Ang unang hakbang ni Elijah palabas ng kanilang bayan ay ang pagtapak sa isang prestihiyosong unibersidad sa Maynila — isang lugar na tanging mga anak ng mayayaman lamang ang karaniwang nakakapasok.
Nakapasok siya hindi dahil sa salapi, kundi dahil sa talino. Valedictorian siya sa high school at nakakuha ng buong iskolar. Habang ang mga kaklase niya ay dumating sakay ng mga kotse, siya ay naka-jeep, bitbit ang iisang lumang bag, ngunit ang mga mata’y kumikislap sa tapang at determinasyon.
Sa unang araw pa lang, ramdam niya ang agwat ng mundo. Malalawak ang mga pasilyo, makintab ang sahig, at ang bawat estudyante ay may mamahaling gamit, bagong cellphone, at mga ngiting hindi pa natitikman ang gutom.
Ngunit hindi siya natakot. Sa halip, napangiti siya ng bahagya.
“Ito ang mundong pinili mong yakapin, Inay. Kaya kong pasukin ito… at higitan ka.”
Tahimik siya ngunit mabilis makakuha ng atensyon. Sa klase, siya ang unang sumasagot. Sa mga proyekto, siya ang laging may pinakamagandang presentasyon. At habang ang iba’y abala sa mga party at gala, si Elijah ay tahimik na nagsusuri—hindi lang ng mga leksyon, kundi ng mga tao.
Doon niya unang narinig ang isang pangalang matagal na ring nawala sa kanyang isipan.
Habang nag-uusap ang dalawang kaklase sa harap niya sa library, binanggit nila ang apelyidong “Villareal” — isang kilalang pamilyang may-ari ng malaking kumpanya ng real estate.
“Ang asawa ng CEO na ‘yan, dati raw galing probinsya. Ang swerte no?” ani ng isa.
“Basta maganda ka at marunong, kaya mong umangat,” sagot ng isa pa.
Nalaglag ang hawak na lapis ni Elijah. Kumabog ang kanyang dibdib. Villareal.
Iyon ang apelyido ng lalaking isinama ng kanyang ina noon.
Sa gabing iyon, hindi siya mapakali. Binuksan niya ang luma niyang notebook at isinulat ang pangalan:
“Clara Villareal.”
(Ang ina kong tumalikod sa akin.)
Simula noon, naging bahagi na ng araw-araw niyang routine ang maghanap ng impormasyon tungkol sa pamilya Villareal. Lihim siyang pumapasok sa mga public forums ng business students, kumukuha ng mga kopya ng business magazines sa library, at minsang pumapasok sa mga event ng unibersidad kung saan naroroon ang mga miyembro ng pamilya.
Sa bawat larawan na nakikita niya ng babaeng iyon — maganda, marangya, nakangiti sa tabi ng lalaking mayaman — lalo siyang napupuno ng apoy.
Hindi na ito basta galit ng isang batang iniwan. Ito na ang simula ng isang maingat na plano.
“Kung gusto kong wasakin ang mundo niya, kailangan ko munang maging bahagi nito. At kapag nakuha ko na ang tiwala ng mga tulad niya… saka ko siya bubuwagin, piraso-piraso.”
At sa gabing iyon, sa tuktok ng dorm building, habang tanaw ang mga kumikislap na ilaw ng siyudad, nagpanata si Elijah:
“Magiging mas makapangyarihan ako kaysa sa lahat ng ipinagpalit mo sa akin, Inay. Kapag humarap ka sa akin balang araw… wala ka nang matitirang sandigan.”