PROLOGUE
Mature Content. Read at your own risk!
Prologue
“Umalis ka na, Yllah! Please anak! Kailangan mo ng makaalis dito!” Pagalit na wika ng aking inay. Panay iling lamang ako dahil ayoko siyang iwan.Hindi ko kayang iwan ang aking ina.Hindi na siya makatayo dahil naliligo na ito sa sarili niyang dugo.
“Kapag hindi ka umalis dito ay dalawa tayong mamamatay! Ayokong parehas tayong mawala.Tuparin mo ang pangarap mo.Naniniwala ako anak na. . .” Nahihirapan na siyang huminga kaya paimpit akong umiiyak habang hawak ko ng mahigpit ang kamay niya
“Inay! Huwag mo akong iwan. Pakiusap,” ani ko at bakas sa boses ko ang pagsusumamo.
“Naniniwala ako anak na m-makakaya mo itong mag-isa. Alam kong matapang ka. Palaban kang bata kaya nagmamakaawa si nanay na lisanin mo na ang lugar na ito. Darating ang araw na ipagpapasalamat mo na sinunod mo ang utos ko. Sige na anak bago pa magbalik si Renato. Hindi ko kakayanin na pati ikaw ay gawan niya ng masama,” naiiyak na wika ng aking ina.
“Hindi kita iiwan dito, inay. Aalis tayo rito. Hindi kita ii–” Malakas na tunog ng putok ng baril ang nagpagulat sa aming dalawa ni inay. Natataranta ang mga mata nito habang pilit niya akong itinutulak.
“Vivian! Sa oras na makita ko ang anak mo ay gagawin ko siyang parausan!” Boses ng isang matanda na animo’y galit na galit.
“Sige na anak! Umalis ka na!” Mahinang sigaw ni inay pero nanatili akong nakahawak sa kamay niya. Hindi ko kayang iwan siya. Napakawalanghiya ang gumawa nito sa kaniya!
“Umalis ka na!” Sigaw ni inay at isang malakas na sipa ang ginawa niya sa akin.
Halos mawalan ako ng balanse sa ginawa sa akin ni inay. “Umalis ka na anak. Sundin mo ang utos ko o parehas tayong mamamatay dito!”
Natigilan ako ng marinig ko ang malakas na yabag na papalapit sa labas ng silid at akma na nitong buksan ang seradura nang biglang gumapang si inay patungo sa may pinto at bumangon at agad na sumandal sa may pinto. Habol ang kaniyang hininga ng tignan niya ako.
“Alis na,” usal nito habang nalulunod ang mukha nito sa luha. Pikit-mata akong napatango habang umiiyak. Ayokong iwan si inay ngunit mas pinili kong sundin ang utos niya. Nagmadali akong lumapit sa kaniya at hinagkan ko siya sa kaniyang pisngi at mabilis siyang niyakap pagkatapos ay tumalon na ako sa may bintana. Madilim ang buong paligid. Magtatago na sana ako kaso naisip ko si inay.
Parang ayaw gumalaw ng mga paa ko papalayo sa lugar na ito kaya pinilit ko ang aking sarili na umakyat para balikan siya ngunit biglang nagdilim ang ilaw sa loob ng silid at tanging nagawa ko na lamang ay sumilip kung ano ang nangyayari sa loob pero wala akong maaninag.
Maya-maya ay narinig ko ang pagsigaw ng matanda at ang malakas na pagkalabog ng pintuan. Saglit akong natigilan ng marinig ko ang pagdaing ni inay na animo’y tumalsik ito sa isang tabi.
“Nasaan ang anak mo?!”
Dagli akong nagkubli sa malalagong halaman pero bigla akong natigilan nang marinig ko ang palahaw ng aking ina na tila ba sinasaktan ito.
“Wala na siya.”
Rinig ko ang mahinang pagtawa ng aking ina. “Pinatakas ko na, Renato. Hindi ko hahayaang maging babae mo siya! Hindi ko hahayaang babuyin mo ang anak ko. Hindi ka magtatagumpay sa plano mo. Mas mabuti pang. . . patayin mo na lang ako para sa ikatatahimik ng buhay ko.”
“Ah ganu'n! Puwes, tutuluyan na kita dahil wala ka ng silbi sa buhay ko!” Sigaw nito at dalawang magkasunod na putok ng baril ang narinig ko. Agad na tumulo ang aking mga luha. “Wala na ang aking inay!" Sigaw ng aking isipan.
Paimpit akong umiiyak. Sobrang nasasaktan at naaawa ako sa aking inay kasabay ang pag-usbong ng galit at poot sa aking dibdib. Mga walang puso ang gumawa nito sa kaniya.
“Ipaghihiganti kita, inay. Hindi ko hahayaang ipagsawalang bahala ang ginawa nila sa iyo. Pinapangako ko na mabigyan ko ng hustisya ang ginawa nila sa iyo.”
“Ferran,” rinig ko ang boses ng matanda.
“Ano 'yon lolo?” Boses ng isang binatilyo.
“Pakisabi sa lahat ng tauhan natin na halughugin ang buong paligid. Alam kong nasa paligid lang ngayon ang anak niya. Hindi pa ito nakakalayo,” ani nito.
Mabigat ang mga hakbang ko habang tumatakbo papalayo. Masakit isipin na wala na ang aking ina.
Inakala kong nagtatrabaho lang ito bilang isang katulong para may pantustos sa pag-aaral ko pero hindi pala. Ang nanay ko ay isang parausan ng isang sindikato.
Habang tumatakbo ako ay siya namang bigla lakas ng buhos ng ulan. Hindi ko ininda ang lamig ng tubig na bumabalot sa aking katawan dahil iniisip ko na lamang na ang bawat patak ng ulan sa katawan ko ay magsisilbing lakas ko ngayon papalayo sa lugar kung saan kumitil sa buhay ng aking pinakamamahal na ina.
“Ayon siya!” Sigaw ng isang lalaki na hinuha ko ay tauhan ng matanda.
Nanginginig ako at ramdam ko ang malakas na pagkabog ng aking puso dahil sa takot dahil baka masundan nila ako at patayin.
Kahit madulas ang daan dahil maputik na ito ay patuloy lamang ako sa pagtakbo.
“Kailangan kong makalayo sa lugar na ito. Hindi ko hahayaan na mapasakamay nila ako.”
Ngunit bigla na lamang may humila sa aking kamay at dinala ako sa mas masukal na daan.
“S-sino ka?” Kinakabahan kong tanong at pilit na inaaninag ang mukha nito habang nakayuko.
Hindi ito sumagot kaya binawi ko ang aking kamay ngunit muli niyang hinawakan ang aking kamay.
Kahit anong pagpupumiglas ko ay hindi niya binitiwan ang kamay ko.
“Bitiwan mo 'ko sabi! Kasamahan ka ba nila? P-papatayin mo rin ba ako? Puwes ay hindi ako sasama sa’yo!” Asik ko at pilit na tinutulak siya ngunit natigilan ako ng bigla niya akong binuhat.
“Huwag ka ng makulit pa. Kung gusto mong makaalis dito ay huwag ka ng kumontra pa,” malamig nitong saad kaya bigla akong natahimik.
Nang makarating na kami sa may highway ay agad niya akong binaba. Sakto naman na may taxi na paparating na agad nitong pinara.
“Manong, ito ang address kung saan mo siya dadalhin,” saad nito at agad na binuksan ang pinto ng kotse kaagad niya akong pinapasok sa loob ng kotse.
Nang lingunin ko siya ay nakayuko ito habang natatakpan ang mukha nito dahil sa suot-suot nitong sumbrero.
“Umalis na kayo manong,” sabay abot ng bayad dito.
Hindi ko alam pero sa pagkakataong ito, naramdaman ng puso ko na mabuti itong tao.
Mabilis na pinaharurot ni manong driver ang kotse kaya hindi ko na nagawa pang magpasalamat dito kahit pa sa kabilang banda ng aking isipan ay masama itong tao.