A MOTHER'S DIARY

1639 Words
Maaga pa lang pero parang tanghali na dahil sa sagutan naming dalawa ng mama ko. "Makinig ka naman sa 'kin anak. Hindi porket malaki at dalaga ka na ay sarili mo na lang susundin mo. Lagi ka na lang gabi umuuwi kasama mga barkada mo at kung saan-saan ka na pumupunta ng hindi namin alam. Paano kung may mangyaring masama sa'yo ng hindi namin nalalaman ng papa mo?" nagpapaunawang sabi sa akin ng aking ina. "Pero ma, malaki na ako at kaya ko na ang sarili ko! Kaya huwag na po kayong mag-alala sa'kin! Sige na po aakyat na lang ako papunta sa kuwarto ko," nakasimangot na sabi ko sa kanya. Habang umaakyat ako ay maraming katanungan ang nasa isipan ko. Kung bakit ba laging ganyan si mama na masyadong mahigpit sa'kin. Hindi ba niya alam na nakakasakal na yung ginagawa niya. Bakit kasi siya pa naging mama ko! Sana iba na lang, buti pa yung ibang nanay hindi katulad niya. Araw-araw na lang kasi palaging may kumento siya sa mga ginagawa ko. Kesyo ganito, kesyo ganyan. Nakakainis na! Okay lang naman sana yung ginagawa niya kaso nasosobrahan minsan. Kaya nga palagi na lang akong pumupunta sa kuwarto ko kapag nagkakasagutan kami ni mama. Pumunta ulit ako saglit sa labas para maghanap ng babasahin. Tutal naman hindi ako makakalabas kaya magbabasa na lang ako. May lakad sana kami ng mga kaibigan ko ngayon kaso hindi naman ako pinayagan. Habang tumitingin-tingin sa shelves kung saan maraming libro ay may nakita akong pumukaw ng interest ko. Isang notebook na may disenyong ribbon at korona. "Ang ganda naman ng notebook na 'to!" Mahinang bulong ko sa aking sarili at binuklat saglit ang pahina para tingnan kung may sulat ba ito o wala. Kumuha rin ako ng iba pang libro para hindi ako pabalik-balik na kumuha ng babasahin dito sa shelves. Mabuti na lang talaga kahit papaano may mapaglilibangan ako rito sa bahay. Si mama naman nandun sa baba ng bahay walang ibang ginawa kung hindi maglinis ng bahay at si papa naman puro trabaho ang inatupag. What a life! Umaga pa lang pero parang gusto ko ng gawing gabi. Tapos bakasyon pa namin ngayon grabe nakakatamad talaga. Ilang oras rin akong nagbasa ng mga libro kaya natapos ko ng basahin ang tatlong season ng 'The Vampires Diary'. Nabitin nga ako kaso hanggang dun lang ang kopya ng libro na mayroon sa bahay. Na-iimagine ko tuloy kung gaano kaguwapo at kakisig si Damon. "Presea bumaba ka na rito at kakain na tayo ng paborito mong adobo!" sigaw sa'kin ni mama. Hindi sana ako pupunta sa baba kaso nakaramdam ako ng pagkulo ng tiyan kaya tumayo na ako sa kama para bumaba. "Opo bababa na ako riyan!" pasigaw ding sagot ko kay mama. Kung hindi lang talaga ako gutom hindi muna ako pupunta sa baba para kumain. Kapag kasi nakakasabay ko si mama kumain wala na siyang ginawa kung hindi ang magsermon na parang pari sa'kin. Pagkatapos ko kumain ng tanghalian ay pumunta na ulit ako sa kuwarto upang mabasa kung anuman yung nasa notebook. Kinuha ko agad 'yong notebook sa ibabaw ng lamesa ko bago tumalon paupo sa malambot kong kama. Noong binuksan ko yung kuwaderno ay napansin kong dalawang pahina lang nito yung may sulat. "Diary pala 'tong nakuha ko na nakalagay sa notebook," binuklat-buklat ko ang kuwaderno. "Ano ba 'yan maiksi lang pala 'to akala ko maraming nakasulat!" inis na sabi ko sa kuwadernong nakuha ko. Pero binasa ko pa rin para may pampatulog ako. June 14, 2000 Dear Anak, Ito 'yong unang beses na gumawa ako ng diary. Hindi ko nga alam kung bakit ginawa ko 'to pero uso kasi ang diary ngayon kaya huwag ka ng magtaka pa anak. Alam kong hindi na ako bata para gumawa pa nito pero wala akong pakialam. Ginawa ko 'tong diary na ito para sa aking anak na si Presea Miranda. Alam ko kapag nabasa mo itong diary ay nasa wastong gulang ka na. Alam mo anak, mahal na mahal kita. Gustong-gusto kong makita 'yong maamo mong mukha tuwing natutulog ka. Isang buwan ka pa lang pero napakalikot mo na. Ikaw 'yong kayamanan na hinangad namin noong bago pa lang kami mag-asawa ng iyong amang si Logan. Anak, ang ganda-ganda mo talaga. Kamukhang-kamukha mo talaga ang papa mo. Paano kasi noong pinagbubuntis kita buwisit na buwisit ako sa papa mo. 'yon pala siya na pala ang pinaglilihaan ko. Mabuti na lang tulog ka ngayon at nakakapagpahinga ako mag-alaga sa'yo. Nasa trabaho kasi ngayon ang papa mo e. Alam mo ba anak noong pinagbubuntis kita ilang buwan rin pa bago ko nalamang buntis ako sa'yo? Nalaman ko lang na buntis ako dahil ilang linggo rin ako walang ganang kumain at suka nang suka. Tuwang-tuwa talaga ako nang malaman ko ulit na buntis ako anak. Kung hindi lang sana ako nakunan noong pinagbubuntis ko ang ate mo ay dalawa na siguro kayo. Akala ko kasi hindi na ulit kami makabubuo ng anak dahil nga nakunan ako. Pero mabait pa rin ang Diyos dahil ibinigay ka niya sa amin. 'yong mga panahon kasing 'yon ay may problema sa pamilya ko at sa pamilya ng Papa Logan mo. Kaya anak ipinapangako namin ng papa mo na aalagaan ka namin at lahat ng mga pangangailangan mo ay ibibigay namin hanggang sa abot ng aming makakaya. Nagmamahal, Shanley Tapos ko ng basahin ang unang pahina pero halo-halong emosyong ang nararamdaman ko ngayon. Pakiramdam ko tuloy parang hindi ako karapatdapat na maging anak nila dahil sa mga kalokohang ginagawa ko. Sa totoo niyan wala ata akong hiniling sa kanila na hindi nila pinagsusumikapang ibigay sa'kin. Ano ba kasing nangyari sa'kin? Febuary 15, 2001 Dear Anak, Matagal na ulit bago nasundan ang unang pahina nito paano kasi maraming mga nangyari noong nakalipas na buwan. Pasensiya ka na anak kailangan ka namin iwan ng papa mo sa lola mo sa Divisoria dahil kailangan ko na ring tulungan ang papa mo magtrabaho para hindi na tayo kulangin sa panggastos sa pang-araw-araw. Kulang kasi 'yong sahod ng papa mo para pambili ng gatas, diaper, pagkain at iba pang gastusin natin. Sana anak huwag mong isipin na hindi ka namin mahal kaya nandiyan ka sa lola't lolo mo. Kung hindi ko kasi tutulungan ang papa mo na magtrabaho at magkapera baka mabaon na tayo sa utang sa lolo't lola mo. Anak huwag kang mag-alala kapag may sapat na kaming ipon kukunin ka namin sa lola mo. Mahal na mahal ka namin anak. Lahat ng mga ginagawa naming pagtitiis at paghihirap na hindi ka namin kasama sa bahay ay kinakaya namin para sa'yo. Kaya hindi ko hahayaan na may mangyari sa'yong masama tulad ng mga napapanuod ko sa balita. Anak sana paglaki mo ay maging isa kang masayahin, matalino, madasalin at mabait na bata. Nagmamahal, Shanley Sa isang araw lang na ito ay marami akong natuklasan tungkol sa mama ko kung bakit siya ganyan na lamang kahigpit sa'kin. Bakit ba ako naging ganito ako kasutil na anak sa kanila? Naramdaman ko na lang na kusang tumulo ang mga luha ko. "Patawad mama dahil masyado akong naging pasaway na anak," bulong ko sa aking sarili habang tahimik na umiiyak sa aking silid. Natatandaan ko pa na dinadalaw nila ako kina lolo't lola tuwing wala silang pasok at dinadalhan ng mga pangangailangan ko. Limang taon na rin kasi ako noon bago ako kunin nina mama at papa para makasama nila. Malapit naman ako sa kanila noon kaso hindi ko alam kung bakit habang lumalaki ako ay nararamdaman kong lumalayo ang loob ko sa kanila. Dala na rin siguro ng pagdadalaga ko kaya ako ganito. Pero ipinapangako ko ngayon na babawi ako sa mga panahong naging isa akong walang kuwentang anak. Pinunasan ko ang luha sa aking mukha at isinarado na ang kuwadernong hawak ko. Ngayong may edad na rin sila mama at papa ito na siguro ang oras para tulungan ko naman sila sa mga simpleng bagay tulad ng paggawa ng gawaing bahay. Siguro tinadhana ng Diyos na ngayong araw ay mabasa ko ang diary ni mama na ginawa niya para sa akin. Na-realized ko na masuwerte ako dahil may magulang ako na handang ibigay ang mga pangangailangan ko ng hindi nagrereklamo. "Salamat mama, salamat papa dahil naging magulang ko kayo," nakangiting sabi ko sa aking sarili bago buksan ang pinto at bumaba para tulungan si mama sa pag-aasikaso ng kakainin para sa hapunan. Sigurado akong magugulat sila kung bakit bigla akong nagbago kaya uunti-untiin ko ang pagiging isa kong mabuting anak. Iiwasan ko na rin ang ibang barkada ko na mga naliligaw ng landas para hindi ako mahawa. Mag-aaral na talaga ako nang mabuti sa pasukan. Pumunta na ako sa baba para tulungan si mama sa paghahanda niya ng pagkain para sa hapunan namin. "Ma, anong lulutuin mong ulam para mamaya?" nakangiting ko kay mama habang tumitingin sa ginagawa niya sa kusina. "Aba Presea, parang umakyat ka lang kanina sa kuwarto mo naging maganda na ang mood mo!" nakatawang sabi ni mama sa'kin. Sabi na nga ba mabibigla siya kapag maganda yung pakikitungo ka sa kanya. Sabagay matagal din ata akong laging nakabusangot kapag haharap sa kanya. Kaya sino ba naman ang hindi mabibigla kapag nakita niya akong nakangiti ngayon? "Wala 'to ma, ayaw niyo ba 'yon? Hindi ako madaling tatanda dahil iiwas na ako sa pagbusangot?" sagot ko naman kay mama. "Sabagay tama ka naman anak. Iwas-iwasan mo na 'yan pagiging magagalitin mo kasi baka nga mas mukha ka pang matanda kapag nagkataon," nakangiting sabi ni mama sa akin. "Tama na nga 'yan ma!" iwas na sagot ko sa kanya. Siguro nga kaya lang sila mahigpit sa akin dahil mahal lang nila ako at ayaw nilang may mangyaring masama sa'kin. Simula ngayon susundin ko na si mama sa lahat ng mga pangaral niya sa'kin. Pero siyempre susundin ko lang 'yong alam kong makakabuti rin sa'kin. Wakas...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD