tsaa.
Dinampot ko ito at tiningnan.
Escajeda’s Give for Good Gala Charity Night.
“Bukas na po ito?” kumpirma kong tanong.
“Oo hija, gusto mo bang sumama?”
“Of course.” maikli kong sagot. Hahanapin ako ni Dok Albert kong hindi ako sasama.
Formal attire ang dress code. Madaming gown si Meghan sa kanyang closet kaya hindi na problema iyon. Tumingin ako kay Mommy at ngumiti ng ilapag ko ang invitation.
“May kaibigan po akong magaling na makeup artist. Pwede bang siya nalang ang kunin natin?”
“Sure, Hija. Who’s that friend?”
“New friend.” sagot ko.
“I’m glad you are having new friends now. Honestly, I really didn't like your 3 friends before… I’m sorry pero mukhang sakit sila sa ulo ng kanilang mga magulang.” reklamo ni Mommy.
“I agree.” pagsang-ayon ko na ikinagulat ni mommy tapos ay ngumiti din naman.
“I want to meet your makeup artist friend tomorrow and about your gown, tatawag ako kay Chichi so she can bring gowns that you can choose from.”
“May mga gowns po ako sa closet, okay pa naman po ang mga iyon.”
“You already wear them, hija. Ayokong nag-uulit ka ng gown sa mga event na pupuntahan natin. Ikaw ang nag-iisang tagapagmana ng Mercedez Oil & Gas Corporation and I want them to look up unto you."
Hindi na ako nag protesta. Ganito talaga siguro ang mayayaman. Hindi ko pa din magawang masanay.
Tinawagan ko si Sidny para ipaalam sa kanya ang magiging raket niya. Ang sabi ni Mommy ay 20,000 daw ang karaniwan niyang ibinabayad sa makeup artist namin tuwing may event. Oo tumataginting na 20k each kaya naman halos sumabog ang eardrums ko sa tili ni Sidny ng malaman niya iyon. Magandang marketing na din ito para sa kanya kung maipopost niya sa social media na dalawang Mercedez ang naging kliyente nya.
----
Kinabukasan, bago ang oras ng pananghalian ay pinasundo ko si Sidny at Poknat. Masaya akong makasama silang mula.
After our lunch ay una niyang inayusan si Mommy. Nagustuhan ni Mommy ang ayos niya at kinontrata na si Sidny bilang personal makeup artist.
Nang ako na ang aayusan ni Sidny ay sa kwarto ko na kami nagtungo.
"Wow! Dyosa ka talaga miss Meghan." manghang sabi ni poknat.
"Magaling kasi ang kamay ni Sidny."
"Maganda ka talaga, Miss Meghan. Huwag ka ng pabebe. Ako nga naka todo makeup na pangit pa din, lalo na itong si poknat." tawang sabi ni Sidny.
"Just call me Meghan. Ang pormal naman masyado kung may miss pa."
"Okay, girl! Isuot mo na ang gown mo. Excited akong I photoshoot ka." Utos ni Sidny saka ako inalalayan na tumayo.
Nagtungo kami sa walk in closet. Tinulungan naman ako ni poknat na magbihis.
"Naalala ko sayo ang bestfriend kong si Phina dyan sa likod mo." emosyonal nito sabi ng matapos izipper ang likod ng gown ko.
Humarap ako sa kanya at ngumiti, "What happen to her?"
"Wala na sya eh. Ang daya nga" Aniya at pinipigil ang luha, "Aksidente kasi niyang napatay ang tatay-tatayan nya tapos ay tumakas siya. Nabalitaan nalang namin na wala na siya, namatay sa isang sunog. Hindi man lang kami nakapagpaalam sa kanya. Ang daya nya." humikbi na ito.
Hindi ko napigilan ang pagtulo ng mga luha ko, niyakap ko siya ng mahigpit.
"I'm sorry. "
Pinunasan ni Poknat ang luha niya at piliy na tumawa.
"Bakit ka umiiyak, baka mabura amg makeup mo. Naku! Lagot ako nyan kay Sidmon. " Sabi nito habang patuloy sa pagpunas ng kanyang mga luha.
"Ang tagal nyo! Bakit may naririnig akong iyakan dyan." Sigaw ni Sidny sa labas. Doon lang namin binuksan ang pinto, "Anong kadramahan yan?" seryoso nitong tanong.
"Wala. Naapakan ni Meghan ang ingrown ko." Tawang sagot ni Poknat. Natatawa na lang din ako saka siya marahan na pinalo sa braso.
----
Pinahatid ko ulit sina Sidny at Poknat pabalik ng San Andres. May mga pinadala akong ilang damit para sa kanila. Iyong mga damit ni Meghan na alam kong hindi ko naman kayang suotin. Nagpadala din ako ng pagkain para kay Jayjay. Nagpalusot lang ako na natuwa ako kunwari sa batang iyon.
Marami ng bisita dito sa hotel Ballroom kung saan ginanap ang charity night. May mga media dahil may mga sikat na artista akong nakita. Maging ang emcee ay sikat na tv host din.
"Nice to see you here Mr. and Mrs. Mercedez." Salubong na bati ni Dok Albert sa aking mga magulang.
"Salamat Dr. Escajeda. This is a nice party." Sagot ni Daddy. Saglit silang nag usap ng may mga ilang bisita na ang umagaw sa atensyon ng aking mga magulang.
Tumabi sa akin si Dok Albert at inabutan ako ng champagne.
"Nice outfit, Meghan. Dapat mas daring pa dyan ang sinuot mo para madali mong matapos ang pinapagawa ko." Nakangiti nitong sabi habang nasa stage ang mga mata.
Tumingin ako sa kanya tapos ay sa stage.
"Pasensya na. Hindi ko kasi kayang-"
"Hindi mo kaya pero hindi ka na si Phina. Ikaw na ngayon si Meghan at kayang kaya ni Meghan isuot ang pinaka mahalay na damit na gustuhin niya."
Hindi na ako nakasagot. Kahit ako na si Meghan ay katawan ko pa din naman itong gusto niyang ibalandra. Mukha ko lang naman ang nagbago pero ako pa din si Seraphina.
"Stefan might be looking at us right now. Kapag nagselos siya sa akin ngayong gabi… then you have to make a move. Book a room here and do what you need to do, Phina." Muling sabi ni Dok Albert.
Tumingin ako sa kanya at napilitan na ngumiti saka umiwas dahil kinakabahan ako.
Hindi ko kaya!
Biglang naging malambing at touchy sa akin si Dok Albert. Naiilang ako pero kailangan kong sakyan ito.
"Babe," tawag ng pamilyar na boses sa likuran namin. Pareho kaming lumingon ni Dok Albert.
"Who is he?" kunot noong tanong ni Dok Albert.
"I'm her boyfriend, Rufus Astor." Pakilala ni Rufus saka nito kinabig ang baywang ko at hinigit palapit aa kanya.
"Rufus, please… Do not make a scene here." pakiusap ko.
Mapang Uyam na tumawa si Dok Albert, "Your boyfriend?" tanong sa akin ni Dok. Umiling naman ako.
"Yes. I have been her boyfriend for 3 years. Do you have any problems with that?"
"I think you are the one who has a problem. He already dumped you, isn't she?" Mapang Uyam nitong sagot.
Nagtiim bagang si Rufus sa galit, pinipigilan ang sariling emosyon. Dumistansya naman ako kay Rufus ng mapatingin ako sa lalaking nakatayo ngayon sa likod ni Dok Albert.
Hindi ko alam kung bakit ako kinabahan bigla at natakot sa madilim na titig sa akin ni Stefan. Nakapamulsa itong tumabi sa kanyang pinsan.
"H-Hinahanap ako ni Mommy. Maiwan ko na muna kayo." Palusot kong paalam sa kanila saka tarantang naglakad para hanapin ang aking mga magulang.
Hindi ko sila makita kaya nagtungo nalang ako sa mga inumin para paltan itong champagne kong hawak ng juice. May mga iba't ibang kulay ng mga inumin dito na nakalagay sa maliit na baso, nahihiya naman akong magtanong kung ano ang mga iyon kay dinampot ko nalang itong kulay blue dahil masarap ito sa mata. Baka sakaling masarap din.
Iinumin ko na iyon ng may umagaw sa kamay ko. Wala akong nagawa kundi sundan ito ng tingin at pinanood kung paano ubusin ni Stefan ang laman nito.
Kukuha sana ako ulit ng panibagong baso ng muli niya akong pigilan.
"May problema ba tayo?" mapang-asar kong tanong.
"No alcohol for you." seryoso nitong sabi saka ako tiningnan na para bang may ginawa akong masama sa kanya.
"Alin ba dito ang juice?"
"Do you have lemonade?" Tanong ni Stefan sa barista.
"Yes, Sir Stefan. For her?"
"Yes. Please."
Humalukipkip ako at tumingin sa kanya. Nakipaglabanan naman ito sa akin ng titigan at syempre ako ang unang sumuko dahil ayaw makisama ng puso ko. Laging bumibilis sa presensya ni Stefan.
Kalma ka lang dyan, puso ko. Huwag mong sabihin sa akin na naeexcite kang makita ang damuhong ito?
Traydor ka!
"Here's your lemonade Ma'am." nakangiting inabot akin ng barista ang mahabang baso.
"Thanks."
Ininom ko ito at bahagyang ngumibit dahil may kaasiman ito.
"Hi Stefan." Ani ng isang mapang akit na boses. Nilingon ko ang babaeng naka red gown na ngayon ay nasa harapan ni Stefan habang ang kamay ay lumalandas sa dibdib nito.
Muntik na ako masamid.
"Wanna hang out after this? Or wanna sneak out?" dugtong nito sabay kagat ng ibabang labi.
Napaka landi. Ganoon ba mang akit?
"I'm sorry. I'm with her." turo sa akin ni Stefan.
Umiling naman agad ako, "No, I'm n--" hindi natuloy ang sasabihin ko ng kabigin niyo ang baywang ko palapit sa kanya.
Pinasadahan naman ako ng tingin ng babaeng iyon saka ako inirapan at umalis.
Attitude!
Masama akong tumingin kay Stefan.
"Really?" inis kong sabi, humarap ako kay stefan habang nanatili ang mga kamay niya sa aking baywang. Inilapat ko naman ang isa kong kamay sa dibdib niya. Pilit ginagaya ang moves noong malanding babae kanina dahil nakita ko si Dok Albert na pinapanood kami.
Tiningnan ni Stefan ang kamay ko sa dibdib niya tapos ay tumingin sa akin. Mapang akit naman akong ngumiti sa kanya.
"Wanna hang out after this? Or wanna sneak out?" tanong ko sa mas malanding tono saka ko kinagat ang pang ibaba kong labi.
Mabilis pa sa alas kwatro ang pagbitaw niya sa akin saka ito umatras na para bang may dala akong kuryente sa katawan. Lumunok ito at nag tiim bagang sa nerbyos.
"Are you crazy?" singhal nito saka namewang, "Hindi bagay sayo." aniya. Nang insulto pa.
"Talaga?" Pang aasar ko saka ako humakbang palapit sa kanya at hinila ang kurbata nito palapit sa akin, "Bakit ka kinakabahan? Hindi bagay pero effective?" muli kong nilandian ang aking pagsasalita.
mapang asar itong ngumiti saka inilapit pa ang mukha sa akin. As in, magkadikit na ang aming ilong. Napalunok ako. Parang tumigil na yata ang t***k ng puso ko pati na din ang paghinga ko.
"Try harder, Meghan. Para naman convincing." sabi pa nito saka lumayo sa akin at tinapik ang balikat ko. "Mag practice ka pa." payo nito saka naglakad palayo.
Bumuga ako ng malalim na hininga saka straight na ininom ang maasim na lemonade.
Peste ka Stefan!
May umakbay sa akin mula sa likuran ko at ng sulyapan ko iyo ay si Dok Albert pala. Akala ko si Rufus na naman.
"What happened? Bakit mo hinayaang umalis?"
"Nakita nyo naman na inakit ko na pero hindi pa din bumigay. Pwede bang bigyan mo pa ako ng panahon? Ang hirap kunin ng loob nya." mahina kong sagot.
"That bastard!" maktol nito, saka tumingin sa akin, "I have to get rid of Rufus Astor. Balakid sya sa mga plano natin." pag iiba nito sa usapan.
Natin?? Baka naman plano nya lang. Napipilitan nga lang ako. Hay naku Seraphina! Ano ba itong pinasok mo?!
"Anong gagawin mo sa kanya?" curious kong tanong.
"Kapag hindi siya nakuha sa pananakot, I am gonna totally get rid of him for good." Seryoso nitong sagot.
Napalunok ako. Ibig sabihin ba niya ay handa siyang pumatay para lang maisakatuparan ang kasakiman niya sa pera at kapangyarihan?
Mas lalo akong natakot kay Dok Albert. Handa siyang pumatay. Malinaw naman noong umpisa palang. Nagawa nga niyang sunugin ang kawawang si Meghan.
---
Lumabas ako ng hotel para huminga. May tatlong bwisit na lalaki sa loob, paano ka makakahinga ng maayos dun?
Huminga ako ng malalim at nilasap ang preskong hangin dito sa hotel garden na matatagpuan sa gitna ng hotel. Inilahad ko ang kamay ko sa hangin ng maramdaman ko ang mga patak ng ulan sa akin. Hinampas ako ng malamig na hangin at kasabay noon ang malakas na kulog at kidlat.
Tinakpan ko ang aking tenga at nagsimulang mag-panic. Muling kumulog at kumidlat, umatras ako sa sobrang takot at hindi alam kung saan magtatago. Nanginginig ang buong katawan ko at walang ibang magawa kundi umiyak na parang baliw. Malakas na kidlat at kulog ang muling umalingawngaw kaya sumigaw na ako sa takot at tumakbo hanggang may mabangga ako.
Si Stefan.
Bakas din sa mukha niya ang takot at pagkabalisa. Para bang pareho kami ng nararamdaman sa mga oras na ito. Tumunghay ako sa kanya at muling pumikit ng marinig ko ang malakas na kulog. Tatakbo sana ako ng hilahin niya ako saka kinaladkad sa kung saan.
Binuksan niya ang pinto ng VIP lounge. May mga tatlong stuff doon na may inaayos.
“Get out!” utos ni Stefan.
Nagmadali naman na lumabas ang tatlo saka niya ako hinila papasok sa loob. Sinara niya ang pinto. Walang bintana sa kwartong ito at soundproof kaya hindi ko na muling narinig ang kulog. Nanlalambot akong naupo sa sofa at tinakpan ang aking mukha para umiyak. I cried out of relief. Feeling ko kasi safe ako dito.
Ipinatong ni Stefan ang coat niya sa aking likod saka ito naupo sa katapat kong sofa.
“S-Salamat.” sabi ko ng hindi ito tinitingnan.
“Kailan ka pa nagkaroon ng astraphobia?” seryoso nitong tanong.
“Simula bata ako.”
“No, you are not.” sabi nito kaya tumingin ako sa mapula niyang mata. Umiyak ba siya? “Yes, you have an amnesia, but you have no astraphobia, Meghan. Noong mga bata tayo madalas mo iyang ipanakot sa akin dahil alam mong takot ako sa kulog at kidlat. You always love to torture, bully and watch me suffer, that’s why I hated you.” malamig nitong dugtong at nasaktan ako ng makita kong umagos ang luha nya.
“I-I’m sorry. H-Hindi ko alam.” nanginginig ang mga boses ko.
“Gusto kong isipin na kinakarma ka na.” Aniya at mapait na tumawa, “Pero hindi naman ako kasing sama mo.”
“Hindi na ako ang dating Meghan na nakilala mo noon. Nagbago na ako, at hindi ko na gugustuhin na bumalik sa dating ako.”
“Sana nga… Sana nga dahil unti-unti mo na akong napapaniwala dyan sa sinasabi mong pagbabago, but it can’t remove the pain I’ve suffered because of you and I know that changes is just temporary. Kapag bumalik ang alaala mo-”
“Ayoko ng bumalik sa dati!” sigaw ko at tinakpan ang tenga ko, “Ayoko na!”
Ayokong bumalik bilang Seraphina kung makukulong lang din naman ako! Ayokong Bumalik ang dating Meghan kung marami na pala itong nasaktan na at ginago. Ayoko na!
“Hindi kita pinipilit na maniwala pero ang dating Meghan na kinamumuhian mo noon ay patay na! Please stop comparing me to her, nasaktan ka nya and I am sorry. Hindi sapat ang sorry ko at naiintindihan ko… pero sana bigyan mo ng chance ang bagong Meghan Elvira Mercedez na nasa harapan mo ngayon… Bigyan mo ako ng pagkakataon na ipakita na nagbago na ako at itatama ko na lahat ng pagkakamali ko.” iyak ko sa kanya.
“How can you make things right if you can’t even remember your past?”
Hindi ako nakasagot. Yumuko ako at humikbi na lamang.
“Can you give us water here at the VIP lounge? Samahan mo na din ng tissue.” sabi ni Stefan sa telepono na nasa kanyang tabi. Binaba niya ito at umayos sa pagkakaupo.
“Can you please stop crying?” seryoso nitong tanong, para naman akong bata na tumango, “So, tell me how you get your astraphobia, Meghan. Ang sabi mo ay simula bata ka pang takot sa kulog at kidlat, diba?” curious nitong tanong.
Muli akong tumango, “I can’t remember how it happen. Basta ang natatandaan ko ay nasa madilim akong kwarto noon mag-isa at malakas noon ang kidlat at kulog.” Kwento ko.
Namilog ang mga mata ni Stefan at natameme. Huminga ito ng malalim saka umiling at ngumisi, “I feel like I was talking to a different person. Is that really your memory? O baka ibang tao ka talaga?”
Lumunok ako sa tanong nito. Umiwas ako ng tingin dahil hindi ko alam ang gagawing reaksyon.
“I was just kidding.” basag nito sa katahimikan saka naman may kumatok sa pinto, pumasok ang dalawang staff tulak-tulak ang tray cart.
Nilapag nila sa center table ang dalawang bote ng mineral water, isang kahon ng tissue at iba’t ibang uri ng matatamis na panghimagas.
----
Linggo ng umaga. Maaga akong nagising at nag ehersisyo. Noon ay sanay akong magbanat ng buto, madaling araw palang ay tumutulong na ako kay nanay sa pagluluto ng mga paninda niya para sa karinderya. Ako din ang nag-aasikaso noon kay Jayjay hanggang pagpasok nito sa paaralan.
Ngayon… buhay prinsesa ako dito. Ultimo iinumin ko na lang ay si idudulot pa sa akin. Ayaw ni mommy na gumawa ako ng gawaing bahay dahil baka makasama daw sa kalusugan ko dahil galing ako sa matinding gamutan.
So, kailangan kong mag ehersisyo para naman dumaloy ng maayos ang dugo ko sa katawan. Sunod kong ginawa ay naglinis ng study room. I turned on my soundbar music at inisa-isa ang bawat shelves at cabinet. Tinapon ang sa tingin ko ay hindi ko na kailangan.
“Ma’am Meghan. Merienda po muna kayo.” tawag ni Sanya.
“Sige. Iwan mo nalang dyan sa mesa.” sigaw ko tapos ay naubo ng dahil sa alikabok mula sa mga libro.
Sinilip ako ni Sanya at nagulat ng makita ang mga kalat.
“Naku ma’am Meghan. Ako na dyan. Baka mapagalitan ako ni Madam.” taranta nitong inagaw ang mga buhat kong libro. Inagaw ko din naman ulit at nilapag sa mesa saka ko pinagtulakan palabas ng study room si Sanya.
“Okay lang ako. Kaya ko na ito.” sabi ko saka sinara at nilock ang pinto, “Kapag pumasok ka, sisisantihin kita.” banta ko saka tumawa.
Ipinagpatuloy ko ang paglilinis. Tapos na ako sa mga shelves kaya ang loob naman ng mga cabinet ang sinunod ko. May photo album akong nakita, binuklat ko ito at mga picture ito ni Meghan noong bata siya. Ang cute ng demonyitang ito dito, akala mo angel.
Sorry. Sumalangit ka nawa at tanggapin ni San pedro.
May yakap siyang baby. Sino kaya ito?
Pinsan? Speaking of pinsan, wala pa akong nami-meet na pinsan ni Meghan. Muli kong binuklat ang pahina nito. May batang lalaki na katabi si Meghan at magkaakbay sila tapos sa kabilang side ng batang lalaki ay batang babae naman na sa tingin ko ay nasa limang taon palan dito. Nakahawak ito sa kamay ng batang lalaki.
Parang nakita ko na ang picture na ito.
Hapon na ng matapos akong maglinis. Pinicturan ko ang mga ito saka proud kong pinasa sa group chat namin.
Avery: Nice. Sipag natin ah?
Giana: Sarap ng merienda.
Natawa ako sa sinabi ni Giana dahil nakita pa niya iyong meryenda kong paubos na sa ibabaw ng mesa.
Avery: Nakita mo pa yon?
William: Sniper yan ng mga pagkain eh.
Giana: Hang out nalang tayo tonight? Ang malate sya ang manlilibre.
William: auto pass.
Avery: Girls' night out? Lezgo!
Meg: Saan?
Hindi pa ako nakapag girl night out sa tanang buhay ko. Excited ako.
Avery: Can you recommend a nice decent nightclub, William?
Stefa: There is no such place.
William: Sa revel. May pool din doon, bring your bikinis girls. (laughing emoji)
Giana: Game! What time? Where’s our meet-up?
Avery: 8 pm sa Sb. See you, girls!
Tumakbo ako sa walk in closet para maghanap ng pwedeng isuot. Nagpatulong pa ako kay Sanya kung ano ang karaniwang sinusuot sa mga nightclub at puro mga sexy ang binibigay nito. Hindi ko kaya! Nag black leather pants nalang ako, black heels at black crop top gaya ng nakita ko sa google.
Pinayagan ako ni Mommy at Daddy pero dapat ay kasama ko ang aming family driver na si Mang Jun. Ako ang nauna sa aming tagpuan, hindi halatang excited at si Avery naman ang late kaya siya ang sasagot sa lahat ng gastos namin ngayong gabi.
Maingay sa loob ng club. Madilim at may iba't ibang kulay ang sumasayaw sa paligid. Nangingibabaw ang amoy ng alak dito sa loob. Hinila ako ni Giana at Avery sa pinakaloob pa at naupo kami sa pabilog na sofa. Tumingala ako at tinitigan ang parang araw na chandelier at doon ko lang napansin na may 2nd floor pa pala dito.
“What drinks do you want?” tanong sa amin ni Avery.
“Anything.” sagot ko dahil wala akong idea kung ano ang mga inumin dito.
“Bahala kana sa drinks, ako na ang sa foods.” sabi naman ni Giana.
Margarita daw itong inorder ni Avery. Hindi ko alam kung anong klaseng inumin ito pero masarap naman siya, sa sobrang sarap ay nakarami na pala ako ng hindi ko namamalayan. Napuno tuloy ang pantog ko. Nagtungo ako sa CR mag-isa at ang tagal ko bago narating itong CR dahil feeling ko umiikot ang paligid ko.
Nang bumalik ako sa aming pwesto ay wala ang ang dalawa. Dinampot ko ang cellphone ko at nagchat sa aming GC kahit medyo blurry na ang paningin ko.
Meg: Nasan kkkayo?
Ngumiti ako at kung ano-ano na ang pinindot na emoji. Walang sumasagot. Hirap na akong mag type kaya nag voice message ako.
“Nashaaan kaayooo? Bakit nyoo akoooo hiniwaaaaan.”
William: Are you drunk?
Tumayo ako at hinanap ang mga kasamahan ko. Nagtungo ako sa pool area at inisa isa ang mga nakatayo doon sa pool side. Dahil medyo nahihilo na ako ay nawalan ako ng balanse at nalaglag sa pool. Mabuti nalang at mababaw lang ito.
“Pucha! Ang lamig!” hiyaw ko. Nangibabaw ang tawanan sa paligid.
Hawak ko pa din ang cellphone ko at hindi ko namalayan na naka video call na ito. Baka napindot ko noong naglalakad ako kanina. Pinunasan ko ang mukha ko at ngumiti kay William.
“Helloooo.” kumaway pa ako.
“Dang! Lasing nga. Nasaan ang mga kasama mo?”
“Di ko alam! Iniwan ako!” nakasimangot kong sagot.
“Hi Miss. Can I help you?” sabat ng lalaking naghuhumiyaw ang abs. Tumingala ako dahil ang tangkad nito. Ngumiti ako sa kanya.
“Nice abs. Meron din ako nyaaan!”
“Cool. Can I see?” Pilyo itong ngumiti sa akin. Aba meron akong abs! Nag exercise ako kanina.
“What the hell?” rinig kong sabi ni Stefan sa video call.
Inabot ko sa kanya ang cellphone ko, “Hawakan mo.” utos ko at agad niyang tinanggap saka itinutok ang camera sa akin.
Hinubad ko ang aking crop top saka ko binato sa kung saan.
“Kita mo yang abs ko?” pagmamalaki ko sa kanya.
“Nice. Can I touch it?”
Naningkit ang mga mata kong tumingin sa gwapong lalaki.
“Don’t you dare touch her, assh0le!” rinig ko ulit yung boses ni Stefan.
“Bro. She’s drunk. Don’t take it as an advantage. Sinasabi ko sayo, may kalalagyan ka.” sabi ni William.
“Fine. Chill guys. Bye.” sagot ng gwapong lalaki sa harapan ko.
Giniginaw na ako kaya pinilit kong umahon para hanapin yung damit kong ibinato ko kanina. Nang makaalis ako sa tubig ay hindi ko kaagad nagawang tumayo kaya naman gumapang nalang ako habang hinahanap ang aking damit.
“Miss. Your phone.” tawag sa akin ng gwapong may abs. Ngumiti ako sa kanya at sinubukan na tumayo. Pero hindi ko kaya kaya humawak ako sa binti at baywang nito para makatayo.
Kinuha ko ang cellphone sa kamay nya, “Thank you!” nakangiti kong sabi
“Are you okay? Do you want me to help you?”
Bakit ba english ito ng english! Tumango lang ako.
Dumampi ang mainit niyang kamay sa hubad kong baywang. Kinilabutan ako at nakaramdam ng takot. Tinulak ko siya at umatras ako pero dahil wala akong balanse ay napaupo ako sa sahig.
“Huwag po! Parang awa nyo na! Huwag!” iyak ko.
“Miss, what’s wrong?” alala nitong tanong at hinawakan ako sa kamay pero nagpumiglas ako at muling nag-makaawa.
“I told you not to touch her!”
Nakita ko si Stefan na sinuntok yung may abs na lalaki ng dalawang beses saka siya inawat ni William. Hinubad nito ang suot na jacket saka ibinalot sa akin at inalalayan akong tumayo. Dinala nya ako hanggang sa parking area at halos itulak ako papasok ng kanyang sasakyan.
“Bakit mo ako tinulak!” reklamo ko sa kanya.
“Huwag na huwag ka ng babalik dito kung hindi mo naman kaya ang sarili mo!” singhal niya sa akin.
“Kaya ko naman!” Palaban kong sagot.
“Really?! Kaya ka ba umiyak kanina at halos magmakaawa sa lalaking iyon dahil kaya mo ang sarili mo?!”
“OO! Kung hindi ko lang naalala ang pesteng nakaraan ko, kaya ko!” balik kong sigaw sa kanya. Hindi ko mapigilan ang aking luha.
Natigilan ito at mariin akong tiningnan.
“What did you say?” Sumeryoso ang boses nito.
“Meghan.” rinig kong tawag ni Avery at Giana.
Hinawi nila si Stefan saka sila dumungaw sa loob. Pinunasan ko naman ang luha ko.
“Bakit nyo ako iniwan?” maktol ko na parang bata habang pinupunasan ang luha ko.
“Sorry. We are really sorry. Niyaya kasi ako ni Giana na sumayaw sa dancefloor.” Paghingi nito ng tawad saka ako niyakap.
“Sorry, Meg. Hindi ko naman alam na lasing kana pala.” Naiiyak naman na sabi ni Giana.
“Hindi ako lasing!” tanggi ko at narinig ko ang mapang uyam na pagbuga ni Stefan ng hininga. “Hindi na ako lasing!” sigaw ko kay Stefan saka ito inirapan.
“Whatever!”
“Oh! Nandito naman pala kayo, akala ko iniwan nyo na itong lasing na si Meghan.” sabi ni William. Tinapik pa nito ang likod ni Stefan.
“Hindi nga ako lasing! Bakit ba ang kulit nyo!” ulit kong sigaw.
“Chill! Edi hindi.” tawang sabi ni William, “Party is over?”
“I think.” si Avery ang sumagot.
“Okay. Magpapahatid ba kayo?”
“Can we?” ani Giana.
“Do we have a choice?” Iritang sagot ni Stefan.
Lumabas ako ng sasakyan ni Stefan at kumapit sa mga pwede kong kapitan para hindi matumba.
“Kasama ko si Mang Jun. Hinihintay niya ako doon.” Sabi ko at itinuro ang kabilang side ng parking lot.
“Who is Mang Jun?” takang tanong ni William.
“Driver ni Meghan.” Si Giana ang sumagot.
Sinubukan kong maglakad ng hindi kumakapit pero sa dibdib ni Stefan ang bagsak ko. Ngumisi ako sa kanya at lumayo. Pinunasan ko pa ang basa niyang tshirt pero agad niya itong hinawi.
“Sasamahan kana namin Meghan.” offer ni Avery saka kumapit sa kanan kong braso at sa kaliwa naman si Giana.