Padabog akong pumasok sa loob at nang matanaw ko na nagtatawanan sila ay mas nilakasan ko ang bawat hakbang at pagkakasara ko sa pinto. Nakaka-inis, napaka walanghiya. Sa baso pa talaga na ginamit ko s'ya uminom, at sa halip na humingi ng sorry ay tinawanan n'ya pa ako.
"Ano'ng nangyari sa'yo?" Tanong sa akin ni Isabelle nang makasalubong ko s'ya pero hindi ko s'ya pinansin. Nagtuloy tuloy ako papasok at dumiretso sa kwarto.
Binuksan ko ang bintana sa tabi ng kama at hinayaan na pumasok ang malamig na hangin. Ipinikit ko ang aking mga mata at dinama ang simoy nito upang kumalma. Nakaka-kalma ang naghahalong amoy ng dagat at buhangin. May kasamang alat ang lamig at nakaka-payapa ang ingay ng alon sa tuwing susubukan nitong yakapin ang dalampasigan. Kung hindi lamang dahil kay Lance ay baka napaka perpekto na ng bakasyon na ito.
"Kung magmumukmok ka lang d'yan sa loob ng kwarto at tatanawin ang dagat ay hindi mo mae-enjoy ang ganda nito."
Napalukso ako palayo sa bintana dahil sa gulat nang may bigla na lamang magsalita. Pinulot ko ang tsinelas na nasa baba ng aking kama at ipinalo ito sa lalaking prenteng nakasandal sa pader ng bintana at may hawak na bote ng beer.
"Bakit ba bigla bigla ka na lang nanggugulat?" Ibinaba ko ang hawak na tsinelas at sinilip s'ya mula sa bintana. Mababa lang ang bintana ng kwarto at pwedeng laktawin lang para makalabas.
"Gusto mo?" Itinaas n'ya ang hawak na beer na kaagad kong inilingan. May dalawang bote ng beer ang wala ng laman at may hawak pa s'yang isang bote sa kanan n'yang kamay. Lumaktaw ako sa bintana para makapunta sa tabi n'ya. Pinagpagan ko ang bato sa tabi n’ya gamit ang aking kamay para mawala ang alikabok.
"Ang alam ko nasa bakasyon tayo, bakit ka naman nagpapakalunod sa alak?" Tanong ko nang maka-upo ako sa tabi n'ya.
"Eh ikaw, bakit ka nagkukulong lang sa kwarto? Akala ko ba bakasyon ito?" Nag-iwas ako ng tingin nang ibalik n'ya sa akin ang tanong.
Inabot ko ang chips na nasa tabi n'ya na hindi n'ya naman nabuksan. I'll just get the honor of opening the chips and eating them. Mukha naman na wala s'yang balak kainin ito. Hindi ko s'ya sinagot at hindi na rin naman n'ya ako kinulit.
Ilang minuto pa lamang ang nakakalipas ay hindi ko na mabilang kung naka-ilang paypay na ako. Ang dami ng lamok at naka-ilang tapik na rin ako sa mga binti ko.
"Anong ginagawa mo?" Tanong ko nang ipatong n'ya sa mga binti ko ang isang pulang panyo.
"Sorry wala akong jacket, sino ba’ng nagsabi sa'yo na lumiban ka papunta dito? Tingnan mo ang binti mo, namumula na at andaming mga pantal." Nakagat ko ang labi ko dahil sa sinabi n'ya. Para s’yang kuya na sinasabihan ang bunsong kapatid na nakagawa ng kasalanan. Nakangiti ko s'yang tiningnan at sinundot ang tagiliran nito upang kilitiin.
"Pinapangaralan mo ba ako?" Panunukso ko sa kan'ya.
"Tigilan mo nga ako, at anong tingin na naman 'yan?"
“Ano ba!” Saway ko nang guluhin n’ya ang buhok ko. "May gusto pala akong itanong." Ibinaba n'ya ang kamay na nasa ulo ko at biglang sumeryoso. "Bakit ka nandito?" tanong ko sa kan’ya.
"Dahil kay Lolo" Napakunot ako ng noo dahil sa sinabi n’ya.
"Huh? Sinong Lolo?" Gulat kong tanong sa kan'ya. Nakita ko pa ang sunod sunod n'yang paglunok at ang marahang pagtaas ng kan'yang balikat.
"Ano wala yun, ano nga ulit ang tanong mo?"
"Ang sabi ko, bakit ka nandito? Bakit ka nag-iisa at nagpapaka-lasing samantalang busy ang lahat sa loob?" Ngayon ko lang nakitang ganito si Stephen. Hindi ko alam kung ano ang problema n’ya pero ramdam ko na meron. Hindi naman siguro s’ya mag-iinom nang mag-isa kung wala lang. Okay pa sana kung isang bote lang ang iniinom n’ya, pero patatlong bote na n’ya ng beer ngayon.
Napa-ayos s'ya ng upo at uminom sa bote ng beer na hawak n'ya. Ayaw ko naman s’yang pigilan kaya hinayaan ko na lang s’ya sa ginagawa n’ya. Mukha naman na mataas ang alcohol tolerance n’ya dahil normal pa rin s’ya at hindi lasing.
"Yun ba, wala naman." Pumulot s'ya ng bato na nasa harap n'ya at ibinato sa kawalan. “Gusto ko lang magpahangin. Masarap ang simoy ng hangin ngayon dahil may kasamang lamig.”
“Tapos ‘yang alak ang pampa-init mo ganun?” Sarkastiko kong sabi sa kan’ya pero ang hudyo ay tinawanan lang ako. Tumayo s’ya at may dinukot sa bulsa ng pantalon n’ya. Iniabot n’ya sa akin ang isang chocolate bar na kaagad kong tinanggap.
Walang nagsasalita sa aming dalawa. Ang ingay lang ng alon at bulong ng hangin ang tangi naming naririnig. Wala rin naman akong sasabihin kaya ang chocolate bar na lang na ibinigay n’ya ang pinagtuunan ko ng pansin.
“Nadz”
“Hmm”
"Naranasan mo na bang magmahal ng taong alam mong hindi ka kayang mahalin pabalik. Yung tipong kahit anong pagpapa-pansin pa ang gawin mo, kung sa iba s'ya nakatingin, wala rin. Kasi habang minamahal ko s'ya, ay may minamahal s'yang iba."
Hindi ako nakapagsalita. Kaya ba s'ya mag-isang nag-iinom dito? Inabot ko lang ang kamay n'ya at pinisil ito para maramdaman n'ya na hindi s'ya nag-iisa, pero kaagad ko rin namang binitiwan ang kamay n'ya, dahil bigla akong nailang sa paraan n'ya ng pagtingin n’ya sa akin. Ramdam ko na malungkot s'ya at nasasaktan. Kahit na medyo madilim ay nakikita ko pa rin ang pagguhit ng sakit sa mukha n'ya.
"Kung ganito rin lang pala kasakit magmahal, sana hindi ko na lang naramdaman."
Tulad n'ya ay pumulot rin ako ng bato at itinapon ito sa dagat. "Alam mo, kung hindi ka mahal ng taong mahal mo, huwag kang magreklamo. Kasi, may mga tao rin na hindi mo mahal pero mahal ka."
"Wala ka namang magagawa sa nararamdaman mo ngayon eh. Ang magagawa mo lang para maibsan 'yan ay ang umiyak. Iyak lang ang katapat n'yan, kasi kapag ang luha ay pinigilan mo, mas lalong magpupumilit lumabas 'yan, at kapag ang lungkot sinarili mo, mas lalong sasakit. Kaya kailangan mong humanap ng paraan para mailabas 'yan." Hinampas ko s'ya sa balikat nang marinig ko s'yang tumatawa. Kanina n’ya pa akong tinatawanan. Ang seryoso ko tapos tatawanan n'ya lang.
"Ikaw huh! Masyado kang madaming nalalaman pagdating sa love. Sabihin mo nga, na-inlove ka na ba? Nadz, sinasabi ko sa'yo bawal ka pang ma-inlove. Kapag may nanligaw sa'yo kailangan dumaan muna sa akin. Maliwanag ba?"
"Ano kita, kuya?"
Bigla naman s'yang natahimik sa sinabi ko. Hindi ko alam kung may mali ba akong nasabi dahil nag-iba ang atmosphere sa pagitan naming dalawa. Naging kakaiba ang katahimikan ng paligid. Ang lamig ng hangin ay biglang nanuot sa aking balat, lalo pa nang makita ko s’yang seryoso.
Hinawakan n’ya ang magkabila kong balikat at seyoso akong tiningnan sa mga mata. Bigla akong kinabahan sa ginawa n’ya dahil hindi ko maipaliwanag ang ekspresyon n’ya ngayon. Ilang beses pa s’yang nagbuntong hininga at paminsan minsang nag-iiwas ng tingin.
“Nadz”
Hindi ako nakapagsalita nang tinawag n’ya ang pangalan ko. Pakiramdam ko ay hawak ko ang aking hininga at hindi ko ito mailabas. Itinaas n’ya ang kanan n’yang kamay kaya naipikit ko ang aking mata nang ilapit n’ya ito sa akin.
“Aray!” Sigaw ko ng pitikin n’ya ang noo ko. Naitulak ko s’ya palayo at padabog na nagpagpag ng binti. “Ang sakit huh!”
“Ang seryoso mo kasi. Ano ka ba, syempre magkaibigan tayo kaya kailangan na makilala muna namin ang lalaking manliligaw sa’yo.”
“Ewan ko sa’yo. Pumasok na nga tayo sa loob. Baka hinahanap na nila tayo.” Hindi ko na s’ya hinintay at nauna na akong pumasok sa loob. Sa bintana lang ulit ako lumiban at kaagad naghanap ng salamin. Ang sakit ng pagkaka-pitik n’ya sa noo ko. Feeling ko tuloy ay namumula na ito. Bakit ba pare-parehas silang may mga sapak sa utak?